Marco –
Pagkatapos ng halos isang linggo ng sunod-sunod na trabaho sa Egypt, napawi rin kahit paano ang pagod namin nang marinig ang balita mula sa kapitan—bibiyahe kami patungong Greece. Pagkarating, tinanong kung sino ang gustong mag-shore leave. Mabilis akong nag-volunteer, sabik din akong makalanghap ng ibang hangin, makakita ng ibang paligid.
Kasama ko sina Lito at Ken, parehong kabaro ko at mga kabarkada sa barko. Nagpaalam agad ako kay Angela.
"Babe, lalabas kami saglit. Bigyan kami ng chance makalibot. May shore leave kami ngayon. Don't worry, saglit lang 'to."
"Sige Babe, enjoy lang. Ingat kayo ha. Update mo lang ako." ani angela
Ang gaan ng loob ko tuwing pinapakita ni Angela ang tiwala niya. Iyon ang dahilan kung bakit kahit malayo siya, parang lagi ko siyang kasama.
Naglakad-lakad kami sa paligid. Kumain, nag-picture, at habang tumatagal, niyaya ako nina Lito sa isang mini bar.
"Walang masama, pre. Relax lang. Isang beer lang, tapos uwi na," sabi nila. Napa-oo ako kahit hindi ako sanay sa ganoon. Gusto ko lang sumabay, makisama.
Habang nasa loob ng bar, medyo maingay, maraming foreigner. Nakisama kami sa mga nakatabi naming babae. May mga litrato. Tawanan. Walang malisya para sa akin, pero hindi ko alam... may ibang magbabago ngayong gabi.
Angela –
Alas dos na ng madaling araw. Breaktime ko. Araw-araw kong inaabangan ang oras na ‘to—oras naming magkausap ni Marco. Tumawag ako. Medyo matagal bago sinagot. Nang lumitaw ang video, parang binagsakan ako ng kaba.
May mga ilaw na kulay pula at asul, parang nasa bar nga siya. May maingay na tugtugin sa background. Nakita ko si Marco na parang may hawak na inumin. At parang may tumatawa sa gilid niya—babaeng hindi ko kilala.
"Babe, pauwi na kami maya-maya. Saglit na lang," sagot niya, kalmado pero parang may itinatago.
"Sige... ingat ka," sagot ko, pilit kong pinatatag ang boses ko.
Binaba ko ang tawag. Tumitig lang ako sa screen. Parang may bumabagabag sa isip ko. Sa sobrang kaba at lungkot, nag-scroll ako sa f*******:.
Doon ko siya nakita. Bagong gawa ang account. Ang pangalan: Marco Salazar.
Hindi niya ito ginagamit dati. In-check ko agad. At doon… parang may yelong dumaloy sa katawan ko.
Ang cover photo. Si Marco. Nakaakbay sa isang babaeng foreigner. Sa gitna ‘yung babae, sa kaliwa niya si Marco, sa kanan si Lito. Pare-parehong may hawak ng baso.
Parang hindi ako makahinga. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko—galit, selos, takot, duda. Lahat, sabay-sabay.
Screenshot. Send kay Marco.
Marco –
Habang nasa biyahe pa kami pabalik sa barko, biglang nag-vibrate ang phone ko. May message si Angela. Screenshot. Ng cover photo. Ng bagong account.
“Anong ibig sabihin nito, Marco?”
Napaupo ako. Natigilan. Kinabahan.
Hindi ko alam kung saan galing ‘yung account. Hindi ko ginawa ‘yon. Hindi ko pinost ang larawang ‘yon. Pero malinaw na ako ang nandoon.
“Babe, hindi ako ‘yan. Hindi ko ginawa ‘yang f*******: na ‘yan. Baka fake. Baka gawa-gawa lang.”
Pero walang reply. Sinubukan ko siyang tawagan. Walang sagot. Isa, dalawa, tatlong beses. Wala.
Angela –
Umiiyak na ako sa gilid ng locker room. Hindi ko alam kung maniniwala pa ba ako. Wala pa akong ebidensya, pero parang totoo lahat sa nakikita ko. Bakit hindi niya sinabi? Bakit siya may ganyang larawan?
Hindi ko siya kinausap buong araw. Gusto ko lang munang mapag-isa. Mag-isip. Ang sakit. Ang bigat. Gusto kong maniwala, pero nasasaktan ako.
Marco –
"Babe…
Please, reply. Hindi ko talaga ginawa ‘yon. Wala akong ibang mahal. Ikaw lang."
Pero patuloy ang katahimikan. Ang barko ay tila mas tahimik kaysa dati. Ang gabi mas malamig. Ang puso ko... parang unti-unting nababaklas.
---