NAGKUKUMPULAN ang napakaraming mga estudyante nang ilabas ang bangkay ni Mr. Cardino Sacramento——isang guro ng asignaturang filipino sa aming paaralan na sa edad na apatnapu't pito ay hindi namin lubos akalain na ito ang kanyang sasapitin sa kamay ng hindi pa nakikilalang salarin.
Nakabalot ito ng puting tela nang ilabas ng pulis mula sa crime scene. Nakipagsiksikan at nakipagsikuhan pa ako para lang makita nang mas malapitan ang itsura nito.
Nanindig ang mga balahibo ko nang masilayan ang mga bakas ng dugo nito sa nakatakip na tela.
Narinig ko ang samu’t saring reaksyon ng mga kapwa ko mag-aaral nang makita ang kanyang bangkay, magkahalong takot, lungkot at awa ang kanilang mga naramdaman na sinasang-ayonan ko.
Marahil, masakit para sa pamilyang iniwan ng aming guro ang kanyang sinapit, hindi ito kayang tumbasan ng isang paghingi ng patawad lang dahil tila itinuring na parang baboy ang katawan nito.
Isang malakas na ihip ng hangin ang ibinuga ng kalikasan habang binabalak na sanang ipasok sa ambulansya ang bangkay ng aming guro habang kasalukuyang nakahimlay sa isang stretcher.
Nakabibinging ingay ang umalingawngaw sa bawat sulok nang paaralan nang aksidenteng tangayin ng hangin ang nakabalot na puting tela, maging ako ay hindi mapigilan mabigla sa aking nasaksihan.
Ang itsura ng aming guro ay hindi kayang sikmurain nang mahina ang sikmura dahil ang ulo nito ay halos mapigtal sa pagkakakabit sa kanyang leeg at bukod pa roon ay naliligo rin ito sa sariling dugo. Basag ang kanyang mukha na dahilan para bahagyang lumuwa ang kaliwang mata nito, sa pakiwari ko’y doon siya mukhang pinuruhan ng husto ng hindi pa nakikilalang salarin at maging ang kaliwang pisngi nito ay nakayupi na parang lata. Sa palagay ko’y pinalo ito ng kung anong matigas na bagay, kung kaya't ganoon na lang ang naging itsura niya.
Ang hindi ko lang lubos maintindihan ay kung saan kumuha ng lakas ng loob ang mamamatay-tao na ‘to at nagawa niyang patayin ito sa loob ng faculty room, kung saan posibleng maraming makakita sa kaniya. Ngunit, mapalad ito dahil kinabukasan pa natagpuan ang bangkay nang nasabing guro.
Kung sino man ang may gawa nito sa kaniya ay nakatitiyak akong bihasa ito sa pagpatay at ganoon na lang naging kalinis ang iniwan niyang krimen.
Natataranta sa pagkuha ang isa sa mga tumutulong sa pag-akyat sa biktima nang damputin nito ang nilipad na puting tela na ginamit nilang pantakip sa bangkay. Matagumpay naman nila itong naibalik at muling naibalot sa biktima pero hindi na nito mabubura ang lahat ng aming mga nasaksihan. Tuluyan na nilang naipasok ang katawan ng aming guro sa loob ng ambulansiya at isang malakas na alingawngaw ng wangwang ang nagpabalik sa aking ulirat, nakatulala na pala ako at malalim ang iniisip.
Nakita ko si Frederick na kaklase ko ngayon bilang freshmen na may hawak na digital camera. Marahil, kanina pa siguro ito kumukuha ng litrato ng hindi ko man lang namamalayan, kumindat siya sa 'kin at sabay flash ulit ng kamera habang walang emosyon akong nakatingin sa kanya.
Tinakpan ko na gamit ng kaliwa kong kamay ang hawak niyang kamera dahil binabalak na naman muli ako nito na kunan ng litrato, ganito talaga ang libangan niya at paraan ng kanyang pangangasar, ang kunan ka ng litrato ng hindi mo inaasahan, tumigil din naman ito sa pangungulit, kalaunan.
Sumenyas nang pagkaway ito mula sa malayo at nakita ko doon 'yong apat ko pang kaklase. Habang abala si Frederick sa pagkaway ay may dumaan na dalawang armadong pulis sa aking harap at doon ay narinig ko nang kaunti ang kanilang pinag-uusapan, mayroon daw dalawang estudyanteng nawawala at mula raw ito sa third year high school.
Itutuloy...