SIMULA

1741 Words
"Kian Maxwell, bilisan mo na nga diyan! Kaninang-kanina pa nila tayo hinihintay at may mga bibilhin pa tayo, oh!" naiinis kong pahayag sa kanya habang naka-ekis ang aking mga braso mula sa ibabaw ng aking dibdib at habang nakaupo rin ako sa aming L-shaped na sofa. "Oo na nga, Nikki Marie, ito na nga po, oh, binibilisan ko na po," mahinahon niyang tugon sa akin habang binibilisan na niya ang pagsusuot ng kanyang puting sapatos mula sa kanan niyang paa. "Ang bagal-bagal mo kasing kumilos, eh! Alam mo na ngang may lakad tayong magpipinsan ngayong hapon tapos mas inuna mo pa ang paglalaro mo ng mobile legends na 'yan! Ni hindi ka man lang marunong makiramdam! Naiinis na ako sa'yo, Kian!" mas lalong inis ko pang saad sa kanya habang nanggigigil na talaga ako. "Sorry na nga po 'di ba?" mahinahon pa rin niyang pahayag at mukhang nag-iingat na hindi ako ma-badtrip sa kanya ng tuluyan dahil alam na alam na niya kung ano ang mga maaaring mangyari kapag nangyari nga ang bagay na iyon. Hindi na lang ako muling umimik at tumahimik na lang habang pinapanuod ko siyang magsintas sa aking harapan dahil mas lalo lang akong maba-badtrip sa kanya kapag nagsalita pa ako. Nakakunot pa rin ang aking noo at seryoso ang aking mukha habang pinagmamasdan ko siya sa kanyang ginagawa. Nakasampa pa ang kanyang kanang paa sa aming center table habang nakakagat-labi at nagpipigil ng tawa. Palagi lang kasi akong pinagtatawan ng isang 'to kapag inis na inis na ako at kapag naman napansin niyang sobra na ang pagka-badtrip ko sa kanya ay saka lang siya titigil at mananahimik. Baka tumanda na talaga ako ng mas maaga dahil na lang sa palagi kong pagkainis sa isang 'to! "Aalis na po kami, My," seryoso kong paalam kay Mommy nang matapos na sa kanyang pagsasapatos si Kian. Matapos kong mahalikan si Mommy sa kanyang pisngi ay nagsimula na akong maglakad patungo sa garahe namin ngunit bago pa ako tuluyang makalabas ng aming bahay ay narinig ko pa ang natatawang sinabi ni Mommy kay Kian, "Bwinisit mo na naman ang kapatid mong bata ka." Napailing-iling na lang ako habang naghihintay sa paglabas ni Kian at nang makalabas na nga siya ay mabilis kong hinablot mula sa kanyang kamay ang susi ng BMW at walang anu-anong nagdiretso ako sa driver's seat. "Huwag ka nang magsalita pa. Manahamik ka na lang muna dahil nabibwisit talaga ako sa'yo. At wala akong pakialam kung ayaw mong ako ang magmamaneho. Bumaba ka na lang kung ayaw mo at mag-commute ka, simple as that." Pagpigil ko sa kanyang sasabihin nang makita ko mula sa aking peripheral vision ang balak na pagbuka ng kanyang bibig nang maupo siya sa shotgun seat. Abot langit ang aking pasasalamat nang tuluyan na nga siyang nanahamik mula sa kanyang kinauupuan. Alam na alam talaga niya na kapag ganito na ako ay kailangan ko ng space at katahimikan upang kumalma dahil kung hindi ay maghahalo talaga ang balat sa tinalupan. Naka-focus lang ako sa aking pagmamaneho habang nararamdaman ko ang minsanang pagsulyap niya sa akin na binabalewala ko lang. Mabuti na lang talaga at nakuha ko na last month pa ang student license ko, dahil kung hindi, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob na imaneho 'tong sasakyan namin. Habang nagmamaneho ako ay inaalala ko na ang mga dapat pa naming bilhin habang unti-unti ko nang kinakalma ang aking sarili. Ngayon ay araw ng linggo at kanina lang umaga matapos naming magsimbang magpipinsan ay napagdesisyunan namin na ngayong hapon ay magpi-picnic kami sa harapan ng lawa sa loob ng village namin na ginagawa na namin noon pa man. At itong kapatid ko ay parang bago ng bago dahil mukhang hindi pa rin nasasanay sa mga ganitong lakad namin dahil palagi na lang siya ang nagiging dahilan kung bakit madalas kaming dalawa ma-late sa mga lakad naming magpipinsan kahit na magkakapitbahay lang naman kami. Sa aming dalawa ni Kian nakatoka ang mga ibang pagkain kaya naman sa iba ang direksyon namin ngayon. Ang iba kasi naming mga pinsan ay nandoon na mismo sa may lawa at inaayos na ang mga gamit na kakailanganin namin doon. Ilang minuto lang ang lumipas ay nakarating na rin kami sa isa sa mga paborito naming kainan na magpipinsan at hindi na kami nagsayang pa ni Kian ng ilang minuto at um-order na rin kami kaagad nang makapasok kami after kong ma-i-park ang sasakyan sa parking lot ng store. "Here are the three buckets of chicken wings and three buckets of fries, Ma'am Nikki. Thank you so much and come again," nakangiting pahayag at pag-abot sa akin ng lalaking nasa counter at aabutin ko na sana ang mga iyon nang bigla na lang akong unahan ni Kian na kaninang-kanina pang nananahimik sa may likuran ko habang ako ay umo-order kaya hinayaan ko na lang. Muli ko naman munang tiningnan at nginitian ng maliit ang lalaki upang magpasalamat. Matapos niyon ay si Kian naman ang aking nilingon na ngayon ay mayroon nang seryosong-seryosong ekspresyon sa kanyang mukha na aking ipinagtaka. Bakit bigla na lang kaya naging ganito ang mood ng isang 'to? Sinamaan niya muna ng tingin ang lalaking nakangiti pa rin sa akin hanggang ngayon bago naman siya tumingin sa akin sabay galaw ng kanyang ulo, pahiwatig na mauna na akong maglakad palabas na ginawa ko naman kaagad dahil bigla akong natakot sa kanya. When the heck did the table turned?! Kanina ay ako ang wala sa mood, ah, pero ngayon naman ay siya na! Amazing! Akmang didiretso na ako papunta ng driver's seat nang magsalita siya na ikinagulat ko pa dahil rinig na rinig ko mula sa aking likuran ang malapit na pagkakasabi niya niyon. Maging ang mainit na hininga niya ay naramdaman ko kaagad mula sa aking batok dahil ganoon siya talaga kalapit sa akin ngayon at dahil na rin sa buhok ko na ang haba ay hanggang ibaba lang ng aking tainga. "Give me the keys. I'll drive," seryoso pa rin niyang saad at ako bilang nagtataka pa rin sa inaakto niya ngayon ay sumunod na lang sa kanya kaysa makipagtalo pa ako rito mismo sa parking lot. Pagkatapos kong maiabot sa kanya ang susi ay pareho na rin kaming pumasok sa sasakyan. Gaya lamang kanina ay pareho pa rin kaming tahimik sa loob ng sasakyan. Ang pinagkaiba nga lang ay ako ay kumalma na at mukhang siya naman ngayon ang wala sa mood at kailangang kumalma. Hindi ko na lang siya kinulit at tinanong kung bakit bigla siyang nagkaganun at mas napili ko na lang na manahimik upang siya naman ang mabigyan ko ng space para mapakalma niya ang kanyang sarili. Nilibang ko na lamang ang aking sarili sa pagkuting-ting ng aking cellphone habang nagmamaneho siya at habang nakikinig din ako sa music. Mga ilang minuto lang ay nakarating na rin kami sa aming huling pupuntahan. Walang iba kung hindi ang supermarket. "Ako na ang bahalang kumuha ng mga chips at ikaw na ang bahala sa mga inumin natin para hindi masyadong sayang sa oras at para mabilis lang tayo," mahinahong pahayag ko sa kanya habang paakyat na kami upang pumunta sa section ng mga junk foods and drinks. Nanatili siyang tahimik habang nakapamulsa at tanging pagtango lang ang kanyang naging tugon sa aking mga sinabi. Matapos naming dalawang kumuha ng cart ay mabilis siyang humiwalay sa akin na walang man lang imik o kaya paglingon man lang sa akin kaya naman habang naglalakad at hila-hila ko ang aking cart ay nakasimangot at nakanguso lang ako. Hindi ko talaga maintindihan ang kapatid kong 'yon kung minsan! Tsk! Bahala na nga siya! Inaliw ko na lang ang aking sarili sa pamimili ng iba't-ibang junk foods. Halos lahat ng nadadaanan ko ay inilalagay ko lang sa hila-hila kong cart. Ilan na sa mga nailagay ko ay piknik, pringles, lays, piattos, nova, at vcut, at para naman sa huli kong bibilhin, ang paborito naming magpipinsan na doritos at pic-a. Nakalagay ang mga 'yon sa itaas ng bahagi ng mga estante kaya naman kinailangan ko pang tumilhay upang abutin ang mga iyon ngunit kahit ginawa ko na ang bagay na iyon ay hindi pa rin talaga naging sapat dahil hindi ko pa rin nagawang maabot. Nang mawalan na ako ng pag-asa sa pag-abot ng mga 'yon ay lumingon-lingon ako sa paligid, umaasang makikita ko si Kian para makahingi man lang ako ng tulong dahil mas matangkad naman siya sa akin, ngunit ilang minuto pa ang lumipas ay hindi ko pa rin siya nakita kaya naman muli akong tumilhay upang muling sumubok. Kung dala ko lang sana ang phone ko ngayon dito ay matatawagan ko siya kaagad, pero hindi eh, iniwan ko kanina sa loob ng sasakyan. Hayst! Halos hindi na ako humihinga habang pilit inaabot ng dalawa kong mga kamay ang mga malalaking doritos at pic-a. Buti na lang talaga at wala masyadong dumadaan sa bahaging ito kung nasaan ako dahil paniguradong aatake na naman ang pagiging mahiyain ko. Ipagpapatuloy ko na naman sanang abutin ang mga 'yon nang bigla na lang may lumitaw na kamay sa magkabilang gilid ng aking ulo kaya naman parang mukhang nakulong ako sa mga braso nito. Mabilis kong ipinantay ang aking mga paa sa sahig at mabilis na ngumiti bago ako humarap dito. Buong akala ko ay si Kian iyon ngunit ibang tao pala kaya naman unti-unting nawala ang magandang ngiti sa aking labi. Gaya ko ay titig na titig sa akin ang lalaki habang hawak-hawak ng dalawa niyang kamay ang ilang piraso ng malalaking doritos at pic-a na hindi ko maabot-abot kanina, ang kaibahan nga lang ay ngiting-ngiti siya sa akin ngayon at ako naman ay hindi. Mayroon siyang kayumangging balat at maganda ang kanyang pagkakatindig. Ang kulay ng kanyang mga mata ay itim at ang kanyang ilong ay matangos. Mapula rin ang kanyang labi at mapuputi rin ang mga ngipin at sa tingin ko ay magkapareho lang sila ng height ni Kian. Hindi ko alam kung ano ang ire-react o gagawin ko dahil hindi ako sanay sa mga ganitong pangyayari lalong-lalo na at ganito siya kalapit sa akin ngayon. Umaatake na naman ang pagiging mahiyain at mailap ko sa ibang tao kaya naman nagsisimula na naman akong maging uncomfortable. Magsasalita pa lang sana ang lalaki nang bigla na lang may humila sa akin mula sa aking baywang na nakapagpagulat sa aming dalawa ng lalaki at mabilis ko na lang din naramdaman ang pagtama ng aking likod sa isang matigas na bagay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD