Chapter 8

2703 Words
** Napasandal si Matthew sa kanyang swivel chair nang matapos pirmahan ang isang set ng dokumento. Pero wala pa siya sa kalahati ngunit sumasakit na ang batok niya. Dalawang oras na siyang nagre-review at pumipirma roon. Napatingin siya sa orasan at mag-aalas diyes na pero wala pa si Mrs. Santos. Hinihintay niya ito dahil alam niyang parang bulkan itong sasabog. Bumuntonghininga siya at babalik na sana sa pagpirma ng may kumatok. Bumukas ang pinto at pumasok si Rina. “Sir, nandito na po si Mrs. Santos,” sambit nito. “Sige, papasukin mo. Dito na lang kami mag-uusap,” sagot niya. Tumango si Rina at nilakihan ang bukas ng pintuan. Pumasok ang isang ginang na nasa late forties. Nakapusod ang buhok nito at ang mataray nitong mukha ang nagpatayo sa kanya. “Good morning, Mrs. Santos, take a sit,” sambit niya. Pero nanatili itong nakatayo sa tapat niya habang diretsong nakatingin sa kanya. “I don't need your sweet words, Matthew. I need an answer from your mouth,” sambit nito. Matamlay siyang tumango. Pagod na siya pero hindi siya pwedeng magpahinga. “What is it, Mrs. Santos? Sasagutin ko kung ano man ang tanong mo,” sagot niya. “Is it true? That Benz and Andrews company wants to invest in your company?” tanong nito. “Yes,” tipid niyang sagot. “And pumayag ka?“ Pp “No—” “No but you consider their offer, right? Kilala sila ng ama mo so may chance na tanggapin mo ang offer nila,” wika nito. Hindi siya agad nakaimik kahit pa wala pa naman siyang sagot sa dalawa. “Tandaan mo, Matthew. Once na tanggapin mo sila sa company mo, hindi ako magdadalawang-isip na alisin ang shares ko rito at ang mga assets ko! Hindi ako manghihinyang sa inyo!” sigaw nito at tinalikuran siya saka ito naglakad palabas ng opisina niya. Napabuntonghininga siya at napaupo. Kumirot ang sintido niya kaya hinilot niya ito. Hindi niya alam ang gagawin. Naiipit siya ngayon. Lahat naman ng problema naaayos niya pero not this one. Magandang kasosyo sa negosyo si Mrs. Santos kaya hindi niya ito pinapakawalan. Ngunit ngayon kakilala ng ama ang gustong mag-invest sa kanya, nahihirapan siya. Biglang tumunog ang cellphone niya at nakita niyang si Kael ang tumatawag. Kinuha niya iyon at sinagot iyon. "Zup, bro!” tawag nito. "Yes?” sagot niya. “Diamond tayo mamaya. May nakilala akong chicks. One of them want you,” wika nito. Hindi napawi ng balita nito ang problema niya. “Pass muna ako, bro. I have something to do in my office,” wika niya habang nakatingin sa nakatambak na papel. “Woah! Is that you, Matthew? Himala, tumanggi ka!” mangha nitong sabi. “I’m busy, Mikael. Ikaw na lang muna. Babawi ako kapag wala na akong masyadong trabaho,” saad niya. “Ibang klase talaga. Sige, hihintayin ko ang araw na ’yan. Sa ngayon, malalamangan muna kita sa babae,” biro nito bago patayin ang tawag. Naiiling na nalang siyang ibinalik ang cellphone sa bulsa niya. Pagkatapos ay huminga siya ng malalim saka muling bumalik sa pagpirma. ** Samantala abala naman si Stella sa pagdidilig ng halaman. Pagkatapos niyang walisan ang buong paligid, iyon agad ang ginawa niya. Tinanggalan din niya ng damo ang halaman para maging maganda itong tingnan. Kinakausap niya rin ang mga ito dahil isa iyon sa nakakatulong sa paglago ng mga ito. “Ayan, malinis at bagong ligo na kayo. Huwag na kayo magrereklamo, ah. Mamaya ulit hapon ko kayo paliliguan,” pagkausap niya sa mga ito. “Aba, iba ka pala mag-alaga ng halaman. Ganyan ang gusto ni Elvira,” wika ni Divina nang lapitan siya nito. May dala itong tray na may lamang juice at cookies. “Nakahiligan ko lang po,” sagot niya. “Siya, magmeryenda ka muna,” wika nito at naglakad sa isang mesang gawa sa bato. Inilapag nito roon ang tray. Lumapit siya sa gripo at naghugas ng kamay bago umupo. “Salamat po rito, Manang Divi,” wika niya. “Sige, maiwan muna kita. Dinala ko lang ’yan dahil kanina ka pa nagtatrabaho tapos hindi ka naman napasok para magmeryenda kaya dinalhan na kita. Magluluto pa ako kaya babalik na ako sa loob,” sambit nito. Tumango lang siya at ngumiti. Umalis na ito habang nagsimula na siyang tikman ang meryendang nakahain sa kanya. Hindi nagtagal, natapos siyang magmeryenda. Pagkatapos niya ay pumasok na siya sa loob. Nadatnan niyang nagpupunas si Mira ng mga figurines at divider sa sala. “Tapos ka na?” tanong nito. Tumango siya. “Pakitulungan naman si Clara sa second floor. Hindi pa kasi siya tapos sa kwarto ni Sir. Matthew, may tatlong kwarto pang lilinisin. Nasa taas na rin si Rissa,” sambit nito. “Sige, dadalhin ko lang ito sa kusina,” sagot niya. “Okay. Salamat,” saad nito. Hindi na siya sumagot at nagtungo na sa kusina para ilagay sa lababo ang ginamit niya. Huhugasan sana niya pero pinigilan siya ni Divina kaya hinayaan na lang niya. Kumuha siya ng walis at mop, marami naman iyon kaya pwede silang magtig-iisa. Sunod ay umakyat siya sa taas. Pag-akyat niya, nakita niya si Clara na lumabas sa isang kwarto na nakasimangot. Inirapan siya nito pero hindi niya na lang pinansin. Pumasok siya sa isang kwarto at sinimulan ang paglilinis. Pagkalipas ng dalawang oras, natapos din sila sa paglilinis. Tumulong na sila sa paghahain dahil uuwi si Elvira at Myra. Baka mag-stay na rin sa bahay sa Elvira dahil ayaw na itong pagtrabahuhin ni Marvin. Naroon din si Elvin at pahinga nito kaya maraming tao ngayon ang bahay ng mga Del Frado. Pagkatapos nilang maghain, saktong dumating sina Myra at Elvira. Tinawag na rin ni Divina si Elvin para magsabay-sabay ang mga ito sa pagkain. Bumalik muna sila sa kusina habang kumakain ang mga ito. * “Mom, why are you here? Himala at iniwan ninyo ang shop?” tanong ni Elvin sa ina. Dahil ang alam nga nito ay may trabaho ito sa kanilang flower shop. “I will be staying here from now on. Ayaw na ng daddy ninyo na magtrabaho ako, gusto na lang daw niya na nandito ako sa bahay,” sagot nito. “That’s good idea, mom. Hindi na kasi nagkakatao ang bahay dahil lahat tayo palaging nasa trabaho. Magpapahinga rin muna ako dahil hindi na rin naman ako kailangan sa office ni Matthew. I know, kaya na niyang i-handle iyon mag-isa. Makikipag-usap na lang ako through laptop if kailangan ako,” sagot ni Myra. “I agree with dad, mom. Mas mabuting dito na lang kayo. Mas masarap pa rin kasing umuwi ng bahay kapag alam mong may naghihintay,” singit ni Elvin. “Alam ko. Don't worry mga anak, kahit ayaw ko wala na rin ako magagawa dahil nagdesisyon na ang daddy mo. Isa pa, gusto ko rin asikasuhin ang daddy ninyo. Dahil nang magtrabaho ako ay hindi ko na siya naaasikaso,” sagot ni Elvira sa mga anak. Napangiti naman ang mga ito at hindi na sumagot pa. May dalawa dalawa silang company. Isa ay Del Frado’s Group of company. Hinahandle ito ni Matthew dahil ito ay puro alak. Habang ang isa ay Del Frado's Corporation. Ang kanyang ama at si Elvin ang nag-aasikaso nito. Tungkol ito sa mga metal and coco lumber na sinusupply nila. Habang may lima silang restaurant at dalawang flower shop. May mga taong nakatalaga para asikasuhin iyon kaya hindi na talaga kailangan ni Elvira na magtrabaho, dahil maghihintay na lang siyang pumasok ang pera sa kanya. Marami silang negosyo kaya naman ayaw nitong mapupunta ang mga anak niya sa basta-bastang tao lang. Galing si Elvira sa mayamang pamilya at arrange marriage kaya nais niya rin iyon gawin sa mga anak niya pero hindi muna sa ngayon. Dahil ayaw niya pa rin pangunahan ang mga ito pero kung handa na ang mga ito na mag-settle down ay siya ang pipili ng mga mapapangasawa ng mga ito. “Anyway, nalalapit na ang pagdating mga Nieves from states. They planned to invest in our company,” wika nito. "Wow! That's great. Tito Daniel is one of dad’s close friends kaya maganda nga ’yan,” sagot ni Myra. “Yes and naisip ko na i-arrange marriage si Sofia kay Matt para hindi siya maging sakit sa ulo,” wika nito. “What? That's impossible, mom. Kilala natin si Matthew, he wants to party and enjoy his life of being single. Tatanggi siya, mom,” wika ni Elvin. Alam niya iyon kaya naman hindi niya bibiglain si Matt. Matagal na nilang kilala ang pamilya Nieves at maganda naman si Sofia kaya baka mapapayag niya si Matt. Isa pa, kakausapin pa rin naman niya ang pamilya Nieves para sa plano niyang iyon. “I know. Hindi pa naman ngayon dahil kakausapin ko pa si Daniel at Patricia. Sa akin lang naman, plano ko pa lang naman ’yon,” sambit ni Elvira. Tumango na lang ang mga anak niya. Hindi pa rin siya sigurado dahil hindi pa rin naman niya iyon nasasabi sa asawa niya. Kanina lang nagsabi si Patricia tungkol sa pag-uwi nito at next month pa naman uuwi ang mga ito. ** Alas otso na nang matapos si Matthew sa trabaho niya. Sumakit ang batok at ulo niya sa maghapong babad sa pagpirma at pagbabasa ng mga dokumento. “D*mn! I’m tired!” bulalas niya ng sumandal sa kanyang swivel chair. Napailing siya at niluwagan ang suot na coat. Kahit tapos na ang trabaho niya ay hindi pa rin naman tapos ang problema niya. Huminga siya ng malalim bago tumayo at naglakad palabas ng kanyang opisina. Naabutan pa niya si Rina na nagliligpit pero hindi na niya ito pinansin. He wants to rest because he's really tired. Bumaba na siya ng company at dumiretso sa kanyang sasakyan. Gustuhin man niyang sumunod sa diamond bar dahil kararating lang doon ni Kael ay ayaw niya. May problema siya ngayon at hindi siya pwedeng pumarty dahil kung makakarating iyon sa daddy niya ay mapapagalitan siya nito. Isa pa, ayaw rin niyang balewalain at palakihin ang problema. Susubukan niyang ayusin ang lahat. Pagdating niya sa bahay nila. Saktong kabababa lang ng kanyang ina mula sa second floor. Tumingin ito sa orasan ng bahay nila bago bumalik ang tingin sa kanya. “Bakit ngayon ka lang? Mabuti at bago pa lang kami magdi-dinner. Baka mamaya kung kaninong babae ka na naman galing,” sambit nito. Hindi na siya sumagot pa dahil tila wala na siyang lakas makipagtalo sa ina. “Fix yourself before you eat. Baka kung ano ang sabihin ng daddy mo,” dagdag pa nito. “Okay, mom. I’ll just change,” sagot niya at nilampasan na ito. Umakyat siya sa second floor at dumiretso sa kwarto niya. Tila hinihila siya ng kama niya pero dumiretso siya sa walk-in-closet niya para magpalit. Pagkatapos ay nilagay na niya sa laundry ng marumihan ang hinubad niya saka bumababa para magtungo sa dining. Pagdating niya roon, umupo agad siya sa upuan niya at sabay-sabay na silang kumain. Gusto sana niyang i-open ang problema niya pero mas pinili niyang manahimik. Sa kanyang ama na lang siya hihingi ng advice dahil hindi niya rin direktang sasabihin sa ama ang totoong problema. PAGKATAPOS nilang kumain, tumambay ang kanyang ama sa kanilang veranda. Nagbabasa ito ng dyaryo habang ang kanyang ina ay nasa kwarto na. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon. Lumapit siya sa ama at umupo sa katabi nitong bakanteng upuan. “Dad, can we talk?” bungad niya. Ibinaba nito ang dyaryo na binabasa at tiningnan siya. "What is it? Problema sa company?” tanong nito. Napatitig siya rito. Ayaw sana niyang sabihin pero tila kailangan niya talaga ang ama. “Konting problema lang, dad,” saad niya. “Really? Hindi ka lalapit sa akin kung ganyan lang,” sagot nito. Napangiti siya. Kilala talaga siya ng ama kaya napailing siya. “Medyo, dad. Malapit kasi sa inyo ang problema. Benz and Andrews company wants to invest in our company,” panimula niya. "Oh, yes, nabanggit nga nila sa akin ’yan. What's the matter? Maayos sila kanegosyo although medyo nalulugi na yata ang company nila that's why they need our help,” tugon nito. Hindi agad siya nakasagot. Hindi kasi alam nito ang isyu sa pagitan ni Mrs. Santos at ng Benz and Andrews. Pero alam nitong kasosyo niya si Mrs. Santos. “I think subukan mo rin i-consider ang offer nila. Lumapit na sila sa akin at ikaw nga ang gusto nilang kasosyo dahil nasa softdrinks ang business nila. Isa pa, isa sila sa tumulong noon sa atin nang muntik nang malugi ang negosyo natin. Siguro, maliit na bagay lang itong hinihingi nila sa ’yo,” saad nito. Lalo siyang nahirapan sa sagot nito. “Paano kung kapag tinanggap ko sila, may mag-fu-full out ng shares sa company dahil ayaw silang kasosyo sa negosyo?” tanong niya. Napatingin ito sa kanya. “Why? Mayroon bang may ayaw sa Benz and Andrews? Anyway, that's impossible. Wala naman aalis sa atin dahil maganda naman ang takbo ng negosyo natin. But, tungkol sa tanong mo, maybe you should let them go. Ang mga negosyante hindi namemersonal pagdating sa business. Labas ang business sa kung ano ang personal na problema meron sila,” sagot nito at tinapik siya sa braso. Napangiti siya at tumango. Kahit papaano ay nakakuha siya ng sagot. May punto rin naman ang daddy niya sa sinabi nito. “Isa pa, huwag mo masyadong problemahin ’yan. Marami tayong business at maraming negosyante ang gustong mag-invest sa atin. I think, hindi naman kawalan ang isang aalis. Sa company mo ba ’yan?” tanong nito. Tumayo siya at umiling. Hindi na lang niya sasabihin ang totoo. “No, dad. Naisip ko lang kung may ganoong problema akong ma-encounter, alam ko ang gagawin,” sagot niya. “That's good, son. Maganda ’yang nag-e-explore ka pa rin sa mga problema na pwede mong ma-encounter. I’m so proud of you,” wika nito. Tumango siya. “Thank you, dad. I will consider their offer. Pasensya na sa abala. Magpapahinga na po ako,” sambit niya. “Always welcome, son,” sagot nito. Hindi na siya umimik at tinalikuran na ang ama. Dumiretso siya sa kwarto niya. Pagpasok niya, nagpakawala siya ng malalim na buntonghininga at pabagsak na humiga sa sariling higaan. ** Pagkatapos kumain ni Stella at magligpit, magpapahinga na lang sila. Naisipan niyang tawagan si Sky para kumustahin. Nasa taas na rin si Mira at nagbabasa ng libro pampatulog. Ilang ring lang ay sumagot ito. “Hello, Sky? Kumusta kayo?” tanong niya. “Ate! Ayos lang po kami. Kumain na kami ni papa at tulog na rin po siya,” sagot nito. Napangiti siya sa sinabi nito dahil hindi naman pala ito pinapabayaan ng ama nila. “Mabuti naman kung ganoon. Hindi na ba siya nag-iinom?” tanong niya. “Hindi na, ate. Hindi na rin siya nagsusugal tapos nagtatanong siya kung okay ka lang diyan. At naghahanap na rin siya trabaho,” kwento nito. Natuwa siya sa sinabi nito, dahil tila naging maganda ang paglayo niya sa kanila at nakatulong pa ito. Dahil mukhang nagbabago na ang ama. “Talaga? Mabuti kung ganoon. Mukhang nagbabago na si papa. Wala na akong alalahanin,” sambit niya. “Opo, ate. Minsan nagtatanong siya sa akin tungkol sa school ko,” dagdag nito. “Mabuti ’yan, Sky. Masaya ako dahil naging maganda rin pala ang paglayo ko sa atin,” sabi niya. “Oo nga po, ate. Akala ko nga po, pababayaan ako ni papa pero hindi. Noong araw na umalis ka, pagdating ko sa hapon may pagkain na kami,” wika pa nito. “Okay ’yan. Hindi na ako mangangamba. Nga pala, ang pag-aaral mo, kumusta na?” tanong niya. “Ayos naman po, ate. Katatapos ko lang po magsagot ng assignment.” "Ganoon ba? Siya, sige, magpahinga ka na at matutulog na rin ako. Pakikumusta na lang ako kay papa, ah,” saad niya. “Sige po, ate. Pahinga na po ako. Mag-ingat ka po palagi.” “Salamat. Kayo rin, mag-ingat palagi.” Pagkatapos ng tawag ay itinabi na niya ang kanyang cellphone at humiga na. Matutulog na siya dahil bukas, panibagong araw na naman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD