Marco –
Nasa kalagitnaan na ako ng kontrata ko, halos dalawang buwan pa lang, pero ang bigat na agad ng nararamdaman ko. Hindi dahil sa trabaho—sanay ako sa pagod, sanay ako sa alon, sanay ako sa gabi-gabing walang tulog. Pero sa mga mensaheng dumarating mula sa pamilya ko… doon ako hindi sanay.
"Anak, kailan ka uuwi? Sana umuwi ka muna dito sa atin, matagal ka na ring hindi nagpapakita."
"At si Angela, bakit pa rin siya ang kasama mo? Di ba dapat, habang nasa barko ka, nakakapag-isip ka na ng mas mabuting future?"
Hindi ko alam kung paano sasagutin ang ganitong klaseng tanong. Future? Siya ang future ko. Si Angela ang tahanan ko kahit gaano pa kaliit ang bahay namin, kahit gaano pa siya kahirap.
“Ma, 10 months pa po ako dito. Mahaba-haba pa ‘tong laban. Pero sana po maintindihan niyo na si Angela ang gusto kong makasama pag-uwi ko. Siya lang.”
Ang sumunod na message ng nanay ko, bumagsak sa puso ko na parang bato:
“Bakit siya, Marco? Wala siyang ambag sa’yo. Ang dami nilang kapatid, ang dami niyang responsibilidad. Hindi siya ang klase ng babaeng makakatulong sa buhay mo.”
Pinikit ko ang mga mata ko habang hinahawakan ang cellphone. Hindi niya alam... hindi alam ng pamilya ko kung paano ako inalagaan ni Angela. Kung paano siya nagtitiis sa gabi, nagtatrabaho sa pabrika habang ako'y nasa barko. Hindi nila alam kung ilang beses siyang nagpuyat para lang makausap ako tuwing breaktime niya.
Angela –
Alas-dos ng madaling-araw. Breaktime sa factory. Imbes na kumain, diretso agad ako sa gilid ng locker room, hawak ang cellphone.
“Hi Babe, tapos na shift mo? Kumain ka na? Kamusta ka?”
Dumating ang reply ni Marco, mabilis.
“Pagod Babe, pero okay lang. Mas okay na ngayong kausap kita. Miss na miss na kita.”
Ngunit sa sunod niyang mensahe, napansin kong may mabigat.
“Babe… nakausap ko si Mama.”
“Ayaw pa rin sayo, love.”
Napaluha ako. Hindi dahil bago sa akin ang ganitong pakiramdam, kundi dahil paulit-ulit na lang. Paulit-ulit na hinuhusgahan ako sa hindi ko naman kasalanan. Wala akong kayamanan, oo. Walo kaming magkakapatid. Pero totoo ang pagmamahal ko. At si Marco lang ang tanging yaman na meron ako ngayon.
Marco –
"Babe, huwag mong hayaan makapasok sa puso mo 'yung sinasabi nila. Hindi nila kilala kung sino ka talaga. Hindi nila alam kung gaano kita kamahal."
Angela –
“Babe, masakit, oo. Pero mas pipiliin kong tiisin lahat ng ito basta kasama ka.”
Bawat salitang palitan namin ay parang hibla ng sinulid—patuloy na pinagtatahi ang puso naming dalawa kahit sinusubukang gutayin ng iba.
Marco –
Sabi nila, ang pagmamahal ay sinusubok hindi lang sa lungkot, kundi sa pagtanggap ng sakit mula sa iba. Alam kong hindi pa ito ang huli. Alam kong habang nasa barko ako, may mga darating pang balita, panghuhusga, at pagtutol. Pero ang importante, hindi ako natitinag.
Tuwing tinitingnan ko ang larawan ni Angela na nakadikit sa salamin ng locker ko, sinasabi ko sa sarili ko,
“Kahit gaano pa kalakas ang alon, babalik at babalik ako sa'yo.”
Angela –
At kahit ilang gabi pa akong umiyak sa sulok ng pabrika, sa pagitan ng ingay ng mga makina, isang mensahe lang ni Marco, nabubuhay na ulit ako. Mahal ko siya. At kahit hindi ako perpekto sa paningin ng iba—sa kanya, sapat na ako.