*****SHAUN****
"Huy! Tulala ka diyan?" may halong inis na ang boses niya na iyon. Bigla akong natauhan. "Bingi ka ba?" dagdag niya pa.
Sandali akong nablangko, dahil sa kakasuri sa lalaking di ko alam kung saan nagmula. Bigla nalang kasi itong sumulpot sa aking harapan, ni hindi ko nga namalayan kung paano niya nagawang mapunta sa harap ko? Pero nainis ako sa kagaspangan ng ugali ng lalaking ito. Porket nagulat lang, at sandaling nablanko ang utak bingi at mute na agad? Suplado!
"Anak ng! Sumagot ka o lapain kita?!" bulyaw niya. Lumukso ang aking puso sa ginawa niyang iyon dahilan para mapatayo ako. Parang bigla kasing nag iba ang kulay ng mga mata niya, naging kulay pula pero sandali lang iyon, dahilan para maisip kong baka guni guni ko lang ang aking nakita. At isa pa, ang kaniyang malamig na tinig ay wari bang punong puno ng pagbabanta. Hindi ko alam kong hindi niya gusto ang presensiya ko o sadyang likas na sa kaniya ang pagiging maldito!
"Sh-shaun," utal kong saad dito. Nauutal kong saad lalo na't ang kaniyang mga misteryosong mga mata ay tila lawing mandaragit na nakatutok ng mariin sa akin. Napalunok ako ng laway saka kinakabahang ngumiti sa kaniya bago muling nagwika,"Shaun ang pangalan ko. I-ikaw tol?"
Kaswal na tanong ko pabalik. Pilit kong itinatago ang pagkailang sa likod ng aking mga natatakot na mga mata. Hanggang sa sandaling ito, hindi pa rin nawawala sa akin ang kabang nadarama sa mga pangyayaring naganap bago lang. Dahil sa presensya niya, medyo napanatag ang aking kalooban, dahil hindi na ako nag-iisa sa masukal na gubat na ito. Ngunit naroon pa rin ang kalituhan sa akin kung dapat ko bang pagkatiwalaan ang estrangherong ito.
"Miguel," maikling sambit niya na nakataas ang makapal na kilay habang pinagmasdan niya akong mabuti wari bang binabasa niya ang aking mga galaw. Ni pati ang paraan ng aking paghinga ay di niya pinalampas. Wari bang isa siyang lobo na tinatantiya kung ano ang susunod kong mga galaw."Anong ginagawa mo dito?!" seryosong tanong niya.
"Bibisitahin ko lang ang lola Virgie ko," ang naiilang kong sagot. Pilit kong pinapanatili ang aking mga mata sa kaniyang prominenteng panga sa takot na baka muli kong masilayan ang nakahubad niyang katawan. Ayaw ko rin siyang tingnan ang madilim niyang mga mata sapagkat tuwing magtama ang aming paningin wari bang hinihigop ako nito sa napakahiwagang paraan.
Seryoso, nakapagtataka kung bakit siya nakahubad sa loob ng gubat na ito. Ngunit pinili kong itikom ang aking bibig. Ayaw ko ng uusisain pa, baka kriminal itong lalaking kaharap ko ngayon, at mapahamak pa ako lalo.
"Hindi ka na dapat nandito!" asik niya.
Humakbang siya palapit sa kinatayuan dahilan para mapaatras ako ng dalawang hakbang. Umatras ako dahil mas lumala ang intensity na pagkatitig niya sa akin. Nakakapanghina ng tuhod! Bakit ganoon na lang ang epekto sa aking ng lalaking ito? Ngunit sa kabilang banda, diba dapat maging mabuti siya sa akin, dahil bisita nila ako sa lugar na ito?
"Pa-pasensiya na tol.., pero hindi naman ako magtatagal rito," pagdadahilan ko. Totoo ang sinabi kong iyon. Mga ilang buwan babalik na rin naman ako sa bayan. Nagpunta lang naman talaga ako rito dahil gusto kong mag- unwind upang kahit papaano, maibsan ang lungkot na aking nadarama. "Bibisitahin ko lang ang lola ko. At isa pa, hindi naman siguro bawal ang tumapak sa lupaing ito, hindi ba?" Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo. Bakas sa nakalukot nitong mukha ang disgusto sa tugon na aking ipinarating sa kaniya.
"Mapanganib ang lugar na ito para sa mga taong gaya mo. Umalis ka na," malamig na boses niyang taboy sa akin. Mga taong gaya ko? Kung mapanganib nga ang baryo na ito, eh bakit nila dito piniling manirahan? Eh, pareho naman kaming mga tao? At isa pa, hindi naman sila siguro mga aswang! Bagamat naikwento noon sa akin ng lola Virgie ang tungkol sa mga aswang, ngunit hindi ako naniniwala na may mga nilalang talagang ganoon na nabubuhay sa mundo. Ang mga aswang ay pawang kathang isip lang. Ni walang makapagpapatunay kung nag exist nga ba sila sa mundo. Ang mga aswang ay nabubuhay sa mga imahinasyon lang o hindi ba kaya nakasulat lang sa aklat.
Seryoso? Pinapaalis niya ako gayong nandito na ako? Sino ba ang lalaking ito? Ang gusto ko lang naman ay magtungo sa bahay ng lola ko. Kung makapagsalita siya ay para bang napakalaking kasalanan ang pagtapak sa nakakatakot na lugar na ito.
"Sandali...Pero, pasensya na tol," matatag akong umiling. Nais kong iparating sa kanya ang aking pagtutol sa iniutos niyang pag-alis sa baryo na ito. Nandito na ako! Wala ng atrasan pa ito! "Malayo na ang aking nalakbay. At isa pa imposible ang nais mong umalis ako, dahil wala ng sinong maghahatid sa akin pabalik sa bayan. At kung gaya nga sinabi mong mapanganib ang lugar na ito, diba dapat samahan mo na lang ako patungo sa bahay ng lola ko dahil tiyak na mas ligtas ako doon?"
Sandali siyang nag isip wari bang tintimbang ng maiigi ang suhestiyin ko sa kaniya. Kalaunay nakiya ko ang kaniyang pagtango. "Sumunod ka sa akin," mautoridad na sabi niya sabay talikod dahilan para tumambad sa akin ang matambok na pwet ng lalaki. Napabuga na lang ako ng hangin, saka napailing. Ngunit hindi ko maiwasang hindi humanga sa pang modelong tindig niya. Pati ang kaniyang balat, bagamat moreno, ngunit napakakinis nito.
"Teka..," alanganing sambit ko. Pero hindi man lang siya lumingon sa akin. "Kilala mo ba ang lola ko?"
"Sumunod ka na lang," matabang niyang tugon.
Napabuntong hininga ako. Bagamat nagtatalo pa rin ang aking isipan kung tama bang susunod akonsa kanya, ngunit ayaw ko rin namang ma stuck sa loob ng nakakatakot na gubat na ito. Pinulot ko ang aking maleta kapagkuway sumunod na sa kaniya.
Sinubukan kong igala ang aking paningin sa ibang direksyon, pero animoy may magnet na nakakabit sa kanyang malapad na likod dahilan para laging dumako ang tingin ko sa parte ng katawan niya na iyon pababa sa umaalog alog niyang puwetan! Matambok ito! Marahil ay maraming mga kababaihan ang naglalaway sa kakisigang taglay ng lalaking ito.
Sandali kong sinampal ang sarili sa aking isipan, dahil parang pinagnanasahan ko ang kahubdan ng estrangherong ito. Siyempre lalaki ako! Marahil ay naiintimidate lang ako sa kakisigan niya na kung ikumpara ang katawan ko ay daliri niya lang ata ito.
"Sandali, bakit ka nakahubad?" hindi mapigilang alanganing pag-uusisa ko. "Di’ba mas nakakabuting magbihis ka muna?" Sandali siyang napahinto, saka lumingon sa akin na may halong inis sa mukha. Ahh..Ehh.. Suhestyon lang naman iyon! Bakit ba siya nagagalit sa akin? Sana hindi nalang ako nagsalita pa. Pahamak talaga itong bibig ko!
"Naiwala ko ang damit ko," maiksing sambit niya. Napakunot agad ako ng noo dahil sa kanyang tinuran. Akala ko nagbibiro siya. Tatawa na sana ako, ngunit nang mabakas ko sa kaniyang nakangunot na noo na seryoso siya, pinili ko na lang itikom ang aking bibig. Naiwala? Paanong naiwala niya ang damit niya? Magtatanong pa sana ako, pero pinili ko na lamang ang tumahimik, baka iwanan pa niya ako sa nakakatakot na talahibang binabagtas namin ngayon.
"Bakit," unti-unting napunit ang ngisi sa kaniyang labi dahilan para tumambad sa akin ang mapuputing ngipin niya. "Naiilang ka ba sa kahubadan ko?" kalauna'y tanong niya.
Mabilis akong napailing! Bakit niya naisip ang bagay na iyon?
"Sinungaling!" matigas niyang diin wari bang siguradong sigurado talaga siya sa ipinaratang sa akin. "Hindi ka nga ba komportable sa tanawing nakikita mo ngayon? Bakit hindi ka makatingin sa akin ng diritso..,Shaun?"tanong niya. May diin ang paraan ng pagbigkas niya ng pangalan kong iyon nang hindi binubura ang mga ngising sandaling nagpahinto sa pagtibok ng aking puso.
Teka.., teka! Nilalandi ba ako ng lalaking ito? Bakla ba ang lalaking kaharap ko ngayon? Hindi! Nasisiguro ko iyon. Walang bahid na pagkabakla ang kanyang tindig, at kilos.
" Nagkakamali ka, tol," pagsisinungaling ko sa kagustuhang maitanggi ang katotohan na kanina pa talaga ako naiilang sa kaniya. Sino bang hindi? Ito pa lang ang unang pagkakataong makakita ako ng hubo’t hubad na lalaki buong buhay ko. Ibig kong sabihin, bukod sa aking sarili at sa mga p**n na nandito sa cellphone ko, ito pa lang ang unang pagkakataong makakita ako ng hubot hubad na lalaki sa personal. At isa pa, nakakamangha ang kanyang katawan! Hindi ako sanay na humanga sa katawan ng ibang lalaki, gayong lalaki naman ako.
"Ganun?" Hindi kumbinsidong tanong niya saka tumalikod. "Tayo na. Malalim na ang gabi. Baka makita ka pa nila."
Naguguluhan man sa sinabi niya ngunit isinawalang bahala ko na lang ito, dahil na rin siguro sa pagod na naramdaman. Gusto ko ng magpahinga, at makarating sa bahay ng lola Virgie. Pahapdi ng pahapdi na rin ang sugat sa aking leeg. Ang minsang maputing damit ko ay mistulang nilublob ng magkahalong dugo at putik.
Napakadilim na ng paligid, animoy kahit ang kislap ng mga bituin sa kalangitan ay nagtago sa ilalim ng ulap. Wala ring buwan kaya napakadilim ng gabi. Buti na lang ay hindi nalowbat ang aking cellphone, dahilan para may tanglaw ako sa dilim, pero sapat lang ang liwanag nito para sa akin.
Ganoon na lang ang aking pagtataka, gayong parang komportable namang naglalakad si Miguel, na nauuna sa akin. Para bang ang kanyang mga mata ay sanay na sanay sa dilim. Kahit walang tanglaw ng ilaw ay nakikita niya ang daang tinatahak. Ni hindi nga siya natalisod man lang. Wari bang memoryado niya ang daang tinatahak. Muli, isinawalang bahala ko sa aking isipan ang mga kakaibang kaganapang ito. Marahil ay sanay na siya sa lugar at kabisado na niya lahat ng pasikot-sikot dito.
"Bilisan mo pa ang mga hakbang mo. Ilang sandali pa ay magigising na sila, para mangaso. Baka makita ka pa nila,"sabi niya. Mas domoble ang bilis ng kanyang paghakbang, kaya mas binilisan ko rin ang ginawa kong paghakbang para makasunod sa kanya. Nalilito ako sapagkat sadyang nakapagtataka naman talaga ang mga salitang sinasabi niya. Dahil na rin siguro sa takot, kaya hindi na ako nag uusisa pa. Ilang sandali pa ang tinagal ng aming paglalakad hanggang sa huminto siya.
"Nandito na tayo," ang kaniyang saad kasabay ng pagbilog ng aking mga nahihintakutang mga mata.