CHAPTER ONE: A Whole New World

1150 Words
CHAPTER ONE: A Whole New World Tumutugtog sa kabilang unit ng apartment ang kantang Starting Over Again ni Natalie Cole nang pagkalakas-lakas. Hindi ba nila alam na Sabado ngayon at kagagaling lang sa Friday Night Out ng mga kapitbahay nila? Alam kong matanda na si Aling Cecille pero sigurado naman akong nakapag-disco na siya at hindi umuuwi nang alas-otso ng gabi. Tiningnan ko ang digital clock na nasa ulunan ng kamang hinihigaan ko. Alas-siyete pa lang nang umaga! Ni huni nga ng ibon, dapat ay naririnig ko pa. “Hoy! Kung ayaw niyo magpatulog, magpatulog naman kayo!” sigaw ko at sabay sipa sa pader ng kapitbahay namin. Alam ko namang walang saysay ang pagsipa ko at masasaktan lang din ako. Ako na nga itong naistorbo, ako pa itong nasaktan. Kusot-kusot ang namamagang mata, kinuha ko ang cellphone ko. Ni walang bagong mensahe akong natanggap. Napabuntong-hininga ako sa pag-iisip na wala na nga palang nag-aalala para sa akin. Ang aga ko para sa ganitong kadramahan. Tumayo ako mula sa pagkakahiga kahit inaantok pa at tumungo sa banyo. Matapos ‘yon ay dumiresto muna ako sa sala para manuod sana ng palabas. Nadatnan ko roon si Markus na abalang manuod ng movie. Ano bang oras ito nagising? Naunahan na naman niya ako sa isip-isip ko. “Good morning,” pagbati niya nang tabihan ko siya sa sofa. “Masarap ba ang naging tulog mo?” “Ano’ng maganda sa umaga kung kulang ka sa tulog?” iritable kong sabi habang nangangamot ng ulo. “Bakit ka sa akin nagagalit? Hindi naman ako ang nang-istorbo sa ‘yo,” nakakunot-noo niyang pagdadahilan. “Hindi na rin talaga natuto ‘yang si Aling Cecille. Alam kong mahina ang pandinig niya pero hindi ang mga kapitbahay niya. Hindi pa naman ganoon kaganda ang mga gusto niyang tugtugin,” sagot niya pero hindi ako nililingon. Mula nang gabing maghiwalay kami ni Markus, napagpasyahan naming tumira muna pansamantala sa inuupahan naming apartment hanggang sa magkapera kami at maibenta ang mga gamit dito. Hindi ganoon din kasi kadali para sa amin ang maghiwalay dahil may mga naipundar na kaming mga gamit. Sa iisa man kaming kwarto natutulog, sinigurado naming may mga personal space na kami. Naglagay kami ng kurtina sa pagitan ng mga kama namin kaya wala na kaming paki anuman ang gawin namin. Sa oras na makapagbukod kami, saka namin puputulin ang ugnayan namin sa isa’t-isa. “Nag-almusal ka na ba?” tanong niya. Doon pa lang niya ako tiningnan sa mata. Matalim akong tumingin sa kanya, kunot ang noo at nagtataka. “Hindi pa.” Tumigil ako sandali. “Bakit concern ka?” Natawa siya sa turan ko. “Bawal na ba ang maging concern ngayon? Naghiwalay lang tayo pero mabuting tao pa rin naman ako,” natatawang sabi niya. “Sabagay,” matipid kong sagot. “Kung sumagot ka sana nang maayos, paglulutuan sana kita. Tinatanong ka lang naman. Sungit mo, e. Nireregla ka na naman, ‘ata,” pang-aasar niya. Ngumiwi lang ako. Parang normal pa rin sa kanya ang lahat. Gano’n pa rin siya, palatawa at mapang-asar. Ang kinaibahan lang, hindi na kami. Wala ng nag-uugnay sa aming dalawa maliban sa bahay na ito. Tumayo ako sa pagkakaupo at dumiresto sa kusina. “Saan ka pupunta?” tanong niya. “Magluluto ng makakain,” sagot ko sa kanya. Kahit hindi siya magsalita, bakas naman sa mukha niya ang pagmamakaawa. “Magluto ka mag-isa mo!” bulyaw ko sa kanya. “Wala naman akong sinabing iba. Para kang nanay ko,” paanas niyang sabi. Napailing na lang ako. “Isip bata talaga,” bulong ko sa sarili. *** “Hiwalay na kayo?!” bulalas ni Eunice nang magkita kami sa mall sa Manila. Halos maitapon niya ang hawak na inumin dahil sa gulat. “Ano’ng nangyari? Tinapos niya na agad ‘yung 5 years niyong pagsasama?! Gaga ka! Ano bang nakain mo?! Baka naman sinungit-sungitan mo na naman.” “Pwede bang kumalma ka muna? Baka iniisip ng mga tao, nag-eeskandalo ka. Pakihinaan mo nga rin ‘yang boses mo kasi nakakaagaw ka na ng atensyon,” mahina kong sabi sa kanya. Napailing siya at kita pa rin ang gulat sa mga mata niya. Sino bang kasing hindi magugulat sa paghihiwalay namin? Limang taon kaming nagsama at walang halos pinag-awayan. Perpekto nga raw kung maituturing pero hindi para sa akin. “Basta nag-usap na lang kami na gusto na naming maghiwalay. Tapos!” paliwanag ko at saka niya ako kinurot sa tagiliran. “Aray! Masakit ‘yun, ah!” inis kong sabi. “Wala tayo sa movie para mag-inarte kayong dalawa ng ganyan! Matatanda na kayo! Sana man lang pinag-isipan niyo nang maigi bago kayo nagdesisyon. Love is all about understanding, ika nga. Sana inintindi niyo muna ang isa’t-isa bago kayo naghiwalay,” paliwanag niya. Naiintindihan ko naman ang punto niya. Kahit ako sa una, inintindi ko kung bakit kami umabot sa ganito. Kung ako ba ang may mali o siya? Kung kailan ko pa naramdaman ‘yung ganito? Na kung sinabi ko ba agad sa kanya, may magbabago kaya? Ang dami kong naging tanong bago ako nagdesisyon. Pero sa dami na rin siguro ng tanong ko sa relasyon namin, tama na lang na bumitaw na ako kasi in the first place, hindi naman ako magtatanong kung walang mali. “Inunawa ko naman ang sitwasyon namin pero hindi naman siguro tamang sayangin ko ang panahon ko sa maling tao, ‘di ba? Hindi naman siguro sukatan ang tagal ng pagsasama para masabing worth it ang relasyon niyo. Hindi magiging sayang ang isang hiwalayan na pinag-isipan,” paliwanag ko sa kanya saka sumipsip sa inuming nasa harap ko. “Mainit ‘to kanina pero lumalamig kapag tumatagal na,” paanas kong sabi. Tinapik niya ang balikat ko at matipid na ngumiti. “Ni kailanman, hindi mo pinakita sa akin na nahihirapan ka. Alam kong malakas ka. Pero sa sandaling gusto mo nang ibuhos ang lahat ng sakit at pighati sa puso mo, malaya kang umiyak sa akin,” suhestyon niya. Napangiti ako sa turan niya. Hindi ako umiyak kailanman nang maging kami Markus. Hinanda ko na kasi ang sarili ko na masasaktan ako sa sandaling pumasok ako sa relasyon. Kaya anumang gawin niya, handa ang sarili ko. “Salamat,” matipid kong tugon. “Halika nga rito. Payakap nga!” aniya at akmang yayakap sa akin. Mabilis ko namang iniharang ang kamay ko sa kanya. “Ano ba?! Maraming nakatingin sa atin! Masyado kang PDA! Baka anong isipin ng tao.” “Ano ba naman ang isang yakap lang, ‘di ba?” nakasimangot niyang sabi. “Pero seryoso, kahit walang yakap mula sa akin, nagpapasalamat ako sa ‘yo dahil nand’yan ka parati para makinig sa mga kwento ng buhay ko,” nakangiti kong sabi. Ginulo niya ang buhok ko ng tulad sa mga bata. “Ikaw pa. Malakas ka sa akin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD