SIMULA

1928 Words
SIMULA Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Tamara habang nakatitig sa sarili niyang repleksyon sa salamin. Halos hindi niya makilala ang sarili dahil kahit anong tingin ang gawin niya sa sarili niya ngayon ay nakikita niya ang kakambal na si Tamiko. Her mom did a great job in making her look like her twin! At hindi siya tanga para hindi makuha ang dahilan kung bakit siya inayusan at binihisan ng ina na parang si Tamiko. Tinatamad na lumabas siya sa CR ng salon kung saan siya hinatid ng Mama niya para gupitan at ayusan. Ni hindi na siya nagpaalam sa staff ng salon at basta na lang lumabas. “Miss! Sandali!” Napatigil si Tamara sa paglalakad dahil narinig niyang tinawag siya ng kaibigan na si Nyx. Patingin-tingin pa ito sa loob ng salon at tila may hinahanap. “Miss, nakita mo ba yung kasama ko? Bumili lang ako ng tubig tapos pagbalik ko wala na sa pwesto niya. Wala pa namang sense of direction yung babaeng ‘yon. Hindi pa marunong mag-commute kaya baka maligaw at hindi makauwi,” tuloy-tuloy na sambit nito habang nakatuon pa rin ang tingin sa loob ng salon. Kinaway niya ang kamay sa mukha nito pero hinawi lang ito ni Nyx kaya sinadya na niyang iharang ang mukha sa mukha nito pero umatras agad si Nyx at saka nagreklamo sa kanya. “Ano ba ‘yan, Miss?! Alam kong malaki ‘yang dibdib mo pero sorry! Kung dibdiban lang naman ang labanan ay may ibubuga rin ako! Hindi lang halata ngayon dahil balot na balot ako!” tuloy-tuloy na litanya pa nito kaya hindi na siya nagdalawang isip na magsalita. “Nyx, ako ‘to…” sambit niya. Kumunot ang noo ng kaibigan at tumitig sa mukha niya. “Ako ‘to. Si Tamara,” muling pakilala niya. Hindi niya naman pwedeng sisihin ang kaibigan dahil kahit nga sarili niya ay gulat na gulat dahil sa naging transformation niya. Oo nga at kambal sila ni Tamiko pero sobrang magkaiba sila. Mapustura at babaeng babae kung manamit at pumorma si Tamiko pero siya ay mas pinili na maging komportable hindi lang sa pananamit kundi pati na rin sa pag-aayos sa mukha. Ni hindi niya kilala ang makeup, suklay at kung anu-anong pagpapaganda samantalang ang kakambal niya ay hindi lang basta sinanay sa luho ng Mama nila kundi sinanay din nito si Tamiko sa marangyang klase ng buhay para tumaas ang ambisyon nito at matutong ‘wag makuntento sa kung ano lang ang meron sila. Entertainer sa Japan ang Mama nila hanggang sa nakilala at naanakan ng Papa nila na Hapon. Pero hanggang doon na lang ang lahat dahil hindi kayang pakasalan ng Papa nila ang Mama nila dahil kasal ito at may pamilya sa Japan. Mayaman ang angkan ng Papa nila at walang ibang nakakaalam na may anak ito sa isang Pilipina. Hindi naman pumapalya ang Papa nila sa pag sustento sa kanila pero nitong nakaraang taon lang ay biglang tumigil ang Papa nila sa pag sustento sa kanila dahil nalaman ng pamilya nito ang tungkol sa kanila. Nalaman niya sa kakambal niyang si Tamiko na bago tumigil ang Papa nila sa pag sustento sa kanila ay binigyan nito ang Mama nila ng ilang milyon at saka binili na nito ang malaking bahay na dati ay inuupahan pa nila. Kayang-kaya na sana nilang pagkasyahin ang binigay ng Papa nila pero masyadong nasanay sa luho ang Mama nila at si Tamiko kaya sa halip na tipirin ang pera ay winaldas pa rin nang winaldas ng mga ito hanggang sa naubos. Ang kakambal niya rin mismo ang nagsabi sa kanya na nakasanla na rin sa isang real estate company ang bahay nila at anytime ay pwede na silang mapalayas doon. At ang naisip na paraan ng Mama nila ay ang akitin ang abogado ng real estate broker para pakiusapan nito ang may-ari na hayaan muna silang tumira sa bahay nila. Pero dahil isang linggo nang nawawala ang kakambal niyang si Tamiko ay walang choice ang Mama niya kundi siya ang utusan akitin ang abogadong ‘yon. “Pūtang ina! Ama! Anak! At lahat ng pwede kong murahin!” eksaheradang sambit ni Nyx habang titig na titig sa kanya. Mabuti na lang at sanay na siya sa bunganga nito. Kakalabas lang sa asylum ni Nyx noong nakilala niya kaya hirap na hirap itong makapag apply ng trabaho. Sakto namang umalis ang isang katulong nila kaya inalok niya ito na magtrabaho sa bahay nila. Agad na pumayag si Nyx lalo na at kailangan na kailangan nito nang matutuluyan. Hirap na hirap pa siyang mapapayag ang Mama niya na kunin itong katulong dahil kahit ang paghuhugas ng pinggan ay hindi nito alam. “Ikaw ba talaga ‘yan, Tam? Bakit parang mas malaki yata yang sūso mo kesa sa akin?” Kunot na kunot ang noo na komento pa nito habang nakatitig sa dibdib niya. Agad na hinawakan niya ang braso nito at saka hinila na para makauwi na sila. Tingin pa rin nang tingin si Nyx sa kanya hanggang sa nakalabas na sila ng salon kaya sinimangutan niya na ito. “Alam kong hindi bagay sa akin. ‘Wag ka nang magsalita dahil alam kong nagmumukha akong trying hard na gayahin si Tamiko dahil sa porma ko,” inis na sambit niya. Kung hindi naman niya gagawin ang gusto ng Mama niya ay malalagot siya. Nagbanta pa ito sa kanya na papalayasin si Nyx kapag nagreklamo siya at tumanggi sa pinapagawa nito. Alam ng Mama niya kung gaano siya naging malapit kay Nyx kaya alam nito na hinding hindi siya tatanggi sa gusto nito. Ayaw niyang mawalan ng kaibigan at nag iisang kakampi sa bahay nila. Kahit kambal sila ni Tamiko ay hindi malapit ang loob nila sa isa’t-isa dahil magkaibang magkaiba silang dalawa ng gusto. “Hindi na ba talaga babalik yung kakambal mo sa bahay n’yo?” tanong ni Nyx. Huminga siya ng malalim. Kahit siya ay walang alam sa dahilan ng paglalayas ng kakambal niya. Pero alam niya na hindi gagawin ni Tamiko na mapalayo sa Mama nila kung wala itong nakilala na susustento sa mga luho nito sa buhay. “Malamang hindi na babalik. Kilala ko si Tamiko. Hindi siya lalayas kung hindi siya sigurado na mabubuhay siya ng maayos sa pupuntahan niya,” sambit niya sabay buntong hininga. “Edi paano na ‘yan? Ibig sabihin ay ikaw yung ipapain ng Mama mo dun sa abogado na aakitin sana ni Tamiko?” usisa ni Nyx. Tumango siya at muling bumuntong hininga. Tumahimik si Nyx at hindi na nag-usisa kaya nagpatuloy sila sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ay nakaabang na kaagad ang Mama niya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Pwede na rin! Pero ayusin mo ‘yang facial expression mo, Tamara! Hindi mo magagawang akitin si Atty. Revamonte kung mukha kang pusa na kakawalay lang sa ina!” tuloy-tuloy na sermon nito sa kanya. Huminga siya ng malalim at sumubok na tumanggi sa gusto nito. Kaninang nasa byahe palang sila ay pinag iisipan niya na tanggihan ang gusto nito. Buong buhay niya ay ngayon lang siya susubok na suwayin ang ina. Naisip niya na kung hindi niya susubukan ngayon ay kailan pa? Ayaw niyang pagsisihan na hindi niya sinubukan na manlaban kahit na may pagkakataon naman sana siyang gawin. “Ano kaya kung ‘wag ko na lang po siyang akitin, Ma?” simula niya. Nagsalubong kaagad ang mga kilay ng Mama niya. Doon pa lang ay halatang hindi na nito nagustuhan ang sinabi niya. “Sinusuway mo ba ako, Tamara?!” asik agad nito. Nanlilisik sa inis ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Hindi naman kasi siya kahit kailan tumanggi sa mga utos at gusto nito. Ngayon pa lang kung sakali. “Magaling po akong makipag usap sa mga tao, Mama. Pwede kong kausapin yung abogado pagkatapos ay makikiusap ako kung pwedeng–” “Punyeta kang bata ka!” malakas na mura ng Mama niya at hindi na siya pinatapos man lang sa pagsasalita. Gigil na lumapit ito sa kanya at saka hindi na nagdalawang isip na hawakan ang mukha niya. “M-Mama–” Bumakas ang kaba at takot sa mukha ni Tamara dahil sa nakikitang iritasyon sa mukha ng Mama niya. “Bakit ba kasi si Tamiko pa ang lumayas? Bakit hindi na lang ikaw, tutal ay wala ka namang silbi sa bahay na ‘to!” gigil na bulalas nito at humigpit ang paghawak sa mukha niya. Napangiwi siya nang halos bumaon na ang mga kuko nito sa magkabilang panga niya dahil sa higpit ng hawak nito sa mukha niya. “Ma’am, tama na po–” “Isa ka pa!” pabulyaw na baling ng Mama niya kay Nyx na sumusubok na pigilan ito. “Pareho kayo nitong si Tamara na walang silbi!” bulalas nito at saka binitawan ang mukha niya. Napahawak siya sa gilid ng panga niya dahil pakiramdam niya ay bumaon doon ang matutulis na kuko ng Mama niya. “Mawalang galang na po pero hindi naman po tama na ipain n’yo yung sarili n’yong anak sa lalaki–” “At anong karapatan mong kwestyunin ako sa gusto kong gawin sa mga anak ko?! Sampid ka lang sa pamamahay na ‘to kaya lumayas ka!” iritadong bulalas ng Mama niya kaya namilog ang mga mata ni Tamara at mabilis na nilapitan ito. “Ma, wala pong kasalanan si Nyx–” “Hindi ba at may usapan na tayo, Tamara?! Tutal ay mukhang ayaw mo naman akong sundin kaya papalayasin ko na lang ‘yang kaibigan mo. Wala namang alam ‘yan sa gawaing bahay!” patuloy na bulalas nito at saka nilapitan si Nyx. “Lumayas ka na! Layas! Mga wala kayong silbi!” tuloy-tuloy na pagtataboy nito at tinulak tilak pa si Nyx at halos kaladkarin na palabas ng bahay. “Mama, tama na po!” mariing pigil niya pero tila wala itong naririnig. “Lumayas ka! Makabawas man lang ng palamunin sa bahay na ‘to!” Tuloy-tuloy pa rin sa pagtataboy ang Mama niya kay Nyx. Tuluyan nang napaiyak si Tamara nang maitulak na ng Mama niya si Nyx palabas ng gate nila. “Mama, tama na po! Susundin ko na po kayo!” umiiyak na sigaw niya at saka mabilis na nilapitan si Nyx at hinawakan sa braso. “Anong sabi mo, Tamara?” tanong ng ina. “Susundin mo na ako?” “Tam, ‘wag! Aalis na lang ako–” “Hindi ka aalis!” mariing pigil niya sa sinasabi ni Nyx at mas lalo pang napaiyak sa harapan nito. “Nangako ka sa akin na hindi mo ako iiwan dito, Nyx. Nangako ka ‘di ba? I-ikaw lang ang… a-ang kakampi ko dito. ‘W-wag mo ‘kong iiwan, Nyx. P-please?” tuloy-tuloy ang pagsusumamo niya sa kaibigan para lang ‘wag siya nitong iwanan. Mas gugustuhin niya pang sundin ang lahat ng kapritso ng Mama niya kesa ang maiwan muli sa bahay na ‘yon na walang kahit na sinong nakakaintindi at kakampi sa kanya. “Oo na. Hindi na ako aalis,” sambit ni Nyx kaya agad na pinunasan niya ang luha niya at hinarap ang Mama niya. “Opo, Mama… Susundin ko po ang gusto n’yong mangyari,” determinadong sambit niya at humigpit ang hawak sa kamay ni Nyx. “Gagawin ko po ang lahat para lang maakit sa akin si Atty. Revamonte…” pagpapatuloy niya kahit na sa isip niya pa lang ay hindi na niya alam kung paano ang mang-akit ng isang lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD