Ano ang ibig ba talagang sabihin sa keys?
Keys para saan? May vaults ba na naglalaman ng impormasyon patungkol sa lahat ng ito? Kung makukuha ba namin ang keys ay malalaman na namin ang lahat? Ngunit paano? Saan? Wala naman silang sinabi na lugar kung saan pwedeng makuha ito.
Sa oras na gusto ko na malaman ang kasagutan bigla-bigla na lang mawawala ang taong iyon o kaya ay mapuputol ang audio.
Hindi pa rin ako sigurado sa kung ano ang gagawin ko pero sa tingin ko ay dapat ko ng simulan na tanggapin ang katotohanan. Oo, alam ko na may mga impormasyon pa na pwede kong makuha pero kailangan ko rin gumawa ng paraan para makuha iyon, hindi iyong tutunganga lang ako rito sa harap ng computer ko.
Paano nga ba?
Gagawa ng mga simpleng tasks, hindi lamang ito magbibigay ng pera sa akin kung hindi ay baka may makukuha pa akong mga useful na impormasyon na maari kong gamitin. Agad akong tumayo mula sa aking upuan atsaka nag-unat, sinumulan ko munang ligpitin ang aking mga kagamitan na nasa mesa ng computer ko at sinunod na ang paligid.
"Hindi naman po sa tinatago ko ang Familiar ko, wala lang po talaga akong pagpipilian dahil kapag inilabas ko ito sa kaniyang tahanan ay maaring magka-gulo ang mga tao sa bayan." Saad ko. "Isang sinaunang dragon po ang aking Familiar, kung kaya ay hindi ko ito basta-basta pinapalabas."
"Dragon!" Sigaw nang hari at gulat na nakatingin sa akin, nanginginig itong nakaturo sa akin at hindi makapaniwala sa sinabi ko. Ano na naman ito? Bakit napaka-pamilyar ng reaksyon ng hari? Hindi naman siguro mauulit ang ginawa nang mga prinsesa na iyon sa karagatan, hindi ba? Kung talagang mangyayari iyon ay talagang mapipilitan na naman akong lumaban sa kanila.
"May mali po ba?" Tanong ko rito. Agad naman na umiling ang hari habang nanginginig na uminom ng tubig. Bumuntong hininga naman ako sa nalaman ko, akala ko pa naman ay may mali na naman sa sinabi ko.
"Ngayon ay may katuturan na kung bakit natalo niyo ang dragon na iyon,"ani nang hari, "Hindi mo naman ito na-ikwento sa akin noong nasa kaharian ka pa, Kori. Panigurado ay magugulat na naman ang prinsesa kapag nalaman niya ang tungkol dito."
Yumuko naman ako nang bahagya sa kaniya at napakamot ng ulo, "Pagpaumanhin niyo na po ako,"sabi ko.
"Hindi na kailangan,"saad ng hari, "Ngayon na napaslang niyo na ang dragon na iyon ay nawala na ang pangamba ng bayan na ito. Maari na kayong umuwi at magpahinga, dahil ngayong gabi ay magkakaroon tayo nang pagdiriwang dito sa buong bayan."
Napasigaw naman ang mga kasama ko dahil sa saya.
"Maari na kayong umalis,"ani ng hari. Tumango naman ang mga kasama ko atsaka yumuko, habang ako naman ay nanatili lang naka-upo. "Bakit Kori?" Tanong nang hari.
"Gusto ko po sana kayong maka-usap, kung maari?" Tanong ko rito, napatingin naman ito sa mga kasama ko at tumango.
Lumabas na sina Lauriel at naiwan na lang kaming dalawa nang hari dito sa loob ng isang kuwarto, mayroong ilang mga kawal pa rin naman na naka-tayo sa bawat gilid at sinisigurado ang kaligtasan ng hari.
"Ano iyong bagay na gusto mong pag-usapan, Kori?" Tanong nang hari.
"Gusto ko lang po sana humingi ng tulong niyo,"sabi ko.
"Ano 'yon?" Tanong nito.
"May isang lugar dito sa bayan na kung saan naninirahan ang mga taong naghihirap. Ang ilan sa kanila ay namamatay na sa gutom at sakit, nakatira lamang ang mga ito sa likod ng mga gusali. Gusto ko sana silang tulungan,"paliwanag ko rito.
"Ano ang gusto mong gawin?" Tanong nang hari.
"Bukas na bukas din po ay plano ko sanang magkaroon ng programa na kung saan gagamutin ko ang mga taong may sakit, mayroon ding kaunting pagkain na ibibigay sa kanila upang maibsan lamang ang kanilang gutom." Saad ko.
"Ano naman ang magagawa mo sa tulong na ito, Kori? May magbabago ba sa buhay nila?"
Taas noo ko naman itong sinagot, "Opo, mayro'n,"sabi ko, "Kapag gumaling na ang mga ito ay maari na silang magtrabaho. Maraming mga gusali ang naghahanap ng mga manggagawa sa bayan, at kapag pumasok ang mga ito sa ilang trabaho na iyon ay maaring maiwasan na ang mga taong naghihirap."
"Kung iyan ang gusto mo, Kori, ay susuportahan ko."
Naka-ngiti naman akong lumabas nang guild at nakita ang ilang mga kasama ko na naghihintay na pala sa akin. Hindi ko alam kung bakit ngunit sobrang saya ko nang sinabi ng hari na papayagan ako nito sa aking pina-plano at susuportahan niya ang gagawin kong pagbigay ng pagkain sa mga tao. Alam kong napaka-bait ng hari at gusto lamang nito ang makakabuti sa kaniyang mga mamayan. Bukas na bukas din ay magsisimula na kami sa misyon ko at kailangan ko ang tulong ng mga kasama ko.
Nagmamadaling lumapit ako sa kanila na abala lamang sila sa pag-uusap. Hindi yata na pansin ng mga ito ang paglabas ko mula sa guild kung kaya ay gulat na gulat ito ng makita ako sa likod nila.
"Nandito ka na pala,"saad ni Lauriel, "Kamusta ang pagu-usap niyo ng hari?"
"Mabuti naman atsaka pumayag ito sa plano ko,"tugon ko rito.
"Plano mo?" Gulat na tanong ni Treyni, "Huwag mong sabihin na tungkol na naman ito sa misyon mo Kori?"
Ngiting tumango naman ako sa kanila at kinamot ang aking ulo, "Papayag ba kayo kapag hiningi ko ang mga tulong niyo?" Tanong ko rito.
Nagkatinginan naman silang lahat atsaka tumawa, bigla na lang lumapit ang dalawang babae sa akin at sumabit sa dalawang braso ko.
"Aba syempre naman,"ani ni Treyn.
"Ilang beses mo na ba kaming tinulungan lahat? Oras na rin siguro upang ibalik namin ang mga tulong na ginawa mo,"ani ni Lauriel, "Sabihin mo lang sa amin kung ano ang magagawa namin at hindi kami magda-dawalang isip na tulungan ka."
"Talaga?" Naka-ngiting tanong ko rito, tumango naman silang lahat at ngiting tinignan ako.
"Salamat!" Sigaw ko at yinakap ang dalawa.
"Ano ba ang magagawa namin?" Tanong ni Lauriel at hinila na ako upang magsimula ng maglakad.
"Sa katunayan niyan ay plano ko sana magpakain sa bayan, hindi sa mga taong may kaya na, ngunit sa mga taong naghihirap sa likod ng mga gusali na ito,"sabi ko at tinuro ang ilang gusali na nadaanan namin.
"Ano ang ibig mong sabihin?" Tanong ni Lauriel.
Hindi ba alam ng mga ito ang tungkol sa mga taong nakatira sa likod ng mga gusali? Wala ba silang kaalam-alam na may naghihirap sa kanilang bayan?
"Hindi niyo ba alam ang tungkol sa mga taong naninirahan sa likod ng gusali na iyan?" Tanong ko sa kanila, ngunit sabay-sabay naman na napa-iling ang lahat habang nakatingin sa akin.
Seryoso ba ang mga ito? Sa tagal na nilang nandito sa bayan ay hindi nila alam ang tungkol sa mga taong iyon? Gulat na nakatingin lamang ako sa kanila at hindi makapaniwala sa aking nalaman.
"Kung gayon ay hayaan niyo kong ikwento sa inyo ang tungkol sa mga taong iyon,"sabi ko at bariles sa tabi nang daan, "Naalala niyo ba noong araw na unang punta ko rito sa bayan?"
"Oo naman, noong isang araw pa lang yata 'yon,"ani ni Draco, "Ano naman ang tungkol doon?"
"Sa katunayan niyan ay noong oras na pumunta kami sa bahay ni Treyni ay hindi ako makatulog, kung kaya ay napagdesisyunan ko na maglakad-lakad dito sa bayan at naghahanap ng pwedeng puntahan. Hindi ko naman inaasahan na masasaksihan ko ang pagnanakaw na nagaganap,"paliwanag ko, "Alam ko naman na masama ang magnakaw ngunit kailangan iyon ng bata, upang gumaling ang kaniyang ina sapagkat kapag wala ang kanilang ina ay maaring mamatay sa gutom ang mga maiiwan nitong anak."
"Ano?" Gulat na tanong ni Lauriel.
"Hindi sang-ayon ang magulang no'ng bata ang ginawa nitong na pagnanakaw, ngunit, ano ba ang mapagpipilian ng bata? Hindi naman ito pwedeng magtrabaho, kung kaya ay wala itong maipang-bayad. Huwag mag-alala, na gamot ko na ang kaniyang ina at nangako na rin ang bata na hinding-hindi na niya gagawin ulit iyon." Sabi ko, "Ngunit, alam niyo ba, habang sinusundan ko ang bata ay nakita ko mismo sa mga mata ko ang mga mukha ng mga taong naghihirap. Sobrang payat na ng mga ito at namamalimos ng makakain. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa mga oras na iyon, kung kaya ay pinangako ko sa sarili ko na babalik at babalik ako upang tulungan sila."
Nagulat naman ako nang bigla na lang hinawakan ni Lauriela ang dalawang balikat ko at tinignan ako sa mga mata.
"Sabihin mo na lang sa akin kung ano ang magagawa ko at ibibigay ko ito agad sa iyo,"seryosong sabi nito.
"Sabi ko na nga ba at papayag agad itong si Lauriel,"saad ni Treyni. Napalingon naman ako rito na nagtataka.
"Bakit?" Tanong ko rito.
"Kung may antas man sa mundo kung sino ang matutulungin sa mga tao ay panigurado, pangalawa ito sa iyo,"paliwanag ni Draco, "Kahit nga gutom na gutom ito ay kayang-kaya niya pa rin niyang ibigay ang binili nitong pagkain sa mga batang nagugutom sa daan."
"Huwag kang mag-alala, tutulungan ka namin sa plano mo,"ani ni Sam at ngumiti, tumayo naman ako at tinignan sila lahat.
"Salamat sa inyo,"sabi ko.
Pagkatapos ng ilang sandali ay naglakad na kami muli at pumunta sa kaniya-kaniya naming bahay, habang ako naman ay naka-sunod lamang kay Treyni dahil nangungupahan lang naman ako rito.
"Napaka-bait mo talaga, Kori,"ani ni Treyni.
"Hindi naman, treyni,"sabi ko, "Gusto ko lang talaga makatulong sa kapwa ko.
"Bilib din ako sa katapangan mo." Ani nito bago binuksan ang pinto ng kaniyang bahay, "Unang-una ay kaya mong labanan ang malaking dragon na iyon, at hindi lang iyon mayroon ka pang Familiar na dragon. Kaya mo rin harapin ang hari na parang wala lang. Sana ay maging katulad mo rin ako pagdating ng panahon."
"Matapang ka naman, Treyni,"sabi ko.
"Kung matapang talaga ako, sana ay kaya-kaya kong tapatan ang mga kakayahan ng kasama natin. Lagi lamang akong nasa likod nila,"ani nito at malungkot na tumungo. Hinila ko naman ito atsaka hinarap sa akin.
"Matapang kang tao, sa isip mo lang iyan. Sa tingin mo ba ay kayang-kaya ng mga ito na kalabanin ang mga kalaban niyo kung hindi dahil sa iyo? Ikaw ang pundasyon nila, Treyni, kung wala, wala rin sila." Sabi ko, "Kung ako sa iyo ay hinding-hindi ko iisipin 'yan, napaka-tapang mong tao. Biruin mo? Ilang taon ka ng lumalaban ng mga naglalakihang halimaw ngunit buhay ka pa, kung hindi ka matapang ay maaring namatay ka na ngayon dahil nagpakain ka sa takot."
Natahimik naman si Treyni at naramdaman ko na lang ang pagtaas baba ng mga balikat nito. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko ngayon, hindi rin ako sigurado kung tama ba itong ginagawa ko. Ano ba kasi ang dapat kong gawin?
"Salamat, Kori,"ani nito atsaka tumalikod na at tuluyang tumakbo papunta sa kaniyang kuwarto. Naiwan lamang ako dito sa labas at malungkot pa rin para kay Treyni.
Hindi ko alam kung ano ang naging dahilan ng mga nararamdaman nito ngunit mali siya. Masiyado siyang matapang para ihalintulad sa akin. Noong mga panahon na kung saan nakikipaglaban kami sa malaking unggoy na 'yon ay naroroon siya at matapang na sinuportahan ang mga kasama namin. Samantalang ako ay nagulat pa at nakaramdam ng takot nang makita ito. Bumuntong hininga na lamang ako atsaka ako tuluyan pumasok sa bahay. Agad ko itong sinarado bago naisipan na maligo muna bago humiga sa kama.
Habang nandito ako ngayon sa banyo at nakababad sa tubig ay iniisip ko kung bakit iyon na sabi ni Treyni. Siguro ay dahil na rin sa mga biglaang nangyayari sa paligid niya, iyon nga ba?
Hindi ko alam.
Maari rin na matagal na niya itong nararamdaman ngunit ngayon niya palang itong sinabi sa mga kasama niya. Alam kaya nila Lauriel itong tungkol sa bagay na 'to? Sa tingin ko ay hindi, hindi naman talaga mapaghahalataan na may tinatagong lungkot itong si Treyni dahil sa lagi itong naka-ngiti sa harap naming lahat. Kung alam ko lang sana na ganito pala kabigat ang nararamdaman niya ay sana kina-usap ko na ito agad. Huminga na lang ako nang malalim atsaka ako tumayo at nagbanlaw na.
Kailangan ko nang magpahinga, mayroon pa kaming dadaluhan na pagdiriwang mamaya at kailangan namin dumalo lahat dahil nandoon ang hari. Ayaw na ayaw pa naman 'yon ng mga taong laging nahuhuli sa mga ganitong pangyayari. Dumeritso na ako sa kwarto agad pagkatapos kong magbihis, humiga na ako sa kama at ipinikit na ang aking mga mata.
Kakausapin ko na lang si Treyni kapag nagkaroon kami ng oras bukas.
Hindi ko na pansin na gabi na pala, na gising na lang ako sa isang mahinang pag-alog sa balikat ko. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata at nakita ang mga kasama ko na nakatingin sa akin at naka-ngiti.
"Bakit?" Kusot-matang tanong ko.
"Oras na para pumunta sa pagdiriwang, wala ka bang balak dumalo?" Tanong ni Lauriel, "Sarap na sarap ka sa tulog mo eh."
"Anong oras na ba?" Tanong ko.
"Malapit na mag-alas syete ng gabi,"lumaki naman ang mga mata ko sa sinabi nito at nagmamadaling lumabas ng kwarto at nagtungo sa banyo upang maligo muli. Narinig ko na lang ang mga tawanan ng mga tao na naiwan ko sa kwarto, nakakahiya. Nadaanan ko pa nga si Nola na seryoso lamang na nakatingin sa akin, ngunit hindi ko na lang ito pinansin at nagpatuloy na sa pagtakbo.
Agad akong pumasok sa banyera at ibinabad ang aking katawan. Lumipas ang tatlumpung minuto ay agad akong tumayo at nagbanlaw ng mga sabon sa katawan atsaka nagbihis. Inilugay ko na lang ang mahaba kong buhok at sinuklay ito, pagkatapos ay dumeritso na ako sa sala kung saan naghihintay ang mga ito.
Suot-suot ko ngayon ang mahabang damit na ibinigay nang mahal ng hari sa akin noong pagdiriwang din nito sa kastilyo. Kung titignan ay mukha akong prinsesa sa aking kasuotan at napakaganda nito. Wala akong naisipan na magandang damit na pwedeng suotin sa pagdiriwang.
"Tara na!" Aya ko sa kanila.
Sabay-sabay naman na napalinon sa akin ang lahat at napatitig. Bakit naman ganoon sila makatingin sa akin? May dumi ba ako sa mukha?
Kung ang iniisip ng mga ito ang suot-suot kong damit ay ganoon din naman sina Treyni ah? Naka-suot din ang mga ito nang mahabang damit at magaganda rin naman.
"Hindi ka ba talaga prinsesa, Kori?" Tanong ni Lauriel.
"Hindi,"tugon ko at inirapan ang mga ito, "Ano ba ang iniisip niyo? Tara na nga at baka mahuli pa tayo sa pagdiriwang."
Na una na akong lumabas sa kanila sa bahay at naglakad patungo sa gitna ng bayan. Ayon sa sinabi nang hari kanina ay doon magaganap ang ilang mga kasiyahan, kung kaya ay nararapat lang doon kami didiretso.
"Kita mo 'to, sino ba ang rason kung bakit tayo na huli?" Tanong ni Lauriel.
"Pero seryoso, ngayon ko lang nakita si Kori na nakalugay ang kaniyang buhok." Ani ni Draco.
"Ang gandang dalaga, diba, Nola?" Tanong ni Treyni na naging dahilan ng pagtingin ko sa kaniya nang masama, tinaas naman nito ang dalawang kamay niya at tumawa. Kita mo 'to.
Bahala nga kayo riyan. Ayaw kong makita si Nola o mapalapit man lang sa kaniya, hindi ko alam ngunit parang kinakabahan ako sa tuwing napapalapit ako sa kaniya.
Hindi ko naman maipagkaka-ila na guwapo ito at malakas ngunit napaka-lamig naman ng pakikitungo nito sa lahat. Hindi ko nga alam kung kaya ba nitong makipag-usap sa amin nang matagal o sadyang sa mga lalaki lang talaga siya nakikipag-usap.
"Teka lang, Kori!" Sigaw ni Treyni.
Hindi ko na lang ito pinakinggan at nagpatuloy lamang sa paglalakad.
Mabuti naman at bumalik na sa dating Treyni itong kasama namin, akala ko ay hanggang ngayon magpapadala pa rin siya sa kaniyang isipan.
Wala kang mapapala kung magpapadala ka sa iyong isipan. Tanging sinusumbat lang naman nito ang mga takot mo. Masiyadong nakakatakot nga eh, dahil kaya ka nitong paglaruan sa mga bagay na alam mong makakasira sa iyo kahit hindi naman totoo.
Ilang sandali pa ay nakarating na rin kami sa bayan, hindi ko maitatanggi ang ganda ng mga disenyo na naka-sabit sa bawat gilid at gitna. Napakaraming ilaw sa ibabaw at ilang mga banderetas din na nakasabit. Nakita ko pa nga ang isang bata na nasa isang tabi at kumakaway. Lumapit ako sa kaniya atsaka pinatong ang aking kamay sa ulo nito.
"Kamusta ang iyong ina?" Tanong ko rito.
"Mabuti na po ang pakiramdam ni mama, salamat sa iyo ate,"ani nang bata.
"Walang anuman iyon,"sabi ko at ngumiti, "Basta lagi mo ang tatandaan iyong pangako mo ah?"
"Opo!" Saad nito na naging dahilan ng pagngiti nito. Nagulat naman ako nang bigla na lang ako nitong yakapin at umiyak.
"Salamat po talaga ng sobra sa tulong na binigay niyo, ate,"ani nito, "Salamat din sa mga pagkain na ibinigay mo sa amin."
Yinakap ko naman ito pabalik at hinaplos ang kaniyang likod, "Syempre naman,"ani ko at kumalas na sa yakap, "Oo nga pala, bukas na bukas ay magpapakain ako sa inyo. Tawagin mo lahat ng mga taong nagugutom at ilang taong may sakit sa bayan at papuntahin mo sa tapat ng bahay niyo."
"Bakit po?" Tanong nito.
"Gaya sa ginawa ko sa iyong ina ay gagamutin ko rin ang mga taong iyon, at gaya rin sa binigay ko sa iyo ay bibigyan ko rin ang ibang tao." Paliwanag ko at ngumiti, ngumiti naman ng sobrang lawak ang bata at yinakap ako ulit.
"Salamat po ng marami ate, pinapangako ko ay pupuntahan ko silang lahat upang matulungan niyo,"saad nito.
"Salamat."
Nagpa-alam na ito sa akin atsaka nagmamadaling umalis papunta sa isang maliit na pasilyo sa pagitan ng dalawang gusali sa harap ko.
"Kori,"tawag ni Treyni sa akin, lumingon naman ako sa kaniya at ngumiti.
"Bakit?"
"Kahit suot-suot mo iyang magandang damit mo na iyan ay hindi ka maarte sa mga taong lumalapit sa iyo,"saad nito.
"Maarte? Saan? Atsaka damit ito eh, madudumi at madudumi talaga 'to, kaya ko naman itong labhan. Tara na at pumunta sa hari." Aya ko sa mga ito at nagsimula ng maglakad.
"Sino ba iyon?" Tanong ni Lauriel habang diretso lang ang tingin.