PART 10

895 Words
Ang sarap ng gising ni Yolly. Nakatulog kasi siya nang maayos kaya wala na ang masakit sa kanyang ulo. Wala na ang hangover niya. Idagdag pa na Sabado ngayon, ibig sabihin ay wala siyang pasok. Pero hindi pa siya bumangon. Mas niyakap pa nga niya ang kanyang bolster pillow. Mas pinili niyang munang namnamin ang ganda ng umaga. Ngingiti-ngiti siyang kukurap-kurap. Sana ang buhay ay laging ganito. Napaka-peaceful. Walang iniisip na problema, mapabahay man o mapa-school. "'Nak, bumangon ka na r’yan. Mag-almusal ka na nang ako'y maglilinis na rito sa kuwarto mo." Tapos ay may nanay pa siyang sobrang bait at sipag. Saan pa siya? "Mamaya na, 'Nay. Wala namang pasok, eh," nakangiti pero nakapikit niyang sagot. "Ay, bahala ka nga r'yan kung maalikabukan ka." Hindi na siya nagkomento. Dumapa siya nang higa. This is her life on Saturdays. Thank God it's Saturday. "Ano ba 'tong mga papel dito? Itatapon na ba ang mga ito?" Hindi na niya talaga pinansin ang nanay niya. Ganito naman talaga ang nanay niya kapag naglilinis. Maingay. Salita nang salita. Sinikap ni Yolly na makatulog ulit. Iiling-iling naman ang nanay niya na pasulyap-sulyap sa kanya. "Aisst, pati bote hindi pa itinapon sa school. Inuwi mo pa talaga rito sa bahay, diyos ka," mayamaya ay reklamo na ni Aling Yolanda. Pagkuwa'y lumabas ito para ibasura ang mga basurang nakalap sa kuwarto ng anak. "Bote?!" Nang biglang may nag-sink-in sa isip ni Yolly sa sinabing iyon ng nanay niya. Biglang dilat siya ng mata at bangon. Late reaction lang ang peg. "Ang bote ko!" at parang maiiyak niyang sambit nang makitang wala na nga sa study table niya ang kanyang bote. "Naaaayyy!! Huwag mong itapon ang bote kooo!" Kay bilis na nakaalis siya sa kanyang kama. Tarantang isinuot ang kanyang salamin sa mata at tsinelas. Mabilis pa sa kidlat na hinabol niya ang nanay niya sa labas. "Nanay! Nanay, sandali!" "Ano ba! Ba't ang ingay-ingay mo? Nanay ka nang nanay r’yan!" saway ng nanay niya sa kanya nang magkita sila sa may gate ng bahay. "Nay, 'yang bote ko. Huwag mong itapon." "Anong bote na sinasabi mo?" Ang haba-haba ng nguso niya na kinuha sa kamay ng nanay niya ang mga basura saka kinalkal. "Buti nandito ka pa." Nang makita ang hinahanap ay parang sanggol niya iyong pinunas-punasan at saka niyakap sa dibdib. "Ay, sus 'yan ang tinutukoy mo? Bote ng soft drink? Ano ba 'yan?" "Bote po ito ng gatorade. Basta huwag niyo pong itatapon 'to, ha? Mahalaga ito sa 'kin, 'Nay." "Ang daming bote sa loob. Iyong bote ng mantika, 'yon ang yakapin mo. May mga galon pa doon kung gusto mo. Ano't pinahahalagahan mo 'yan, eh, wala na ngang laman?" "Basta, 'Nay. Huwag mo itong itatapon," hahaba-haba ang ngusong giit niya. "Sige na po. Pumasok ka na sa loob. Ako nang pong magbabasura ng mga ito." "Hay, bahala ka na nga r’yan!" Kakamot-kamot sa ulo na iniwan na siya ni Aling Yolanda. Napahagikgik naman si Yolly. Tinawanan niya ang kanyang sarili. Nagmukha ba siyang engot? Hindi naman siguro. Pinunas-punasa niya ulit ang bote ng gatorade na ibinigay sa kanya ni Andy tapos ay kinausap. "Okay ka lang? Sorry, ah, pinakialaman ka ni Nanay. Huwag kang mag-alala safe ka na.” Inuwi niya talaga ang bote dahil para sa kanya ay may sentimental value na iyon. Aba'y first time ba namang may magbigay sa kanya ng isang bagay at galing pa sa guwapong lalaki. Ipinangako niya talaga sa sarili na iingatan niya ang bote kahit sabihan pa siya ng nanay niyang nababaliw na. Idi-display niya iyon sa kuwarto niya. Walang makakapigil sa kanya! Wala silang pake! Saglit ay ngingiti-ngiti na tinungo na niya ang basurahan. Nang may mapansin siya. "Nanay ko po!" Ang tindi ng gulat niya. Awtomatiko ang pagluwa ng kanyang mga mata. Paano'y nasa di-kalayuan pala si Andy at nakatingin sa kanya. Nakasandal ito sa isang magarang kotse. Iyong bote ng gatorade na sabi niya ay iingatan niya at idi-display niya sa silid niya ay bigla niya tuloy naitilapon sa kung saan. Woah, anong ginagaw niya rito? sa isip-isip ni Yolly habang nakaluwa ang mga mata. Si Andy ay natatawa namang isinuot nito ang rayban na mamahalin bago lumapit sa kanya. Siya, parang gusto niyang lamunin na lang ulit ng lupa sa mga oras na iyon. Para na siyang naestatuwa pati sa kanyang kinatatayuan. Jusko! Nakakahiya! "Hi," at nang bati na sa kanya ni Andy nang magkaharap na sila ay muntik na siyang mahimatay. Hano ba 'yan! Ano ba kasing ginagawa nito sa tapat ng bahay nila? sa isip-isip niya ulit. Prenteng ipinamulsa ni Andy ang dalawang kamay at tinitigan siya. Halatang pigil na pigil nito ang tawa. "W-wala kang nakita, 'di ba?" pulang-pula ang magkabilang pisngi niya na tanong. Sana talaga ay may monster sa mga oras na iyon at kainin na lang siya ng buhay. "Wala 'yon. Joke-joke ko lang 'yong mga nakita mo. Inaasar ko lang si nanay ko." "Yeah, I didn't see anything," natatawang sagot ng gwapong-gwapong binata. Bagong paligo kaya fresh na fresh itong tingnan. Samantalang siya ay gulo-gulo ang buhaghag niyang buhok at naka-pajama pa lang. Yuck! Gayunman, nakahinga siya nang maluwag sa sinabing iyon ng binata. Iyon naman pala. Wala raw nakita. Walang nakakahiya. Buti na lang. Pero nang kumilos si Andy para pulutin ang naitilapon niya na bote ng gatorade ay parang hihimatayin na talaga siya sa sobrang kahihiyan. Sinungaling!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD