“Bakit kasi ngayon mo lang sinabi iyan sa akin? Hindi sana matagal na kitang natulungan,” sabi ni Lenny sa kanya nang magkita na sila sa isang sikat na restaurant. Puro mayayaman lang halos ang mga naroon, dahil hindi lahat kayang kumain ng halos pang-isang buwan na niyang budget sa isang order lang.
“Matutulungan mo ba 'kong maka-loan?” tanong niya habang halos hindi niya malasaan ang pagkamahal-mahal na pagkain.
“Loan?” gulat na tanong nito at tila natawa pa sa sinabi niya. “Ellise, ano ka ba? Bakit ka maglo-loan kung may puhunan ka naman?”
“Puhunan? Anong puhunan, Ate Lenny?” nagtatakang tanong niya.
“Ellise, nasa mundo ka ng pagmomodelo, showbiz. Hindi ka papasa rito kung wala kang puhunan,” sagot nito sabay turo sa mukha niya. “You are young, fresh, beautiful, Ellise. Sigurado, marami ang mag-uunahan sa iyo.”
“What do you mean?” nagtatakang tanong niya. Marami na siyang naririnig na usap-usapan sa mga katrabaho niya na kung easy money ang kailangan, kay Ate Lenny lumapit. Pero hindi niya alam kung paano makakakuha ng easy money na iyon, lalo na't malaki ang kailangan niya — limang milyon.
“Ellise, hindi na 'ko magpapaligoy-ligoy pa,” sagot nito at binaba ang kubyertos sa gilid ng plato at inikot ang mga mata sa paligid. Kung saan halos nakapustura ang mga kumakain roon, at natitiyak niyang mga mayayaman lang ang nandoon sa restaurant na iyon. “I can offer you sa mga kilala kong businessman or mga nasa politics.”
“Offer me?” kunot-noong tanong niya, dahil tila nahuhulaan na niya ang ibig sabihin nito.
“Yes, Ellise. I know you are not naive, at alam mo kung ano ang ibig kong sabihin. You can get the money you need, and they can get what they want from you. Your body, Ellise,” litanya nito.
Napanganga siya at tila hindi niya nauunawaan ang sinasabi nito. Inikot niya ang mga mata sa paligid at hindi iilan ang mga matang nakadako sa kinauupuan nila ni Lenny — mga matatandang businessman.
“You mean...” hindi niya magawang ituloy ang nais itanong at inabot ang baso ng tubig at uminom.
“Yeah, you are beautiful, Ellise. Marami ang mag-uunahan sa iyo, and we can demand a high price, sweetie,” nakangising sagot nito at uminom ng wine na inorder din nito kanina.
“I can’t do—”
“Yes, you can, Ellise,” putol nito sa sasabihin niya at nasa tono ang paninigurado. Ito ba ang sinasabing easy money ng mga kasamahan niya, ang pagbebenta ng katawan? Well, hindi naman siya pinanganak kahapon at alam niyang maraming nangyayaring ganoon sa mundong ginagalawan nila, pero ito ba ang solusyon sa problema niya? Ang ipagpalit ang dangal niya sa pera?
“Like what you’ve said, you only have one month to pay everything, so you decide.”
“Ate Lenny, are you... really... doing this?” nanginginig na tinig na tanong niya. Hindi niya alam kung paano itatanong na hindi mamasamain ng kaharap. “I mean, it seems you are... you are... selling me,” patuloy niya.
Narinig niyang tumawa ang kaharap at tila hindi man lang nainsulto sa sinabi niya. “Come on, Ellise. I’m not selling you. You are selling yourself, and I’m just helping you.”
“But I’m not selling myself, Ate Lenny!” inis na sagot niya.
“Well, fine. We’re done here,” kalmadong sagot nito at mabilis nang tumayo at hinila ang mamahaling bag. “Don’t worry about the bill, I already paid,” sabi nito bago siya iniwang nakatulala na hindi alam ang gagawin.
Pabagsak niyang isinandal ang katawan sa upuan. Nais niyang umiyak, umiyak nang umiyak, pero alam niyang wala namang magagawa ang pag-iyak niya sa sitwasyon niya ngayon. Hindi mababawasan ng mga luha niya ang mga utang nila.
“I can’t believe it,” bulong niya at hinila ang wine at mabilis na inubos iyon. Mahal iyon kaya kailangan ubusin niya, tutal bayad na rin naman.
Habang umiinom, namataan niya ang isang lalaking naka-polo long sleeve at maong pants na papunta sa bakanteng mesa na katabi ng mesang kinauupuan niya. Binaba niya ang wine glass at sinundan ang bawat galaw ng matipunong lalaki na alam niyang umaagaw ng pansin sa lahat ng mga naroroong kababaihan dahil sa lakas ng dating nito.
“Who is he?” bulong niya at pasimpleng sinulyapan ang kasama nitong babae na naka-long red dress habang nakakawit ang kamay sa braso ng lalaki.
Palihim niyang sinuri ang kasama nitong babae — short hair pero bumagay sa maliit nitong mukha. Isama pa ang provocative na suot nito na nagpapakita ng magandang cleavage at ang mataas na slit ng long dress nito.
“Perfect match,” bulong niya at tinuloy ang pagkain. Uubusin niya ang inorder nila, sayang naman. Isa pa, ayaw pa niyang umalis dahil nais pa niyang pagmasdan ang gwapong lalaki.
“Saan ko nga ba siya nakita?” tanong niya sa sarili at muling sinulyapan ang lalaki at hindi sinasadyang napatingin din ito sa kanya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin.
“Damn,” mura niya sa sarili at naalala na niya kung saan niya nakita ang gwapong lalaki. Ito iyong lalaking nakabunggo niya sa mall noong isang araw na may kasamang bodyguard.
Nilingon niya ang paligid, pero hindi niya nakita ang mga bodyguard na kasama nito noon sa mall. “Baka hindi sinama kasi may date,” parang sirang bulong niya sa sarili habang kumakain.
Muling bumalik sa problema ang isip niya. Kung saan at ano ang gagawin niya para makahanap ng pera. Alam niyang hindi siya papahiramin ng pera ni Lenny dahil ang gusto nito, ibenta niya ang sarili. Ito ang maghahanap ng bibili sa kanya at siguradong malaki ang porsyento nito pag may bumili sa kanya.
Nakakatuwang isipin kung bakit may mga taong nagagawa ang mga ganoong bagay, pero baka ganoon talaga, dahil sa matinding pangangailangan, tulad niya ngayon. Ano na ang gagawin niya kung sakaling wala siyang mahiramang pera? Tatanggapin ba niya ang alok ni Lenny? Magagawa ba niya ang bagay na iyon? Kaya ba niyang sikmurahin na ang makukuhang pera ay galing sa pagbebenta niya ng sarili?
Paano kung malaman ng mga magulang niya, lalo na ng Daddy niya? Baka iyon pa ang maging dahilan ng lalong pagkasakit ng Daddy niya.
Pero ano at paano ang bahay at lupa nila? Pwede bang pumikit na lang siya at pagmulat ng mga mata, wala na siyang problema? Sana ganoon na lang kadali ang lahat.