Kabanata - 7

2011 Words
Nakatitig lang ako sa mga dagang kaharap ko habang nakaupo sa upuan nilang gawa sa bato. Nandito kami sa bahay umano ng mga taga Noda na kamukha ng mga daga. Hindi naman kasi sila literal na daga. Maihahambing ko lang sila sa itsura ng mga daga dahil sa nguso ng mga ito. Kung anong itsura ng nguso ng mga daga ay ganoon din ang nguso nila. Inilibot ko ang aking paningin sa kanilang lahat na abala sa mga ginagawa. Mayroong mga maliliit ang mga mata at mayroon ding mga malalaki ang mga mata. Ang kamay at paa nila ay mayroon lamang tig-tatlong daliri. Wala rin silang saplot kaya kitang-kita ang balat nila. Hindi naman masagwang tingnan dahil ang mga dibdib ng kababaihan sa kanila ay parang sa mga pusa lamang. Ang ari rin ng mga ito ay na nasa pagitan ng mga hita nila ay hindi naman gaanong nakikita. Ang balat nila ay tila kasinkapal sa balat ng kalabaw. Mayroong mga puti at itim. Mayroon din namang mga pinagsamang puti at itim ang kulay. Kung tatanungin ninyo ako kung paano ko nalaman kung babae o lalaki ang kamukha ng mga dagang ito, iyon ay dahil sa buhok. Mahahaba ang buhok ng mga babae at ang iba naman ay walang buhok. Ang isang nakapagpagaan lang naman ng pakiramdam ko ay ang katotohanang kasing laki ko lang sila hindi gaya ni halihayop. Ang bahay nilang ito ay napakataas kaya naman nagkakasya rito sa loob si halihayop. "Sila ang mga kasama ko rito. Simple lang ang aming mundo kumpara sa tatlo pang mundo. Kaya wala kaming kalaban-laban ngayon na nawawala ang asul na kristal..." Napalingon ako kay halihayop. Nagkukuwento na naman siya samantalang wala akong balak makinig. "Kailangan mo kaming tulungan, Bobo... Hindi lang para sa amin kundi para makabalik ka rin sa iyong mundo. Hindi mo naman siguro gugustuhing mamatay dito kasama kami," pagpapatuloy ni halihayop habang tinatawag niya akong Bobo. Sa tingin niya ba tutulungan ko siya? "Ang tatlong mundong sinasabi mo ba ay kabilang doon ang pinanggalingan ko?" pagbuntonghininga kong tanong. "Hindi ko alam... Pero base sa hitsura mo, parang wala sa tatlong mundong binabanggit ko ang iyong mundo. Isa pa, ang lagusang pinanggalingan mo ay hindi ko masasabing daan sa isa sa mga tatlong mundong sinasabi ko," ang napakahaba niyang sagot sa akin. Ang haba ng paliwanag niya, hindi na lang niya sabihing wala ang mundo ko sa tatlong mundong sinasabi niya. "Bakit hindi ka magpatulong sa tatlong mundo na sinasabi mo?" tanong ko sa kaniya. May punto naman ako, 'di ba? Bakit sa akin siya magpapatulong, eh, ordinaryong tao lang ako. "Hindi maaari. Noong magkaroon ng kaniya-kaniyang kristal ang bawat mundo, kaakibat niyon ang katotohanang wala kaming ibang sasandalan kundi ang mga nilalang na nabibilang lang sa mundo ng bawat isa," sagot niya at napailing na lang ako. "Kung ganoon... Bakit hindi ka magpatulong sa mga kasamahan mo rito?" sagot ko naman sa kaniya. "Hindi ako maaaring magpatulong sa kanila. Hindi ko maaaring ilagay sa panganib ang buhay nila... Bilang tagapagbantay ng kristal, tungkulin ko rin ang pangalagaan sila," sagot niya sa akin. At ako pala ang isusubo niya, ganoon? "Nakikiusap ako... Handa ako sa kahit na anong gawin mo o hilingin mo sa sandaling mahanap natin ang asul na kristal. Iyon lang din ang tanging paraan upang makabalik ka sa inyong mundo..." Sa totoo lang, kanina ko pa naman gustong pumayag. Wala rin naman kasi talaga akong magagawa lalo na at gusto ko na talagang makabalik. Ayaw ko ring maghintay lang nang maghintay kaya mas mabuti na ring kumilos. "Pumapayag na ako... At magmula ngayon, master na dapat ang itatawag mo sa akin at hindi na Bobo. Tungkol naman sa sinasabi mong kahit anong hilingin ko sa kristal ninyo sa sandaling maibalik ito, saka ko na sasabihin kapag sigurado na," pagpayag ko na sa kaniya. Maghahanap lang naman, 'di ba? Hindi naman siguro iyon mahirap... "Maraming salamat!" malakas niyang sabi at napatalon pa siya. Nang mapatingin din ako sa mga kakaibang dagang kasama namin, kita kong lahat sila ay nagsasaya rin. "Hayaan mong ikuwento muna namin sa 'yo ang tungkol sa tatlong mundo pa," pagkuwa'y nakangiting umupo si halihayop sa isa sa mga upuang malaki roon. Pakiramdam ko ay pasadya sa kaniya ang upuang iyon dahil nag-iisa lang din iyon. "Kailangan ko pa bang malaman ang tungkol sa tatlong mundong iyon?" tanong ko. "Oo. Dahil ang tatlong mundong iyon ang sasadyain natin upang alamin kung nasa kanila ba ang asul na kristal. Isa sa tatlong mundong iyon ang kumuha ng asul na kristal," sagot niya sa akin. Hindi rin naman siya mapagbintang... Noong una, ako. Ngayon, tatlong mundo na umano ang pinagbibintangan niya. "Bakit tayo pupunta roon? Bakit hindi muna natin hanapin dito? Baka nandito lang din sa inyo ang asul na kristal?" kunot-noo kong tanong. Umiling siya pati na rin ang mga kamukha ng mga daga. "Paano kayo nakasisigurong isa sa tatlong mundo na binabanggit mo ang kumuha sa kristal?" tanong kong muli. "Dahil ang sinumang magtangkang kunin ang asul na kristal ay nagiging bato... Kung ang kumuha ng asul na kristal ay hindi naging bato, nangangahulugan na ginamitan ito ng matinding kapangyarihan..." paliwanag niya sa akin. Napa-arko ang isang kilay ko. "Nagiging bato? Tapos hindi umepekto? Anong klaseng kristal iyan... Baka naman sadya siyang nagpakuha kaya hindi naging bato ang humawak sa kaniya," opinyon ko sa sinabi niya. "Ginamit nila ang kanilang kristal upang makuha ang aming kristal... Nangangahulugan na nilabag nila ang kasunduan ng mga ninuno namin," aniya. "Ano namang kasunduan?" usisa kong muli. "Na hindi nila maaaring gamitin ang kristal para kunin ang isa pang kristal. Sa sandali kasing maging higit sa isa ang kristal na hawak ng isang mundo, magkakaron sila ng walang hanggang buhay... Ibig sabihin, ginusto nilang mabura itong aming mundo para lamang magkaroon sila ng walang hanggang buhay." Okey. Mukhang nakapasok ako sa mundo ng mga pelikula na may temang adventure. "At?" pagdugtong ko. Sigurado akong may kulang pa sa mga paliwanag niya. "Ang mapatunayang ginawa ito ay tuluyang maglalaho. Magmula sa ama, ina, at mga anak ay mamamatay... Kaya habang hindi pa tuluyang nawawasak ang aming mundo ay kailangan ko iyong malaman. Upang mailigtas ang aming mundo, kailangan kong malaman kung sino sa tatlong mundo ang nagnakaw ng asul na kristal," pagpapatuloy niya at mataman lang akong nakikinig. "Pupuntahan natin ang tatlong mundong sinasabi mo?" paniniyak ko sa kaniya. "Oo... Una nating madadaanan ang Sora, sunod ang Wati, at ang Esdan. Ngunit hindi tayo basta-bastang makakarating doon kaya't kailangan mo munang mag-ensayo. Iyon ay bilang paghahanda sa anumang panganib na kahaharapin natin..." Anak ng... Anong panganib? "Sa tatlong mundo na iyon, malaki ang paniniwala kong nasa Esdan ang asul na kristal. Ang Esdan lang naman kasi ang mundong maaaring magka-interes sa asul na kristal. Bukod kasi sa magbibigay ito ng walang hanggang buhay sa kanila, magbibigay din ito ng ibayong lakas sa namumuno sa kanila. Sa sandaling maging dalawa na ang kristal sa kanila at mabura na ang Noda, may kakayahan na rin silang sakupin ang Sora at Wati," pagpapatuloy niya pa. "Anong laban natin sa kanila kung ang kristal nga ninyo ay nakuha nila..." parang wala sa sarili kong sabi. "Hindi mo kailangang matakot dahil kasama mo naman ako. Kailangan mo lang talagang mag-ensayo upang maipagtanggol mo rin ang iyong sarili... Ang Sora at Wati ay hindi ko masyadong pinangangambahan dahil mabubuti ang mga nilalang doon. Sa Esdan lang talaga ako kinakabahan. Ang puting kristal kasi sa Sora ay sapat na sapat na sa kanila, ang dilaw na kristal sa Wati ay ganoon din. Ngunit ang itim na kristal sa Esdan ay matagal ko ng naririnig na unti-unting nawawalan ng lakas dahil sa hindi maayos na pangangalaga ng namumuno o tagapagbantay nila..." Hindi ko alam kung paano tinatanggap ng sistema ko ang mga sinasabi niya. Ang tanging alam ko lang, wala na akong magagawa kundi ang sumunod upang makabalik na sa sarili kong mundo... ***************** Habang kumakaway si halihayop sa mga kasamahan niyang kamukha ng mga daga ay nakatunganga lang ako. Ito na ang araw ng pagsisimula ng paglalakbay namin. At hindi ko tiyak kung anong mangyayari. Kung makakabalik pa ba talaga ako sa aking mundo o kung makakabalik pa ako sa aming mundo—na patay na. "Tayo na, Master Bobo," wika ni halihayop. Akala ko makakaligtas na ako sa bobo na pangalan ko, hindi pa rin pala. Parang napromote lang pala ang pangalan ko. Master na ngayon. Hindi na lang muna ako umimik at nagsimula na akong maglakad pero nagulat ako nang bilang lumapag sa daraanan ko ang malaki niyang palad. Dahan-dahan ko siyang tiningala. "Hindi ka puwedeng maglakad, Master Bobo. Baka nasa malayo na ako ay nandito ka pa rin," sabi niya na hindi ko alam kung ikaiinsulto ko ba. "Hahawakan mo lang ako?" kahit papano ay pabor naman ako. Hindi pa ako mapapagod. Nang tumango siya tumango na rin ako. Kaagad niya na akong kinuha ngunit nanlaki naman ang aking mga mata nang ilagay niya ako sa kaliwang balikat niya at saka siya nagsimula ng maglakad. "S-sandali! A-ayaw ko rito!" pinigilan kong mautal ng dere-deretso dahil ayaw kong masayang ang laway ko. "Hindi mo makikita ang mga dapat mong makita kung ikukulong lang kita sa palad ko, Master Bobo. Isa pa, mangangalay din ang palad ko kapag nakasarado lang palagi. Baka hindi ko pa mamalayan ay nabitiwan na pala kita," at nakangiti pa siya habang sinasabi iyon! "Paano kung mahulog ako?!" naghihisterikal kong sabi. "Huwag kang mag-alala, Master Bobo. Malapad ang balikat ko at maaagapan ko kung sakaling dumulas ka riyan." Dapat na ba akong mapanatag sa sinabi niya? "Mas malilibang ka rin sa ating paglalakbay kung nakikita mo ang bawat madaanan natin." "Makakarating ba tayo kaagad sa Sora?" pag-iiba ko na lang ng usapan upang mawala ang atensiyon ko sa taas ng kinalalagyan ko. "Hindi pa tayo sa Sora pupunta, Master Bobo... Nakalimutan mo na bang kailangan mo munang mag-ensayo?" pagpapaalala niya sa akin. Oo nga pala... May ensayo pang kailangan na mas lalo namang nagpapakaba sa akin. Bakit ba kasi kailangan pang mag-ensayo? Anong ensayo ba? Ganoon ba katindi ang tatlong mundong pupuntahan namin at kailangan ko pang mag-ensayo bilang paghahanda umano? "Pupuntahan muna natin si Husa. Kilala siya sa pagiging mabilis sa pagkilos at pag-iisip. Tuturuan ka niya na maging mabilis din at makakatulong iyon sa atin," saad niya sa akin. "Lalaki rin ako kaya siguradong mabilis din akong kumilos. Kailangan ba talagang puntahan pa natin iyang si Husa? Marunong na ako sa bagay na iyan," pagyayabang ko habang in-e-enjoy ko ang mga tanawing nakikita ko habang naglalakad siya at kampante akong nakaupo rito sa balikat niya. "Kapag napatunayan mo iyan kay Husa ay mas mabuti. Mas maaga tayong makakapagpatuloy sa susunod na mag-e-ensayo sa 'yo," sagot niya sa aking ikinalaki na naman ng mga mata ko. "May kasunod pa?!" halos mag-echo ang boses ko sa paligid dahil sa lakas ng boses ko. "Hindi lang iisa ang mag-eensayo sa 'yo. At kung sasabihin mong alam mo na o kaya mo na ang mga ituturo nila, ipakita mo sa kanila," sagot niya sa akin. "Napakadali lamang niyan. Magtiwala ka sa master mo dahil hindi kita bibiguin," pagyayabang kong muli. "Huwag kang magsalita ng patapos. Kung sa sinasabi mong hindi bibiguin, naniniwala ako. Pero sa sinasabi mong napakadali, medyo nag-aalangan ako. Basta't ihanda mo lang ang iyong sarili dahil baka magulat ka," sagot niya sa akin. "Taasan mo pa ang tiwala mo sa akin. Gaya nga ng sabi ko, ako amg master mo. At sa pagkakaalam ko, ang mga master ay magagaling, at matatalino. Kung sa mundo ko nga, ako ang pinakamayaman at pinaka-iinggitan. Sigurado akong sa mundong ito, kabibiliban din ako," taas noo kong sabi. "Sana nga ay tama ka... Sana nga ay mapabilib mo si Husa at ang iba pa..." sambit niya habang patuloy lang siya sa paglalakad at hindi ako nililingon. 'Siguradong mapapahiya ka sa akin... Tiyak na bibilib sa akin ang Husa na 'yan at ang iba mo pang sinasabi na mag-eensayo sa akin...' Buong-buo ang tiwala ko sa aking sarili na sisiw lang ang mga ensayong pagdadaanan ko...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD