Pasado alas-dose ng hating gabi nang magising ako. Naramdaman ko kasing may presensiya sa aking harapan.
Napabalikwas ako nang bangon ng masigurado kong may tao ngang nakaupo sa gilid ng sofa kung saan ako nakahiga, subalit bago pa ako tuluyang makatayo ay naitulak na ako ng isang nilalang dahilan upang mapahiga akong muli.
"Papatayin kita! Papatayin kita!" Tinig ng isang lalaki habang sinasakal niya ako. Hindi ko siya maaninag dahil madilim sa paligid, subalit agad kong nakilala ang kanyang tinig.
"C-Cloud, p-please?" Nahihirapang pakiusap ko sa kanya habang pilit kong tinatanggal ang magkabila n'yang kamay na nanatiling nakasakal sa akin.
"Isa kang lapastangan!" Sigaw niya bago niya ako sinampal sa kaliwang pisngi. Napakagat-labi ako dahil sa sakit. "Pumasok ka sa aking tahanan ng wala man lang pasabi!"
Muli sana niya akong sasampalin, subalit ubod-lakas ko s'yang itinulak bago ako mabilis na bumangon. Tumakbo ako palapit sa wall kung saan naroroon 'yong switch ng ilaw.
Akmang palapit na sa akin si Cloud, subalit napahinto siya nang sumabog ang liwanag sa living area ng condo unit niya kung saan kami naroroon.
"Nurse Lie?" Pagkuwa'y gulat n'yang sabi habang nakatingin sa akin ang mapupungay n'yang mga mata na kulay bughaw. "Ikaw pala 'yan?" Napatango na lamang ako. "Akala ko kung sino, eh. Sorry ha."
Naiiling na lamang ako nang tatawa-tawa s'yang bumalik sa kanyang silid. Animo'y walang nangyari, animo'y wala s'yang ginawang hindi maganda sa akin.
Nagbuga ako ng hangin bago ako pasalampak na naupo sa sofa. Bahagya ko pang hinimas 'yong kaliwang pisngi ko na sinampal ni Cloud. Pakiramdam ko'y namumula ito ng mga sandaling iyon.
Ikatlong gabi ko pa lamang sa condo unit ni Cloud bilang isang pribadong nurse niya, subalit hindi ko alam kung makatatagal pa ba ako sa pag-uugali niya. May mga pagkakataong mukha naman s'yang matino, subalit mas madalas 'yong agresibo siya at tila ba nilisan ng katinuan. Nakakatakot.
Sa totoo lang ay binalaan ako ng daddy niya na kailangan ko raw laging makiramdam at mag-ingat dahil kaya raw walang tumatagal na nurse si Cloud ay dahil nananakit daw talaga ito at minsan daw ay muntik na itong makapatay.
Nagulat pa ako sa biglang pag-beep at vibrate ng phone kong nakapatong sa center table. Isang mensahe mula sa kaibigan kong si Decs ang aking natanggap.
'Ate Lie, sabi ni Madelyn ay may bago ka na raw ulit inaalagaan. Cancer patient din ba?'
'Nope.' Reply ko. 'My new patient is a PSYCHOPATH.'