Kabanata 2

2954 Words
Kirsten “Chief, kumusta ka na?” Napatigil ako, maging sila, nang marinig namin ang boses ni Tito Raymond na paparating. Mahahalata ang kawalang galang ni Tito sa lalaki base pa lamang sa tono ng boses nito. Tinapunan ako nito ng tingin, bago lumipat kay Dark na biglang sumeryoso ang mukha. Sumaludo pa ang mga ito kay Tito. “Magandang araw, Mayor Alonzo. Mabuti naman po ako,” magalang na sambit ni Dark, ngunit napansin ko na biglang nag-iba ang awra nito. Ngumiti si Tito at saka ako hinawakan sa ulo. “Mabuti naman kung ganoon.” Napansin ko rin ang kaplastikan ni Tito kung ngumiti kaya kinabahan ako. “Oo nga pala, pasensiya na kung kukunin ko na ngayon ang pamangkin ko. Kailangan na naming umuwi, mga hijo, hija.” Wala na akong nagawa nang tangayin ako ni Tito paalis. Nilingon ko pa sila at kumaway muna ako’t nagpasalamat bago kami sumakay sa kotse. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nalungkot. Kahit nahihiya ako kay Dark kanina ay masaya akong kasama siya. Pero ngayong uuwi na kami ay tila bumalik sa dati ang pakiramdam ko. Tahimik naman si Mayor nang umandar na ang kotse. Ngunit pansin ko ang pagngisi-ngisi nito. “Kristen, Kirsten...” Takot na napatingin ako rito nang banggitin nito ang pangalan ko habang napapahalakhak. Nang tingnan ko ang driver namin ay wala lang itong pakialam. Patuloy lamang itong nagmamaneho. Nilingon ako ni Tito Raymond at ngumisi sa akin nang malaki. Pinisil nito ang pisngi ko nang marahan na hinayaan ko lamang. “Ikaw lang pala ang solusiyon ko, pamangkin. Mabuti lang pala ang pasya ko na isama ka roon. Mamaya pag-uwi natin ay may pag-uusapan tayo sa opisina ko, okay?” mahinahong anito at binitiwan na ang pisngi ko. Napahinga ako nang malalim at saka marahang bumuntong hininga. Ano naman kaya ang pag-uusapan namin? Base sa nakikita kong ekspresiyon ni Tito ay mukhang may hindi ito magandang plano. Muli na lamang akong napatingin sa labas ng bintana. At napangiti pa ako dahil napansin ko na hindi na pala makulimlim ngayon. Sumisilip na ang haring araw. Nang makarating kami sa mansion ng Alonzo ay agad kaming bumaba ni Tito. Agad na ako nitong sinenyasan na magtungo sa opisina nito sa ikalawang palapag nitong mansion. Wala na naman na akong nagawa kundi ang sumunod dito. Tahimik kong tinahak ang daan papunta sa opisina ni Tito. Malungkot na naman ang buhay ko rito. Nais ko sanang magtungo sa mall mamayang gabi kapag nakapagpahinga na ako. Mamaya kasing hapon ay magtatahi ako ng mga dress na dadalhin ko sa shop ko upang ibenta. Iyon lang naman ang trabaho ko kaya kahit papaano ay nakakaipon ako ng pera. Nang makarating sa opisina ni Tito ay marahan kong pinihit ang seradura ng pinto at tahimik na pumasok sa loob. Malinis at maayos na kagamitan ang sumalubong sa akin pagkapasok ko. Mamahalin din ang ibang mga gamit ni Tito rito na basta na lang niya binili. Bumuntong hininga ako bago maupo sa sofa na narito. Kumusta na kaya ngayon si Dark? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Nakagat ko ang ibabang labi. Napailing ako. Bakit ko ba siya iniisip? Hindi na rin naman ata kami magkikita pa niyon. Pero kapag nagkita kami ay sisiguraduhin kong siya naman ang ililibre ko. Sumandal ako sa headrest nitong sofa sabay tingala sa kisame. Sa totoo lang ay ang hirap kapag walang magulang sa tabi. Mangangapa sa paligid at walang gagabay kundi ang sarili ang sarili lamang. Iyon ang nararamdaman ko palagi. Ngunit kung kasing-sama naman ni Tito ang magulang ko ay okay na ako sa kung ano ako ngayon. Bumukas bigla ang pinto at iniluwa niyon si Tito Raymond na seryoso na naman ang tabas ng mukha. Dire-diretso itong naupo sa upuan nito kaya umayos na ako ng upo. Napatikhim ito. “So, masaya bang kasama si Chief?” panimula niya kaya napakunot ang noo ko. Tungkol ba kay Dark ang pag-uusapan namin? Natawa ito nang hindi ako sumagot. “You know what, pamangkin? I’m so proud of you right now. Nabigyan mo ako ng ideya upang mapa-alis sa landas ko iyong Montehermoso na iyon,” natatawa pa rin nitong wika kaya nakaramdam na ako ng iba. May atraso ba sa kaniya si Dark? Bakit kung banggitin niya ang pangalan niyon ay tila sukdulan ang galit nito sa lalaki? Kinabahan ako bigla. Mukhang may binabalak siya na masama kay Dark. Napayuko ako habang lihim na nagagalit dahil sa mga sinasabi nito. “So, bilang tiyuhin mo na nagpalaki sa iyo, kailangan mong sundin ang iu-utos ko sa iyo, Kirsten. Naiintindihan mo ba ako?” Napaangat ako ng tingin sa kaniya nang sabihin niya iyon. Tinambol ang puso ko sa ideyang namumuo sa isip ko. May binabalak nga talaga itong masama! “Sumagot ka!” naiinip na sambit nito kaya napipilitan akong tumango. Nilunok ko ang laway ko na tila bumabara sa lalamunan ko. “O-Opo, Tito,” nakayukong turan ko at pinagsiklop ang mga daliri. Napahalakhak ito sabay titig sa akin nang mariin. “Good. Very good, Kirsten. Ang nais kong gawin mo ay kuhanin mo lalo ang loob ng pulis na iyon. Paibigin mo hangga’t kaya mo. At kapag hawak mo na siya ay kailangan mo akong iligtas gamit ang lalaking iyon. Huwag na huwag mong hahayaan na may makuha silang ebidensiya tungkol sa mga gawain ko, at kung may makuha man ay sirain mo agad. Ikaw ang magsisilbing taga-mata sa kilos nila, naiintindihan mo?” naninindak nitong sambit kaya napaluha ako. Wala talaga siyang pakialam kung may matapakan siyang tao! Napakasama niya! Talagang gagamitin niya pa ako sa mga plano niya! Pigil ang hikbi na tumango ako kahit na napipilitan. “Mabuti naman at masunurin ka. Dahil kung hindi, papatayin ko kayo ng lalaking iyon. Idadamay ko na rin ang pamilya niyon na panay ang batikos sa akin. Mga nakakadiring nilalang na harang sa daraanan ko. Tsk.” Sukdulan na talaga ang kasamaan ng budhi niya. Pati mga tao na pinaglalaban lamang ang tama ay pagsasalitaan niya nang ganoon... Matapos ang usapan namin na iyon ay iyak ako nang iyak sa kuwarto ko. Kanina pa ako hindi matigil-tigil sa iyak kung kaya't wala pa akong natatapos na trabaho. Naiinis ako sa sarili ko dahil wala na talaga akong magawang tama sa buhay ko. Hawak ni Tito ang leeg ko, paano ako makakatakas sa mundong ginagalawan ko? Tapos nais niya pa akong gumawa ng kasalanan. Mukhang mabait na tao iyong si Dark at kung lolokohin ko siya para lamang maisalba ang Tito ko sa parusa ng batas ay nakakadurog ng puso. Tutol ang sistema ko na gawin ang kawalang-hiyaan na bagay na iyon. Ayokong manloko ng tao. Para ko na ring pinatunayan sa sarili ko at sa iba na iisa lang din ang takbo ng utak namin ng pamilya ko. Na isa rin akong manloloko sa mga tao. Na isang salot sa mundo. Lalo akong napahikbi. Binaon ko ang mukha ko sa unan. Kanina pa humahapdi ang mga mata ko ngunit ayaw talaga tumigil sa paglabaas ang masasagana kong luha. Ano ang gagawin ko? Ayokong maging masama. Mariin akong napapikit. Nababaliw ako kakaisip dito kung ano ang dapat kong gawin. Ang sundin ba siya at makakatakas siya sa parusa, o ang suwayin ang utos ngunit marami namang madadamay na tao? Pati ako ay mapapahamak nito. Ilang sandali pa ang lumipas nang sa wakas ay tumigil na rin ako sa paghikbi. Unti-unti ko ring naramdaman ang pagbigat ng mga talukap ko kaya napahikab ako. Hanggang sa hindi ko na namalayan na tinangay na pala ako ng antok... Dahan-dahan akong bumangon sa kama at tamad na kinuha ang phone ko na nakapatong sa bedside table. Kagigising ko lang at napanguso ako nang maramdaman ko ang hapdi ng mga mata ko. Napainat ako ng katawan habang humihikab. Nagugutom na ako. Wala pa akong kinakain mula pa kaninang hapon. Ang huli ko lamang kain ay iyong libre ni Dark. Binuksan ko ang phone ko at nakitang alas ocho na pala ng gabi. Marahan akong tumayo mula sa pagkakaupo sa kama at saka napatingin sa suot kong damit. Naku! Hindi ko pa pala napapalitan ang bestida ko. Nagmamadaling lumapit ako sa closet ko at naghanap ng damit na komportable sa katawan. Isang t-shirt na puti at leggings na kulay gabi ang napili kong isuot. Nais ko sanang sa mall pumunta ngayon ngunit huwag na lamang at medyo malayo pa iyon dito. At saka alas ocho na, baka hindi ko rin ma-enjoy roon at malapit nang magsara. Kung medyo maaga-aga lang sana ako nagising ay okay pa. Gusto kong lumabas muna ngayon upang makapag-isip nang maayos. Ngunit hindi ko alam kung saan ako pupunta. Napabuga ako ng hininga. Bahala na nga. Kahit saan na lamang. Inilugay ko ang buhok ko na pansin kong humahaba na naman. Noong mga nakaraang buwan lamang ay hanggang sa ilalim ng dibdib ko lang ang haba ng buhok ko. Umikot ako sa salamin upang makita lalo ang buhok ko. Ang haba na rin niyon. Umaabot na ngayon sa baywang ko. Napailing ako at saka sinuklay iyon. Kinuha ko ang jacket ko na itim upang hindi lamigin at siniguro ko na rin na dala ko ang wallet at pera ko. Isinuot ko rin ang cap ko upang hindi ako masyadong makilala ng ibang tao. Nang okay na ako ay lumabas ako ng kuwarto. Mukhang wala naman dito si Tito kaya okay lang na lumabas ako. Malamang ay abala iyon sa trabaho. Nagmamadali akong lumabas ng mansion upang makaalis na agad doon. Minsan ay kapag nais kong lumabas at gumala ay may pagkakataon na hindi ako nagpapaalam kay Tito Raymond, kasi ipapasama niya ako sa bodyguards niya, e, ayaw ko naman niyon kaya hindi na ako nagpapaalam pa sa kaniya. Sasaglit lang naman ako sa labas para magpalipas ng oras. Nang makalabas ako nang hindi napapansin ng guard ay napangiti ako. Agad akong kumaripas ng takbo habang naghahanap kung saan maaaring tumambay ngayong gabi. Sa wakas ay makakaalis ulit ako nang panandalian sa puder ng Tito ko. Nang makalayo-layo na rin ako ay unti-unting bumagal ang pagtakbo ko, hanggang sa naging lakad na lamang iyon. Napalingon-lingon ako sa paligid. Kakaunti na lamang ang mga tao sa kalsada ngunit ang mga tindahan dito ay bukas pa. Iginala ko ang paningin ko upang makahanap sana ng malilipasan ng oras. At lumawak naman ang ngiti ko nang matanaw ko ang convenience store. Suwerte ko na lamang ngayon at kakaunti lang ang tao roon. Tumakbo ako papunta roon habang humahagikgik. Para akong bata ngayon na nakalabas ng bahay mula sa mahabang pagkakakulong. Kumpara kasi kanina ay magaan na ang loob ko ngayon. Ayoko na munang isipin pa ang problema ko ngayon kay Tito at baka sumakit lamang ang ulo ko. Nang tumapat ako sa pintuan ay hingal na napahawak ako sa dibdib ko. Ho! Nakakahingal na para sa akin ang pagtakbo. Itinulak ko ang salaming pinto at saka dumeretso sa counter matapos bumili ng makakain. Ngunit napatigil ako nang may matanaw ako na nais kong kainin ngayon. Napangiti ako at bumili ng siopao. Bumili na rin ako ng ice cream upang malamigan ang lalamunan ko. Nang mabayaran ko na ang lahat ay agad akong naupo sa pinakadulong upuan. Nilantakan ko ang binili kong siopao habang nakatingin sa pader na gawa sa salamin dito. Kitang-kita ko ang nagliliwanag na labas nitong store. Marami pa pala ang bumabiyahe kahit gabi rito. Hindi ko gaanong napapansin iyon dahil bibihira lang akong lumabas ng mansion nang ganitong oras. Nakakagaan ng loob ang gumala nang mag-isa at tumambay rito. Makakapag-isip talaga ako nang maayos at nagiging payapa pa ang loob ko. Muli akong kumagat sa kinakain ko at natulala na lamang habang nakatingin sa labas. Natanaw ko pa ang grupo ng mga kababaihan na naglalakad sa sidewalk habang nagtatawanan ang mga ito. Mukhang galing pa ang mga ito sa galaan dahil anong oras na ay naka-uniporme pa sila. Napailing na lamang ako habang nakangiti. Naalala ko tuloy noong nag-aaral pa ako. Dito ako pinanganak sa Iloilo city, dito rin ako nag-aral hanggang sa magtapos ako ng elementarya. Pero dinala ako ni Tito sa Manila upang ipagpatuloy ko ang high school ko. Ngunit nang magkolehiyo na ako ay pinabalik din ako nito rito upang dito na mag-aral.  Wala naman akong magawa niyon dahil siya ang nagbibigay ng pera sa akin. Mabuti na nga lang at hindi si Tito tulad ng ibang tiyuhin na mapanakit, 'yon nga lang ay masama ang hangad nito sa taong-bayan. Noong mga panahong nag-aaral pa ako sa isang sikat na unibersidad dito ay wala ako ni isang naging kaibigan. Puro hate messages ang mga natatanggap ko mula sa mga kaklase ko dahil kalat na ang balita sa paaralan na iyon na isa ngang kurakot na pamilya ang pinanggalingan ko, ang pamilyang Alonzo. Hindi man naging maganda ang school days ko noon ay hindi na mahalaga iyon sa akin. Ang mahalaga ay nalagpasan ko ang mga pang-aasar at pambubulas sa akin ng mga kaklase ko. Napahinga ako nang malalim. Ngunit akmang susubo ako ng ice cream nang matigilan ako dahil sa lalaking biglaang naupo sa tabi ko. Napasinghap ako habang nanlalaki ang mga mata rito. “D-Dark,” sambit ko sa pagkabigla. Ngumiti ito. “Oh? Bakit parang nakakita ka ng multo?” pagbibiro nito kaya napangiwi ako. Nagbawi ako agad ng tingin. Tila mas lalo akong nailang ngayon lalo na't inuutusan ako ng Tito ko na lokohin itong katabi ko. Ngunit hindi ko iyon magagawa sa kaniya. Ayoko. “Bakit ka lumalabas nang ganitong oras, Kirsten? Hindi mo ba alam na may nababalitang nandudukot ngayon ng mga taong kasing-edad mo lang?” Kagat-labing napalingon ako rito. Kanina pa ba siya rito sa loob? Wala naman kasi akong napansin na pumasok kanina. Humugot ako ng isang malalim na hininga bago umiling. “Wala akong nababalitaang ganoon, e. At kung totoo man iyon ay mag-ingat ka rin at baka madukot ka. At saka gusto ko lang magpalipas ng oras dito,” mahinang wika ko. Sumubo ako ng ice cream habang pasulyap-sulyap dito. Hindi na ito naka-uniporme na kanina ay suot nito. Isang t-shirt at short lamang ang suot nito habang may nakapatong na sumbrero sa ulo. “Ikaw talaga. Kapag ikaw ay nadukot ay kawawa ang Tito mo,” pagbibiro pa nito na ikinatigil ko. Ngunit napangiti na lamang ako at inilingan ito. “Hindi ako madudukot dahil malakas ako, ‘no.” Pinakita pa talaga nito ang braso na malaki kaya natawa ako. “Kanina pa pala ako rito. Mukhang hindi mo ako napapansin kaya ako na ang lumapit sa iyo. Kumusta ka na pala?” Napahagikgik ako. Kanina lamang tanghali ang huli naming kita tapos mangangamusta na agad siya. “Okay lang naman ako. Ikaw? Kumusta ka na? Pasensiya ka na rin pala kung hindi agad kita napansin, a?” Hinarap ko ito at nag-peace sign sa kaniya. Napahalakhak naman ang lalaki habang hinahaplos ang buhok ko. Bakit kaya ang hilig nitong humawak sa buhok ko? “Okay lang din naman ako. At saka wala lang iyon, naiintindihan naman kita. Pero maaari ba akong magtanong?” Napanguso ako habang pigil ang tawa. Kanina pa siya nagtatanong sa akin pero ngayon lang siya humingi ng permiso. Kakaibang lalaki... Naisambit ko sa isipan. Tumango na lamang ako at saka muling sumubo ng ice cream. Narinig ko ang paghinga nito nang malalim bago magsalita. “Pansin ko kasi na galing ka sa pag-iyak. Namamaga pa ang mga mata mo. Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit umiyak ang isang magandang binibini?” Napa-ismid ako nang pabiro sa narinig. “Wala, nagkaroon lang ng kaunting problema sa bahay,” naisambit ko. Hindi ko naman maaaring sabihin ang totoong dahilan ng pag-iyak ko kanina. ‘Hay. Kung alam mo lang, Dark...’ “Ganoon ba? Hindi ka pa ba inaantok? Dapat sa iyo ay nasa loob na ng bahay dahil delikado na sa labas,” anito habang matiim na naman ang titig sa akin. Pansin ko na kanina pa nito pinapasadahan ng tingin ang mukha at katawan ko. Hindi ko naman iyon binigyang malisya dahil napapalagay na rin ang loob ko sa kaniya. Parang binabawi ko na ang mga sinabi ko kanina noong una kaming magkita. Napanguso ako. “Pero kagigising ko lang." Hindi pa ako inaantok. Ang haba rin ng tinulog ko kanina kaya mahihirapan ako kung pipilitin kong matulog ngayon. Nagulat ako nang pisilin nito bigla ang pisngi ko. “A-Aray!” Kumibot-kibot ang labi ko dahil napadiin ang pagpisil nito. Hinaplos ko ang pisngi ko na pinisil niya at nakanguso siyang tiningnan. Nagsalubong ang mga kilay ko rito. “Bakit mo ginawa iyon? Masakit kaya,” turan ko ngunit tinawanan lamang ako nito at muling pinasadahan ng palad ang buhok ko. “I’m sorry. Ang cute-cute mo kasi,” wika niya. Napaiwas ako ng tingin dahil sa sinabi nito. “Oo nga pala, gutom ka ba? Pili ka lang ng gusto mo at ako naman ang manlilibre sa iyo, Chief.” Itinaas ko ang wallet ko kaya napahalakhak itong muli. Ang hilig niyang humalakhak. Ngayon ay ilong ko naman ang pinisil niya. “You’re so stubborn, innocent doll. Sinabi ko na sa iyo kanina na hindi mo na kailangang ibalik ang ginawa ko sa iyo. Magkaibigan na tayo, ‘di ba?” Tumigil ako sa paghimas ng ilong ko na pinisil nito. Lumawak ang pagkakangiti nito, maging ako rin ay nahawa. “T-Talaga? Magkaibigan na agad tayo?” hindi makapaniwalang tanong ko. Ganoon na iyon? Magkaibigan na kami agad? Tumango-tango ito sa akin habang matiim na naman ang mga titig. Edi may kaibigan na ako na pulis! Hindi ako makapaniwala. Siguro ay maaari ko naman siyang pagkatiwalaan nang buo. Mabait naman siya at sabi niya ay magkaibigan na kami...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD