KABANATA 1

1171 Words
KABANATA 1- NAMAYAPA AYERA "Sigurado ka bang, dito ka lang sa Balerio?" tanong ni Tiya Corazon. Habang nakatitig ako sa kabaong ng namayapa kong mga magulang. Labis na hinagpis at kalungkutan ang pasan-pasan ko ngayon. Hindi ko akalain na dahil sa isang aksidente ay makikitilan ng buhay ang aking mga minamahal. "Ayera, hindi mo pa nasasagot ang tanong ko." Bumaling ako kay Tiya at itinigil ang pagkatulala ko. "Hindi ho ako sasama sa Maynila. Walang magtatao rito sa bahay namin. At saka kaya kong mamuhay mag-isa." Ngumiti ako sa kaniya bilang kasiguraduhan na ayos lang ako. Tumango si Tiya at hinawakan ang dalawa kong kamay. "Kung ganoon pala ay hindi na kita pipilitin. Basta huwag ka nang masyado mag-isip... at kung tungkol sa bayarin ng pagpapalibing. Ang may-ari ng trak na nakasagasa na ang magbabayad." Ngumiti muli ako sa kaniya. "Kung may kailangan ka huwag kang mahiyang magpadala ng sulat sa akin, at tutulungan kita. Alagaan mo lang ang sarili mo at ikaw na lang mag-isa ngayon." Binitiwan niya ang kamay ko at niyakap ako nang mahigpit bago siya tuluyang bumalik sa Maynila. Nagbuntong hininga muna ako bago lumingon sa mga taong dumadalaw sa aking ama't ina. Ilan sakanila ay kasamahan sa bukid kung saan doon nagtatanim ng mga palay ang aking mga magulang. Kakatapos lang mag-ani nila ng mapagpasiyahan nilang isakay na sa likod ng trak ang kanilang mga ani, upang mapadala na sa bayan. Abala sila sa pagkakarga at kapwa alam na may paparating pang isang trak. Inakala nilang dalawa na paparada lamang iyon, ngunit sa hindi inaasahan, nakainom ang nagmamaneho ng trak. Mabilis itong nakalapit sa likod ng isang trak kung saan ang aking mga magulang ay abala sa pagkakarga. Hindi sila agad nakaalis at magkayakap na naipit at nasawi dahil sa iresponsableng nagmamaneho ng trak. Iyon ang kwento sa'kin ng mga kasamahan nila. Hindi ko na alam ang gagawin ko noon dahil nakita ko nalang silang pantay na ang mga paa sa purgatoryo. Hindi ako makapag-isip nang maayos noon at puro iyak nalang ang nagawa ko. Inasikaso ko ang libing nila nang mabuti, kahit na medyo lutang ang isip ko dahil sa nangyari. Ang mga luha ko ay hindi parin nauubos kakadaloy. Gusto ko silang gisingin at samahan ako hanggang sa ako ay magkapamilya rin. Patuloy parin ang patak ng mga luha ko kahit ito na ang huling araw ng kanilang lamay. Umupo ako saglit at tumitig sa kanila. Saglit pa ay may kamay na dumapo sa aking balikat. "Ayera, tahan na." Marahan ang pagkakabigkas ni Arturo. Patuloy niya akong inaalu hanggang ako ay tumigil na rin sa kaiiyak. Siya ay isa sa mga tumulong sa akin hanggang sa nailibing na sa sementeryo ang aking mga magulang. "Itay, Inay. Salamat, mahal na mahal ko po kayo." Patuloy ako sa pag-iyak habang nakatayo sa tapat ng puntod nila. Ang bawat nakipaglibing ay umalis na at pawang kaming dalawa nalang ni Arturo ang natira. "Ayera, umuwi na tayo." Bulong niya sa likuran ko. Humarap ako sa kaniya habang nagpupunas ng luha. "Ako nalang mag-isa." Sambit ko. Ngumiti siya sa akin at naramdaman ko na ang mainit niyang katawan na yumakap sa akin. Napatigil ako at nagulat sa nangyari. Ganoon pa man ay hinandugan ko rin siya ng yakap. Ilang segundong pagkakayakap ay naramdaman ko na pagod. Ipinikit ko saglit ang mata ko at dahan-dahan ding iminulat. Mukha ni Arturo ang nakita ko pagkabitaw ko sa pagkakayakap. Agad siyang nagsalita, na hindi ko naman pinagtuunan ng pansin dahil sa isang lalaki sa di kalayuan. Nakatayo siya malapit sa ibang mga puntod. Asul ang kaniyang damit at nakapantalon. Nagpukol siya ng matatalim na tingin at saka dahan-dahang naglakad palayo. "Ayera, tigilin mo na ang pagkatulala. " Bumaling muli ako kay Arturo ng bahagya niyang tinaasan ang boses niya. Muli akong tumingin sa kinaroroonan ng lalaki. "Umuwi na tayo." Aya ko. Mabilis na tumango si Arturo at inalalayan ako sa paglakad. Habang naglalakad kami ay di mawala sa isip ko ang lalaking nakita ko. Ang malalim na tingin at tila ba may kakaiba sa kaniyang mukha, na saglit ko lamang napagmasdan. Mabilis kong inalis sa isip ko iyon at baka isa lamang siya sa mga tagalinis ng puntod. "Paano ka na ngayon?" Tanong ni Arturo nang huminto kami sa tapat ng bahay namin. "Ako? Ito mag-isa nalang." Yumuko ako. "Paano ang pag-aaral mo? Tutuloy ka pa ba sa kolehiyo?" Umiling ako. "Hindi na. Siguro ay magtatrabaho muna ako at mag-iipon." Ngumiti siya sa akin at tinapik ako sa balikat. "Kung may kailangan ka sabihin mo lang sa'kin. Maiwan na kita Ayera, hinahanap na siguro ako ni nanay. Babalik nalang ako bukas." Tumango ako at ngumiti. "Magpahinga ka na." Aniya. Pumasok ako sa bahay at agad na nakatulog dahil sa pagod at lungkot na nadama ko ng buong linggo. Hindi ko na naisip na ako nalang pala mag-isa ang mamatulog sa simple naming bahay. Ang mga alala sa bahay na ito kasama ang aking mga magulang ay hindi dapat na mabura. Kinabukasan ay nakatanggap ako ng sulat mula sa kamag-anak ni Itay. Kahit huli na ang kanilang pakikiramay ay nagpapasalamat parin ako dahil naghatid sila ng mensahe para sa akin. Habang binabasa ko ito ay siya namang pagdating ni Arturo. "Magandang umaga!" Bungad niya at mabilis na pumasok sa bahay. Hindi niya ako binigo sa sinabi niyang babalikan niya ako bukas. May dala siyang mga prutas. "Ano 'yan?" Tanong ko kahit alam ko naman. "Mga prutas, masyado kang napagod noong nakaraang linggo kaya sa tingin ko kailangan mo ito. Nangangayayat ka na." May pagpapaalala sa tono niya. Kinuha ko ito at nilagay sa mesa. "Salamat, kakainin ko ito." Tumango siya sa akin. "Magpahinga ka ngayong araw." "Hindi maaari marami akong aasikasuhin." Sagot ko, kahit alam ko sa sarili ko na pagod pa ako dahil sa nangyari. "Ipagpabukas mo na lang iyon. Mamasyal tayo, pumunta tayo sa bayan." Bumaling ako sa kaniya. "Huwag na baka hanapin ka ng nanay mo. Di ba kasa-kasama ka niya sa pangunguha ng kahoy at mga pananim?" Napakamot siya sa kaniyang batok dahil sa sinabi ko. "Hindi naman dahil ngayong umaga kita inanyayahan ay ngayon na agad. Mamayang gabi pa Ayera." Napanganga ako sa sinabi niya. "Pasensiya na." "Hindi, ayos lang. Kaya mamayang gabi ay mag-ayos ka, lalabas tayo. Sa ngayon ay aalis muna ako at gagawin ang inaalala mo." Saad niya at papalabas na ng bahay. "Oo, kung ganoon ang gusto mong mangyari." Ngumiti ako at tumayo sa pintuan. "Salamat Arturo, hihintayin kita mamayang gabi!" Tumingin siya sa akin at sumilay ang ngiti. "Salamat din, Ayera." Aniya at naglakad papalayo sa bahay. Pupunta kami sa bayan mamayang gabi. Sa pagkakaalala ko ilang buwan na akong di na nakakapunta roon. Dahil ngayon bakasyon ay ginugol ko ang aking oras sa pagtulong kala Inay sa pagtatanim at pagaani ng palay. Wala na akong magulang ngayon kaya hindi ko alam kung kanino ako magpapaalam na lalabas kami ni Arturo mamayang gabi. "Ayera, magiging mapait na ba ang timpla ng iyong buhay mula ngayon?" Sambit ko at isinirado ang pinto ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD