“ARIYAH, gumising ka na at malapit na ang oras ng flight ni Zac, dapat nando’n ka man lang bago siya umalis!” naulinigan niyang wika ng Mama niya. “Ariyah, ano ba!” Galit nang tawag nito sa kaniya kaya naman napilitan na siyang gumalaw mula sa pagkakahiga niya dahil siguradong sasamain na naman siya.
“Ma, bakit ba kasi kailangan ko pang pumunta ro’n? Nag-usap naman na po kami ni Zac,” angal niya rito.
“At ano na namang sasabihin ng Mommy ni Zac kung ganiyang hindi ka man lang magpapakita sa kanila bago man lang sila umalis? Hala, sige bumangon ka na riyan at gumayak!” utos pa nito sa kaniya kaya naman napilitan na siyang bumangon at sumunod sa sinabi nito. Tinungo niya ang bathroom para makaligo.
Alas dos pa lang nang madaling araw kaya naman, hirap na hirap talaga siyang bumangon dahil alas onse na nang makatulog siya. Ayaw kasi ni Zac na nauuna siyang matulog dito ang gusto nito ay kung anong oras ang tulog nito ay ganoon din ang oras ng tulog niya. At iyon ang kailangan niyang i-adjust dahil magiging mag-asawa na sila.
Sanay naman na siya sa ganoong set up nila dahil nga mula pa naman nang pitong taon sila nang ipinagkasundo sila ng mismong mga ama nila. Matalik na magkaibigan ang mga Papa nila mula pagkabata nang mga ito at naipangako sa isa’t isa na kung magkakaanak sila ng lalaki at babae ay ipakakasal nila sa isa’t isa. At iyon nga ang nangyari sa kanilang dalawa ni Zac.
Bagaman hindi naman siya nahirapan dahil simula nga pitong taon ay kasama na niya ito at tuluyan din namang nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Hanggang sa naging opisyal silang naging mag-nobyo noong labing anim na taon pa lang siya. Totoong mahal na niya ito at ito talaga ang first love niya kaya hindi rin naman niya kaya na mawala ito kaya lahat din ng gusto nito ay sinusunod niya lalo na ng Mommy nito.
“Ariyah! Ang tagal mo naman diyan!” narinig niyang sita sa kaniya ng Mama niya kaya napilitan siyang bilisan ang paliligo.
Ang isang tao lang na humahadlang sa kanila ay ang ina nito, dahil ayaw nito sa kaniya para kay Zac kaya naman hinahanapan nito ng butas ang bawat ginagawa niya para ipula sa mga magulang niya at hindi matuloy ang pagpapakasal nila ng nobyo.
Kaya naman lahat ng sabihin nito ay ginagawa niya at ng kaniyang mga magulang, maging ang kurso na kinuha niya ay malayong-malayo sa talagang gusto niyang mangyari sa buhay niya.
Noon pa man ay mahilig na siya na arts kaya Fine Arts sana ang gusto niyang kuning kurso pero ang laking tutol ng Mommy ni Zac sa gusto niya dahil wala naman daw siyang mapapala sa kursong iyon at hindi na raw uso ang mga artist sa panahon ngayon at magiging pabigat lang daw siya kay Zac kung hindi man lang niya magagawang tulungan ito sa negosyo nito kaya naman Business Administration major in Management ang tinapos niyang kurso.
Na kung tutuusin ay hindi rin naman niya nagagamit dahil kasalukuyan siyang hindi pinagta-trabaho ni Zac dahil ayaw din naman ng Mommy nito na pumasok siya sa kompaniya ng mga ito. Isang bagay na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maintindihan.
Lumabas siya ng bathroom na nasa loob din kaniyang silid saka naghanap ng damit na maisusuot. Pinili niya ang maong na pantalon at isang printed t-shirt saka siya nagsuot ng jacket dahil sa madaling araw ay sigurado siyang malamig ang biyahe nila.
Pagpasok ng kaniyang ina ay pinasadahan siya nito nang tingin mula ulo hanggang paa.
“Ano ba ‘yang suot mo na ‘yan, Ariyah?” galit na bulalas nito. “Sa tingin mo ba ay kanino ka haharap at ganiyan ang itsura mo! Magpalit ka nga!” utos nito saka lumapit sa kaniyang cabinet at naghanap ng damit na ipasusuot sa kaniya.
“Ma, okay naman po itong suot ko! Ang lamig-lamig kasi kaya sa tingin ko ay okay na ‘to,” pagtutol naman niya.
“Manahimik ka, Ariyah!” singhal pa ng kaniyang ina kaya naman wala na siyang nagawa kung hindi ang manahimik na nga lang. “Oh, ito ang suotin mo! Tandaan mo, Ariyah, huwag na huwag ka nang gagawa ng dahilan na pupunahin na naman sa ‘yo ng Mommy ni Zac,” bilin nito saka iniabot naman sa kaniya ang damit na napili nito.
“Opo,” nakasimangot niyang tugon dito at walang nagawa kundi kunin ang damit na iniabot nito. Dali-dali siyang nagbihis. Isang light pink dress iyon na may baby collar at hapit sa katawan niya mula sa kaniyang dibdib hanggang sa kaniyang baywang at A-line naman ang ibaba noon na ang haba ay hanggang sa kaniyang mga tuhod.
Kapag talagang pupuntahan niya si Zac o mayroon silang salo-salo kasama ang pamilya nito ay palaging Maria Clara ang kaniyang imahe. Gayon pa man ay hindi naman siya tutol doon, iyon nga lang ay hindi niya magawa ang mga bagay na gusto niya. At wala rin naman siyang magagawa dahil iyon ang gusto ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.
“Mas maganda kung ganiyan lagi ang ayos mo, huwag mo nang talian iyang buhok mo, isuot mo rin yung sandals na ibinigay sa ‘yo ng Mommy ni Zac,” dagdag na utos pa nito sa kaniya. “Bilisan mo riyan, sumunod ka na sa baba at aalis na tayo.”
“Opo,” napipilitan na namang sagot niya bago ito tuluyang lumabas ng kaniyang silid. Matapos niyang gawin ang lahat nang iniutos nito sa kaniya ay sumunod na rin siya agad dito dahil baka samain pa siya kung muli na naman siyang susunduin nito sa kaniyang silid.
Pagbaba niya ay nakahanda na ito at ang kaniyang Papa at siya na lang ang hinihintay.
“Tara na,” aya ng Papa niya kaya sumunod na sila rito ng kaniyang ina.
Habang nasa biyahe ay pare-pareho lang silang tahimik, dumeretso na muna sila sa bahay nila Zac kung saan nasa kabilang subdivision lang naman. Magkaibang subdivision ang kanilang tinitirhan dahil hindi afford ng mga magulang niya ang bumili ng bahay at lupa sa exclusive subdivision kung nasaan ang bahay nila Zac. Ang bahay naman nila ay nasa Class A subdivision din naman, kaya ganoon na lang ang pagtanggi sa kaniya ng Mommy ni Zac dahil para dito ay may mas higit pang nararapat para kay Zac kaysa sa kaniya.
Pagdating nila roon ay huminto ang sasakyan nila sa tapat ng bahay ng mga ito. Hindi na sila nahihirapan pang pumasok doon sa subdivision na iyon dahil kilala na rin naman sila.
“Ariyah, mauna ka nang bumaba,” utos naman ng kaniyang ina kaya agad siyang tumalima. Kasalukuyang nakabukas na ang gate ng bahay nila Zac tanda na malapit na ang pag-alis nito.
Pagpasok niya sa gate ay agad niyang nakita ang kasintahan, nagulat pa ito nang makita siya.
“Oh, love, bakit nandito ka?” Gulat na tanong nito sa kaniya, mabilis naman siyang lumapit at humalik sa pisngi nito.
“Eh, alam mo naman kasi si Mama, hindi ‘yon papayag na hindi ka makita bago ka umalis,” paliwanag naman niya.
“Ihahatid niyo kami sa airport?” tanong nito sa kaniya at hinawakan ang kamay niya. Magkahawak-kamay sila nang lumabas ang Mommy nito. Agad siyang pinasadahan ng tingin nito mula ulo hanggang paa na parang sinusuri ang pagkatao niya.
“Good morning po, Tita!” magalang na bati naman niya rito saka lumapit at akmang hahalik sana sa pisngi nito nang pigilan siya nito.
“I’m okay,” saad nito habang nakaharang ang mga palad nito sa tapat ng mukha niya. Medyo napahiya siya sa ginawa nito kaya napaatras naman siya.
“Sorry po,” paghingi niya ng despensa rito, lumapit naman sa kaniya si Zac at muling hinawakan ang kamay niya at bahagya iyong pinisil, tanda nang paghingi nito ng paumanhin sa ginawa ng Mommy nito.
“Hindi ba sinabi sa ‘yo ni Zac na okay lang naman na hindi na ninyo kami ihatid?” malamig na tanong nito sa kaniya.
“Ah, eh…” hindi niya malaman kung anong isasagot dito. Kasalanan iyon ng Mama niya kung hindi ito nagpumilit ay mahimbing pa sana siyang natutulog ng mga oras na iyon. Napataas ito nang kilay na halatang naghihintay sa kaniyang isasagot. “Ah, nas—”
“Hindi ko pala nasabi sa kaniya, Mom, nawala po kasi sa isip ko,” maagap na salo naman sa kaniya ng kasintahan.
“Sa susunod, Zac, kapag may sinabi ako sa ‘yo ipararating mo kaagad sa kaniya nang hindi maagang nasisira ang araw ko,” naiinis na usal nito pagtapos ay diretso nang sumakay ng sasakyan. “Tara na, baka mahuli pa tayo sa flight,” aya nito sa binata.
“Okay po,” pagtalima naman ni Zac saka siya inakay pasakay ng sasakyan ngunit hindi pa siya nakakaapak sa loob ng van ay hinarang kaagad siya ng Mommy nito.
“Masyado nang masikip dito sa loob, doon ka na lang sa sasakyan ninyo dahil ayokong mahirapan,” saad nito kaya natigilan siya ulit pero nakangiti pa rin siyang humarap sa kasintahan.
“Sige, love, doon na lang ako sa sasakyan namin, magkita na lang tayo sa airport,” paalam niya rito at bago pa man ito makasagot ay agad na siyang nakatalikod dito.
Hindi siya bato upang hindi masaktan sa hayagang pagtanggi sa kaniya ng Mommy ni Zac, ngunit pilit niya itong iniintindi. Nag-iiba lang naman ang pakikitungo nito sa kaniya kapag kaharap na nila ang Daddy ni Zac, dahil nagagalit ito kapag ganoon ang ginagawa sa kaniya nito.
“Oh, bakit?” nagtatakang tanong ng Mama niya pagsakay niya ng sasakyan.
“Dito na lang po ako, masyado pong maraming dalang gamit sila Zac kaya hindi po kami kakasya kung do’n po ako sasakay,” tugon naman niya rito.
“Sabagay, marami siguro silang dala dahil 15 days din sila sa Madrid,” pagsang-ayon naman nito sa sinabi niya. Hindi na niya dinetalye rito ang ginawang pagtanggi sa kaniya ng ina ng kasintahan dahil tiyak niyang magagalit na naman ito.
Tahimik siyang sumandal at pumikit na lang. Nakasunod lang ang sasakyan nila sa van na sinasakyan nila Zac. Hindi naman ganoon kahaba ang biyahe nila kaya naman ilang sandali lang ay nasa airport na rin sila. Pagkaparada ng sasakyan nila ay nakita niyang tumatakbo si Zac papalapit sa kanila at pinagbuksan siya nito ng pinto.
“Good morning po, Tito, Tita!” nakangiting bati nito sa mga magulang niya nang mabuksan na nito ang pinto ng sasakyan.
“Magandang umaga rin sa ‘yo, hijo,” bati rin ng kaniyang ama sa binata.
Nakaalalay lang ito sa kaniya habang pababa siya ng sasakyan. “Love, anong gusto mong pasalubong?” nakangiting tanong nito sa kaniya habang magkahawak-kamay silang naglalakad papasok ng airport.
“Basta bumalik ka lang bago ‘yong 10th anniversary natin,” tugon naman niya sa tanong nito.
“Oo, sigurado namang makakabalik ako bago ang anniversary natin, 15 days lang naman kami ro’n, gusto lang kasi ni Dad na tagpuin namin siya sa Madrid tapos sabay-sabay na kaming babalik dito sa Pilipinas,” paniniguro naman nito sa kaniya.
“Sige, basta tatawagan mo ko time to time kung anong ginagawa mo ro’n, ha,” bilin pa niya sa kasintahan. Nakangiti naman itong tumango sa kaniya. Ang totoong plano ay dapat kasama siya sa flight na iyon papuntang Madrid, iyon nga lang ay labis na tinutulan iyon ng Mommy ni Zac, kaya wala rin naman siyang nagawa. Hindi rin kasi magawang suwayin ni Zac ang ina nito at naiintindihan niya iyon.
“Tara na, Zac, baka mahuli pa tayo,” aya rito ng ina kaya mabilis itong humalik sa kaniyang pisngi.
“Una na kami, love, I love you, ingat kayo sa biyahe pag-uwi, ha,” paalam nito sa kaniya saka nagmamadaling sumunod sa ina. Naihatid na lamang niya ito nang tanaw. Hindi na siya nakakaramdam nang kahit kaunting lungkot sa bawat pag-alis nito sa kadahilanang madalas naman itong umaalis at sinasanay na ito ng Daddy nito sa negosyo. Noong una ay nalulungkot pa siya dahil madalas ay isang beses o dalawang beses sa loob ng isang buwan na lang sila nagkikita nito.
Pareho silang nag-iisang anak kaya parang lumaki na rin silang magkapatid ng binata at nasanay na siyang ito ang lagi niyang kasama kapag may pagkakataon ito.
Bagaman noong elementary at high school sila ay hindi sila mapaghiwalay nito, isa ring dahilan kung bakit hindi siya nagkaroon ng iba pang kaibigan bukod dito dahil ayaw rin naman nito na nakikipagkaibigan siya kung kani-kanino. At dahil iyon ang gusto nito ay iyon ang dapat niyang sundin at gawin.