Magnanakaw na Manyakis

1396 Words
CHAPTER 1: Magnanakaw na Manyakis Bumungad kay Calesta ang lumang bahay nang makababa siya ng tricycle. Inangat niya ng kaunti ang sunglasses para tingnan ito nang mas malinaw. Hindi niya akalain na babalik pa siya sa lumang bahay nila. Ang bahay kung saan siya lumaki at nagkaisip. Lumapit siya sa gate. Binuksan iyon at pagbukas ay lumikha ito ng ingay. Dumikit pa ang kalawang sa kamay niya. Pinagpag niya iyon at muling hinawakan ang maleta. Mabagal siyang pumasok sa bakuran. Nililibot ang paningin sa paligid. Kahit luma na ang bahay, maayos pa rin ang paligid. Trimmed ang bermuda grass, nakaayos pa rin ang mga halaman. May pailan-ilang paso ng rosas at fortune plant na hitik sa mga bulaklak. Lumanghap siya ng hangin. Tumingala sa langit. Ramdam niya ang katahimikan sa paligid. Presko rin ang hangin. Sa isip niya, sakto ang lugar na ito para mag-isip. Para makalimot sa sakit na dulot sa kanya ng walang hiyang si Lemuel—boyfriend niya. Ex-boyfriend. Umaasa din siyang bumalik ang drive niya sa pagsusulat. Isa siyang sikat na novel writer, at dahil sa nangyari sa kanila ni Lemuel, hindi na siya makasulat. Dahil lahat ng male lead sa akda niya ay si Lemuel ang inspiration niya. Halos isang buwan na siyang walang naisusulat. Kahit isang paragraph, hindi siya makabuo. Tila ba pati ang mga salita ay pinagtaksilan siya. Huminto siya sa tapat ng malaking pinto. Hawak na niya ang doorknob. Dahan-dahan itong pinihit. Bumungad sa kanya ang pamilyar na sala. Nasa parehong ayos pa rin ang lahat. Ngunit katulad ng labas ng bahay, luma na rin ang loob. Kupas na ang pintura, may bakbak, at may crack ang pader. Medyo maalikabok rin ang mga gamit. Ang orasan sa dingding ay huminto na sa alas-dos. Nagpatuloy siya sa loob, hila-hila pa rin ang maleta niya. Dumiretso siya sa sofa. Inalis ang sapin, pinagpag iyon bago umupo. Sumandal siya, hinayaang lumapat ang likod niya sa malambot na cushion, ipinikit ang mga mata, at nagpakawala ng buntong-hininga. Ang bigat ng pakiramdam niya, parang may pasan sa balikat, pero kahit paano, ngayong nandito na siya sa dating tahanan, napanatag na ang loob niya. Mapait siyang ngumiti. Umaasa siya na magiging maayos din lahat. Magiging maayos din siya… Makakabawi rin sa sarili niya, sa pagsusulat, sa lahat. Unti-unti na siyang nakaramdam ng antok, hanggang may narinig siyang kaluskos sa kusina. Napatayo agad siya. Linggo ngayon. Pagkakaalam niya ay day-off ni Mang Baste. Ang caretaker nila sa bahay. Kumabog ang dibdib niya. Nanlamig ang mga kamay niyang hinalungkat ang slingbag. Wala siyang mahanap… walang kahit ano. Ballpen… ‘Yon lang ang nahagilap niya. Mahigpit ang hawak niya sa ballpen, hinanda iyon para protektahan ang sarili. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa kusina. Pigil ang hininga. Pakiramdam niya, kahit konting ingay lang ay puwedeng magdulot ng kapahamakan sa kanya. Pagbaling niya, bumungad sa kanya ang isang lalaki—walang damit pang-itaas. Pawisan, may hawak na wrench. Napasigaw siya, at sa gulat, itinarak niya ang ballpen sa dibdib nito. Agad niya iyong nabitiwan nang makita ang pagtagas ng dugo. Napa-atras siya. Ang lalaki, daing ng daing habang hawak ang kanyang sugat. Kumurap si Calesta, hindi siya makapaniwala. Nagawa niya ‘yon… napatingin din siya sa kamay niyang may bahid ng dugo. Halos mapugto ang hininga niya nang humakbang palapit sa kanya ang lalaki. Lalo siyang umatras. Umiling-iling. Hanggang sa lumapat ang mga binti niya sa center table. "Wag kang lalapit... sisigaw ako!" pumiyok ang boses niya. Rinig na rinig na niya ang malakas na kabog ng kanyang dibdib. Bakas ang sakit sa mukha ng lalaki, pero mas bakas ang galit. Ang inis…Umigting din ang panga nito. Gigil na gigil na parang kapag nahawakan siya ay siguradong papatayin siya. Hinagilap ni Calesta ang cellphone sa loob ng bag niya. “Tatawag ako ng pulis!” Pero mabilis na inagaw ng lalaki ang cellphone niya, initsa sa sofa, at umupong namimilipit. Lalong nanlamig si Calesta, parang nawawalan ng lakas ang mga binti niya, ngunit hindi makaalis sa kinatatayuan. Para siyang dumikit sa center table. "Ikaw si Calesta?" tanong ng lalaki, habol ang hininga at sapo pa rin ang sugat. Gumapang ang kakaibang pakiramdam sa loob ni Calesta. Kilala siya nito… "Sino ka ba?" Lakas loob niyang tanong. Pahapyaw na tumawa ang lalaki. “Ngayon ka pa nagtanong, tapos mo na akong saksakin...” Dumaing siya, at muling diniin ang kamay sa dumudugong dibdib. "Ako si Ben. Foreman...” Tiningnan saglit ang sugat niya at tumingala kay Calesta. “Kinumpuni ko lang ang linya ng tubig n’yo. Para may magamit kami bukas sa trabaho." Bumagsak ang balikat ni Calesta. Nasapo ang noo niya. Naalala niya. Bago siya umalis ay sinabihan siya ng Papa niya na pina-renovate niya ang bahay. Balak na paupahan nang mapakinabangan. Muli niyang nasapo ang noo niya. Napamura ng sekreto. Kapag nalaman ng Papa niya ang nangyari, siguradong pagagalitan siya. Baka, ipapakulong pa siya. Nakagat niya ang ibabang labi. Nanginginig ang kamay at umupo sa tabi ni Ben. Nawala na ang takot niya. Natataranta na siya. Inalis niya ang kamay nito, at sinuri ang sugat. Impit na napadaing si Ben nang hinawakan niya ang dibdib nito. Napapikit pa. Lalo siyang nakunsensya nang makita ang butas sa dibdib nito. Kasalanan niya. Padalos-dalos siya. Bumuga siya ng hangin. Kinalma ang sarili. Nag-isip siya kung ano ang gagawin. “Wag kang gumalaw.” Inabot niya ang maleta. Ugali niya na magdala ng mga gamot for emergency. Hinanap niya ang kit. Nang makita ay dali-dali niyang binuksan. Nilinis ang gilid ng sugat. Pinunasan ang dugo gamit ang cotton. Tahimik lang si Ben, pero napapa-atras sa kada lapat ng cotton sa sugat niya “Sorry," sabi niya. Hindi sumagot si Ben. Hinayaan niya lang si Calesta na gamutin siya. “Akala ko masamang tao ka…” Hinipan niya ang sugat nito, kasabay ang pagpahid ng gamot. Napakuyom naman ang mga kamay ni Ben nang lumapit ang mukha ni Calesta sa kanya. Saglit niya ring napigil ang hininga nang maramdaman ang init ng hininga nito sa sugat niya. “Next time, tanong muna… bago saksak,” kalmado, ngunit madiin ang boses niya. Natigilan si Calesta, napapikit sandali habang maingat na bina-bandage ang sugat ni Ben. “Nagulat lang po ako,” madiin pero bahagyang nanginginig ang boses niya. “Nakarinig ako ng kaluskos, tapos bigla kang sumulpot. Walang saplot—akala ko… magnanakaw na manyakis.” Kumunot ang noo ni Ben, at lalo pang tumigas ang panga nito. Hindi naman niya mapigilang mapako ang tingin doon. Hanggang sa bumaba ang tingin niya mula panga, pababa sa umbok ng lalamunan… hanggang sa malalapad na dibdib at namumutok na braso. Ay, Calesta, hindi ito ang tamang oras para magpantasya, sigaw ng isip niya habang pilit nag-iwas ng tingin. Nagsalubong kasi ang kilay ni Ben. Napalunok siya. Kumurap-kurap, nagkuwaring inayos ang pagkakalagay ng bandage sa sugat nito. Ngunit mata niya, dumako naman ang tingin sa ma-ugat na puson ni Ben. Napatikhim siya. Nanunuyo ang lalamunan niya. God, Calesta! Pumunta ka rito para mag-move on, tapos heto ka ngayon, may sinaksak na half-naked Greek god? Pilit niyang nilunok ang kung anong bumara sa lalamunan niya. “Malalim ang sugat mo, patingin ka sa doktor. Sagot ko ang bayad.” “Sagot mo ang bayad? Gano’n lang?” “Ano ba ang gusto mo? Ginamot na kita. Nag-sorry na ako…” “Hindi gagaling ang sugat ko sa sorry mo lang.” “Ano nga ang gusto mo? Papakulong mo ako? Gagaling ka ba kapag ginawa mo ’yon?” Napakamot siya sa ulo. “Malayo ang bahay ko, mahirap sumakay papunta rito… mas mahirap ngayong may sugat ako.” Kumunot ang noo ni Calesta. Pinag-cross ang mga kamay sa dibdib. “Anong pinupunto mo? Anong kinalaman ng sugat mo sa layo ng bahay n’yo?” “Punto ko, kasalanan mo, responsibilidad mo.” Umawang ang labi ni Calesta. Nanlaki ang mga mata. Gumanti naman ng titig si Ben. Bahagyang inilapit ang mukha kay Calesta na alerto namang lumayo. Napangisi si Ben, ngunit namilipit naman. “Kaya nga ipapagamot ka…” “Hindi lang gamot ang kailangan ko.” Napatayo si Calesta. Parang alam na niya ang puntong gustong tumbukin ni Ben. Tinaasan niya ito ng kilay. Namaywang sa harap nito. “Anong gusto mo? Dito ka tumira? Kasama ko?” Tumaas ang sulok ng labi niya. Ngumiti… Matiim na tumitig kay Calesta. “Nakuha mo ang punto ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD