KABANATA 2

2225 Words
GANOON ULIT ANG ginawa niya. Tumakbo siya kahit nadudulas. Saktong pagdating niya sa bahay, tumila naman ang ulan. Pumasok siya at nabungaran niya ang mama niyang nag-iisa. "Mama, ito na po, may pamasahe na po akong dala." Kaagad niyang inabot dito ang nakuha niya kay Kuya Migs na kinuha naman nito agad. "Salamat, anak. Mabuti't pumayag si Migs. Maraming salamat dito, anak. Sige na, maligo ka na at baka magkasakit ka pa. Papatuyin ko lang itong pera para makaalis na ako." "Sige po, mama," tatango niyang sabi saka nagtungo na sa banyo at naligo na. Nasa labas lang ang banyo nila at hindi na niya kailangang mag-igib ngayon dahil may laman na ang drum dahil sa ulan. Naligo na si Isabella. Mabilis lang ang pagligo niya. Nang matapos, nagbihis na siya. Hindi na niya naabutan ang mama niya, sabi ni Kristine, umalis na raw ito. "Ate, bakit hindi ka sumama kay mama?" mayamaya pa'y tanong ni Kristine sa kaniya habang abala ito sa pagwawalis ng sahig. "Kristine, sayang lang iyong pera at hindi naman ako kailangan doon, e. Hayaan mo na, makakabalik din sila at kasama na nila si Ivan." "Sana nga, ate..." Hindi na niya nagawang tumugon sa kapatid. Nagpainit na siya ng tubig sa kahoy nilang kalan dahil nakaramdam siya ng lamig. Nang matapos magpainit, nagtimpla na siya ng kape. Prente siyang umupo sa kawayang upuan saka mariing ipinikit ang mga mata at nagdasal na sana'y maayos lang ang kapatid niya. MAKALIPAS ANG GABI, nakauwi na rin ang papa ni Isabella. Nagtataka si Isabella dahil hindi niya nakita ang mama at kapatid niya. Nasaan sila? "Papa, nasaan sina mama?" nagtataka niyang tanong at tumingin pa sa likod nito para lang makasiguro. "Nandoon pa sila sa ospital." Pagod na umupo ito sa upuan at yumuko pa. "B-Bakit po? Bakit hindi pa po sila nakakauwi?" Kinabahan na siya. "Anak," malumanay na sabi nito saka tumingin sa kaniya. "Ang kapatid mo, m-may malubha siyang sakit. May leukemia siya, Isabella. Sabi ng doktor, kailangang mapagamot agad ang kapatid mo para hindi na kumalat ang impeksyon. S-Sinabi pa niya sa amin na may namamatay sa ganoong sakit," malungkot nitong pagkukuwento saka pagod na nagpakawala ng hangin sa bibig. Naguluhan siya dahil sa tinuran nito. Umupo siya sa tabi ng papa niya at nakakunot ang noo niyang tumigin dito. "Ano po iyong leukemia?" tanong niya. Hindi niya alam kung ano iyon dahil wala naman siyang pinag-aralan, e. Pero anong sabi nito? Malubha ang sakit na iyon? Kung hindi pa mapapagamot si Ivan, kakalat ang impeksyon? Anong klase bang sakit iyon? Nakakatakot naman yata para sa katuald ni Ivan. Isa pa, mahirap lang sila kaya paano nila maipapagamot si Ivan? "Cancer iyon sa dugo, anak. Kaya sabi ng doktor, agarang ipagamot si Ivan para hindi na lumala ang kalagayan nito. Kung magtatagal pa... b-baka mawala ang kapatid mo sa atin." "A-Ano na pong plano, papa?" maluha-luha niyang tanong dahil sa nalaman. "Anak, mahirap lang tayo at hindi natin kaya ang pagpapagamot sa kapatid mo kaya hindi muna kami um-oo sa doktor. Nasa ospital sila, mananatili sila hanggang bukas at kung wala pang desisyon, ililipat ito sa ibang ospital." "Paano po iyon, baka lumala ang kalagayan ni Ivan. A-Ayaw ko pong mawala si Ivan, pa—" "Isabella, mahirap lang ta—" "Ipagamot niyo na po agad si Ivan!" matigas niyang sambit saka pinunasan ang luha sa magkabila niyang pisngi. "Wala tayong sapat na pera, Isabella!" Lumunok siya saka ibinuka ang bibig. "Papayag na po ako sa alok ng tiyahin ko sa Maynila. Magtatrabaho na po ako sa kanila bilang katulong." Nitong nakaraan, pumunta dito ang tiyahin niya mula sa siyudad na kapatid ng mama niya. Inalok siya nito bilang maging katulong pero hindi pumayag ang mama niya kaya nagkaroon ng alitan sa dalawa. Tinutulungan na raw makaahon sa hirap, ang arte pa. Ayaw lang ng mama niya na mapalayo siya at siya rin naman, ayaw niya. Pero ngayon, determinado na siyang tanggapin ang alok nito para kay Ivan. "Hindi mo alam ang sinasabi mo, Isabella. Hindi ka papayagan ng mama mo," naiiling na wika ng papa niy. "Kung hindi niyo po sasabihin." Tumayo na siya at hinarap ang papa niya. "Papa, para kay Ivan, gagawin ko ang lahat. Huwag niyo pong sabihin kay mama na tatanggapin ko ang alok ni Tiya Magda. Sayang din po ang kikitain ko roon, e. Hindi niyo na po ako mapipilit na umayaw. Mahal ko po si Ivan, kaya kong isakripisyo ang lahat." "Determinado ka na ba talaga, anak?" may pag-aalalang tanong ng papa niya. "Opo." "Mahal ko rin ang kapatid mo, Isabella kaya hindi ko rin kayang mawala siya. At kung iyan ang gusto mo, hahayaan na kita. Hindi lang ikaw ang kikita, ako rin... maghahanap ako ng mga trabahong kaya ko para pandagdag. Maraming salamat, anak. Patnubayan ka sana ng Diyos." "Wala po iyon, papa. Basta para kay Ivan, gagawin ko ang lahat," nangingiti niyang sabi pero ang totoo'y malungkot siya. Tumayo ang papa niya at niyakap siya nang mahigpit. Makalipas nag halos isang minuto, naghiwalay na silang dalawa. Pumasok na ang papa niya sa kuwarto nila samantalang siya'y bumalik sa pagkakaupo sa inupuan kanina. Malalim na nagpakawala ng hangin sa bibig si Isabella saka mariing ipinikit ang mga mata. Bukas na bukas, pupuntahan niya si Jodi para makitawag. Ang bilin ng Tiya Magda niya, kapag nagbago ang desisyon niya, tumawag lang daw siya. Hindi na namalayan ni Isabella na nakatulog na siya. Nang magising siya kinabukasan, bumungad sa kaniya ang sinag ng araw. Nakatulog na pala siya rito sa salas nila. Nang magtungo siya sa kusina, may nakita na siyang pagkain. Nakaramdam siya ng gutom kaya naman kumain na siya. Hindi rin kasi siya nakakain kagabi. "Nasaan sina mama at papa, Isabella?" Kaagad siyang napalingon sa nagsalita at nakita niya ang Kuya Joel niya, ang panganay nilang kapatid. "Nasa ospital sila," tugon niya saka nagpatuloy sa pagkain. "Anong ginagawa?" Umupo ito sa harap niya, nagsimula na ring kumain. "Sinasamahan si Ivan. Hindi mo ba alam na nasa ospital ngayon si Ivan? May leukemia siya, e." "Takte naman, o! Wala bang iniwan si mama na dalawang daan? Nanghihiram ako kahapon, sabi niya, kagabi raw. Nang makauwi ako, wala siya. Peste! Nakakainis na buhay!" Tinilapon nito ang plato at padabog itong umalis ng kusina. Ganoon ang Kuya Joel niya. Pariwara na ang buhay kaya hindi na ito inaasahan ng mama at papa niya. At walang pag-aalala kay Ivan. Hindi man lang nito tinanong kung ayos lang ba ang kalagayan nito o hindi. Napailing na lang si Isabella saka tinapos na ang pagkain. Nang matapos, lumabas na siya ng bahay nila at namataan niya si Kristine na nagwawalis ng bakuran nila. "Maaga bang umalis si papa, Kristine?" "Ay, ate, ikaw pala iyan. Opo, nagluto muna siya bago umalis, e." "Ganoon ba? Sige, ipagpatuloy mo muna iyan, pupunta lang ako aky Jodi." "Sige, ate." Tinanguan lang niya ito at naglakad na para puntahan si Jodi. Ito lang kasi ang nahihiraman niya ng cellphone. At kapag natawagan niya ang Tiya Magda niya, sana naman tanggapin siya nito. Kailangan niya ng trabaho, kailangang-kailangan! Kumusta na kaya si Ivan? Maayos na ba ito ngayon? Sana nama'y oo. Halos sampung segundo lang ang nilakad ni Isabella nang makarating siya sa bahay nina Jodi. Nang katukin niya ito, bumukas iyon at bumungad ang kaibigan niya. "Anong atin, Isabella?" namumungay na tanong nito sa kaniya. "Baka puwedeng makahiram ulit ng cellphone, Jodi. Tatawagan ko lang si Tiya Magda," nakangiting aniya sa kaibigan. "Ganoon na? Sige, sandali lang at kukunin ko lang. Naka-charge kasi, e. Hintayin mo ako rito, ha?" Tumango lang siya bilang tugon dito. Umalis na ito kaya naman naghintay siya. Makalipas ang halos isang minuto, bumalik na ito dala ang sariling keypad na cellphone. Si Jodi lang ang maaasahan niya pagdating sa ganitong bahay dahil sa baryo nila, kalimitan lang ang may mga cellphone. Sila naman, wala silang cellphone dahil mahirap lang sila. Isa pa'y aksayado lang iyon sa kuryente. Nakakakonsumo ang cellphone kapag sinasaksak. Dadagdag lang ang babayaran nila buwan-buwan. "Sabihin mo sa akin ang number, ako na lang ang magta-type para mabilis." "Sige," tugon niya at kinuha ang maliit na papel sa kaniyang bulsa na bigay pa ng tiyahin niya nang makapunta sila rito. Idinikta na niya ang numero nito kay Jodi na inilalagay naman nito sa cellphone. Nang natapos, pinindot na nito ang call button para matawagan na ang Tiya Magda niya. "Ito, Isabella. Wari ko'y paubos ang load ko kaya huwag niyong tagalan ang pag-uusap niyo, ha?" Inabot nito ang cellphone sa kaniya na kaniya namang kinuha agad. "Sige, Jodi." Nginitian niya ang kaibigan at idinikit na sa kanang tainga ang cellphone. Ilang segundo pa iyong nag-ring bago sagutin ng Tiya Magda niya. "Hello, Tiya Magda," magalang niyang saad dito "At sino ka?" may katarayan nitong tanong. "Si Isabella po ito, Tiya Magda." "Oh, at bakit ka napatawag, ha? Nagbago na ba ang desisyon mo? Tatanggapin mo na ba ang alok ko sa iyo? Kung oo, mag-impake ka na at lumuwas ka na ng Maynila." Halata sa boses nito ang saya. "A-Ayan ng po ang dahilan kaya ako napatawag. Tinatanggap ko na po ang alok niyong maging katulong niyo po. Kailangan po kasi namin ng pera panggamot kay Ivan." "That's good. Magbabago rin pala nag desisyon mo. Pero teka nga, alam ba iyan ng ina mo?" "Hindi po, Tiya Magda. Hindi ko na po pinaalam kasi baka hindi niya po ako payagan," sagot niya saka bumaling kay Jodi na kasalukuyang nakatanghod sa kaniya— nakikinig sa usapan nila ng tiyahin niya. "Sige-sige. Ganito, sumakay ka papunta sa Maynila. Pagkasakay mo sa bus, hanggang Maynila na iyon, okay? Naintindihan mo ba ako, Isabella?" "Opo." "Mabuti naman. Kapag nasa terminal ka na, syempre, bumaba ka. Susunduin ka ni Ark. Papapuntahin ko siya sa terminal na paghihintuan ng bus na sasakyan mo. Ngayon ka na ba luluwas, ha?" Si Ark ay anak ng Tiya Magda niya. Mas matanda ito sa kaniya kaya Kuya Ark ang tawag niya rito. Tatlo ang anak nito. Si Ark ang panganay samantalang iyong dalawa'y mga bata pa, sa pagkakaalam niya, mga nag-aaral pa ang mga ito. "Opo, Tiya Magda. Pero bago po ako umalis, maghahanap po muna ako ng pamasahe ko. Wala po kasi akong pera ngayon, e. Pero makakaasa po kayo na ngayong araw ay darating po ako riyan." "Huwag mong paasahin si Ark, hindi mo alam kung paano siya magalit. Tumawag ka na lang kapag aalis ka na diyan at para naman makapaghanda ang Kuya Ark mo." "Opo. Maraming salamat po, Tiya Mag—" Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang ibaba na nito ang linya. Marahas na nagpakawala ng hangin sa bibig si Isabella saka inabot na kay Jodi ang cellphone nito. "Maraming salamat, Jodi." "E 'di aalis ka na rito?" may kalungkutan nitong tanong saka bahagyang ngumuso. "Oo, e. Kailangan kasi para may panggamot si Ivan," malumanay niyang wika kahit ang totoo'y gusto niyang umiyak dahil naalala na naman niya ang kawawa niyang kapatid. "Ano nga pala ang nangyari kay Ivan?" mayamaya pa'y tanong nito. "May leukemia siya," tugon niya. "Ano naman iyon?" nakakunot-noo nitong tanong. "Cancer sa dugo. Ang mga ganoong kaso raw ay dapat gamutin agad kasi baka kumalat pa ang impeksyon, mahirap na, puwede pa iyong ikamatay. Kaya kailangan kong kumayod ngayon para kay Ivan. Mahal na mahal ko ang mga kapatid ko, Jodi kaya hindi ko kayang mawala sila lalo na si Ivan." "Nakakalungkot naman. Pero kung iyan ang desisyon mo, wala na akong magagawa. Susuportahan na lang kita, Isabella. At saka, hindi ba't sabi mo wala kang pamasahe? Papahiramin kita, hindi man malaki pero alam kong makakatulong sa pagluwas mo." Sandali itong pumasok sa loob at pagbalik, may dala na itong isang daang piso. "Naku, hindi na, Jodi. Itabi mo na iyan dahil sa iyo iyan. Huwag mo akong alalahaninin dahil kaya kong maghanap ng pera. Itabi mo na lang iyan," tanggi niya sa kaibigan. "Hindi, tanggapin mo na ito, Isabella. Kakabale ko lang kahapon kaya ayos lang, no. Kaya sige na, tanggapin mo na ito. Tulong ko na ito sa pag-alis mo. Pero ito ang tandaan mo, ha? Mag-ingat ka roon kasi para sa akin, hindi talaga maganda ang ugali ng tiyahin mo. Kapag inalila ka, umalis ka na agad. Sayang naman iyang kagandahan mo kung aalilain ka lang." Kinuha nito ang kamay niya at walang pakundangang ipinatong doon ang isang daan. Walang nagawa si Isabella kundi ang tanggapin iyon dahil na rin sa kakulitan ng kaibigan. "Maraming salamat, Jodi. Tunay ka talagang kaibigan. At tungkol sa sinabi mo, syempre, mag-iingat ako. Baka naman hindi ako pagtarayan ng tiyahin ko kasi pamangkin niya ako, e. At kung aalilain niya ako, aalis agad ako." Napatango si Jodi. "Mabuti naman. Huwag kang magpaloko, ha?" "Oo, lahat ng sinabi mo, itatatak ko sa utak ko. Sige na, maghahagilap pa ako ng pandagdag dito sa ibinigay mo. Maraming salamat ulit, Jodi." "Walang anuman iyon, Isabella. Magkaibigan tayo at dapat lang na magtulungan tayong dalawa." Tumango siya saka niyakap ito nang mahigpit. Kahit malungkot, nakangiti siyang umalis sa pagkakayakap kay Jodi. Kahit minsan ay iniinis siya nito, mahal niya pa rin ito bilang kapatid. Kapatid na ang turing niya rito kaya nga nagtutulungan sila. Umalis na rin si Isabella para maghanap pa ng pandagdag. Ngunit natigilan na lang siya nang biglang bumungad si Albert sa harap niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD