Walang kahirap-hirap na kinuha nito sa kanya ang laundry basket na dala niya. Napakamot na lang siya ng ulo at sumunod dito nang pumasok ito sa sarili nitong silid. Nakita pa niya ang pagbukas ng binata sa isang pintuan na katabi ng banyo at pumasok ito roon bitbit ang laundry basket. Pagkapasok na pagkapasok niya sa kwarto nito ay iginala niya ang kanyang mga mata.
Para iyong hotel sapagkat napakasimple niyon. Puti ang pintura na ginamit at ang kama naman nito ay may mababang bed frame na gawa sa kahoy. Ang bedsheet at mga punda ng unan nito ay kulay tsokolate. Ang kurtina naman ay kulay puti rin. Walang ibang disenyo ang kwarto ni Uno. Tanging flat screen TV na sa tantiya niya ay fifty five inches at simpleng stereo system ang nasa paanan ng kama nito.
Walang living thing na nandoon kahit maliit na halaman na nasa paso. Napakatahimik at napakapayapang tingnan ng silid ni Uno pero bakit parang wala iyong buhay? Pakiramdam niya ay para siyang mababaliw kung makukulong siya roon ng isang buong araw. Everything about the room screams loneliness. Nahagip ng kanyang mga mata ang dalawang picture frame na nasa bedside table ng binata at kahit na anong pigil niya na huwag lumapit doon ay wala siyang nagawa. Parang mga sariling isip ang kanyang mga paa at natagpuan na lang niya ang kanyang sarili na nakatitig sa mga larawan.
Ang isa sa mga iyon ay larawan ng dalawang magkapatid at may kasama ang mga ito na isang matandang lalaki. Hula niya ay ito ang abuelo ng dalawa. Nag-research na rin siya tungkol sa mga Salonga sa Internet at doon ay nagbasa siya ng mga artikulo na may kinalaman sa buhay ng mga ito. Doon din niya nalaman na namatay sa aksidente ang mga magulang ng binata at tanging ang lolo nito ang nagpalaki sa dalawang magkapatid.
Ang isang larawan naman ang talagang nakakuha ng interes niya. May kasamang isang babae na nasa gitna nina Julien at Uno. Nakangiti ang tatlo sa larawan na iyon ngunit mas napagtuunan niya ng pansin si Uno. Kahit pa may icing ang ilong nito at may suot na birthday hat ay hindi maikakailang masayang-masaya ito nang kunan ito ng litrato.
Wala siyang natatandaan na may kapatid na babae ang dalawa at hindi niya maiwasan mag-isip kung sino ba ang dalaga na kasama ng mga ito. Para itong hindi makabasag pinggan at mala-anghel ang ngiti nito. May hawak itong cake na para bang napagtripan ng mga adik sa kanto at may icing din ang mahaba at kulay brown nitong buhok.
"What are you still doing here?"
Nanigas ang kanyang likod nang marinig ang baritono at malamig na boses ni Uno. Mabilis siyang pumihit at ngumiti kahit pa nakaramdam siya ng kaba. Hindi na siya magtataka kung magalit na naman ito sa pagtingin niya sa mga larawan na nasa kwarto nito.
"Hinihintay ko lang po 'yung basket," sagot niya na totoo naman.
Walang imik na lumapit sa kanya si Uno at hinawakan ang kamay niya. Ito na mismo ang naglagay sa kamay niya sa hawakan ng laundry basket. Napakainit ng palad nito at naramdaman niya na tila siya pinagpapawisan. Hindi pa siya nakakamoved-on sa pagwawala ng puso niya ay heto na naman ang kakaibang t***k niyon. Bago pa siya mabaliw ay minabuti na niyang magpaalam sa binata.
"Mauna na po ako, Sir. Good night po," paalam niya nang hindi man lang ito tinitingnan. Ramdam niya ang pagsunod ng tingin ni Uno sa kanya ngunit hindi na siya muli pang lumingon.
Why did she suddenly feel that she's not safe when Uno's around? Not in a harmful way, though. Basta may tinig na naghuhumiyaw sa loob-loob niya na lumayo rito kung ayaw niyang tuluyan na mahulog dito.
She was unaware that she's attracted to him. Paano pa kaya kung mas lumalim ang nararamdaman niya para sa binata? Would she be aware when that happens?