Inilabas niya ang panyong nasa bulsa niya at maingat na pinunasan ang lahat ng luhang nagpabasa sa mukha ko. Inayos din niya ang ilang mga hibla ng mga buhok ko na bahagyang tumakip sa mukha ko. Sa pagkakataong ito ay kinabig niya ako palapit sa kaniya kaya ngayon ay magkatabi na kami sa mas mahabang sofa. “Hindi pa man ako nakalalayo noong araw na magkahiwalay tayo ay ginusto ko na agad ang bumalik sa iyo. Kahit alam ko at ramdam ko ang pagkadisgusto ng lolo mo sa akin ay napagpasiyahan kong bumalik doon at sabihin sa iyo ang lahat ng nararamdaman ko para sa iyo. Pero isang tawag mula sa matalik kong kaibigan na si Charles ang nagpahinto sa akin,” panimula niyang pagsasalaysay. Nangunot ang noo ko dahil ang sabi niya kanina ay may isang tao ang nanganganib ang buhay kaya hindi niya ako n

