Chapter 4

1640 Words
KINABUKASAN maaga siyang nagising para magluto ng almusal at baon ni Sky bago man lang siya umalis ay maasikaso niya ito. Pero pagtingin niya sa higaan nito ay wala na ito roon. Lumabas siya ng kwarto at narinig niyang may nagluluto na kaya naisip niyang si Sky iyon. Napatingin din siya sa kwarto ng kanyang ama at medyo nakaawang iyon kaya naisipan niyang pumasok muna sa loob no’n. Patay ang ilaw roon kaya binuksan niya muna at nakita niyang mahimbing ito natutulog. Lumapit siya rito at inayos ang kumot nito. Bakas na ang katandaan sa mukha ng kanyang ama at lungkot kaya minsan hindi niya rin mapigilan maawa rito. Alam niyang namimiss na nito ang kanilang ina. Nakita niya noon kung gaano nito kamahal ang kanilang mama at kung gaano ito kasaya noong buhay pa ang kanyang ina. Hinaplos lang niya ang buhok nito at hindi na ginising. Hindi na rin siya nagtagal at lumabas na ng kwarto nito. Dumiretso siya sa kusina at nakita niya nga si Sky na nagluluto nang sinaing. “Aga mo naman bumangon, Sky,” sambit niya nang makalapit. Kinuha niya ang kape at asukal para magkape. “Ikaw ba nagkape na?” tanong niya pa. “Hindi pa po. Inagahan ko lang po para masanay ako dahil bukas alam kong wala nang mag-aasikaso sa akin, saka malaki na rin ako, ate, kaya dapat matuto na rin po ako,” sagot nito. Kumuha pa siya ng isang tasa para tig-isa sila ng kape. “Pasensya ka na at hindi na kita maasikaso, ah,” sambit niya habang nagtitimpla ng kape. “Ayos lang po ’yon, ate. Magtatrabaho ka naman kaya ganoon. Saka dapat po talaga matuto na ako nito,” anito kaya napangiti siya. Inilapag niya sa tapat nito ang isang tasang kape. “Siguro, may crush ka na sa school ninyo kaya mukhang inspired ka,” tukso niya. Ngumiti naman ito at umiling. “Naku, wala pa po sa isip ko ’yan, ate. Palagi ko pong iniisip ang sakripisyo at ginagawa mo para sa akin kaya kailangan po focus lang sa goal,” sagot nito at natuwa naman siya sa sinabi nito. Mabuti na lang at swerte siya sa kapatid niya dahil naiintindihan nito ang sitwasyon nila. “Ayos lang naman kung magka-crush ka, paghanga lang naman iyon. Kung magka-girlfriend ka naman, wala rin problema basta alam mo lang ang limitasyon mo bilang isang estudyante,” paalala niya. “Alam ko po ’yon, ate, pero wala pa po talaga sa isip ko ’yan,” sagot nito. Tumango na lang siya at humigop sa kanyang kape. “Ate, saan ka po pala magtatrabaho?” tanong nito sa kanya. “Sa mga Del Frado, namasukan akong katulong doon. Kaya ako nakapag-grocery dahil may pa bonus agad kahit hindi pa nagsisimula,” sagot niya ng nakangiti. “May bonus agad po? Grabe, sobrang dami siguro nilang pera, ate, ’no?” tanong nito. “Malay pero malaking tulong ito sa atin kapag tumagal ako at kung maganda ang pasahod. Mamaya ko pa kasi malalaman,” sagot niya. “Mukha namang mababait sila, ate, kasi nag-donate sila sa school namin ng electric fan at tv,” kuwento nito. Napatango siya at napaisip na talagang mayaman mga Del Frado, hindi na ’yon maipagkakaila. “Basta, ate, ingat po ikaw roon, ah,” wika nito kaya tumango siya. “Opo, ikaw rin. At ikaw na rin bahala magsabi kay papa, hindi ko na siya ginising. Iyong pera itabi mo pero bigyan mo pa rin siya kahit isang libo,” bilin niya at nakita niya ang pagngiti nito. “Si Ate hindi rin matiis ang papa,” wika nito. “Syempre, tatay pa rin natin siya. Kahit ganyan siya ngayon, tandaan mo palaging naging mabuting ama siya sa atin. Bata ka pa noon kaya hindi mo pa alam pero sobrang alaga ka ni papa, ngayon na lang talaga nagbago. Dahil na rin siguro sa lungkot ng pagkawala ni mama, kaya ikaw konting unawa lang kay papa, ah. As long as hindi ka niya sasaktan huwag mo siyang iiwanan,” paalala niya rito. Tumango naman ito. “Opo, ate. Alam ko po ’yan saka mahal ko rin po si papa kahit minsan nakakatakot siya kapag lasing,” sambit nito kaya nagtawanan silang dalawa habang humihigop ng kape. Saktong kumulo ang sinaing kaya siya na ang tumayo para tingnan iyon. Pagkatapos maluto ng sinaing ay nagpresinta na siyang magluto ng ulam at pinaligo na niya ito. Pwede naman siya umalis kahit alasais dahil wala naman binigay na oras si Ma'am Elvira. Pinagluto niya lang ito ng frozen food na bologna pagkatapos ay naggisa siya para may sabaw ito. Nang matapos siya ay inilagay na niya sa baunan nito para kukunin na lang nito mamaya. Tapos na rin ito maligo at nagbibihis na lang. Five thirty na rin naman kaya sakto lang ang alis nito. Nang lumabas ito, bihis na at nakasukbit na ang bag kaya kinuha niya ang baon nito na nasa paper bag at ibinigay dito. “Salamat, ate. Aalis na po ako,” saad nito. “Sige. Mag-ingat ka, ah. Magte-text na lang ako kapag nasa trabaho na ako,” aniya. “Opo. Ingat ka rin doon, ate. Alis na po ako,” paalam nito. Tumango na lang siya at kumaway rito. Nang makaalis na ito, pumasok na siya sa kwarto at kumuha ng tuwalya para maligo. Dadaan pa pala siya sa karinderya para makapagpaalam kina Aling Perla at makapagpasalamat na rin sa mga ito. Pagkatapos niya maligo at magbihis, binitbit na niya ang bag na may mga damit niya at napalingon sa kwarto ng kanyang ama. Huminga siya ng malalim bago tumalikod saka naglakad palabas ng bahay. Hindi na niya ito gigisingin at si Sky na lang ang bahalang magsabi. Sana hindi nito pabayaan si Sky sa pagtatrabaho niyang iyon para hindi rin siya mag-isip masyado. Naglakad na lang siya papunta sa karinderya dahil malapit lang naman at halatang kabubukas lang no’n dahil konti pa lang ang mga luto. Wala pa rin doon sina Maris at Jenny. Nang mapansin siya ni Aling Perla ay ngumiti ito sa kanya. “Stella, kumusta? Ano? Natanggap ka ba?” tanong nito. Ngumiti siya at dahan-dahang tumango. “Opo, Aling Perla. Salamat po sa pagrekomenda at salamat din po sa ilang taong pagiging mabait sa akin. Hindi ko po kayo makakalimutan,” sagot niya. Nilapitan siya nito at hinaplos siya sa buhok. “Wala ’yon, para na kitang anak, Stella. Pwede mo akong tawaging Nanay Perla. At mag-iingat ka roon, ah?” sambit ng kanyang Nanay Perla. “Opo, kayo rin po mag-ingat dito. Ipagpaalam ninyo na lang po ako kina Maris at Ate Jenny…” sabi niya at sinilip si Mang Tomas na naglalakad palapit na nakangiti. “Wala na akong kapalitan sa pagluluto,” wika nito kaya tumawa siya. “Naku, mas masarap pa rin po luto ninyo.” “Mas magaling ka na sa akin ngayon. Basta, hija, mag-ingat ka roon. Bisita ka na lang sa amin kapag day off mo,” sambit ni Mang Tomas at tumango siya. “Huwag ka rin mag-alala kay Sky, kami bahala sa kanya. Hindi namin siya pababayaan habang wala ka,” sabi ng kanyang Nanay Perla kaya nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. “Salamat po, Nanay Perla. Iniisip ko po talaga si Sky dahil sa sitwasyon ni papa. Pero dahil po sa sinabi ninyo mapapanatag na ako,” sagot niya. Ngumiti naman ang mga ito sa kanha bago siya yumakap. Pagbitaw niya ay ngumiti siya. “Aalis na po ako, salamat po ulit sa inyo. Bibisita po ako rito kapag may oras ako,” sambit niya. Tumango sila sa kanya. “Sige, hija, mag-ingat ka roon.” Kumaway pa ang mga ito sa kanya habang naglalakad siya palayo para pumunta sa paradahan ng trysicle. Pagsakay niya sa trysicle saktong isa na lang hinihintay kaya umalis na rin iyon pagkapuno. Yakap niya ang bag niya habang nakasakay sa likod ng trysicle at hindi na siya halos nakaupo sa upuan dahil sa katabi niyang g bulong nang bulong. “Ang laki-laki naman kasi ng katabi ko.” Hindi na lang niya pinansin at umusog pa kahit wala ng uusugan. Inalis niya ang yakap sa bag niya para makakapit siya ng maayos. Nang tumigil ang sasakyan sa plaza ay bumaba na siya at nagpasya na lang na lakarin ang Del Frado's house dahil malapit na rin naman iyon sa plaza. Narinig niya pang nagsalita ’yung katabi niya kanina pero hindi na lang niya pinansin. Sanay na siya sa mga panglalait ng mga tao kaya hindi na lang niya pinapansin pero minsan kapag sobra na ang emosyon at sakit ay umiiyak siya sa isang sulok. Pero tatahan din agad dahil ayaw niyang makita siya ni Sky na nasa ganoong sitwasyon. Mag-aalala lang ito sa kanya. Hangga't wala naman siyang inaagrabyadong tao sa pagiging mataba niya, hindi siya magpapatalo sa kanila. Palagi siyang babangon para magpatuloy. Nang makarating siya sa tapat ng gate ng mga Del Frado ay tumigil muna siya at muling tiningnan bahay ng mga ito mula sa labas kung gaano kaganda ang bahay nila. Sa gilid ng gate ng pader ay may nakatatak doon na Del Frado. Kaya talagang kilala sila ng mga tao. Pinagbuksan siya ng guard na nakabantay roon ng gate. “This is it, Stella. Para kay Sky at para sa pangarap niya. Let's work hard! Aja!” bulong niya bago pumasok sa loob ng nakabukas na gate. “Good morning, manong guard!” bati niya at ngumiti. Tila nagulat pa ito sa kanya pero ngumiti rin kalaunan. Ito na, magsisimula na ang buhay at pagtatrabaho niya sa bahay ng mga Del Frado. Sana magtagal siua rito dahil malaking tulong talaga ang trabaho na ito sa kanila. Nagsimula na siyang tahakin ang daan papunta sa mismong bahay ng mga Del Frado.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD