Kabanata 1

3855 Words
Fight for Us Kabanata 1 "Ma, ito po dalawang libo... pandagdag sana sa mga gastusin." Pilit kong inaabot kay Mama ang perang naipon ko sa dalawang linggong pag tra-trabaho ko. "Wag na, 'nak! Hindi mo naman kailangan mag bigay! Kaya na namin ni Papa mo," naluluhang sabi sa akin ni Mama. Pilit niyang itinutulak ang kamay ko. Ngumiti ako at hinawakan ang kamay niya. Ibinukas ko ang palad niya at nilagay ang nakatuping pera. Yumuko si Mama at tuluyan nang nahulog ang mga luhang pilit kumakawala kanina lang. Hinaplos ko ang pisngi ni Mama. "Lagi na lang ganito, 'nak. Lagi ka na lang nag bibigay sa amin ni Papa mo. Salamat, anak." Umiiyak na sabi ni Mama. Nilapit niya ako sa kaniya at niyakap. Dahan-dahan kong niyapos sa mainit at mahigpit na yakap ang Mama ko. "Mahal na mahal ko kayo, Ma, kaya gagawin ko ang lahat para makapag tapos ng pag-aaral at ako naman ang mag tra-trabaho para sa ating lahat." Hindi kami bumitaw ni Mama sa yakap. Unti-unti na ring nag si patak ang mga luha kong kanina pa gustong kumawala sa aking maliliit na mata. Binaon ko sa balikat ni Mama ang aking mukha. "Mahal din kita, anak. Mahal ka namin ni Papa mo. Lagi mong tatandaan 'yan, ha? Salamat, 'nak. Sobrang salamat." Patango-tangong wika ni Mama. Bumitaw kami ni Mama sa yakap at tinignan ang bawat isa. Pareho kaming natawa sa itsura namin. Punong-puno ng luha ang mga pisngi, namamagang mata at namumulang ilong. Lumabas si Clarisa mula sa kwarto. Nagtatakang tinignan niya kami ni Mama. Nang mahulaan niya ang nangyari natawa ito at hinagisan ako ng panyo. Sapul sa mukha ko. "Madumi naman 'to, eh!" Hinagis ko pabalik sa kaniya ang panyong ibinato niya. Nasalo naman niya at mas lumakas pa ang tawa. Mag bibigay na nga lang ng panyo 'yung gamit pa! "Hindi naman 'yan sobrang dumi, 'no! Pinunas ko lang naman 'yan sa pisngi ng pwet ni Stacy!" tumatawa nitong sagot sa akin. Nalukot ang mukha ko sa sinabi ni Clarisa. Si Clarisa ang pinakababatang kapatid ko. Maaga siyang nabuntis at hindi pinandigan ng kaniyang nobyo. Walang bayag ika nga ni Kuya sa nakabuntis kay Clarisa. Hindi naman nagalit sina Mama at Papa sa kaniya, nag kamali man siya dahil ginawa na niya ang bagay na dapat hindi pa ginagawa sa edad na eighteen naging responsable naman ito. Pabiro namang hinampas ni Mama si Clarisa. "Ikaw talaga!" natatawang saway ni Mama. "Umalis kana nga! Pumunta kana sa cr para mag laba ng damit ng anak mo!" gamit ang kamay tinaboy ko si Clarisa. Umalis naman ito. Naiwan na lang ulit kami ni Mama sa may sala. Pinunasan ko ang mga luha kong natuyo. Medyo mahapdi ang mga mata ko, nangangati rin ang ilong ko. "Saan si Kuya, Ma?" tanong ko. Habang patuloy na inaayos ang itsura. "Sabi niya may gawa raw siya kaya pumunta sa gawaan." Naghilamos si Mama ng mukha sa may kusina. Nilagay niya rin ang perang ibinigay ko sa kaniyang wallet. Nang mag gabi naka uwi na si Papa at Kuya kaya sabay-sabay kaming nag si kain. Kwentuhan at tawanan ang namayani sa hapagkainan. "Ano oras ang pasok mo bukas, Maria?" tanong ni Kuya. "8 po." "Hatid kita may pagawa kasi ako kanina sabi no'ng may ari hatid ko raw sa kanila. Madadanan naman school mo. Para makatipid ka sa pamasahe." Kahit na kapos kami sa pera, mayaman naman kami sa pag mamahal. Masuwerte ako at sila ang ibinigay sa akin ng Panginoon. May nabasa kasi ako noon sa f*******:, namumuhay nga raw sila ng pamilya niya ng maayos at komportable pero hindi naman sila masaya. "Sige ba, Kuya!" wika ko. Nang matapos ang hapunan, nag presinta ako kay Mama na ako na lang ang mag hugas. Ayaw pa nga nito no'ng una pero nakumbinsi naman siya ni Papa na hayaan na lang ako para makapagpahinga na siya. Madami nga daw kasi ang palaba niya sa araw na 'to. Madalas na ring inerereklamo ni Mama ang sumasakit niyang kamay dahil sa pagmamano-manong laba. Mas gusto kasi ng mga nag papalaba kay Mama ang mano-manong laba kesa gumamit ng washing machine dahil hindi naman daw ito nalilinis ng maayos. Mababa lang ang kinikita ni Mama sa paglalaba. "Wala kabang trabaho bukas?" si Papa. Nilingon ko siya saglit. "Wala po pag Tuesday at Friday. Day off ko po 'yon," sagot ko. Tumango naman ito at umupo sa may sala para mag bilang ng kita sa araw na ito. "Maria!" Kunot-noo kong binalingan si Kuya. Nakangisi naman itong lumapit sa akin. "Ano na naman ba Kuya? Mang-iinis ka na naman!" inipon ko ang tubig sa dalawang kamay ko at sinaboy sa kaniya tumama lang 'yon sa dibdib niya. Umatras siya sa gulat pero agad ding nakabawi at tinulak ako paalis sa lababo. Umipon din siya ng tubig at sinabuyan ako sa mukha. Matangkad kasi si Kuya kaya naman sakto sa mukha ko ang tubig. "Ano ba kasi 'yon Kuya!" "May ibibigay lang sana ako sa'yo kaso parang 'wag na lang pala. Nagsungit ka na naman," pangongonsensiya niya. Nanlaki ang mata ko at ngumit ng pagkalaki. Minsan lang 'to mangyari kaya dapat maibigay niya sa akin. "Ano 'yon?" humawak ako sa braso niya, panlambing ba. May kinuha siya sa bulsa niya. Tinangal niya muna ito sa puting envelope bago inabot sa akin ang papel. Tinangap ko naman 'yon kahit na nagtataka ako dahil papel talaga? "Papel?" "Buklatin kasi," simpleng sabi ni Kuya. Binuklat ko ito at nakitang papel ito ng isang sikat na kumpanya. Sulat ito mula mismo sa kumpaniyang iyon. Nakalagay doon ang pangalan ni Kuya. Para sa kaniya ang liham na 'to. Nanlaki ang mata ko nang mapagtantong isa itong Hiring Letter! Natangap si Kuya sa isang sikat na kumpanya! "Surprise?" malaking ang ngiti ni Kuya. Ang kumpaniyang ito ay madaming mga negosyo. Isa ito sa mga pinakamatagal at malalagong kumpaniyang ninanais ng mga walang tabahong katulad ni Kuya. "Wow!" Pataas taas ang kilay ni Kuya sa akin. Sobrang saya ng kaniyang mukha. Magiging isang regular na trabahante na siya. "Hindi ko pa sinasabi sa kanila. Gusto ko muna kasing magsimula muna sa trabaho bago sila sabihan," hindi maalis sa mukha ni Kuya ang isang matamis at malaking ngiti. Maging ako man ay sobrang saya para sa kapatid ko. Si Kuya naman kasi ay isang masipag ngunit ang kahirapan lang daw talaga ang naging hadlang sa kaniya. Pero para sa akin? Kailanman ay hindi ito naging hadlang basta may matayog kang pangarap. "Kailan ka ba Kuya mag sisimula?" tanong ko. Sumandal ako sa may lababo at pinag krus ang dalawang braso sa may dibdib. "Sa susunod na araw na. Huling gawa ko na nga ang sasakyan na nasa labas." Kinuha ni Kuya ang papel sa kamay ko, tinupi at binalik sa puting envelope. "Naks! Iba na siya!" asar ko. "Anong negosyo ba nila Kuya ang inapplyan mo?" Humalukipkip muna siya at natawa saglit. "Sa hotel de Asuncion. Diyan lang sa may pasay," aniya. "Iba talaga! Anong posisyon?" "H-ha?" Tumaas ang kilay ko. "Anong posisyon mo kako sa trabaho!" Kumamot ito sa batok. Nahihiya pa nga ata si Kuya. "S-siyempre mababa lang, sa maintenance." Tumango naman ako. "Sige na nga alis na 'ko. Mag hugas ka na diyan," paalam niya bago umalis sa tabi ko. Kinabukasan gumising ako ng maaga para tumulong kay Mama at Clarisa sa pag hahanda ng pagkain at pag lilinis tuwing umaga. Tuwing Wednesday at Friday ako tumutulong dahil hindi maaga ang klase ko. Nag hilamos lang muna ako at nag toothbrush bago lumabas sa kwarto. Tatlong kwarto lang ang meron kami. Kilala Mama, kay Kuya at sa amin ni Clarisa kasama si Stacy na isang taong gulang na. Tandang-tanda ko pa noong mga unang linggo at buwan ni Stacy. Hindi niya kami pinapatulog ni Clarisa ng maayos dahil iyak ito nang iyak. Pasalit-salit kami ni Clarisa noon kay Stacy. Dinaig ko pa ang tatay ni Stacy. Ang kwento sa likod ng pagkatao ng tatay ni Stacy ay naging taboo sa pamilya. Hindi namin pinilit si Clarisa mag kuwento. "Good morning!" Bati ko sa kanila at hinagkan isa-isa. Lumapit ako kay Stacy na nasa may lapag ng sala. Nag lalaro ito ng mga manika niya. Ang carpet na kaniyang inuupuan ay nakatupi na dahil pinaglaruan niya ito malamang. Binuhat ko siya at hinagkan. Hinawakan naman niya ang mukha ko at inilapit sa kaniyang magandang mukha.  Hindi ito kamukha ni Clarisa kaya malamang sa tatay niya ito namana. "Bakit, Stacy? Ha? Anong gusto mo?" mas hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kaniya kaya natawa ito. "'Nak! Punta kana dito sa kusina. Kain kana!" tawag sa akin ni Mama. Tumango ako sa kaniya at dahang-dahan ibinaba si Stacy sa may carpet na inayos ko rin. Tumungo ako sa may kusina na nakahanda na ang pagkain ko. "Sabi ko naman sa'yo Ma, ako na lang ang mag aayos ng pagkakainan ko," sabi ko. "Hayaan mo na! Ito namang batang 'to ayaw pag silbihan!" Pumalo ito sa may hangin. Napaka swerte ko talaga at binigay sila sa akin. Kumain ako ng madami sa umaga na 'yon bago tumulong sa pag lilinis. Nang matapos sa pag lilinis, dumaretso na ako sa kwarto para makaligo na at makapasok na. Nag iintay na rin kasi si Kuya sa may sala. Ihahatid niya nga pala ako ngayon sa eskwelahan. "Ang bait nga ng may ari ng kotseng 'to, eh," sabi ni Kuya habang nag mamaneho. Liningon ko siya. "Talaga?" "Oo tsaka ang ganda pa! Ang kinis at mabango. Anak mayaman kasi!" "Bakit doon nag pa-ayos ng kotse?" "Ah! Nasiraan kasi sa daan malapit sa atin. Saktong nakita ko siya kaya tinulungan ko na." ngiting-ngiti si Kuya. Napangiwi ako sa reaksyion ng mukha niya. Mukhang nag kagusto agad si Kuya sa babaeng 'yon, ah! "Sus, nagandahan ka lang kamo kaya tumulong ka! Dahilan pa!" asar ko. Tinaas niya ako ng gitnang daliri niya. Natawa naman ako doon. "Sama nito! Sumbong kita kay Papa, e!" maktol ko. Inirapan lang niya ako at nag pokus na lang sa pag mamaneho. Ako naman ay pinagmamasdan na lang ang siyudad ng maynila. Napaka ingay ng maynila. Mula sa mga busina ng mga kotse hanggang sa mga tao sa labas na nag uusap-usap. Napaisip ako paano kaya kung maganda ang buhay ko mula noong pinanganak ako? Ano kaya ang ginagawa ko ngayon? Masaya kaya ako? Mula sa bintana ng mamahaling kotse na ipinagawa sa kapatid ko pinagmamasdan ko ang ang maingay ngunit napakagandang maynila.  Nang malapit na kami sa may paaralang pinapasukan ko, muling nag ayos ako ng sarili. "Oh. Bilis! Baba na, Maria! Baka hinahanap na 'tong kotse!" Lumapit ako kay Kuya at kinurot siya sa tagiliran niya. Napa daing naman ito sa sakit. Mahaba ang mga kuko kaya naman masakit talaga ang pagkurot ko sa kaniya. Hinaplos haplos naman niya ang tagiliran niyang kinurot ko. Aabutin niya pa sana ako pero nag madali na akong lumabas sa kotse. Bago ko pa isara ang pinto dumila pa ako sa kaniya para mangasar. Tumawa na lang si Kuya. Tumingin ako sa relo sa kaliwang kamay ko. Maaga pa naman kaya napag desisyunan kong pumunta na lang muna sa may canteen. Naghanap ako ng bakanteng lamesa sa mag dulo para kaunti lang ang mga estudyante. Mas payapa kasi kung sa malayo ako pumuwesto para kung maisipan ko mang mag aral muna bago pumasok sa pangunang klase. Nang makahanap ako ng bakanteng puwesto sa dulo, iniwan ko roon ang aking bag at pumila na para makabili ng pagkain. Bumili lang ako ng ensaymada. Lagi akong may baong tubig kaya naman hindi ko na kailangang gumastos para sa panulak. Habang kumakain nag babasa na lang ako ng past lesson namin sa unang subject ngayong araw. Tahimik lang akong nag aaral at kumakain nang lapitan ako ni Jewel. Matagal ko na siyang kaibigan. High School pa lamang kami noong naging malapit kami sa isa't isa. Umupo siya sa may harap ko. "Ano ba 'yan, Maria! Aral ulit?"  bagot na sabi ni Jewel. Si Jewel ay galing sa may kayang pamilya. Matalino naman siya pero may pagkatamad nga lang. Mas gusto niya pa raw na magbasa ng w*****d kesa magbasa ng mga lessons. "Hay nako, Jewel! Kung sasabihan mo lang ako na isara ko na 'tong libro at magbasa na lang mga storya sa w*****d na kinahihikigan mo, binabalaan na kita. 'Wag mo nang ituloy," daing ko. Pero mukhang wala itong narinig dahil kinuha niya ang libro ko at isinara ito bago ipasok sa kaniyang mamahaling bag. Pilit ko itong inagaw sa kaniya pero winawaksi niya ang kamay ko. Nag labas ito ng libro sa bag niya at pinaslide ito sa harapan ko. "'Yan muna ang bigyan mong pansin! Alam mo iyang kuwento na 'yan? Nako! Sobrang ganda n'yan! Grabe, ang kilig ko sa bidang lalaki!" para itong binuhusan ng asin dahil sobra ito kung kiligin. Kinuha ko ang libro at binuklat. Pag bibigyan ko siya ngayong araw dahil baka kulitin lang ako ng kulitin nito! Nasa pahina sampu na ako nang mag salita ito muli. "Kilala mo ba 'yong gwapo na mayaman? 'Yong nag-aaral sa university d'yan lang sa may Taft?" inangatan ko siya ng ulo. Bakit anong meron doon? Sino ba 'yon? Umiling ako sa kaniya at nilapag ang libro sa lamesa at nag pangalumbaba habang tinitignan siya. Pinakita niya sa akin ang cellphone niya. Nasa isang news website ito. Naroon ang pangalan ng lalaking tinutukoy niya. Leon Aiden Villanueva. "Viral siya ngayon!" nanlalaki ang mata niya. Ano naman ngayon kung nag viral siya sa internet? "Ano naman ngayon?" tanong ko. Dumaretso ako ng upo. Ang kamay ko ay naglalaro sa librong pinahiram ni Jewel. "Nag viral siya dahil sa isang issue! Nakipag suntukan daw sa club sa taguig!" Umiling ako at muling binalikan na lang ang librong pinapabasa niya sa akin. Maganda ito kung tutuusin. Hindi ko lang talaga interest ang mga ganitong libro. "Sayang face, b!" nakahawak siya sa mukha niya. Baliw na ata 'tong kaibigan ko. Mahilig kasi siya sa mga artista at mga sikat na tao. Marami rin siyang mga crush. "Alam mo 'yang mga ganiyang kabataan, walang pake 'yan sa pag-aaral nila," pangaral ko kay Jewel. Ngumuso siya at inirapan ako. "Ikaw kasi puro basa nang basa! Try mo rin kayang lumabas para mag liwaliw!" Kumunot ang noo ko. Hindi na nga ata napagod ang noo ko sa lagi nitong pagtupi. Paano naman kaya ako mag liliwaliw kung wala naman akong perang ipang-gagasta? Atsaka, wala naman akong alam sa ganiyan. Mas gugustuhin ko pang mag trabaho na lang at magmukmok sa pagbabasa ng mga lessons. Bumuntong hininga ako. Konting tiis na lang, Maria. Magagawa mo rin ang mga gusto mo pag naging isang ganap na guro kana. Pag may maipagmanalaki kana 'tsaka kana magsaya. Unahin mo muna ang pamilya mo bago ang iba. "Sus! Tara na nga baka ma-late pa tayo sa klase," saad ko kay Jewel na ngayon ay babad na naman sa Twitter niya. Malamang nakikisagap ito ng balita sa sinabi niyang sikat na lalaki kanina lamang. Tumayo na ako sa kinauupuan ko, nilinis ko rin ang dumi sa pag kain ko ng ensaymada. Ang librong pinabasa sa akin ni Jewel ay inilagay ko sa bag ko. Mamaya ko na lang siguro itutuloy 'yon bago matulog. Kinalabit ko na si Jewel para maka-alis na kami sa canteen. "Natapos niyo na ba 'yong lesson plan niyo? Kailan ba isusubmit 'yon kay ma'am?" tanong sa akin ng isang kaklase. Inayos ko na ang gamit ko dahil tapos na ang unang klase namin. "Malamang na tapos na ni Maria 'yon!" sabat ni Jewel. Nakatayo na si Jewel sa tabi ko dahil naka paglipit na ito ng kaniyang gamit. Tumawa 'yong kaklase namin na nag tanong sa akin. "Nakalimutan ko lagi ka nga pa lang nauuna matapos sa mga pinapagawa," natatawa parin ito. Ngumiti na lang ako at tumayo na rin.  "Sus! Kunwari ka pa Edward! Gusto mo lang talaga makausap 'tong kaibigan ko, eh!" kantyaw ni Jewel sa kaklase. Nahiya naman si Edward kaya napa kamot ito sa kaniyang batok. Hindi ko naman na pigilang matawa sa kaniyang itsura. "Ikaw talaga, Jewel. Nahiya tuloy itong si Edward!" mahina ko lamang pinalo si Jewel sa kaniyang braso. Nag make face naman ito at hinila na ako palabas ng classroom. "Sige, Edward una na kami!" paalam ko kay Edward nang makalabas kami sa classroom. Naglalakad na kami ni Jewel sa hallway para pumunta sana sa library para sa munting research na gagawin. "Halatang gusto ka no'n, ah!" asar ni Jewel. Tinusok pa ako sa aking tagiliran kaya naman napa sigaw ako at napa layo kaunti sa kaniya. Pinalo ko siya sa braso na ikinatawa ulit niya. Ang kulit talaga ni Jewel! Lagi na lang ako inaasar sa mga kaklaseng lalaki na kumakausap sa akin. Kesyo na may gusto daw ang mga iyon sa akin. Hindi ba puwedeng gusto lang talaga ako maging kaibigan? Kakaiba rin kasi itong kaibigan ko kung mag-isip lagi na lang may malisya. "Wala ka bang balak tumanggap ng manliligaw? Baka tumandang dalaga ka ha! Ke ganda ganda mo tapos sasayangin mo lang? Ay nako, Maria kung ako lang ang may gandang katulad sa'yo? Baka nakailang boyfriend na 'ko!" humalukipkip siya. Natawa na lang ako at umiling. Baliw talaga ang isang 'to. Lagi na lang sa akin sinasabi na mag boyfriend na 'ko dahil nasa tamang edad naman na. "Alam mo naman na mas gugustuhin ko pang tumandang dalaga basta lang maiangat sa hirap ang pamilya ko, 'no! 'Tsaka wala pa 'yan sa plano ko," sabi ko habang daretso lang ang tingin sa dinadaanan. Tumigil si Jewel sa paglalakad kaya naman na patigil din ako. Nasa may labas na kami ng library. Hinawakan niya ako sa braso at dinala sa may gilid ng pinto. Para hindi makasagabal sa mga papasok na estudyante. Hinarap niya ako sa kaniya. Hawak-hawak niya rin ang magkabilang braso ko. "Gusto mo ba... I-try mag blind date? Try mo lang! May kilala ako!" pangungumbinsi niya. Hay nako, ito na naman ang walang sawang blind date. Katulad parin ng dati, inilingan ko siya at tinanggal ang kamay sa braso. Wala pa talaga 'yan sa plano ko. Atsaka wala rin akong oras para riyan. Nag-aaral at nag tra-trabaho ako sa hapon kaya naman walang pagsisingitan. Ang prioridad ko sa ngayon ay ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya ko lalo na at may bagong miyembro ang pamilya. Magsusumikap ako para sa kanila. Mag tatapos ako para sa sarili at para na rin sa pamilya. Mag iipon at magiging successful din balang araw. "Baliw ka talaga!" Pumasok na ako sa library. Kasunod ko naman si Jewel. Gaya rati sa may dulo parin ang na piling puwesto para wala gaanong estudyante. Umupo sa harap ko si Jewel. Nilabas niya ang kaniyang laptop. Nag tipa saglit ng kaniyang password bago ito iniharap sa akin. Gano'n kasi ang gawain niya, pinapahiram niya sa akin ang laptop niya para makapag research dahil wala naman akong laptop o computer sa bahay. Imbis na lumabas pa kami ng eskwelahan para lamang makapag research, pinapahiram niya na lamang sa akin ang kaniya. Gusto pa nga niya na siya na lang ang bumili sana ng computer para may magamit ako pero hindi ako pumayag. Malaki na ang naitulong sa akin ni Jewel maging ang pamilya niya. Ayaw ko na sanang mas lumaki pa ito kaya naman tumatanggi ako sa mga alok niya patungkol sa mga bagay na mamahalin. Inabot ko ito at inilagay sa harapan ko. "Thanks," simpleng pag papasalamat ko sa kabaitan ng kaibigan. Tumango na lang siya at muling nag babad sa kaniyang cellphone. Tumagal rin kami ng trenta minutos sa loob ng library.  Pabalik na kami sa pangalawang klase ngayong araw. Isang klase na lang at makakapag trabaho na ako sa may convenience store malapit dito lang sa eskwelahan. "Alam mo gusto talaga kitang isama sa taguig,"  aniya. Si Jewel ay isang modelo ng local brand ng cosmetics. Maganda at matalino ito, kaya naman madami rin talaga ang nag kakandarapa sa dalaga.  Ang pamilya naman niya ay nasa linya ng mga doktor. Pero hindi niya ito binigyang pansin dahil mas gusto niya ang maging isang guro. "Party-party sana tayo do'n, eh! Balita ko laging andoon si Aiden!" kinikilig na saad niya sa pangalang 'Aiden'. Tumigil siya sa paglalakad. "Sabihan mo ako pag gusto mong sumama ha! Sa Friday naman 'yon wala tayong klase kinabukasan, atsaka wala ka rin namang trabaho sa Friday, hindi ba? Sama kana kasi, Maria! Minsan lang naman 'to! Please..." dagdag niya. Pinagdikit niya ang dalawang palad niya para magmakaawa na sumama na ako. Ngumiti na lang ako sa kaniya at patuloy na nag lakad papunta sa classroom. Inismiran naman niya ako at patakbong sumunod. Ano ba ang makukuha ko sa pag punta sa mga party na 'yan? Wala naman akong matutunan doon. Sasakit lamang ang ulo ko kinabukasan pag pumayag ako sa kaniya makisama sa sinasabi niyang party. Kilala ko ang kaibigan ko. Madami siyang kakilalang mayayaman kaya naman sa tingin ko hindi niya ako kailangan doon. Nag pokus na lamang ako sa pakikinig ng lecture ng professor namin sa Biology. Ang mga mahahalagang detalyeng binabangit niya ay isunusulat ko sa isang papel. Nagkaroon din kami ng recitation na sa tingin ko ay pumasa naman ang mga sagot ko. Matapos ang klase nag tungo na agad ako sa pinag tra-trabahuang convenience store. Nag palit na ako ng uniform sa may cr. Nag ayos rin ako ng buhok at nag lagay ng kaunting palamuti sa mukha. Isa akong kahera. Apat na oras din ang shift ko dito. Nakakaupo lamang ako pag walang nagbabayad. Nasa kalahating oras na ako nang pagtratrabaho nang may pumasok sa store. Noong una ay nagitla ako sa ayos niya dahil naka sumbrero at shades ito kahit na hindi naman sikat ang araw sa labas. Nawala lang ang pagkakagitla ko no'ng nag tanggal na siya ng shades. Kita mo sa mukha niya ang pasa na nag violet na. Nasa may ilalim ito ng kaliwang mata niya. May sugat rin siya sa may gilid ng labi. Pumunta siya sa aisle ng mga pang first-aid. Siguro ay kumuha ng mga panggamot sa sugat niya. Hindi ko masyadong matignan ang mukha niya dahil nakababa ang sumbrero. Tama lang para makita ang mga sugat at pasa. Lumapit siya sa akin para mag bayad. Doon ko na lang nakita ang mala abong mata niya. Sumingkit ang mata ko dahil parang familiar sa akin ang kaniyang mukha. Saan ko nga ba siya nakita? Nilagay niya sa counter ang binibili niya. Bulak, ice bag at alcohol. Napangiwi pa nga ako sa alcohol dahil malamang masakit ito pag iyon ang ilalagay niya sa sugat niya. "79 pesos po," sabi ko. Ibinigay ko sa kaniya ang plastic bag ng pinamili niya. Inabot niya ito habang nakatingin sa mata ko. Nakakailang naman ang mga tingin niya. Umiwas ako ng tingin at ngumiti sa kaniya. Nilagay niya rin sa may counter ang 100 peso bill niya. Kumuha ako ng sukli at inabot sa kaniya. Tumingin na ako sa kaniya. "Thank you po, sir. Come again po," nakangiting sabi ko. Pero sana pag balik mo maayos na 'yang mga sugat na 'yan. Hindi ko talaga ikakailang gwapo siya. Matipuno at matangkad. Sa tingin ko ay nasa 6 feet ang tangkad niya. Maputi rin siya kaya naman halata sa kaniya ang sugat. Hindi siya ngumiti sa akin. Daretso lamang ang lakad niya palabas. Nakahinga naman ako ng maluwag. Ang kaniyang presensiya ay nakaka intimidate talaga. Pagod na pagod akong umuwi sa bahay. "Andito na po ako!" sigaw ko pag pasok sa bahay. Sinalubong naman ako ni Mama at Papa. Nag mano ako sa kanila at humalik sa pisngi. Nagpaalam akong magpapahinga muna sagkit bago kakain ng hapunan. Naintindihan naman nila kaya sumangayon sila. Pagpasok sa kuwarto nadatnan kong tulog ang mag-ina kaya dahan dahan akong nagpalit at tumabi sa kanila. Sobrang nakakapagod ang araw na 'to. Ang dami kasing costumer kanina. Nanibago nga ako, eh dahil hindi naman katulad dati. Pag labas kasi noong lalaking may mga pasa doon na nag simulang dumami ang costumer. May hinahanap nga daw sila pero hindi naman nila nakita kaya naman bumili na lang sila para hindi daw sayang ang pagod sa pagpunta. Hay, itutulog ko na lang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD