16

2154 Words
Pumipintig na naman ang aking ulo pagkatapos ng mahabang pagtutok sa laptop kakasulat. Isinara ko ito at hinilot ang sentido. Pumikit ako habang minamasahe iyon lalo na’t nanunuot ang sakit sa loob at hinihila na ako para magpahinga.   Nagtungo ako sa aking kama at kinuha ang aking cellphone para icheck. Daniel left a message for me. Nangungumusta ito at nang-iimbita na naman ng panibagong lakad niya bukas.   Nagtipa ako ng mensahe nang tumawag bigla si Indira. Sinagot ko iyon at napangiti agad nang bumungad ang kanyang mukha. Bihis na bihis ito at mukhang may party kaya ganoon ang kanyang ayos. Tumatawa siya habang nasa kung saan ang tingin at mukhang may pinagkakatuwaan.   “Ang ganda naman...” sabi ko kaya mabilis na lumipad ang kanyang tingin sa akin.   “Cee!” excited niyang sigaw sa nangingislap na mga mata.   Tumawa ako ng bahagya hanggang nakita ang pagsilip ng ulo ni Vincent sa camera.   “Give us some time first!” Nakasimangot na sabi ni Indira habang nakatingin sa kanyang kapatid.   “Lagi kayong nag-uusap, ah? I told you to call her but I didn’t tell you to steal her attention,” si Vincent na inaagaw na ang cellphone sa kanyang kapatid.   I heard Indira’s groan while Vincent was walking away from him. Itinapat niya ang camera sa sarili at inayos ang medyo magulong buhok saka bumagsak paupo sa isang puting sofa.   Sumimangot agad ako sa kanya lalo na’t hindi siya ang gusto kong kausap.   “What’s with the face, little princess? Hindi mo ba alam kung anong petsa ngayon?” aniya at inangatan ako ng kilay.   Kumunot naman ang aking noo at napatingin sa kanyang suot na itim na shirt. Nakarolyo sa bawat bisig niya ang sleeves habang bukas ang tatlong butones. Ganyan talaga siya manamit noon pa man. Akala mo kung sinong taga ibang bansa kung tingnan lalo na rin sa kanyang features. Kaya ang daming nagkakagusto sa kanya noon pa man.   Nag-isip ako saglit. Nang makita niyang wala akong ideya ay umirap agad siya sa tamad na paraan.   “How come you don’t remember this day at all when I left a memory years ago...” wika niya na hindi nakaligtas sa aking pandinig.   Unti-unting nagsink-in kung ano ang kanyang tinutukoy lalo na’t hindi ko makakalimutan ang gabing iyon. Isa iyon sa rason kung bakit nagsimula akong malito sa kanya hanggang sa nahihiya na ako.   “Birthday mo,” namimilog ang aking mga mata nang bigkasin iyon.   Humalukipkip siya sa nagtatampong paraan.   “Tsss... Lagi mo nalang nakakalimutan...”   Ngumuso ako lalo na’t totoo rin talaga iyon. Hindi ko masyadong naipapasok sa aking kokote ang kanyang birthday. Siguro dahil iyon din ang araw na pilit kong kinakalimutan sa dami ng nanyari noong ten years old pa ako.   “Sorry. Busy lang. Happy birthday!” bigkas ko na unti-unti rin namang ikinagaan ng kanyang eskpresyon.   Dahan dahan niyang ibinalik ang tingin sa akin. Ngumiti ako para gumaan naman ang kanyang loob at mawala ang iritasyong yumayakap sa mukha kanina.   “Marami kanang utang sa akin. Ipunin mo ang mga regalo mo sa’kin at sisingilin ko ‘yan balang araw,” aniya sa supladong paraan at binasa ang pang-ibabang labi.   Namilog ang aking mga mata at humagalpak. Ano siya bata? At ano pa bang ibibigay ko sa kanya? Eh halos nasa kanya na nga ang lahat. Naalala ko tuloy iyong regalo ko noon sa kanya. Sa tiangge ko pa iyon binili at nagdadalawang isip na ibigay sa kanya. Masyado rin kasing nakakapangliit na magbigay ng ganoon sa kanya lalo na’t mukhang sanay siya sa mamahaling bagay.   “Where’s my gift?” tanong ni Vincent habang abala ako sa pagsasalin ng maiinom sa kanya.   Nagulat ako lalo na’t nawala na iyon sa aking isipan. Medyo ukyupado rin ang aking isip dahil sa nangyari sa kanilang bagay. At sa mga nasaksihan kong malaking regalo, talagang nawala ang aking interes para ibigay iyon sa kanya.   “Naiwan ko sa kuwarto ni Dira. At isa pa, hindi mo rin naman ‘yon magugustuhan,” sabi ko at itinulak palapit sa kanya ang baso ng orange juice na nagawa kong timplahin sa pitsel para sa kanya.   “Tss. Anong tingin mo sa akin, maarte?”   “Eh mayaman ka. Hindi ka sanay sa mga ganoong bagay,” sabi ko at hinaplos ang aking siko.   Umismid siya at namulsa. “Talagang ganyan ang iniisip mo sa akin. I am not what you think I am, Celeste. Marunong akong magpahalaga lalo na kung galing sa mahalagang tao...” iritado niyang bigkas at iginiya ang baso para uminom ng juice.   Ngumuso ako. Nakakapanibago minsan na ganyan ang lumalabas sa kanyang bibig at hindi pang-aasar. Para talaga siyang puzzle. Ang hirap niyang buohin. Parang nakatago ang bawat parte sa kanya at kailangan mo pang hanapin ang bawat piraso nang maintindihan mo siya ng husto. Minsan ay iniisip kong masama ang kanyang ugali at masyadong masungit lalo na’t ganoon naman talaga siya. Kaso may mga araw rin na nagtataka ako sa kanya dahil sa ugali niyang hindi ko rin naman nakasanayan.   Tumahimik ako yumuko habang hinahaplos ang aking paa gamit ang isa. Naramdaman ko ang paglingon niya sa akin.   “Why are you standing, by the way?” Hinila niya akong bigla kaya natangay agad ako patungo sa kanyang kinauupuan.   Iritado kong binawi sa kanya ang kamay at padabog na umupo sa de kahoy. May namamagitang espasyo sa aming pagitan. Rinig na rinig ang malalim na gabi sa labas at niyayakap din ng katahimikan ang loob ng bahay. Kung walang magsasalita ay talagang nakakabingi pakinggan ang katahimikan.   “Sa susunod ay lumaban ka sa mga aapi sa’yo,” aniya nang hindi na ako magsalita pa habang nakahilig sa mesa.   Napalingon ako kay Vincent. “Hindi ako palaaway ‘no...”   “But you had the audacity to throw garlic at me. Gano’n ka katapang sa akin pero tiklop ka naman pala sa ibang tao.” Naiiling niyang hinawakan ang buhok.   “Eh akala ko vampire ka. Hindi kita tinuring na tao. Hayop at delikadong nilalang ang tingin ko sa’yo noong oras na ‘yon,” paliwanag ko na ikinatalim ng tingin niya sa akin.   Kinagat ko ang labi para mapigilan ang sarili sa pagtawa.   “Then think of them as vampires, too...” giit niya.   Tumawa ako habang umiiling. Maiisip ko pa ba iyon? Eh siya kasi napaka perpektong tingnan. Parang lumiliwanag lagi at para ng diyos. Masyado siyang perpekto na nakakapangduda kung tunay ba siyang tao lalo na’t ganoon pa naman ang mga bampira.   “Ikaw lang naman ang gano’n sa mga mata ko,” sabi ko.   Naiiling niyang binasa ang labi. “Dadating ang araw na aabusuhin ka nila kung ipinagpatuloy mo ang ganyang ugali. Learn how to fight. It’s not a bad thing since it’s just a self defense in order to avoid them from hurting you.”   Tumahimik ako habang iniisip iyon ng mabuti. Hindi rin naman ako palaaway. Wala naman sigurong aapi sa akin kung iniwas ko lamang ang aking sarili sa mga ganoong tao. Siguro ay mag-iingat na ako sa susunod nang maiwasan ulit ang ganoong pangyayari. Kung hindi ko siya nabangga ay hindi naman siya magagalit sa akin.   “Eh kasalanan ko rin naman. Nabangga ko siya,” paliwanag ko na ikinaismid ni Vincent at biglang pinitik ang aking noo.   “Aray!” Sinamaan ko agad siya ng tingin habang hawak hawak iyon.   “That’s not a right excuse to hurt you and say bad things to you.”   Natutop ang aking bibig. Nag-iwas ako ng tingin sa kanya lalo na’t ayokong makita niya sa aking mukha ang umuukit na lungkot sa tuwing maaalala ko ang eksenang iyon.   Napakababa ko sa kanyang mga mata. Para akong garapata na gusto niyang tirisin dahil sa kanyang galit. Kung mayaman ba ako ay medyo mabait siya sa akin? Tatratuhin niya ba akong parang tao at hindi ako pagsasalitaan ng ganoon ka sakit na salita?   Nanaig muli ang katahimikan habang abala na si Vincent sa kakagala ng kanyang mata sa aming bahay, tila nakukuryoso. Nahihiya tuloy ako kung ano na ang naglalaro sa kanyang isipan. Baka napagtanto niyang ganoon talaga kami ka kapos. Pero anong magagawa ko eh ganito talaga ang aming bahay? Hindi naman iyon isang kasalanan na dapat kong iwasan lalo na’t wala rin namang masama kung ganito lamang kami.   “Umuwi kana nga,” sabi ko lalo na’t nag-aalala na rin ako sa sarili niyang party.   Bumalik ang tingin niya sa akin at inangatan ako ng kilay.   “Not until your mother comes home,” pinal niyang paliwanag.   Sumimangot ako. “Hahanapin kana roon,” giit ko.   Hindi niya ako pinakinggan at wala ring balak na tumayo sa kanyang upuan. Gusto ko siyang hilain palabas ngunit alam kong masyado siyang mabigat kumpara sa aking lakas.   Bumuntong na lamang ako ng hininga. Tahimik na lamang kaming nakaupo roon at may kanya kanyang iniisip. Mabuti na rin na ganoon dahil wala talaga ako sa mood kung aasarin niya pa ako. At mukhang ramdam niya naman na ganoon ang aking pakiramdam kaya siguro ipinagpapaliban niya muna ang pang-aasar sa akin.   Medyo inaantok na ako kakahintay kay Mama. Doon ko lang napagtanto iyon nang sinalo na ni Vincent ang nahuhulog kong ulo sa kanyang palad. Natauhan ako at mabilis na ibinangon ang aking ulo. Ngumisi siya kaya nahiya agad ako.   “You can sleep,” aniya ngunit umiling ako at pinagsasampal ang magkabila kong pisngi.   At bakit nandito pa siya? Talagang hihintayin niya si Mama? Ayos lang naman sana ako rito kahit mag-isa lamang ako. Humikab ako at kinusot ang aking mga mata.   Ilang sandali lamang ay may kaluskos na kaming narinig sa labas. Naunang tumayo si Vincent para silipin ang pinto kung sino ang naroon. Ilang sandali lamang ay nagpakita si Mama, kunot ang noo habang nakatingin sa kanya at sa akin. Parang gumaan ang ekspresyon ni Vincent nang makita rin siya.   “Huh? Medyo maaga ka...” aniya habang pumapasok na.   “Good evening, Tita...” bati ni Vincent sa pormal na tinig.   “Magandang gabi sa’yo, Vincent. Kaarawan mo ‘di ba? Happy birthday!” bati niya na ikinangiti ni Vincent.   “Thanks po...” he murmured.   Pumasok ng tuluyan si Mama habang may dalang cellophane.   “Salamat sa paghatid sa aking anak. Kanina pa ba kayo rito? Pasensya na at overtime kasi ako ngayon. Akala ko ay matatagalan si Celeste sa inyo,” paliwanag niya at inilagay sa mesa ang dala.   “Ayos lang po. Sinamahan ko lang saglit si Celeste habang hinihintay niya kayo.”   Tumango si Mama at ngumiti. “Maraming salamat. Ang bait mong bata. Nakakahiya at naaabala ka pa ng aking anak sa mismong kaarawan mo...”   Umiling agad si Vincent at ngumiti. “Ayos lang, Tita...”   Tumayo naman ako lalo na’t mukhang lalabas na ito.   “Mauna na po ako,” paalam niya.   “Mag-ingat ka pauwi. Salamat ha...” si Mama.   Tumango si Vincent at ngumiti. Napunta naman ang kanyang tingin sa akin na kahit si Mama ay sinenyasan akong ihatid ito patungo sa kanyang kotse. Naglakad ako patungo sa kanya. Nauna siyang lumabas at sumunod lamang ako.   Mabagal ang kanyang paglalakad at tumigil din nang makarating sa pinto ng driver’s seat.   “You’re forgetting something...” bulong niya na hindi nakaligtas sa aking tainga.   Kumurap ako at nagtataka siyang tiningnan.   “Ano?”   Umirap siya at nailing. “You didn’t greet me.”   Huh? Hindi pa ba? Hindi ko rin matandaan kung nabati ko ba siya.   “Happy birthday,” sambit ko.   Gumaan ang kanyang ekspresyon at medyo nawala ang iritasyon kanina.   “Aalis na ako. Don’t think about it too much. Kalimutan mo na ang nangyari kanina,” he said.   Ngumiwi ako lalo na’t nakaulit na iyon sa aking isipan. Hindi agad iyon mabubura. Para siyang sugat na nag-iwan ng peklat at kahit mawala man ay mananatili pa rin doon ang ebidensya na nasaktan ako.   “Malabo,” sambit ko sa kawalan.   “Then I’ll replace it with something else...”   Lito ko siyang tiningnan at walang ideya sa kanyang tinutukoy ngunit nang yumuko siya at pinatakan ako ng halik sa aking noo ay natigilan ako at nanigas sa kanyang ginawa.   “Goodnight...” aniya at sinenyasan na akong pumasok sa loob.   Tuliro ako at wala sa sariling tumango habang naglalakad papasok. Narinig ko ang pag-andar ng kanyang kotse. Deri-deritso na ang aking lakad patungo sa kuwarto at hindi na naipasok sa aking kokote ang pagsasalita ni Mama.   H-Hinalikan niya ako sa noo... Ang masungit na si Vincent Herrera ay hinalikan ako sa aking noo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD