(Serenith’s POV)
"Seren… run… and never come back!!!"
Bang!
Paulit-ulit. Parehong boses, parehong sigaw na tila nakabaon na sa sistema ko. At gaya ng dati, napabalikwas ako ng bangon habang habol ang aking hininga. Pagtingin ko sa orasan, eksaktong alas-dos na naman ng madaling araw. Napahawak ako sa dibdib ko, damang-dama ang mabilis na t***k ng puso na parang galing ako sa isang takbuhan.
“Argh! Kailan ba ako patutulugin nang maayos nito?” bulong ko. Minsan, nakakapanghina na. Parang laging may humahabol sa akin kahit sa panaginip. Pinilit ko na lang pakalmahin ang sarili ko at muling ipinikit ang mga mata para makuha pa ang natitirang oras ng pahinga
.
Pagmulat ko ulit, maliwanag na ang paligid. Pagtingin ko sa alarm clock—“Ay, hala! Late na ako!”
Bigla akong napatayo na parang binuhusan ng malamig na tubig. Nagmadali akong pumunta sa banyo, at mabilis na nag-ayos ng damit, at halos hindi ko na masuklay ang aking buhok sa pagmamadali. Paglabas ko ng kwarto, muntik ko nang mabangga si Mama na nag-aayos ng lamesa.
“Seren, anak, kumain ka muna kahit kaunti,” sabi ni Mama habang naglalapag ng plato.
“Hindi na po, Ma, male-late na po talaga ako!” sagot ko habang isinusoot ang sapatos. Saktong lumabas din si Papa mula sa kwarto nila.
“O, anak, bakit nagmamadali ka? Hindi ka ba kakain?” tanong ni Papa habang nag-uunat.
“Hindi na po, Pa. Male-late na po ako, lagot ako sa manager namin nito! Doon na lang po ako kakain sa office,” sabi ko sabay halik sa pisngi nilang dalawa.
“Bye po! Mag-iingat kayo!”
Halos tumakbo ako palabas ng bahay. Ramdam ko ang kaba hindi lang dahil sa panaginip, kundi dahil alam kong ngayong araw darating daw ang may-ari ng kumpanya mula sa Russia. Iyon ang araw na bawal na bawal akong magkamali.
Pagdating ko sa opisina, halos kasabay ko ang iba pang empleyado na nagmamadali ring pumasok. Pagpasok ko pa lang sa lobby, ramdam ko na ang tensyon. Dali-dali akong sumakay ng elevator patungong 17th floor.
Pagbukas ng pinto ng elevator, bumungad sa akin ang mga kasamahan ko na todo-ayos ang itsura. ‘Yung iba, busy sa pagtatapos ng trabaho, pero mas marami ang nagkukumpulan para mag-usap. Inayos ko muna ang sarili ko sa workstation bago lumapit sa kabilang station para maki-balita. Hindi ako pwedeng maiwan sa usapan.
“Girls, anong chika ngayon?” tanong ko sa kanila.
“Girl, buti nakarating ka! Today na raw darating ang may-ari!” sabi ni Layra, isa sa mga malapit kong officemate.
“Hala? Totoo? Akala ko ba next week pa ang schedule nila?” takang tanong ko habang inaayos ang buhok ko.
“Nope, nagbago ang plano. Today na talaga. Kita mo naman yung mga senior staff, kanina pa hindi mapakali,” sagot ng isa pa naming kasama.
“Gwapo raw sabi nang manager natin. Sila kasi ang sumalubong sa airport kahapon.”
“Siyempre, taga-Russia ‘yun. Matatangkad at matatalim ang tingin ng mga ‘yun,” dagdag ni Layra sabay tingin sa akin. “Beh, mag-ayos ka nang husto! Sa ganda mo na ‘yan, malay mo mapansin ka at ikaw ang mapiling ipadala sa internship sa Moscow!”
“Hoy, trabaho ang ipinunta ko rito, hindi rumampa,” biro ko sa kanila. Pero deep inside, hindi ko rin mapigilan ang makaramdam ng excitement at kaba.
Bumalik na ako sa desk ko at sinubukang mag-focus sa mga nakatambak na paperworks. Pero hindi nagtagal, biglang tumahimik ang buong floor. ‘Yung ingay kanina, napalitan ng isang klase ng katahimikan na nakakabingi. Lahat ng mata ay nakatuon sa entrance.
At doon… bumukas ang pinto.
Naunang pumasok ang apat na lalaking naka-suit ng itim may suot na earpieces at tila mga pader sa tangkad. Sumunod ang isang assistant na may dalang mga folder, at ang manager namin na mukhang hihimatayin na sa kaba habang nag-a-assist.
Then he walked in.
Parang nag-slow motion ang bawat galaw sa paligid nang pumasok siya. Bawat hakbang niya ay may sariling ritmo—tahimik, kontrolado, at puno ng awtoridad. Nakasuot ito ng itim na suit na halatang mamahalin at bumabagay sa kanyang matipunong pangangatawan.
. Ang lakas ng aura niya, yung tipong kahit hindi mo siya kilala, alam mong hindi siya ordinaryong tao.
“Ang gwapo...” rinig kong bulong ng isang kasamahan ko na tila kinikilig pa ito.
“s**t, ang tangkad niya. Parang model na ewan,” sabi naman ng isa pa.
Napatingin ako sa kanya. Hindi ito ngumingiti at hindi rin tumitingin sa paligid. Diretso lang ang tingin nito, parang walang pakialam sa mga matang nakasunod sa kanya. At ramdam mo yung pressure na kapag nagkamali ka sa harap niya, baka wala ka nang trabaho bukas. May kung anong bigat sa presensiya niya na parang nakakadala. Habang naglalakad ito patungo sa Board Room, ang buong opisina ay tila naging background na lang niya.
Saglit ito huminto at bahagya siyang lumingon sa gawi ng aming workstation. Parang tumigil ang oras ko nang magtagpo ang mga mata namin. Hindi lang ito basta-bastang tingin. Hindi ako makapagsalita. Hindi ito yung simpleng kilig lang.
Para akong estatwa sa kinatatayuan ko. Walang kurap. May kung anong koneksyon o bigat sa titig niya na tila nanunuot sa sistema ko. Ramdam ko ang pag-init ng mukha ko sa bilis ng t***k ng puso ko.
Bakit ganoon siya makatingin? Bakit parang may kung anong pamilyar sa talim ng titig na iyon?
“Sir Solvane, this way to the board room, sir,” pukaw ng manager namin sa kanya.
Tumango lang siya, isang maikli at seryosong pagtango, bago itinuloy ang paglalakad. Nang tuluyan nang sumara ang pinto ng Board Room, parang doon lang nakahinga ang lahat.
“OH MY GOD! Para siyang model na lumabas sa magazine! Hindi ako makapaniwala na may ganyang tao sa personal!”tili ni Layra pagkaalis nila.
“Siya ba talaga ang CEO? Ang gwapo! Para akong hihimatayin kanina!”
“Girl, feeling ko may tiningnan siya sa pwesto natin! Sino kaya?”
Napatawa na lang ang iba sa sobrang kaba at kilig, habang ang iba naman ay tila ngayon lang nag-proseso ang nangyari. Pero ako, nanatili lang akong nakatitig sa pintuan ng board room.
Solvane. Iyon ang pangalang naririnig ko sa mga usap-usapan.
Nanghina ang mga tuhod ko kaya napaupo ako nang maayos. Grabe yung titig niya. Parang hindi lang ito basta-bastang pagbisita. Pakiramdam ko, ang pagdating niya ang magbubukas sa mga pinto na pilit isinasara ng mga panaginip ko tuwing madaling araw.
“Kaya mo ‘to, Seren. Focus lang sa trabaho,” bulong ko sa sarili ko habang sinusubukang ibalik ang focus sa screen ng computer ko, pero alam kong hindi na magiging normal ang araw na ito.