Wala ng nagawa si Adrianna kung hindi panoorin si Brion na mag-order ng pagkain.
Nang dumating na ang inorder niya ay nagulat naman siya sa dami, parang pang sampung tao ata ang kakain.
“May iba pa bang dadating?” Ang tanong ni Adrianna kay Brion.
“Wala, bakit mo naman natanong?” Ang pabalik na tanong sa kanya ni Brion.
“Eh ang dami naman kasi ng inorder mo eh.”
“Syempre para mabusog ang sweetie ko.”
Ayan na naman siya, bakit ba siya tinatawag na sweetie ng lalaki na bagong kilala pa lang niya.
Nahihiya man ay kumain na din siya dahil ang totoo gutom na din naman siya, kunwa kunwarian lang yung sinabi niya sa lalaki kanina na busog siya.
Tahimik lang sila kumain ngunit hindi maiwasan mailang ni Adrianna dahil napapansin niya na panay ang sulyap sa kanya ng lalaki kaya ingat na ingat tuloy siya sa pagsubo ng kanyang kutsara.
Sa wakas ay naka survive naman siya sa pagtapos ng pagkain.
First time lang kasi ni Adrianna ang makipag-date pero teka date nga ba ito?
“Tahimik ka ba talaga o sa umpisa lang?” Ang tanong sa kanya ni Brion.
“Huh, eh kasi.” Halos hindi makasagot si Adrianna sa tanong ng lalaki.
Inilabas naman ni Brion yung cellphone niya pero nagulat siya ng inopen ito ng lalaki, wala pa naman siyang password, may itinayp saglit at ang hindi niya inasahan ay binuksan nito ang camera at itinapat sa kanilang dalawa at nagsabi pa ng smile.
Hindi naman niya sinunod ang lalaki at may kinalkal na naman ang lalaki sa cellphone niya.
Kahit gusto niya magprotesta sa ginagawa nito ay hindi niya magawa unang una eh anak ito ng mayor nila.
Kahit matagal ng nagtatrabaho ang mama niya sa munisipyo ay hindi naman niya ito nakikita dahil ang alam niya sa Maynila ito nanalagi at doon nag-aaral.
Nakita niya na inilapag ng lalaki ang kanyang cellphone sa lamesa akmang kukuhain niya ito pero inilayo ni Brion ang cellphone para hindi niya maabot.
“Mag-usap muna tayo, hindi mo man lang ba ‘ko tatanungin?” Ang sabi ni Brion sa usapan na gusto niyang simulan.
“Ah eh kamusta ka?” Bakit sa dami ng dami pwedeng sabihin ay ayun lumabas sa bibig ni Adrianna.
Bahagya naman natawa si Brion sa nasabi ng dalaga.
“It’s a good start, at ang sagot ko sa tanong mo ay okay naman ako,” sabay abot sa kanya ng cellphone niya.
“Tara hatid na kita sa bahay niyo.”
Nagugulat si Adrianna sa mga nangyayari ngayon naman ay ihahatid na siya sa bahay.
Wala naman nagawa si Adrianna kung hindi sundan ang lalaki dahil ang nasa isip niya kailangan niya ito’ng pakitunguhan ng maayos dahil nga anak ng mayor.
Anak ng boss ng mama niya.
Sa isang iglap ay nasa tapat na sila ng gate ng bahay nila pero naisip ni Adrianna eh hindi naman niya sinabi sa lalaki ang address ng bahay nila kaya napatanong tuloy siya dito.
“Paano mo nalaman kung saan ako nakatira?”
“Kapag gusto mo ang isang tao, hindi imposibleng malaman mo ang lahat lahat ng tungkol sa kanya.”
Parang kinilabutan naman si Adrianna sa sinabi ng anak ng mayor kaya agad na siyang bumaba ng kotse parang ayaw na tuloy niyang magtanong dito or makipag-usap dito.
Hindi na tuloy siya nakapagpasalamat pa dahil sa mga sinabi nito, hindi na niya ito nilingon pa basta nagtuloy tuloy siya pagpasok, kahit habang sinasara niya ang gate ay hindi siya lumilingon dahil nandoon pa din ang kotse na tila ba sinisiguro muna na makapasok siya sa loob bago umalis.
Pagkapasok sa loob ay agad siyang pumunta sa may ref para kumuha ng tubig parang nauhaw siya sa mga sinasabi ni Brion.
“Hinatid ka ba ni Brion?”
Halos maibuga na ni Adrianna ang tubig na iniinom niya sa gulat dahil biglang nagsalita sa likuran niya ang mama niya.
“Nakakagulat ka naman ma,” ang sita niya sa mama niya.
“Tnry kitang tawagan hindi kita makontak.”
Agad chineck ni Adrianna ang kanyang cellphone at halos mabitawan na niya ang cellphone ng makita na ginawang screensaver ni Bryon ang kanilang picture na kanina lang kinuhanan at nakita niya pa na naka-set sa airplane mode ang cellphone kaya hindi pala siya matawagan.
Sa isip isip ni Adrianna eh may pagkawalang hiya din pala yung anak ni mayor at parang pinagti-tripan siya.
Para makumpirma ay nagtanong siya sa nanay niya.
“Mahina yung signal ma kaya siguro hindi mo ko makontak, kamusta pala yung group dinner n’yo?”
“Anong group dinner?” Ang balik na tanong ng mama niya.
Confirm, nagsinungaling lang sa kanya si Brion para makasama siya.
“Hindi mo pa sinasagot yung tanong ko, si Brion ba naghatid sa’yo.”
“Opo.” Wait bakit alam ng mama niya na magkasama sila ni Brion ano kayang sinabi sa kanya ng lalaki pero bago pa man makapagtanong si Adrianna ay nagkwento na agad ang mama niya.
“Pinagpaalam ka kasi niya sa akin kanina na kung pwede daw magpasama daw siya sa’yo para kumain at saka para hindi ka daw mainip sa pag-aantay, nagulat pa nga ako eh dahil hindi ko alam na magkakilala na pala kayo.”
Hindi kami magkakilala, ang gustong sabihin ni Adrianna sa mama niya pero hindi niya magawa habang patuloy pa din ito sa pagkukwento.
“Ang sabi ko naman ay okay lang naman basta pumayag ka.”
Hindi ako pumayag, ang gusto ulit sabihin ni Adrianna pero sa tanging isip lang niya nagagawa.
“Naisip ko eh wala naman masama baka gusto lang makipagkaibigan sa’yo lalo na at magkalapit ang edad niyo, dahil halos matatanda lagi ang kasama nun, pagbigyan mo na lang anak kung gusto magpasama eh samahan mo na lang sa tingin ko naman ay mabait na bata yun kasi ipinagpapaalam ka pa sa akin.”
Hindi na nakasagot pa si Adrianna sa tuloy tuloy na kwento ng mama niya.
Para hindi na maulit pa ang pangyayari ay nagsabi na si Adrianna sa mama niya na hindi na muna siya pupuntahan sa munisipyo para sabay sila umuwi, nagdahilan na lamang siya na madaming siyang gagawin dahil nga graduating na siya pero ang totoo ay hindi naman talaga siya busy.
Gusto lang niya talagang iwasan ang lalaki.