“Nagdadabog ka ba riyan dahil hindi nakapag-thank you si Mr. Pogi o dahil hindi ka nagkaroon ng oras para magpakilala sa kaniya?”
“Ano sa tingin mo, Juliet? Siyempre yung hindi ko nakuha yung thank you. Aba, nag-effort kaya akong lumangoy para sagipin siya. Pagkatapos wala man lang siyang sinabi. Hindi man lang ako nakakuha ng thank you.”
Tumawa ang kaibigan niya.
“Eh hindi ba nga, ang sabi mo, biglang umalis yung speedboat, eh talagang hindi makakapag-thank you iyon.”
Ewan ba niya, hindi niya talaga mapigilang mainis kapag naaalala iyong nangyari. Sayang lang talaga yung effort niya.
Umuwi siya sa kanila na dala ang sama ng loob sa nangyari kanina. Kaya pagpasok niya sa bahay nila, dumiretso agad siya sa sariling kuwarto niya para asikasuhin ang kaniyang mga gamit.
“Anak, hindi ka man lang ba magme-meryenda muna?”
Nilabasan niya lang ang kaniyang ina para magmano rito.
“Hindi naman po ako nagugutom, ‘nay. Ibigay niyo nalang po kay Rio,” aniya na ang tinutukoy ay ang kaniyang kapatid na lalaki.
Inasikaso na lamang niya ang kaniyang mga gamit.
Maaga siyang humiga sa kama para magpahinga ngunit hindi niya magawang matulog dahil sa kakaisip sa hitsura ng lalaki na sinagip niya kanina. Kaya ang ending, imbes na makatulog siya nang maaga, ay napuyat siya.
Kinaumagahan ay maaga siyang bumangon para tumulong sa kaniyang ina sa pag-aasikaso sa kusina. Naabutan niyang nagluluto ang kaniyang ina habang ang kaniyang kapatid na lalaki ay umiinom ng kape habang gumagawa ito ng activity sa libro nito.
Hindi sila mayaman, pero hindi rin sila mahirap. May pera ang kaniyang ina at noong nagtatrabaho siya sa Maynila ay nabibigyan niya rin ito. Ilang beses niyang sinabihan na huminto na ito sa pagtitinda sa palengke pero tumanggi ito. Ang palaging dahilan sa kaniya ng ina, kailangan nitong ituloy ang pagtitinda dahil naaaliw ito roon. Ito rin kasi ang hanapbuhay ng kaniyang mga magulang noong buhay pa ang kaniyang ama.
Hindi niya na rin siya humadlang sa nais nito. Basta ba masaya ito, masaya na rin siya.
“Sabi ni inay, mukha ka raw badtrip kahapon,” saad ng kapatid ko nang mapansin ako nito.
“Hindi naman, masama lang ang pakiramdam ko.”
“Bakit ka ba kasi basa noong umuwi, anak? Ano bang nangyari?”
Nagkamot siya ng ulo. Ayaw niya sanang magkuwento pero mukhang wala siyang kawala dahil nais malaman ng mga ito kung ano bang nangyari sa kaniya.
Ikinuwento niya naman ang buong nangyari. Detalyado pa nga.
“Oh ano, guwapo ba kamo ang lalaking iyon?”
“Ma!” saway niya sa kaniyang ina.
“Oh, bakit? Malay mo ay kaya kayo pinagtagpo ng lalaking iyon ay dahil siya na pala ang “the one” mo.”
“Ano ka ba, Ma. Ang tanda mo na, nagpapaniwala ka pa sa ganiyan. Saka mukhang may girlfriend yung tao.”
Napaisip ang kaniyang ina.
“Mukhang wala naman. Base sa kuwento mo, mukhang hindi niya naman girlfriend iyong babae. Baka naman kaibigan lang na umaastang girlfriend.”
Umikot ang mga mata niya.
“Itigil na nga natin ito. Mas mabuti pa, kumain na tayo nang sa gayon ay makarating tayo nang maaga sa palengke.”
“Sus, si ate, kunwari pa. Halata namang may crush ka roon sa lalaking kinu-kuwento mo. Tingnan mo iyang eyebags mo, ang laki oh. Halatang inisip mo siya buong magdamag.”
Sa inis niya sa kapatid ay kinurot niya ito sa tagiliran.
“Tingnan mo ‘nay oh, nangungurot.”
Tumawa ang kanilang ina.
“Pagpasensiyahan mo na ang ate mo. Ganiyan talaga kapag walang boyfriend, laging badtrip. Paano, ay walang nagpapasaya sa kaniya. Kaya ang resulta, laging mainitin ang ulo.”
“Sana mapadaan dito sa El Nido yung pogi na lalaking iyon, para makita ko naman. At para rin sumaya na si Ate,” pang-aasar pa ng kaniyang kapatid.
Umamba siyang kukurutin niya ito muli pero lumayo na ang kaniyang kapatid habang tumatawa ito.
“Iyan na ba si Ryla? Naku, ang gandang bata, ilang taon ka na nga ulit hija?” tanong ng isa sa mga kasamahan ng kaniyang ina sa palengke.
“25 years old na ho ako. Saka maganda ho talaga lahi namin. Tingnan niya naman ang nanay ko, kahit 59 na, puwede pa ring ilaban sa beauty contest.”
Nagtawanan ang mga tao na malapit sa puwesto nila. Ito ang gusto niya kapag nandito siya sa probinsiya. Masayahin lahat ng tao, mababait, at higit sa lahat, palagay ang kaniyang loob sa mga ito.
“Oh, bakit ang tagal mo?” tanong ng kaniyang ina sa isang helper nito sa puwesto nila.
“Naku, paanong hindi, eh may nakaharang na magandang sasakyan doon banda malapit sa baryo namin. Nakakainis nga dahil naabala ako.
“Magandang sasakyan po? Baka dayo,” ani Ryla.
“Naku, sigurado. Pero huwag kayong bastang naniniwala sa mga ganoon. Karamihan sa mga dayo, may dalang kamalasan.”
Isang marahang tango lang ang ibinigay niya kay Aling Ester. Ganoon talaga ang ugali ng mga tao sa kanila. Hindi sila madaling magtiwala lalo na sa mga mayayamang dayuhan sa kanilang lugar.
Bago mag-tanghali ay nagdesisyong umuwi si Ryla dahil kailangan pa niyang magluto ng pagkain na siyang dadal’hin din niya pabalik sa palengke. Habang naglalakad siya, mula sa hindi kalayuan ay napansin niya ang isang magarang sasakyan na naka-park sa gilid ng daan. Nang malampasan niya ito ay narinig niya ang pag-andar ng makina nito at unti-unting paggalaw ng sasakyan.
Habang tumatagal ay nararamdaman niyang tila nakasunod ito sa kaniya. Siya ba ang target nito? Kukunin ba siya nito? Bigla niyang naalala ang mga bali-balitang uso ang mga sasakyang nangunguha ng mga bata. Ang kaso, hindi naman siya bata.
Dahil sa labis na kaba, nagsimula na siyang tumakbo. Medyo malayo pa naman sa kabahayan ang kinatatayuan ng kanilang bahay. Malas niya kapag naabutan siya nito.
Hindi pa man siya nakakatagal sa pagtakbo nang mapansin niyang huminto ang sasakyan. Sa pagkakataong iyon ay nakahinga siya nang maluwag.
Hindi lang mismo nung araw na iyon nangyari ang ganoong pangyayari sa kaniya. Halos araw-araw ay nakasunod sa kaniya ang sasakyan. Kaya mas lalo siyang kinakabahan tuwing ganoong oras.
Ngunit nagbago ang lahat nang isang araw ay bumaba na sa sasakyan nito ang driver at may-ari ng sasakyan na palaging nakasunod sa kaniya nang minsang madapa siya dahil sa katatakbo palayo rito.
“Hey! Please don’t run. It’s just me. The guy you saved. My name is Brandon Fuentabella. Do you remember me, don’t you?”
Laking gulat niya nang makilala kung sino ito. Dali-dali siyang tumayo at marahang humakbang palapit sa lalaki. Nang makita niya ito nang malapitan ay hindi niya alam kung maiinis ba siya o kikiligin.
Sino ba naman kasing babae ang hindi mahahalina sa hitsura ng lalaking nakatayo sa kaniyang harapan. Bukod sa guwapo at maamo nitong mukha, macho rin ang katawan nito. Kapansin-pansin iyon dahil sa suot nitong hapit na t-shirt at khaki shorts. Nangungusap din ang mga mata at ang labi, dinaig pang nag-lipstick dahil mamula-mula ito.
“Hello, Miss. Okay ka lang ba? Natulala ka yata?”
Napatuwid siya nang tayo nang marinig ang sinabi nito. Tumikhim siya at umiwas nang tingin para hindi mahalatang intresado siya sa pisikal na parte ng pagkatao nito.
“Ah, sino ka nga ulit?” tanong niya sa lalaki. Kailangan niyang magpanggap na hindi niya kilala ito para hindi siya nito mahalata na halos sa ilang araw ay ang lalaki ang laman ng kaniyang isipan.
“Nakalimutan mo na ako kaagad? Parang kailan lang tayo nagkakilala ah.”
Mapakla siyang ngumiti sa lalaki.
“Ah, oo nga pala. Ikaw yung lalaking hindi marunong mag-thank you. Pagkatapos kitang iligtas, nilayasan mo ako agad kasama yung girlfriend mo.”
Kumunot ang noo nito na tila naguguluhan sa sinasabi niya.
“Ang natatandaan ko hindi lang ako nakapag-thank you. Pero yung girlfriend? Wala ako noon.”
Tumaas ang kilay niya sa sinabi nito.
“Talaga lang ha? Eh sino iyong babaeng concerned na concerned sa iyo? Friend mo lang?”
Ngumisi ang lalaki sa kaniyang harapan.
“Bakit mo tinatanong? Curious ka? You’re now fishing information about me?” saad nito sa mapang-asar na tono.
Halos umikot ang kaniyang mata sa sinabi nito. Gusto niyang matawa dahil masyadong assuming ang lalaking ito.
“Tinatanong ko lang,” sagot niya saka humalukipkip sa harapan nito.
“Oh, eh bakit ka nandito? At saka, anong pakulo itong pagsunod-sunod mo sa akin habang sakay ka ng sasakyan mo? Hindi mo ba alam na halos atakihin ako sa puso dahil diyan sa ginagawa mo? Akala ko naman kung sinong stalker o kidnapper ang sumusunod sa akin, ikaw lang pala.”
Tumawa si Brandon.
“Ang guwapo ko namang stalker kung ganoon.”
Inirapan niya ito. Hindi lang pala assuming ang lalaki, may pagka-mayabang din ito.
“Anyway, nandito lang naman ako para makausap ka. Pero bago ang lahat, puwede bang sa bahay niyo na tayo mag-usap? Hindi kasi ako sanay na sa pampublikong lugar nakikipag-usap sa isang tao.”
Halos magsalubong ang kilay ni Ryla nang marinig ang sinabi ng lalaki.
“Bakit? Anong masama sa pakikipag-usap sa daan?”
Nagkamot ito ng batok saka muling tumingin sa kaniya.
“Huwag mo sanang masamain, hindi lang talaga ako sanay. Saka tingnan mo, may ibang taong nakatingin sa atin. Ayokong may iba silang isipin.”
Bumaling si Ryla sa mga taong nakatingin sa kanila. Kung sabagay, may punto naman ang lalaking kausap niya. Wala rin naman sigurong masama kung dadal’hin niya sa bahay nila ang lalaking ito. Mukha namang harmless at hindi gagawa ng gulo.
“So, puwede mo na bang sabihin sa akin kung anong sasabihin mo? Dali na, nagmamadali ako. Magluluto pa ako para makapaghatid ng pagkain sa palengke dahil naroon ang Mama at isa ko pang kapatid.”
Nasa sala sila ng bahay nina Ryla. Parehong silang nakaupo sa sofa. Sandaling tumahimik ang lalaki nang marinig ang sinabi niya. Tila nag-iisip ito ng sasabihin sa kaniya.
“Tungkol sa pagligtas mo sa akin, gusto kong magpasalamat dahil tinulungan mo ako. At bilang kapalit ng pagtulong mo sa akin, gusto ko sanang magbigay ng pabuya dahil kabutihang ginawa mo para sa akin.” Dinig ni Ryla ang pag-aalangan sa boses ni Brandon. Marahil ay kinakabahan ito sa pagkakataong iyon.
Kumunot ang noo ni Ryla. Hindi niya maintindihan kung anong intensiyon nito. Gusto ba nitong malaman kung mukha siyang pera at kung tatanggapin niya ang ibibigay nito? O gusto lang nitong magbigay ng pera dahil talagang mayaman ito?
“Bakit mo ginagawa ito? Sa tingin mo ba kailangan ko ng pera mo?”
Agad na umiling ang lalaki.
“Hindi naman sa ganoon. Gusto ko lang na makatulong.”
“Isang thank you lang mula sa’yo, okay na. Hindi mo na kailangang mag-abala pa na magbigay ng pera.”
“Pero gusto ko. Bukal sa loob ko ang pagbibigay sa’yo.”
Akmang sasagot na siya nang biglang bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Napatayo si Ryla nang makita ang kaniyang ina at ang kapatid niyang humihingal habang nakatingin sa kanilang ni Brandon.