Episode 1: The Baby from Moscow

1677 Words
Hindi dapat sa kanila mapunta ang batang ito. Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Mira sa sarili habang tinititigan ang sanggol na himbing sa kanyang bisig. Isang mabigat na katotohanan na mahirap tanggapin, pero wala na silang magagawa. Nasa loob na sila ng eroplano mula Moscow. Ang bawat pagyanig ng upuan at ang mahinang ugong ng makina ay nagpapaalala sa kanya na paalis na sila sa bansang ito. Hawak niya ang isang sanggol na hindi naman nila anak—isang estranghero na bigla na lang isinaksak sa kanilang tadhana. Tahimik lang si Alfred sa tabi niya, nakatingin sa kawalan. Walang imikan. Marahil ay katulad niya, pilit din nitong kinakapa kung paano nila ipapaliwanag ang lahat pagbaba nila sa airport. Tanging ang mahinang paghinga ng sanggol ang namamagitan sa kanila. Napatingin si Mira sa sanggol. Payapa itong natutulog. Ang maliliit na daliri ay nakakapit sa dulo ng jacket niya, tila ayaw bumitaw kahit sa panaginip. Parang walang nangyaring barilan. Parang walang duguan na babaeng nagmakaawa sa kanila bago sila tumakas. Naramdaman niya ang t***k ng puso ng sanggol mabilis, buhay, at inosente. Dahan-dahang inayos ang kumot nito. Ramdam niya ang init ng katawan nito, isang buhay na kailangan niyang protektahan kahit hindi niya alam kung bakit. Ano bang pinasok namin? bulong niya sa isip. Sa labas ng bintana, tanging dilim at kislap ng mga bituin ang mga ulap ay tila mga aninong nagtatago ng sikretong hindi nila kayang pangatawanan. Pagdating nila sa Pilipinas, dala pa rin nila ang bigat ng hindi maipaliwanag na sitwasyon. Ang init ng Maynila ay sumalubong sa kanila, isang malaking kaibahan sa Moscow, ngunit ang kaba sa dibdib nito ay hindi pa rin humuhupa. Isang bagay lang ang sigurado hindi nila kayang iwan ang bata o ibigay sa bahay ampunan dahil nangangako sila sa ina nito. "Ma, Pa... andito na kami," sabi ni Mira sa telepono nang makasakay sila sa taxi. "Kakarating lang namin. Opo, pauwi na." Halos hindi niya mailabas ang boses sa tindi ng pagod at kaba. Hindi pa nila tuluyang nailalapag ang mga maleta sa loob ng bahay nang salubungin sila ng pamilyar na amoy ng nilulutong hapunan nang kanyang ina ay sumalubong sa kanila isang amoy na dapat sana ay nakakagaan ng loob, pero ngayon ay lalo lang nagpa-sikip sa dibdib nito. "Dumating na sila!" masayang sigaw ng kanyang ina. Sumilip agad ang kapatid niyang si Adrian mula sa kusina, malawak ang ngiti. "Ate! Nasaan na yung pasalubong ko? Yung sinasabi mong jacket, nakuha mo ba?" "Ikaw talagang bata ka. Nasa maleta, mamaya mo na halughugin."sabi nito habang dahan-dahang umupo sa sofa habang hawak ang sanggol na payapa pa ring natutulog. Pero biglang natigilan ang kanyang kapatid. Nawala ang ngiti nito at napalitan ng pagkalito habang nakatingin sa sanggol na hawak nito. "Ate... ano 'yan? Bakit may bitbit kayong bata?" "Bata, malamang," sagot nito, pilit na ginagawang biro pero nanginginig ang boses niya. Hindi na nakasagot si Adrian dahil lumabas na rin ang kanilang ina. "Oh, kumusta ang honeymoon niyo—" Biglang naputol ang sasabihin nito. Nanlaki ang mga mata ng matanda. "Ano... ano 'yan?" "Sumunod na lumabas ang kanyang ama, nakakunot din ang noo at nakatingin din sa sanggol. "Sandali... bakit may bata kayong dala? Mira? Alfred?" Biglang bumigat ang hangin sa sala. Ang ingay ng tv at tunog ng bentilador ay tila nawala, napalitan ng isang nakakabinging katahimikan. "Ma... Pa..." mahina ang boses ni Mira, parang paos. "Hindi namin siya anak." "Hindi niyo anak?" ulit ng ama niya. "E kanino 'yan? Bakit niyo dala pauwi dito sa Pilipinas?" Napaupo si Alfred sa sofa, halatang hindi na kaya ang kuryusidad nito. "Mahaba pong kuwento. Maari po bang maupo muna tayo? Marami po kaming dapat ipaliwanag." Sa sala, doon nila sinimulang inisilaysay ang lahat. Hindi alam ni Mira kung saan magsisimula, kaya hinayaan niya lamang si Alfred na magpaliwanag habang nakatingin lang siya sa kanyang mga magulang. Sinubukan nilang ilarawan ang nangyari sa Moscow. Ang babaeng bigla na lang sumulpot sa harap nila nung patungo na sila sa airport. Hindi nila makalimutan ang hitsura nito; punong-puno ng dugo ang damit nito at halos hindi na makatayo sa sobrang sugat. Nagmamakaawa ito sa kanilang dalawa na itakas at ilayo ang anak nito. Sa paraan pa lang ng pagtingin nito at sa higpit ng hawak sa sanggol, alam nilang desperado na ito. Ikinuwento ni Alfred kung paano nanginginig ang mga kamay niya nang tanggapin ang bata. Ipinagkatiwala ito sa kanila, at bago pa sila makapagsalita o makahingi ng tulong, mabilis itong nawala sa dilim ng eskinita, tila pilit na inilalayo ang panganib sa anak niya. Tahimik na nakikinig ang lahat. Si Adrian ay napaupo na sa sahig habang nakikinig. Ang kanyang ina naman ay unti-unting nagbago ang ekspresyon—mula sa pagkabigla, nakita niya ang unti-unting paglambot ng mukha "Diyos ko..." bulong ng kanyang ina. Ang mga mata nito ay nagsimulang magtubig. "Ibinigay lang sa inyo ng ganun-ganun lang? Wala siyang ibang sinabi? Tumango si Mira. Muli niyang tiningnan ang sanggol na gising na ngayon at tahimik na pinagmamasdan ang paligid at napadako ang tingin nito sa kanya at ngumiti. "Hindi namin alam kung anong nangyari... basta binigay niya sa amin. May sugat siya... at parang may humahabol. Sabi niya, iligtas namin ang bata." Napahawak sa bibig ang matanda. Dahan-dahan siyang lumapit sa sanggol. Maliit. Walang kalaban-laban. Isang inosenteng buhay na nadamay sa isang mundong hindi nito naiintindihan. "Anong kasalanan ng batang 'to..." mahina niyang sabi habang hinahawakan ang maliit na daliri ng sanggol. "May iniwan ba siya kahit ano? Kahit anong bakas?" tanong ng ama, ang kanyang isip ay nasa seguridad na ng pamilya. Agad kinuha ni Alfred ang bag. Isa-isang inilabas ang laman damit, gatas, gamit... at isang dokumento na nakatago sa ilalim nang bag. "Birth certificate..." Bahagyang nanginig pa ang boses nito habang binabasa ang mga letrang nakasulat sa banyagang format. "Serenith Liorael Vancea Delythra." Tahimik ang lahat. Hindi ito ordinaryo. May kakaibang tunog ang bawat pantig marangal, mabigat, at parang may kasamang panganib na hindi nila kayang sukatin. Habang nag-aayos, napansin ni Mira ang isang maliit na notebook na nakasingit sa gilid ng bag. Dahan-dahan niya itong binuksan, malayo sa paningin ng kanyang magulang. Napalunok siya nang makita ang sulat-kamay na tila ginawa sa gitna ng pagmamadali. "For my child... read this only when you are ready. There are people who must never know your name. Trust no one. Your world will turn out to be bigger... and darker than you ever imagined." Biglang parang lumamig ang paligid kahit tirik ang araw sa labas. Ang bawat salita sa notebook ay tila isang sumpa. Napahigpit ang hawak ni Mira sa notebook. Hindi ito simpleng babala. Parang may nagbabantay sa kanila mula sa anino. Agad niya itong isinara at itinago sa kanyang bulsa. "Hindi pa niya dapat malaman 'to..." bulong niya sa sarili. "Hinding-hindi." Lumipas ang mahabang sandali ng katahimikan bago muling nagsalita si Alfred. "Hindi namin siya kayang iwan doon sa Russia. O ibigay sa Bahay Ampunan." "Simula nung binigay siya sa amin... parang responsibilidad na namin siya," dagdag ni Mira, ang boses ay puno ng determinasyon. "Kahit anong mangyari." Napatingin ang kanyang ina sa sanggol ang takot ay napalitan ng pagmamahal ng isang lola. "Kung gano'n... aalagaan natin siya. Ituturing natin siyang atin." "Ma..." halos maiyak si Mira sa pasasalamat. Ngumiti ang matanda at kinuha ang bata mula sa bisig ni Mira. "Hindi natin siya pababayaan. Dito, ligtas siya." Tahimik na tumango ang kanyang ama. "Sige. Pero kailangan nating mag-ingat. Mula sa araw na ito, walang makakaalam ng totoong pinagmulan niya. Kahit ang mga kapitbahay." Naputol ang mabigat na usapan nang biglang sumingit ang kanyang kapatid sapo-sapo nito ang tiyan. “Ahmm! Ma, Pa at ate? Di pa ba tayo kakain? Kanina pa akong gutom na gutom eh...” reklamo nito habang patingin-tingin sa kusina. Kanina pa kasi nakahain ang paborito nilang ulam, at tila nakalimutan na ng lahat ang gutom dahil sa gulat sa dalang bata. “Ay oo nga pala! Diyos ko, nakalimutan ko nang may niluto ako,” sagot ng kanilang ina habang nagmamadaling tumayo. “Halina kayo sa hapag. Alfred, maupo ka na doon. Mira, iabot mo muna sa akin ang bata para makakain kayo nang maayos.” Kahit pagod na pagod, sumunod na rin sila sa hapag. Pero habang kumakain, walang gustong magsalita. Tanging kalansing lang ng mga kutsara at tinidor ang naririnig sa buong kusina. Paminsan-minsan, pasulyap-sulyap ang papa ni Mira sa sanggol na ngayon ay nakahiga na sa duyan sa tabi ng lamesa, tila tinitimbang kung ano ba talaga ang totoo sa mga narinig niya. Kinagabihan, habang mahimbing na ang tulog ng lahat, muling nag-usap sina Alfred at Mira sa ilalim ng malamlam na ilaw ng kanilang kwarto. "Hindi natin pwedeng gamitin ang totoong pangalan niya," sabi ni Alfred, ang mukha ay bakas ang seryosong pagiisip. "Bakit? 'Yun ang tanging alaala niya sa nanay niya," sagot ni Mira, medyo nasasaktan para sa bata. "Delikado, Mira. Ang pangalang 'Vancea Delythra' ay hindi pang-karaniwan. Kung may mag-search niyan, madali tayong matutunton. Baka may maghanap sa kanya at idamay pa ang pamilya natin." "Anong sasabihin natin sa iba? Sa gobyerno? Sa simbahan?" Saglit silang nag-isip. "Sabihin na lang natin... iniwan siya sa atin ng isang kaibigan na pumanaw na," sagot ni Alfred. "Walang detalye. Walang koneksyon sa Russia." Tahimik na napatingin si Mira sa sanggol na ngayon ay payapang natutulog sa kanilang tabi. Dahan-dahan niyang hinaplos ang malambot na pisngi nito. "Kung gano'n..." Huminga siya nang malalim, tila tinatanggap ang bagong tadhana na kanilang binuo. "Papangalanan natin siya ulit. Isang pangalan na magpoprotekta sa kanya." Nagkatinginan silang lahat. Isang bagong simula, isang bagong kasinungalingan. "Serenith Liorael... Del Rosario." Sa gabing iyon, itinago nila ang diary sa ilalim ng kanilang sahig, kasama ng katotohanang hindi pa dapat malaman ng bata. Sa labas, payapa ang hangin, ang mga kuliglig ay nag-aawitan sa dilim. Parang normal ang lahat. Ngunit sa kabilang dako ng mundo, sa madidilim na silid ng Moscow—may mga matang gising. At hinahanap nila ang batang may pangalang hindi dapat marinig ng iba. Ang batang tinatawag ngayon na Serenith Liorael Del Rosario.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD