Monday.
Nagising akong parang binugbog sa pagtakbo sa marathon. Hindi ko makalimutan ’yung nangyari noong Saturday. Hindi ko ine-expect na tatakbo ako kasama ng CEO ko. As in literal na tumakbo. Parang pelikula. Parang mali. Parang… hindi ko alam.
Pagpasok ko sa office, halos ayokong tumingin sa glass door niya. Pero syempre naman, tumingin ako. Mahirap pigilan ’yon.
Nandoon siya, nakaupo, naka-suit at sobrang gwapo. At mukhang wala lang nangyari.
Nagpanggap akong busy sa papel na hawak ko kahit wala pa namang ink sa printer. Pero kahit hindi ko tingnan, ramdam ko ’yung presensya niya.
“Mindy.” Napatalon ako.
Hindi ko pala napansin na nakatayo na siya sa harap ng desk ko. Kapal ng mukha niyang lumapit nang walang warning!
Ay! Oo nga pala. Siya ang boss.
“Good morning, sir,” sagot ko, pilit na nilalakihan ang ngiti.
Tumango lang siya. Walang dagdag. Walang bawas. CEO mode.
Awkward.
At nagtagal ang awkward na ’yon hanggang past lunch. Walang tinginan. Walang usap. Wala rin siyang reklamo sa font size ko kaya hindi ko maintindihan kung proud ba ko sa sarili ko o naiinis ako.
Hanggang sa…
Bumukas ang elevator.
At isang napaka-gandang babae ang pumasok sa hallway. Like, sobrang ganda talaga. Katulad ng mga influencers na may sariling spotlight.
Diretso lakad niya papunta sa opisina ni Xander. Hindi man lang tumingin sa paligid. Huminto sa harapan ko.
“Excuse me. I’m looking for Xander.”
Soft pero commanding ang boses.
“Si Mr. Monteverde po?” tanong ko, kunyari.
“Yes. I’m his fiancée. Claire Villaverde.” Ngiting panalo. Parang sinampal ako ng salita niya pero nakangiti pa rin siya.
Fi…
An…
Cee…
Parang may humila sa sikmura ko.
“Ah… I’ll let him know you’re here,” sagot ko kahit gusto ko nang tumakbo sa CR para humiga sa sahig at magtanong sa Diyos kung bakit ganito ang plot twist.
Pero, bago pa ako makalakad papunta sa pinto niya…
Lumabas si Xander.
At hindi masaya ang itsura.
“Claire. What are you doing here?”
Cold. Mas malamig pa sa ice cream.
Ngumiti ang babae. “Your mother told me to visit my future husband. Isn’t that sweet?”
Nanlaki ang mata ko.
Future. Husband?!
Para akong binuhusan ng yelo at kumatok ang anxiety ko sa pinto ng puso ko.
Gaga ka — bakit ka nasasaktan?
Tumayo si Xander sa tabi ko, parang protective stance? O baka may barrier lang? Ewan!
“Claire, I already told you—”
“Hush.” Nilagay ng babae ang finger niya sa chest ni Xander.
As in touch.
Sa harapan ko.
Gusto kong tanggalin 'yon kaso wala naman akong karapatan. Baka ma-fire ako.
“Let’s have lunch together,” dagdag niya. Ngumingisi sa akin as if sinasabi niyang… I win.
Hindi ko alam bakit ako lumunok ng malalim. Hindi naman ako part ng laban, ‘di ba?
Xander looked at me. Diretso, searchy at intense.
“Mindy, postponed ang meeting sa 2 PM. Cancel the rest for now,” utos niya.
“Copy, sir.”
Proud ako na hindi nanlambot ang boses ko kahit parang kinuyog ang puso ko ng elepante.
Lumabas sila. Naiwan akong nakaupo at halos maiyak sa frustration na hindi ko maipaliwanag.
Ilang oras ang lumipas.
Nakatingin lang ako sa screen ng laptop ko. Blurry ang mundo.
Sino ba naman ako?
Simpleng employee lang.
Broken pa.
Bakit ba ako nag-e-expect? Tanga.
Pagbalik ni Xander, hindi pa rin maganda ang mood.
Nilapitan niya ang desk ko.
“Mindy.”
Tahimik ako. Baka may lumabas na drama sa bibig ko.
“Tungkol kay Claire…” Nag-iwas siya ng tingin sandali. Then bumalik sa akin. “She’s not my fiancée.”
Napatigil ako. Eh? Bakit ka nagpapaliwanag?
“It’s an arranged marriage proposal,” patuloy niya. “My mother… doesn’t take no for an answer.”
Tumawa ako. Mahina pero pilit.
“So… lunch date po pala ’yon ng ayaw mong yes?”
Napatingin siya sa akin nang matagal. 'Yung tingin na parang sinisilip niya kung okay pa ba ako.
“She doesn’t matter to me,” diretso niyang dagdag.
Napatingin ako sa sahig. Baka kung tumingin ako sa mata niya… may masabi ako na pagsisisihan ko.
Bago pa ako makasagot— Knock knock!
Bumukas ang pinto nang hindi hinihintay ang sagot.
“Brooooo!” Pumasok ang isang lalaki. Mukhang happy-go-lucky version ni Xander.
“Sean,” malamig na bati ni Xander.
“Dude, nagtatago ka ba sa sarili mong empire? Oh!”
Napatingin siya sa akin. Kumindat pa.
“Hi! Ikaw pala si Miss Ramirez na niligtas nito sa linta sa enchanted cave!”
Parang bumagal ang mundo.
Paano niya alam ’yon?!
“Teka—kilala mo ko?” tanong ko.
“Of course!” sagot niya with a smirk.
“Ba’t ’di kita makikilala? Eh, ikaw ang laging bukang-bibig ni Xander.”
Nanikip ang dibdib ko.
Napatingin ako kay Xander.
Si Xander? Parang gustong patayin si Sean gamit ang tingin.
“Sean. Out,” madiin niyang sabi.
“Fine, fine. Pero sa akin ka magpapaliwanag mamaya, ha?”
Sabay irap kay Xander at kaway sa’kin. “Nice meeting you ulit, Mindy!”
Umalis siya. Iniwan kaming dalawa sa nagbabagang katahimikan.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o hihimatayin.
Hindi ko alam kung paano ako hihinga.
Kasi nung nakita ko ang mukha ni Xander… at kung paano niya tinignan si Sean matapos sabihin ang tungkol sa cave…
Isa lang ang naiisip ko at hindi ko alam if mali ba 'to o tama.