Katulad ng panahon ay komplikado din ang nararamdaman ng isang lalaking nakatayo sa may madilim na parte ng eskinitang iyon.
Nasa apatnapu hanggang apatnapu't lima ang edad ng lalaki, maganda at matikas ang pangangatawan, maayos din ang tindig n'ya at larawan ng isang taong may sinasabi sa buhay.
Kung may makakakita man sa kanya ngayon ay siguradong sasabihin ng mga iyon na hindi s'ya nababagay sa lugar na kinatatayuan n'ya ngayon. Mamahalin ang amerikanang suot n'ya at maging ang sapatos n'yang bahagyang basa na ay nangingislap din. Ang relo na nasa bisig n'ya ay siguradong lilibuhin ang halaga.
Ngunit aanhin mo ang yaman at estado sa buhay kung nasa isang sitwasyon kang tulad ng sa kanya?
Bukod sa magulo n'yang isip at halo-halong emosyon ay punong-puno ng kalituhan ang mukha ng lalaki. Tila nadagdagan din ang edad n'ya dahil sa mga gatla n'ya sa noo. Nasa mga mata n'ya ang tila nauupos na pag-asa ngunit sa kabila niyon ay may kaunting kislap doon at tanging iyon na lang ang pinanghahawakan n'ya.
Tumingala ang lalaki sa madilim na kalangitan. Gabi ngunit maalinsangan at hindi nakatulong ang pag-ulan para maibsan ang init ng panahon. Ang buwang sana ay nagbibigay ng liwanag ay nagtago sa kaitiman ng mga ulap.
Bahagyang umuulan kaya mamasa-masa ang bahaging pinagkukublihan n'ya. Umaalingasaw din ang masangsang na amoy na nagmumula sa esterong nasa may kalayuan ngunit hindi iyon alintana ng lalaki. Tila nga ay wala s'yang pakialam sa uri ng lugar na kinaroroonan n'ya.
Ilang segundo ding nakatingala lang sa langit ang lalaki. Dahil sa kakapiraso at butas ang bubong na sinisilungan n'ya ay may ilang patak ng ulan na tumatama sa mukha n'ya na hinahayaan n'ya lang.
Umiiyak ang langit. Kasabay niyon ay ang tahimik na pag-iyak ng puso ng lalaki.
"Patawarin n'yo po ako sa gagawin ko," taimtim na usal ng lalaki habang nakatingin sa kalangitan. Pumikit s'ya at ilang ulit pang ibinulong sa hangin ang mga salitang iyon.
May dalawang minuto din yatang nasa ganoong itsura ang lalaki. Kung hindi pa n'ya naramdaman ang vibration mula sa cellphone n'yang nasa bulsa n'ya ay mananatili pa din s'ya sa ganoong posisyon.
Dinukot ng lalaki ang cellphone sa bulsa n'ya at nanginginig ang kamay na binuksan iyon.
Isang mensaheng halos pumisil sa puso n'ya ang nabasa n'ya doon. Kasabay nang paninikip ng dibdib n'ya ay ang paghigpit ng hawak n'ya sa cellphone. Gusto na lang n'yang durugin iyon para kahit paano ay mailabas n'ya ang nararamdaman n'ya.
Muli s'yang napapikit at tuluyang napaluha. Napaupo din s'ya at tahimik na tumangis. Hindi nga lang nagtagal at maya-maya ay agad din s'yang tumayo at inayos ang sarili.
Nang magmulat s'ya ng mga mata ay nawala na doon ang takot at pag-aalinlangan na kanina lang ay nandoon. Napalitan na iyon ng determinasyon at isang nabuong desisyon. Desisyong alam n'yang kabaliktaran ng paniniwala at siguradong susugat sa pagkatao n'ya pagdating ng panahon.
Isang numero ang hinanap ng lalaki sa cellphone n'ya at kaagad na pinadalhan iyon ng mensahe. Matapos iyon ay muling ibinulsa ng lalaki ang cellphone.
Nanahimik ang lalaki, nawala na din ang bakas ng kahinaang kanina lang ay tinataglay n'ya. Naging blangko ang ekspresyon n'ya at naging malamig ang presensyang ibinibigay n'ya.
Dumaan ang ilang minuto hanggang maging kalahating oras iyon. At ang kalahating oras ay naging dalawang oras. Eksaktong tiningnan ng lalaki ang relong pambisig ay ang tunog naman naman ng paparating na sasakyan.
Naging malinaw ang tunog ng tila galit na galit na makina ng sasakyan. Pagkaraan nang may dalawang minuto ay tumigil sa tapat ng lalaki ang isang itim, makintab at siguradong mamahaling sasakyan.
Bumukas ang bintana ng passenger seat ng sasakyan at mula doon ay sumilip ang isang babaeng pulang-pula ang labi na hindi nalalayo ang edad sa lalaki.
"Kanino ko ba dapat ipagpasalamat ang pagkikita nating ito?" Ngumiti ang babaeng sakay ng sasakyan. Lumabas ang mga ngipin n'ya at pansin na pansin ang dalawang kulay gintong ngipin doon.
"Urgent ang dahilan ng pakikipagkita ko sa 'yo," sagot ng lalaking may mamahaling relo. "Maaari na ba tayong magsimula sa paksang iyon?"
Ngumiti lang ang babaeng may ginintuang ngipin at kaagad na binuksan ang pintuan ng sasakyan. Pumasok doon ang panauhing hindi n'ya inaasahan.
Pagkasara ng pinto ng sasakyan ay agad na umandar iyon. Marahan ang pagpapatakbo ng drayber ng sasakyan papunta sa main road.
Ilang sandali pa ang dumaan bago humalo ang sasakyan sa daloy ng iba pang sasakyan. Dahil sa hindi magandang panahon ay mas bumagal ang usad ng mga sasakyan at naipit sila sa gitna ng trapiko.
Nanatiling tahimik ang dalawang taong nasa passenger seat. Ang isa ay kalmado habang naghihintay sa sasabihin ng katabi. Habang ang isa naman ay tila nag-iipon ng lakas ng loob.
"Kailangan ko ng tulong ko." Matapos ang ilang minuto ay iyon ang lumabas sa bibig ng lalaking may mamahaling relo.
Agad na hinarap s'ya ng babaeng may ginintuang ngipin. "Sigurado ka? Alam mong magkaiba ang mundong ginagalawan natin at kahit kailan ay hindi pwedeng mapasok ng isa man sa atin ang mundo ng isa pa. Magiging magulo at baka hindi mo kayanin ang magiging resulta. Ang pagkikita nga lang nating ito ay maaari nang magdala ng kaguluha."
Hindi nagsalita ang lalaki bagkus ay may bagay na kinuha s'ya sa attache' case na dala n'ya. Isang brown emvelope iyon at iniabot iyon sa babae.
"Sapat na ba ang impormasyong ito?" he asked. "Limang file din ang isinama ko d'yan para pagpilian. They are the best match. The perfect match."
Kinuha lang ng babaeng may gintong ngipin ang envelope at kinuha ang mga papel na laman niyon. Masusi at isa-isa n'yang binasa iyon.
Isang papel ang hinawakan n'ya at ipinakita sa katabi. "Sigurado ka dito? Nakikilala mo ba ang taong ito?"
Tumango lang ang katabi n'ya. "The best match."
The woman with the golden teeth smiled. "Kailan mo kailangan?"
Kinuha ng lalaki kanyang cellphone at binuksan. Ipinakita n'ya ang mensaheng kanina lang ay natanggap n'ya.
Tumango-tango ang babae. "Mukhang urgent na urgent nga. Makakapaghintay ka ba ng dalawa hanggang tatlong linggo?"
"Wala nang oras," the man replied.
Nanunuksong hinawakan ng babae ang baba ng lalaki na agad namang pinalis ng huli.
"Hindi ganoon kadali ang tulong na hinihingi mo. Susubukan ko ang isa hanggang dalawang linggo," she stated.
Napahinga nang malalim ang lalaki. "Salamat. Hihilingin ko ding sana ay wala nang makaalam nito. Kahit sino."
Maarteng tumawa ang babae. "I'm a businesswoman at alam ko ang ibig sabihin ng confidentiality."
"Mabuti kung ganoon."
"Ikaw?" the woman asked. "Alam mo ba ang ibig sabihin ng paglapit at paghingi mo ng tulong sa akin? Alam mo naman yatang lahat ay may katumbas na kabayaran."
"I'm willing to pay," sambit ng lalaki. "Magkano ang kailangan mo para dito?"
The woman chuckled. Humawak pa s'ya sa dibdib na tila tuwang-tuwa.
"I don't need your money or wealth."
"Kung ganoon ay ano ang kailangan mo?"
Tumigil ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
"Soon," sabi ng babae at binuksan ang pintuan na nasa tapat ng lalaki. "Sa oras na may maisip na akong gusto kong maging kapalit ay ako ang kusang magsasabi niyon."
Walang nagawa ang lalaki kundi tingnan ang babae. Napailing na lang s'ya at bumaba ng sasakyan. Mabilis na umalis ang sasakyan pagkababa ng lalaki.
Sa pagbaba n'ya ay saka lang n'ya napansin na wala na ang ulan. Muling tumingala sa kalangitan ang lalaki at umusal ng maikling panalangin.
❤