Kabanata 8: πŸ“πŸ’ΌπŸͺ™

1007 Words
VEGA AMARA'S P.O.V: Kinuha ko ang annulment paper at binuksan ang envelope kung saan naroon ang aking pirma at ang pangalan ni Axel na blangko. Wala na akong ibang maramdaman bukod sa sakit mula sa mga alaalang binuo naming dalawa at bago pa ako umiyak ulit, ibinalik ko sa envelope ang papel at saka ako lumabas ulit at hinanap si Tatay Kanor. Nadatnan ko ito sa garahe at nililinis ang isa sa mga kotse ni Daddy at wala ang Land Cruiser na isa at mukhang pumasok na si Daddy sa trabaho niya. "Tay Kanor," tawag ko sa family driver namin na inabot na ng edad sa katandaan ng pagsisilbi nito sa pamilya namin. "Amara, bakit?" aniya at saka binitawan ang pamunas na hawak niya at saka pinunasan ang kamay niyang basa sa suot niyang jersey shorts. Nakapambahay lang kasi ito at wala namang kaso sa amin ang kanilang itsura dahil para sa amin ay parte sila ng pamilya namin. Amara ang nakasanayan dito sa bahay maging ang mga kaibigan ko ay iyon din ang tawag. Si Mommy, Daddy at Axel lang ang tumatawag sa akin ng Vega which is fine by me dahil pangalan ko pa rin naman iyon. "Pwede po bang pakidala ito kay Axel, kung maaari po sana?" "Pwede naman pero maaari ko bang tanungin kung ano ito?" aniya at inusisa ang brown envelope na hawak niya ngunit hindi naman niya binuksan. "Annulment paper po namin ni Axel at ibabalik niya ho iyan sa akin para dalhin sa abogado ko." Bakas ang pagtataka sa mukha ni Tay Kanor at mula sa pagkakatitig niya sa brown envelope, iniangat niya ang kanyang tingin sa akin. "Anak, hindi na ba talaga mababago ang desisyon mo? Mukhang mahal ka pa rin naman ni Axel hanggang ngayon at umaasa ako na magiging maayos din kayong dalawa." Umiling ako. "Wala na pong pag-asa, Tay. Pagod na po ako sa sitwasyon na mayroon kami ni Axel at ito na lang po ang tanging paraan ko para tuluyan akong maging masaya. Inaamin ko po na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin si Axel pero sa tuwing nakikita ko siya ay bumabalik lamang sa akin ang lahat ng sakit na idinulot ng panloloko niya sa akin kaya sana ay maunawaan niyo po ako sa desisyon ko." Tumango si Tay Kanor sa akin at napabuga siya ng hangin. "Siya, sige. Ako na ang bahalang dalhin ito kay Axel." "Salamat po." Nagpaalam na ako kay Tatay Kanor at saka ako bumalik sa aking kwarto. Mapirmahan lang ni Axel ang divorce paper, aalis ako ng bansa at doon ako makikipagsapalaran para sa bagong buhay na gusto ko. Hindi ko sasabihin kahit kanino kung saan ako pupunta at matagal ko na itong pinaplano at sa wakas ay matutupad na ang gusto ko. Buong maghapon akong nakakulong lamang sa aking kwarto at nang sumapit ang gabi, may kumatok sa pinto ng aking kwarto kaya naman umalis ako mula sa pagkakadapa ko sa kama at ini-stop muna ang drama na pinapanuod ko at saka ako lumapit sa pinto upang tignan kung sino ang nasa labas niyon, si Tatay Kanor ang aking nakita at dala na niya ang brown envelope na pinadala ko sa kanya. "Amara, ito na yung pinadala mo kay Axel. Pasensya na at napahaba yata ang kwentuhan namin ngunit sinigurado ko naman na may pirma na iyan bago ako umalis sa bahay niya." Kinuha ko ang envelope na iniabot niya at nang tignan ko ang laman, may pirma na nga ni Axel kaya napangiti ako kay Tatay Kanor. "Salamat po, magpahinga na po kayo." "Sigurado ka na ba talaga sa plano mo, hija? Mukhang labag sa loob ni Axel na pirmahan iyan ngunit wala na siya kamong magagawa kung iyan ang desisyon mo." "Tay, sigurado na po ako at pirma niya lang naman ang kailangan ko. Huwag na po kayong umasa na maibabalik pa sa amin ni Axel ang lahat." "Pero nanghihinayang kasi ako sa inyong dalawa eh. Mukhang mahal niyo naman ang isa't-isa kahit na alam natin sa ating mga sarili na ipinagkasundo lamang kayo ng inyong mga magulang pero nasaksihan kasi namin kung gaano ka kamahal ni Axel." "Tay, gusto ko man hong paniwalaan 'yang pagmamahal ni Axel na sinasabi ninyo sa akin, hindi na po matatapalan ng pagmamahal na iyan ang sugat na iniwan niya sa akin. Masakit po dito," wika ko at itinuro ko pa ang dibdib ko kung saan naroon ang aking puso kung kaya't nahabag si Tatay Kanor sa akin at hindi na umimik pa at nagpaalam na lamang na babalik na siya sa kanyang kwarto. Nang maiwan ako ni Tatay Kanor, isinara ko na ang pinto at napatitig sa brown envelope na hawak ko at saka ako naglakad pabalik sa aking kama at ibinalik sa drawer ang envelope na hawak ko. Natuldukan na rin ang kasal namin ni Axel at bukas na bukas din ay kakausapin ko ang aking abogado upang iproseso ang pagsasawalang-bisa ng kasal namin ni Axel. Nakakapagod na rin kasi. Kahit anong pilit ng mga taong nakapaligid sa amin na bumalik kami ni Axel sa aming pagsasama ay imposible nang mangyari. Ako yung nasasaktan dito pero mas kinakampihan nila si Axel na kesyo alam naman naming lahat na bago pa kami ikasal ay isang certified babaero si Axel at kaliwa't-kanan talaga ang babae niya noon. Dumagdag pang naging ganap siyang pulis at sa bawat taon na lumipas ay tumataas ang kanyang ranggo kung kaya't lalong nahumaling sa kanya ang alagad ni Eva na malapit ko nang talikuran dahil sa kanila. Nagtiwala ako kay Axel noon na magbabago siya dahil nangako siya sa akin at iyon ang pinanghahawakan ko ngunit nabigo niya ako. Kahit kailan, hindi na magagamot pa ang isang bagay na nakasanayan na dahil kahit anong pagpipigil pa ang gawin, kapag nangati, maghahanap at maghahanap pa rin ito ng kakamot sa kalikutan ng kaniyang libido. Napairap na lang ako sa kawalan at saka pinagpatuloy ang panunuod ng drama hanggang sa makatulugan ko ito at nang sumapit muli ang panibagong araw, nagpasya akong kausapin ang abogado ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD