Years later…
(Serenith’s POV)
"Seren… run… and never come back!!!"
A woman was shouting at me while looking back, as if someone was chasing her… chasing us. Her voice trembled, filled with fear and urgency. Then suddenly, a gunshot rang out sharp, echoing through the snow.
I saw her stumble, her white figure now stained with blood. The sight froze me in place—her body trembling, yet she still turned to me. I heard a man’s voice; I didn’t understand the words, but the tone was enough to freeze my blood.
“Возьмите их!”
(“Get them!”)
The danger in his words was heavy, pressing against my chest.
"You need to be alive…my daughter," she whispered, staring straight at me, but I couldn’t see her face blurred by the lamplight and the falling snow. The world around us was pure white, cold and endless, but her voice cut through it, stronger than the wind. Every word struck deep, like a warning I couldn’t understand. And in that moment, I heard another gunshot.
Bang!
Napabalikwas ako ng higa, habol ang aking hininga. Nanaginip na naman ako. Same nightmare. Ang puting paligid, ang putok ng baril, at ang babaeng hindi ko maaninag ang mukha.
"Hindi...” bulong ko sa sarili habang pinupunasan ang pawis sa noo ko. "Panaginip lang 'yon. Pero bakit parang totoo?"
Huminga muna ako nang malalim at pilit na kinalma ang aking sarili.
"Arghhh! Sa kakanood ko siguro 'to ng mga action movies eh," biro ko sa sarili para lang mabawasan ang takot.
Eksaktong tumunog ang alarm ng phone ko. 6:02 AM. Napabuntong-hininga ako. “Great… kulang na naman sa tulog.”
Napagdesisyon ko nalang na bumangon at dumiretso sa banyo para mag-ayos. Habang nagsisipilyo, napatingin ako sa aking sarili sa salamin. Minsan, hindi ko rin maiwasang mapaisip kung bakit ganito ang hitsura ko.
I’m different, and I’ve known that since I was a kid. Pero sa tuwing titingnan ko ang repleksyon sa salamin, may bahagi sa akin na nagtatanong kung saan ba talaga galing ang mga features na ito. Napabuga nalang ako nang hangin at isinantabi ang mga isiping iyon at nagpatuloy na sa pag-aayos at naligo na din.
Paglabas ko ng kwarto, agad akong sinalubong ng pamilyar na amoy ng sinangag at pritong itlog.
“Good morning, anak.” Napangiti ako nang makita si Mama sa kusina.
“Morning, Ma,” sagot ko habang umuupo sa mesa.
“Napagod ka na naman? Parang puyat ka yata,” tanong niya habang nilalapag ang plato sa harap ko.
“Hmm… pagod lang sa work, Ma. Maraming tinatapos,” sagot ko sabay ngiti. Hindi ko na binanggit ang panaginip dahil ayoko na siyang mag-alala.
Lumabas si Papa mula sa kwarto, naka-uniporme na at handa na para sa trabaho. “O, gising na si princess.”
Napatawa ako. “Pa, 25 na ako..”
“Kahit 50 ka na, baby ka pa rin namin,” biro niya sabay tawa habang nagtitimpla ng kape.
Noong bata pa ako, madalas kaming pag-usapan ng mga kapitbahay. Tahimik lang akong nakaupo noon sa tapat ng bahay, hawak ang ice cream ko habang nakikinig sa usapan nila.
“Napakaganda naman ng anak mo, Mira… pero parang hindi niyo kamukha, no? Parang anak ng foreigner,” tanong ni Aling Tina kay Mama, habang sinusuri ang bawat anggulo ng mukha ko. "Ang ganda mo talaga ineng," dagdag pa niya sabay kurot sa pisngi ko na medyo madiin.
“Oo, maganda talaga ang anak ko kahit mukhang foreigner. At least alaga at maayos ang pagpapalaki ko, hindi pinabayaan gaya ng iba dyan,” sagot ni Mama na may kasamang matalim na ngiti.
“Ano daw?" napakunot ang noo ni Aling Tina. "Aba, parang may pasaring ka ah!”
Akma nang lalapit si Aling Tina kay Mama, pero agad silang inawat ni Mending, ang isa pa naming kapitbahay na mahilig din sa chismis.
“Hoy, hoy! Tama na 'yan, umagang-umaga nag-aaway kayo,” sita ni Mending.
“Yabang mo ah! Kung hindi lang tayo inawat, baka nasabunutan na kita!” gigil na sabi ni Aling Tina bago naglakad palayo.
Naramdaman ko ang kamay ni Mama nang buhatin niya ako. Mahigpit ang yakap niya, protektado. Parang sinasabi niya na kahit anong sabihin ng iba, ako ang anak niya.
Habang tumatanda ako, doon ko lang naintindihan ang paliwanag nila. Surrogacy. Iyon ang kwento nila kung bakit iba ang features ko. Tinanggap ko 'yun dahil mahal nila ako, at iyon ang mas mahalaga sa lahat.
“Seren…” Napatingin ako kay Mama. Nakatitig pala siya sa akin.
“May iniisip ka ba?” Ngumiti ako para mawala ang tensyon. “Wala, Ma. Napagod lang talaga siguro.”
Hindi ko kayang sabihin sa kanya na nalilito ako. Hindi ko kayang itanong ang totoo dahil natatakot ako na baka mabura ang mundong kinalakihan ko.
Pagkatapos kumain, mabilis akong nag-ayos. “Ma! Alis na po ako!” tawag ko habang nagmamadaling isuot ang sapatos ko.
“Sige anak, mag-ingat ka sa daan!” sigaw niya mula sa kusina.
“Opo!”
Napatingin ako sa relo ko. "Letsugas naman! Late na ako!!" Daling-dali akong lumabas ng bahay at pumara ng taxi para humabol sa shift ko.
(Mira & Alfred’s POV)
Kakaalis lang ni Seren. Narinig pa nila ang malakas na pagsara ng pinto at ang paglayo ng tunog ng taxi sa tapat ng kanilanh bahay. Biglang tumahimik ang buong paligid, yung tipong nakakabingi ang katahimikan na naiwan sa loob. Tanging ugong na lang ng electric fan at ang mahinang kalansing ng mga plato sa lababo ang maririnig.
Pumasok si Mira sa kwarto, pabalik-balik ang lakad habang hawak ang laylayan ng kanyang duster. Hindi ito mapakali. Halatang may bumabagabag sa kanya na hindi niya mailabas kanina habang kaharap ang anak.
““Mira…” tawag ni Alfred mula sa pintuan. Nakabihis na ito para sa trabaho, bitbit ang kanyang bag, pero hindi pa rin makaalis dahil nakikita niyang hindi okay ang asawa. “Hindi ka pa ba magpapahinga? Balisa ka na naman.”
Hindi agad sumagot si Mira. Napabuntong-hininga muna siya bago humarap kay Alfred.
“Alfred… napansin mo rin ba?” mahina niyang tanong. “Mas madalas na siyang tulala nitong mga nakaraang araw. Parang laging malalim ang iniisip, hindi gaya ng dati.”
Tahimik lang si Alfred. Inilapag muna niya ang bag sa silya dahil alam niyang mahaba-habang usapan ito. Alam niya kung saan patungo ang takot nang kanyang asawa. “Darating talaga tayo sa point na magtatanong na siya, Mira. Hindi na siya bata.”
“Parang may gusto siyang itanong sa akin kanina sa hapag, pero pinipigilan niya lang,” dagdag pa ni Mira, nanginginig ang boses. “Hindi niya sinasabi nang direkta sakin, pero nararamdaman ko. Ina ako, Alfred. Alam ko kung kailan may tinatago ang anak ko.”
Napayuko si Mira, pilit pinipigilan ang emosyon na kanyang nararamdaman. “Paano kung malaman niya? Paano kung magbago ang tingin niya sa atin kapag nalaman niyang hindi tayo ang totoong magulang niya? Baka magalit siya sa atin.”
Lumapit si Alfred at hinawakan ang magkabilang balikat ng asawa para pakalmahin ito. “Hindi magbabago si Seren. Kilala natin ang batang pinalaki natin. Mabuting tao ang anak natin.”
“Pero nagsinungaling tayo sa kanya, Alfred... simula nung dinala natin siya rito sa Pilipinas,” bulong ni Mira, tumulo na ang luha sa mga mata.
Mabigat ang katahimikan sa loob ng kwarto. “Hindi tayo nagsinungaling para manakit,” dahan-dahang pinupunasan ang luha nito saka tiningnan sa mata. “Pinrotektahan lang natin siya. Iyon ang kailangan nating gawin para manatili siyang ligtas mula sa mga taong humahabol sa kanya noon.”
Napatingin si Mira kay Alfred. “Napapansin ko rin… minsan nagigising siya sa gabi. Pawis na pawis at parang hindi makahinga, na parang may masamang panaginip na paulit-ulit. Natatakot ako, Alfred.”
Napaupo si Mira sa gilid ng kama, tila nanghihina. “Kung malalaman niya ang totoo tungkol sa pinagmulan niya... hindi ko alam kung kakayanin niya ang panganib na kasama nung pangalang itinago natin.”
Umupo si Alfred sa tabi niya. “Kaya nga kailangan na nating paghandaan ang pagsasabi sa kanya. Hindi pwedeng habang-buhay tayong magtatago.”
Napatingin si Mira sa kanya, gulat. “Ngayon na ba? Sasabihin na natin?”
Umiling si Alfred. “Hindi pa ngayon. Pero malapit na. Mas mabuting sa atin manggaling ang lahat kaysa malaman pa niya sa ibang tao o sa aksidente lang. Mas masakit 'yun para sa kanya.”
Napapikit si Mira at dahan-dahang tumango. “Natatakot lang talaga ako. Hindi ko kayang mawala siya. Siya na ang naging sentro ng buhay natin sa loob ng dalawampu't limang taon.”
“Hinding-hindi mawawala si Seren sa atin,” mariing sagot ni Alfred. “Anak natin siya, anuman ang nakasulat sa mga lumang papel na 'yun.”
Maya-maya ay napatingin ito sa relo niya. Quarter to seven na. “Kailangan ko nang umalis, Mira. Baka ma-late ako sa trabaho.”
Saka tumayo ito at kinuha ang kanyang gamit. Humalik muna siya sa noo ng asawa para bigyan ito ng lakas ng loob. “Magpahinga ka na muna. Huwag mo munang masyadong isipin 'yun. Pag-uusapan natin ulit pag-uwi ko mamayang gabi.”
“Mag-iingat ka sa biyahe,” mahinang sagot nito habang pinapahid ang kanyang luha.
Nang marinig ni Mira ang pagsara ng gate at ang pag-alis ni Alfred, muli siyang napatingin sa kwarto ni Seren. Alam niyang hindi na magtatagal ang katahimikang ito. Ang lihim na itinago nila sa loob ng mahabang panahon ay dahan-dahan nang kumakawala.
“Tama ka…” bulong niya sa sarili habang mag-isa na lang sa bahay. “Kapag handa na ang lahat, sasabihin na natin sa kanya ang totoo.”