Chapter 2

1197 Words
Julia’s POV. Nagkakagulo na naman ang mga kapatid ko ng madatnan ko ang mga ito sa bahay. Katulad ng dati, wala na ang tatay namin sa mga oras na ito. Nasa laot na siya at nangingisda. "Mano po, ‘nay," bati ko sa nanay ko. Nadatnan ko siyang nagluluto na sa kusina. "Nakauwi ka na pala, anak. Kamusta ang pagtitinda mo sa palengke?" tanong nito. "Okay naman po, inay. Kahit paano ay kumita po ako ng limang daan," wika ko habang nagsasalin ng tubig sa baso. "Salamat, anak. May pambili na tayo ng bigas para bukas at pang baon ng mga kapatid mo. Mahina pa rin daw talaga ang huli ng isda ngayon sabi ng tatay mo. Malakas daw kasi ang alon ng dagat at hirap sila sa lambat." Alam ko ang sinabi ni nanay dahil gano’n din ang reklamo ng ibang mangingisda kanina sa aplaya ng kumuha ako ng paninda. Kahit pagod sa pagtitinda ay nakangiti pa rin ako lalo na ng maisip ko na hindi magugutom at magtitiis sa kape ang mga kapatid ko bago matulog. Agad akong naligo dahil amoy isda na rin ako, dagdagan pa ng amoy pawis at usok. Sa totoo lang, mahirap ang mga tao rito sa probinsya. Umaasa lang kami sa dagat ngunit minsan talaga may mga pagkakataong gaya nitong buwan na may kasungitan ang panahon. Daanan din kasi ng bagyo ang Masbate at malimit iyon. Sa isang taon, nakakaranas kami ng labing limang bagyo minsan. Isabay pa ang biglaang pagbabago ng panahon kaya naman sa mga ganitong pagkakataon, kung hindi ako tumulong baka wala na naman kaming makain bukas. Sabay kaming kumain, tanging ang tatay lang ang wala sa hapag at sanay na kami ng ganito dahil nasa laot siya. Ewan ko ba, ang hirap na nga ng buhay namin pero ang mga magulang ko ay mukhang nakipag paligsahan sa mga kapitbahay sa paramihan ng mga anak. "Julia, kumain kang mabuti ng para may lakas ka bukas lalo na at madaling araw na naman ang gising mo." Sabi ng nanay, sabay abot sa akin ng ginataang tulingan na talagang pinili ko para sa amin kahit na nabawasan ang kita ko sa araw na ito. Ang mahalaga may makain kami ng maayos. "Salamat, ‘nay," nakangiting sabi ko sabay lagay ng ulam sa ibabaw ng kanin ko. Pinagmasdan ko ang mga kapatid ko na maganang kumakain. Makita ko lang silang ganito sapat na para lalo akong magsumikap para sa kanila. Habang kumakain, nabuo ang pasya sa isip ko. Pagbubutihan ko para sa darating na pageant sa fiesta ng barangay. Kailangan kong manalo kaya mag-focus ako sa pag-practise sa susunod na araw. Baka sa araw na iyon ay magaling na si Aling Bebang kaya wala na naman akong pwestong pwedeng magamit at kapag gano’n mauuwi ako sa paglalako ng isda sa bahay-bahay tulad ng dating gawi. Agad akong pumasok sa loob ng kwarto naming magkakapatid. Pinaghalong kahoy at kawayan lang ang bahay namin kaya wala kaming kama o kutson dito, tanging banig lang ang meron kami. Mabilis akong naglatag sa papag at nahiga. Dahil sa sobrang pagod ay agad akong nakatulog habang nasa isip ko ang pag-asang makakaahon din kaming mag-anak sa hirap. Mababago ko rin ang takbo ng buhay namin. Mabilis na lumipas ang isang lingo, hindi na ako nagtitinda ngayon sa palengke dahil magaling na si Aling Bebang at gagamitin na n’ya ang pwesto. Nanghihinayang ako dahil malaking tulong sana sa amin ang araw-araw na stable na kita sa palengke pero wala akong magagawa kung hindi ibalik ang pwestong hiniram ko. "Julia, handa ka na ba?" Matinis na boses ni Belle ang narinig ko nang bumungad ito. "Girl, ano ba naman yang ayos mo? Pupunta tayo sa audition ng pageant at hindi sa palengke," sabi nito na pinandilatan ako ng mga mata ng makita ang ayos ko. Naka-maong jeans na kupas ako, may butas ito sa tuhod. Ang terno nito ay isang long sleeve. Nakapusod lang din ang maganda kong buhok. "Girl, kulang na lang ay salamin para maging kamukha ka ng ni Mrs. Galvez, ang terror teacher natin sa math." Ang bruha talagang ito nagawa pa akong pintasan samantalang s'ya ang may pakana nito. "Hoy, Belle, hindi mo naman sinabi kung ano dapat ang isusuot ko kaya nagsuot ako ng formal attire." Nakasimangot kong sabi sa taong kaharap ko na nakapamewang na tila ba hindi kaaya-aya sa mga mata niya ang nakikita. "Lukaret! Dapat ‘yong sexy ng kaunti, girl. Eh, 'yang suot mo, balot na balot ka tapos nakapusod pa ang buhok mo," nakairap pa na sabi nito. Kung hindi ko lang bestfriend ang baklitang ito baka pinalayas ko na siya sa bahay namin dahil panay ang pintas sa akin. "Audition at screening ang pupuntahan natin kaya dapat maganda ka. Dapat kakabugin natin sila sa aura pa lang na pang beauty queen na," sabi nito sabay pose sa harap ko. "Dapat 'yung may wow factor at pak!" Hay, ang dami talagang arte nito. Paano ko nga ba naging bestfriend ang isang ito? "So, anong gagawin ko? Wala naman akong ibang isusuot pa na mas maayos kesa sa suot ko ngayon." Nakasimangot na tanong ko dito. "Lukaret! Syempre alam ko 'yan, kaya handa ako. Hindi tayo susugod sa laban ng walang gandang bala." Panay ang daldal nito habang inilalabas ang laman ng malaking bag na dala. "Ano 'yang mga 'yan?" tanong ko habang nakasilip sa ginagawa nito. "Ano pa nga ba? Syempre, mga pampaganda at damit para dyosa kang papasok sa barangay hall ng El Dorado at siguradong pasok ka na sa banga, girl." Wala akong nagawa kun'di pagbigyan at sundin ang lahat ng sinabi at ginawa ni Belle. Matapos ang kung ano-anong ginawa niya sa mukha at buhok ko, feeling ko nangangapal na ang mukha ko sa dami ng inilagay niya sa balat ko. "Hay, finally tapos na," nakangiting sabi nito habang pinasadahan ang mukha ko. Inilabas ni Belle ang kulay red na bestida at black belt. "Magbihis ka na para makaalis na tayo at baka mahuli pa tayo," sabi nito sabay tulak sa akin papasok ng silid ko Agad akong nagbihis at halos mangapos ang hininga ko ng maisuot ko ang damit na dala nito. Fitted tube dress ito na lalong nagpahantad sa maputing balat ko. Pakiramdam ko, nag-kulay pula ang mukha ko ng makita ang puno ng dibdib ko sa hapit na dress na suot ko. "Hay, Julia, laban para sa pangarap," paalala ko sa sarili. Hindi ko matingnan ang ayos ko dahil tanging basag na maliit na salamin lang ang meron kami. Lumabas ako ng silid matapos akong huminga ng malalim. "Taray! Ang ganda mo girl, talagang panlaban ang datingan," sabi ni Belle habang panay ang ikot at tingin sa kabuuan ko. Inabot nito sa akin ang itim na sandals. Napaka taas nito kaya lalong nadagdagan ang tangkad ko. Pagkatapos kong isuot ang sandal ay hinila na ako ni Belle palabas ng bahay. "Dapat confident ka, girl. Smile ka lang palagi ha, 'yong pang Colgate na ngiti kagaya ni Sam Milby sa commercial." Napaisip ako, hindi naman iyon colgate kundi close up eh. Bulakbol kasing bakla kaya kahit commercial ay hindi alam kung alin ang tama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD