ISANG malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko sa ere habang nakatayo na ako sa labas ng pintuan ng opisina ni Don Felipe. Kinakabahan ako kung ano ang maaaring sabihin sa akin ng Don dahil sa mga nangyari kanina. Oh, God! Kasalanan ko naman e. Lalo na ang nangyari kanina sa amin nina Jass at Xia. Pareho lang kami ni Xia na hindi na nakapagtimpi dahil sa mga sinabi ni Jass sa akin. So, kung anuman ang mga sabihin o gawin ng Don Felipe ngayon, deserve ko siguro ito. Ugh. Bahala na nga!
Mayamaya ay kumatok muna ako ng tatlong beses bago ko hinawakan ang seradura at pinihit ko iyon pabukas. Nakita ko naman agad ang Don na nakaupo na sa swivel chair nito.
Muli, lihim akong nagpakawala nang malalim na buntong-hininga kasabay nang paghakbang ko papasok hanggang sa makalapit ako sa harap ng lamesa nito. Nang tumingin sa akin ang Don, wala akong ibang nagawa kun’di ang magbaba ng mukha. Nahihiya talaga ako rito. Lalo na at nakikita ko ang seryoso nitong mukha ngayon. Parang sinasabi sa akin ng mga mata nito na nadismaya ito nang dahil sa akin.
“I’m... I’m sorry po Don Felipe.” Saad ko matapos ang ilang segundong katahimikan na namayani sa apat na sulok ng opisina nito. “Alam ko pong kasalanan ko ang nangyari kanina. Hindi ko na po sana pinatulan si Jass. Pero alam ko rin po na, kahit magpaliwanag po ako sa inyo ngayon...” Ugh. Gusto ko na namang maiyak ngayon. Lalo na at ramdam ko ang kirot sa dibdib ko sa isiping nagagalit sa akin ang Don Felipe. “...kung tatanggalin n’yo po ako sa trabaho ko; o-okay lang po. Ano—”
“And who told you na tatanggalin kita sa trabaho mo hija?”
Bigla akong natigilan nang marinig ko ang sinabi ng Don. Mula sa pagkakayuko ko, dahan-dahan akong nag-angat ng mukha at tinapunan ng tingin ang Don. Seryoso pa rin naman ang mukha nito habang nakatitig sa akin. Pero mayamaya ay ngumiti ito sa akin.
“H-hindi... hindi po kayo g-galit sa akin dahil po sa nangyari—”
“I saw and heard everything that has happened earlier, hija. Kaya hindi mo kailangang magpaliwanag sa akin.”
“Po?” ang tanging nanulas sa bibig ko.
Bumuntong-hininga nang malalim ang Don at sumandal sa upuan nito. “Bigyan mo nga ako ng tubig hija.”
Mula sa kinatatayuan ko, kaagad akong tumalima. Naglakad ako palapit sa center table na naroon. Kinuha ko ang pitcher at nagsalin ng tubig sa isang high ball glass.
“Ito po Don Felipe.” Nang makalapit ulit ako sa mesa nito.
“Thank you hija.” Anito. “Have a sit.” Matapos itong uminom.
Umupo naman ako sa visitor’s chair habang hindi pa rin inaalis ang tingin ko rito. Wait. Hindi galit sa akin ang Don Felipe? Hindi ito galit dahil sa nangyari kanina?
“H-hindi po kayo galit sa akin... Don Felipe?” tanong ko ulit mayamaya.
Tumingin din naman ito sa akin. “Bakit naman ako magagalit sa ’yo?” sa halip ay balik na tanong nito.
Tipid naman akong ngumiti at bahagyang nagbaba ng tingin.
“I told you, nakita at narinig ko ang mga nangyari kanina. Alam ko na si Jass ang nag-umpisa ng gulo. Nagbitaw siya ng hindi magandang salita sa ’yo kaya hindi mo napigilan ang emosyon mo, maging si Xia man.”
Oh, so narinig ng Don Felipe ang sinabi ni Jass sa akin kanina na nilalandi ko ang matanda?
“Pasensya po ulit Don Felipe," sabi ko at muling nagbaba ng mukha. “Pati po tuloy kayo nadamay. I mean, pati po kayo ay pinag-iisipan ng masama dahil sa akin. Kung anuman po ang mga sinabi ni Jass kanina tungkol sa... sa akin, sa atin po. Hindi naman po ’yon totoo—”
“Alam ko hija.”
Muli kong sinalubong ang mga mata ng Don Felipe. Ngumiti itong muli sa akin.
“Don’t mind them. Wala namang katuturan ang mga bagay na iyon. Ang mga sinabi ni Jass. And don’t worry, I will talk to her later dahil sa mga nangyari kanina.” Anito. “And about Kidlat, huwag mo na ring alalahanin iyon. Kilala ko ang batang ’yon. Alam ko mamaya o bukas ay okay na ’yon at wala na ang init ng ulo niya.”
Muli, tipid akong ngumiti. “Salamat po Don Felipe. Pasensya po ulit sa nangyaring gulo kanina—”
“Like what I’ve said hija... hayaan mo na ’yon. Hindi naman ako galit sa ’yo dahil sa mga nangyari kanina.”
Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag dahil sa mga sinabi ng Don. Tunay nga talagang mabait ang Don Felipe. Ang buong akala ko kanina ay pagagalitan ako nito at tatanggalin na sa trabaho ko. Laking pasalamat ko na lang din na narinig at nakita pala nito ang mga nangyari kanina, ang mga sinabi ni Jass.
Ngumiti ako sa Don. “Ang... ang akala ko po kasi kanina ay tatanggalin n’yo na po ako sa trabaho ko.” Saad ko.
Bigla naman itong tumawa ng pagak. “What? At bakit mo naman naisip ’yon?”
“E,” kinagat ko ang pang-ilalim kong labi at tipid na ngumiting muli. “Iyon lang po ang pumasok sa isip ko kanina nang sabihin n’yong pumunta po ako rito sa opisina ninyo.”
Muli itong tumawa ng pagak. Kitang-kita ko ang pagtaas-baba ng mga balikat nito, ang ningning sa mga mata nito. “Kung tatanggalin kita rito sa Hotel ko, e ’di nawalan na ako ng paborito kong empleyado at kaibigan. Wala ng may magpapatawa sa akin, wala ng may magpapagaan ng araw ko kapag gusto kong mag-relax, wala na akong makakasabay kumain minsan ng tanghalian. At higit sa lahat, wala na akong makikitang maganda rito sa Hotel.”
Hindi ko na rin napigilan ang mapahagikhik dahil sa mga sinabi ng Don. “Palabiro po talaga kayo Don Felipe,” sabi ko.
“I’m not joking hija.” Saad naman nito. “Nagsasabi ako ng totoo ngayon.” Dagdag pa nito. “Mabait ka Psyche. Mabuti kang tao. Maayos kang empleyado. Kaya kung pakakawalan kita rito sa Hotel ko, ako ang natalo dahil hinayaan kong umalis ang isang tulad mo.”
Natigil ako sa paghagikhik ko. Maging ang malapad na ngiti sa mga labi ko kanina ay unti-unting nawala at napatitig ako sa mukha ng Don Felipe. Nakikita ko ngang seryoso ito ngayon dahil sa mga sinabi nito.
Ilang saglit na katahimikan ang namayani sa pagitan namin ng Don. Nang mailang ako sa titig nito sa akin, ako na mismo ang nag-iwas ng paningin dito. Tumikhim pa ako. Magsasalita na sana ako, pero nakarinig naman kami ng katok mula sa may pintuan. Nang lumingon ako roon, nakita kong naroon si sir sungit. Usual, nakasalubong na naman ang mga kilay niya. Seryoso siyang nakatitig sa akin. Oh, kanina pa ba siya roon?
“Hijo, nariyan ka na pala. Come in.” Anang Don Felipe.
Kaagad din naman akong tumayo sa puwesto ko. “Um, mauuna na po ako Don Felipe. Salamat po ulit.”
“Alright hija. See you around.”
Ngumiti ako at bahagyang yumuko bago ako pumihit patalikod. Sakto namang nasa harapan ko na si sir sungit.
“S-sorry po sir.” Saad ko at hindi ko magawang tumingin sa mga mata niya. Nagmamadali na akong humakbang palabas ng opisina ng Don Felipe.
“WHAT IS she doing here?” tanong ni Kidlat sa matanda nang makaupo na siya sa iniwang visitor’s chair ni Psyche kanina.
“Kinausap ko lang siya dahil sa nangyaring gulo kanina roon sa labas.”
“Oh?” magkasalubong ang mga kilay na saad niya.
“Yeah.”
Tinitigan niya ng mataman ang matanda. Well actually, narinig niya ang ibang pag-uusap ng dalawa kanina. Narinig niya ang mga sinabi ng kaniyang Ninong Felipe kay Psyche. At base sa mga narinig niya sa huling pinag-uusapan ng dalawa; mukhang tama nga ata ang hinala niya. That his Ninong Felipe likes Psyche. At dahil doon, kaya malakas ang dalaga pagdating sa matanda. Well sa bibig na mismo ng kaniyang ninong nanggaling na wala na raw itong makikitang maganda rito sa Hotel kung hahayaan nitong umalis ang dalaga. And that words proves that he likes her.
“Ninong, you already told me that she is your favorite employee here at the Hotel. But, you don’t need to tolerate this kind of employee. I mean—”
“What are you talking about?”
“What I’m talking about is that, kung hahayaan mong i-tolerate ang babaing ’yon... aabusuhin niya ang kabaitan mo. I heard from other employee outside na siya ang nag-umpisa ng gulo roon.”
Tumawa naman ng pagak ang Don. “I was there hijo. I saw and heard what really happened earlier.”
“But—”
“Come on. Huwag na lang natin pag-usapan ang tungkol doon. Tutal at nakausap ko naman na si Psyche and she said sorry for what had happen kahit wala naman siyang kasalanan sa mga nangyari.” Tumayo sa puwesto nito ang Don. “Let’s go to the conference room instead at doon na natin pag-usapan ang tungkol sa pag-invest mo rito sa Hotel ko.”
Wala namang nagawa si Kidlat kun’di ang tumayo na lamang din sa puwesto nito. Tinapik pa siya sa braso ng matanda bago ito nagpatiunang naglakad at sumunod siya rito.
“SO, KAILAN ang last day mo rito sa Hotel, Psyche?”
Mula sa likuran ko, narinig ko ang boses ni Jass. Hindi ako nag-abalang lingunin ito, sa halip ay ipinagpatuloy ko ang ginagawang trabaho, ang pagpupunas ng mga bote ng alak.
“I’m sure na pinagalitan ka ni Don Felipe kanina at pinapaalis ka na niya rito sa Casa de Esperanza.” Saad pa nito at bahagyang tumawa.
Malalim na buntong-hininga lamang ang pinakawalan ko sa ere. Hindi pa rin ako nag-abalang sagutin ito. Sayang lang ang oras at laway ko kung papatulan ko pa ito.
“Sabihin mo sa akin kung kailan ang last day mo, para naman makapag-celebrate ako. Magpapaluto ako ng pansit para sa ’yo.”
Napatiim-bagang na ako at seryoso ang mukha ko nang humarap ako rito. “Puwede ba, Jass... tigilan mo ako.”
Tumawa ito at namaywang pa. “Alam mong hindi kita titigilan hanggat hindi ka napapalayas dito sa Hotel, dito sa Bar.”
“Bakit, kapag ba napaalis na ako rito magiging masaya ka na?”
“Of course.”
Muli akong napatiim-bagang at saglit na tinitigan ito. “Puwes magtiis ka na mainis na makita ako rito araw-araw. Dahil hindi ako aalis dito sa Hotel, lalo na rito sa Bar.”
Biglang nagsalubong ang mga kilay ni Jass. “Ano ang ibig mong sabihin?”
“Ano ibig sabihin ni Psyche, hindi siya pinagalitan ni Don Felipe. At higit sa lahat, hindi siya pinapaalis dito sa trabaho niya.” Dinig kong saad ni Xia. “Kaya kung ako sa ’yo Jass, tantanan mo na si Psyche. Kasi kahit ano ang gawin mong paninira sa kaniya, hindi siya paaalisin dito ni Don Felipe.”
“Talaga ba? So, mas lalo mo lang pinatunayan Psyche na totoo ngang nilalandi mo ang Don Felipe. Kaya kahit makagawa ka ng kasalanan dito sa Hotel, okay lang. Kakampihan ka niya at hindi ka tatanggalin sa trabaho mo. Kasi nga, nakikipag-flirt ka sa kawawang matanda—”
“Isipin mo na kung ano ang gusto mong isipin. Sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin, Jass. Kung ikasasaya mo ’yang paninira sa akin, at least nakakatulong akong pasayahin ang buhay mo.” Pagkasabi ko n’on ay kaagad akong tumalikod at muling ipinagpatuloy ang ginagawa kong trabaho. Narinig ko namang tumawa ng pagak si Xia bago ito tumabi sa akin at tinulungan ako sa ginagawa ko.
“Emotional damage.” Saad nito at nilingon pa si Jass. “Ano pa ang ginagawa mo Jass? Trabaho na. Baka kapag naging asawa si Psyche ni Don Felipe, ikaw ang una niyang ipatanggal dito sa Hotel dahil wala kang ibang ginawa kun’di ang mag-marites kaysa ang gumawa ng trabaho.”
“Argh!”
Nang lingunin ko si Jass, nagmamaktol na itong naglakad palayo sa puwesto namin ni Xia. Napahagikhik na lamang kami at nag-apir.
“Akala niya siguro hindi natin siya papatulan.” Anang Xia.
“Nakakaubos din kasi ng timpi ang Jass na ’yon. Nako, kung okay lang sa akin na mawalan ng trabaho, matagal ko ng hinila ang bruha na ’yon papunta sa pool at inilublob doon.”
“Ganiyan din ang iniisip ko amiga. Pasalamat siya at mahal natin ang trabaho natin. Pero isang timpi na lang talaga...” nanggigigil na saad ni Xia at kinuskos nang maigi ang bote ng alak na hawak nito.
“BYE, PSYCHE!”
“Bye, Xia. Ingat ka!” kumaway pa ako rito nang nasa labas na kami ng Hotel.
Alas sinco na ng hapon. Dahil hindi naman nakapasok si Cj kanina, kaya ako lang mag-isa ang uuwi ngayon. Wala akong kasabay dahil magkaiba naman kami ni Xia ng way pauwi.
Maglalakad na sana ako upang lisanin na ang Hotel, ’tsaka naman ako nakita ng Don Felipe na kalalabas lamang ngayon sa entrance.
“Psyche, hija.”
“Don Felipe,”
“Pauwi ka na hija?” tanong nito nang makalapit ako rito.
“Opo. Pauwi na po.”
“Come on, ihahatid na kita. Tutal at hindi naman kita naihatid kagabi.”
“Nako, okay lang po Don Felipe. Maaga pa naman po e.” Pagtanggi ko rito.
“Come on! Okay lang ’yan. Halika na. Nariyan na ang sasakyan ko.”
Napatingin naman ako sa mamahaling sasakyan na kararating lang sa labas ng entrance. Pagkatapos ay napatingin din ako sa lobby ng Hotel. Tiningnan ko kung nandoon ang sir sungit. Baka kasi mamaya ay bigla na naman siyang dumating at kasama pala siya ng Don Felipe.
“Come on, hija.”
“E, h-hindi n’yo po ba kasama si sir sungit?” hindi ko na napigilan ang magtaong dito.
Natawa naman ang Don. “Oh, si Kidlat? No he’s not with me, hija.”
Nakahinga naman ako ng maluwag. Wala naman pala e.
Nang maglakad na ang Don papunta sa kotse nito, kaagad naman akong sumunod.
“Hope in, hija.”
“Salamat po Don Felipe.” Kahit ayaw ko mang maunang sumakay, wala na rin akong nagawa kun’di ang sumakay sa backseat.
Mayamaya, biglang tumunog ang cellphone ng Don, dahilan upang matigil ang akma nitong pagsakay sa backseat.
“Oh, wait a minute hija. I need to answer this call.” Anito at dinukot ang cellphone nito na nasa pocket ng amerikang suot nito. “Kumpadre? Yeah. Oh, really? Okay. Okay. No problem. I’ll be there in a minute. Sure.”
Kunot lang ang noo ko habang nakatingala sa Don Felipe hanggang sa matapos ang pagsasalita nito.
“I’m sorry hija, but I need to go back to my office. Nariyan kasi ang isang kumpadre ko.”
“Nako, okay lang po. Magje-jeep na lang po ako.” Saad ko at akma na sanang lalabas sa backseat, pero pinigilan naman ako ng Don.
“Oh, no no hija. Just stay there.” Anito.
“Po?”
“Oh, there you are. Hijo, come here.”
Napatingin naman ako sa may entrance. At doon, nakita kong papalapit na si sir sungit.
“Ninong what—”
Natigilan agad siya nang makita niya akong nasa loob ng sasakyan ng Don.
“Can you do me a favor, hijo?” tanong nito. “Puwede bang ikaw na muna ang maghatid kay Psyche pauwi sa bahay niya? Nariyan kasi ang kumpadre ko at gusto akong makausap.”
“But—”
“Magje-jeep na lang po ako.”
Sabay pang saad namin ni sir sungit.
“Huwag na hija. Nariyan ka na sa loob kaya huwag ka ng bumaba.” Anang Don. “Please hijo!” nang balingan din nito ng tingin si sir sungit. “Just make sure na maayos na makakauwi sa bahay niya si Psyche.”
“But Ninong—”
“No more buts okay? Magagalit ako sa ’yo kung hindi mo ako pagbibigyan sa pabor kong ito.” Anang Don Felipe kay sir sungit. “Bueno, maiiwan ko na kayo. Oscar, ikaw na ang bahala. Ipagmaneho mo sila.”
“Opo Don Felipe.”
Walang salitang tumalikod na ang Don at naiwan akong tigagal doon sa loob ng backseat. Samantalang si sir sungit naman ay nakasunod ang tingin sa Don. Pero mayamaya ay tinapunan niya rin ako ng tingin. Isang seryosong tingin na hindi ko kayang salubungin, kaya kaagad din akong nagbawi sa kaniya ng paningin.
Narinig ko naman siyang nagpakawala nang malalim na buntong-hininga.
“Sakay na po kayo Sir Kidlat.” Anang driver ng Don Felipe.
Sa huli ay wala ngang nagawa si sir sungit kun’di ang sumakay na rin sa backseat. Kaagad naman akong umusog at halos magsumiksik na ako sa gilid ng bintana. Nang tingnan ko siya mula sa gilid ng isang mata ko, nakita kong masama ang tingin niya sa akin.
“O-okay lang naman po sa akin na huwag n’yo na akong ihatid pauwi... sir.” Saad ko.
“Let’s go, Oscar.”
Sa halip ay saad niya sa driver. Kaya wala na rin akong nagawa kun’di ang manahimik sa puwesto ko.