Sa araw ng aming pagtatapos ay sumumpa at lumagda kami sa kasunduang magtatrabaho kami sa Alpha bilang pribadong sundalo nito. Sa labing dalawang trainee ay anim lamang kaming nakarating sa dulo. Apat kaming babae at ang dalawa pang lalaki.
Ilang linggong bakasyon ang ibinigay sa amin ng Alpha pagkatapos ng mahabang training. Sa anim na natira ay apat kaming babae at dalawa lamang sa mga lalaki ang nakaligtas sa ambush sa isla. Kalahati agad ang nalagas sa aming grupo hindi pa man nagsisimula ang aming misyon.
Umuwi muna ako sa Bicol, kina Nanay at Tatay. Namimiss ko na kasi sila. Si Violet naman ay umuwi sa kanilang probinsya, kung nasaan ang bahay ampunan kung saan siya lumaki.
Malaki na ang ipingbago ng buhay namin mula nang pumasok ako sa Alpha. Nakapagpatayo na sila Nanay ng mas maayos na bahay at nagsisipasok na sa eskwela ang lahat ng kapatid ko. Napakalaking pasasalamat sa akin ni Tatay. Nakabili na rin pala siya ng sariling bangkang pangisda. Dati kasi ay nakikisakay lamang siya at nahahati ang mga nahuhuli iyang isda para sa arkila ng bangkang ginagamit niya. Ngayon ay sarili na niya kaya napakalaking ginhawa niya. Hindi na niya kailangang pumalaot kapag masama ang panahon o may dinaramdam siya, wala na siyang iniisip na bayarin para sa nagamit sa gasolina at konsumo ng bangka dahil sarili na niya ito.
"Anak, maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo," si Nanay, hindi pa rin matapos tapos ang pasasalamat niya.
"'Nay naman, kahit sinong anak gagawin din naman ang ginawa ko para sa pamilya," natatawa kong tugon.
"Hindi ah! Tingnan mo nga iyong anak ni kumareng Bebang, wala pang desi-otso nag-asawa na!" Medyo malakas na tugon ni Nanay na ikinatawa ko.
"Nanay nagiging chismosa na rin!" Sagot kong hindi pa rin mapigilan ang pagtawa.
"Oh tapos 'Nay? Nasaan na sila ngayon? Taga saan nga pala 'yung napangasawa n'ya?" Meyo curious kong tanong. Ka-edad ko lang si Brenda na anak ni aling Bebang at kaklase ko pa noon sa high school.
"Aha, chismosa pala ha?" Tumawa rin si Nanay.
"Taga kabilang bayan yata, naku eh wala naman daw trabaho, hirap na nga rin si kumareng Bebang dahil kabuwanan na raw niyang si Brenda eh wala ma lamang ipon ang manugang niya!" Medyo ngumuso si Nanay nang sabihin iyon. Nagmumukha na talaga kaming chismosa ni nanay sa takbo ng usapan namin.
"Oh, eh ba't parang apektado ka 'Nay?" Nanunukso kong sagot. Para kasing siya ang naiinis sa manugang ni aling Bebang.
"Paano ka ba naman hindi maiinis eh naka ilang utang na n'yang si kumare Bebang sa bayad ng isda ng Tatay mo, naghahanap na nga ako ng ibang bagsakan ng isda sa palengke, hindi naman patas na inuutang niya ang huli ng tatay mo," himutok niya. May pinaghuhugutan naman pala si Nanay kaya ganoon na lamang ang inis niya.
"Oh, sige na. Hayaan mo na, isipin mo na lang naka tulong ka," pang-aalo ko sa kaniya. Para na kasing lukot na diyaryo ang mukha niya.
"At tsaka hindi na rin naman papalaot si Tatay, 'Nay, ipa-arkila n'yo na lang yung mga bangka," sabi ko habang naghihiwa ng gulay. Tinutulungan ko si nanay na maghanda ng tanghalian dahil parating na ang mga kapatid ko galing sa eskwelahan.
"Oh, eh ano namang gagawin n'ya rito sa bahay? Hiyang hiya na nga ang Tatay mo sa'yo, naku! Kung alam mo lang kung paano ka niya ipagmalaki sa mga kumpare niya!" Biglang sumigla ang boses ni nanay habang nagkukwento.
"Sus! Tatay talaga. Pero 'Nay, sabihin n'yo kay Tatay medyo iwas iwasan ang pagkukuwento tungkol sa akin, alam n'yo na baka mamaya bigla akong matanggal sa trabaho, nakakahiya," sabi kong bahagyang sumeryoso.
"Hayaan mo na ang Tatay mo, proud lang talaga sa'yo, at saka kaligayahan na n'ya yun," walang ano mang tugon ni Nanay. Pero ang totoo bigla akong kinabahan. Paano kung malaman nila ang totoong trabaho ko?
Pinilit kong iwaksi ang isiping iyon. Hindi ngayon ang tamang panahon para problemahin ang mga bagay na iyon. I-enjoy ko muna ang bakasyon ko dahil hindi ko alam kung kailan ulit mangyayari ito.
Tinungo ko ang kuwarto ko pagkatapos ubusin ang meryendang inihanda ni nanay. Magpapahinga muna ako at iisipin muna ang mga gagawin sa mga susunod na araw. Gusto kong ipasyal ang mga kapatid ko at sina nanay, mamimili na rin siguro ng mga gamit nila dahil pasukan na sa eskwela sa susunod na buwan. Para hindi na rin mahirapan si nanay na mamili para sa kanila.
Pagpasok ko sa kuwarto ay narinig ko pang sinabihan ni nanay ang mga kapatid ko na huwag maingay dahil nagpapahinga ang ate nila. Nangiti tuloy ako. Napakasarap talaga nang may nag-aalagang nanay.
Matapos masigurong naka-lock na ang pinto ay binuksan ko ang maliit na suitcase na dala ko. Naroon ang ilang pares ng damit ko at ang ilang armas na issue ng Alpha. Inilabas ko ang mga damit kasunod ang kalibre kuwarenta'y singko pistol na dapat ay lagi kong dala. Mayroon ding dagger knife at ilang loaded magasin para sa baril. Pinagmasdan ko ang badge na natanggap ko sa araw ng aming pagtatapos. Ito magiging pasaporte ko sa pagpasok sa Alpha. Ito ang simbolo ng pinaghirapan ko sa loob ng ilang taon, ang magbibigay sa akin ng isa pang katauhan na hindi dapat malaman ng kahit na sino man.
"Vera anak, pupunta lang ako sa palengke, magpahinga ka na muna ha?" Narinig kong sabi ni nanay. Hindi na ako nag-abalang buksan ang pinto dahil paalis naman na s'ya.
"Opo 'nay, tulog lang ako saglit," tugon ko. Puyat talaga ako dahil sa nangyaring ambush sa isla ay parang hindi na ako nagkaroon ng katahimikan mula noon. Swerte na kung may isang oras akong tulog nang hindi nagigising, kaunting kaluskos lang kasi ay gising na ako.
Inayos ko sa closet ang mga damit ko at inilagay naman sa drawer ang baril at ini-lock iyon. Wala namang makiki-alam sa mga kapatid ko pero mabuti pa rin ang sigurado. Isiniksik ko naman ang pinakamaliit na dagger knife sa isa kong jacket, ito ang balak kong isuot ito sa mga lakad kasama ang pamilya ko.
Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako, ang sabi ko ay magpapahinga lamang ako at pagkatapos ay tutulungan ko si nanay na magluto pagkatapos niyang mamalengke pero napasarap na pala ang tulog ko. Unang beses na hindi man lang ako nagising sa kahit anong ingay. Iba talaga kapag sarili mong tahanan. Kampante ka.
Mahihinang katok ang gumising sa akin. Napabalikwas ako nang marinig ang tilian ng mga kapatid kong lima at pitong taong gulang. Halatang nagkakatuwaan sila.
Hindi pa ako nakapaayos ng sarili ay lumabas na ako ng silid. Hindi uso sa amin ang maging presentable pagkagising. Minsan nga hindi pa ako nagsuklay ay lumalabas na ako sa kuwarto.
"Hooooy! Sali ako!" Masiglang tila batang sigaw ko nang makitang naghahabulan sila sa maluwag na sala. Pinalaki rin kasi nila nanay ang bahay namin dahil sa dami naming magkakapatid. Dati kasi ay magkakasama kami sa iisang kuwarto, ang dalawang maliliit namang pinaka bunso ay kasama nila nanay at tatay sa kuwarto nila. Ngayon ay may kaniya-kaniya na silang kuwarto, maliban sa dalawang ito na makgasama pa rin sa iisang kuwarto.
"Atee!" Tili nila habang nag-uunahang lumapit sa akin.
"Ate Jerilene, ikaw ang taya!" Sigaw ng bunso.
"Oy, dumating lang si ate ako na agad taya?" Kunwari ay naghahaba ang ngusong tugon nito pero nagsimula rin namang maghabol sa amin. Kaniya kaniyang takbo kami nang marinig ang pagbibilang niya.
Nasa ganoon kaming eksena nang datnan ni tatay.
"Aba mukhang na-miss ko ang palaro," si tatay.
"Tay!" Sinalubong ko siya at mabilis na nagmano.
"Vera! Dumating ka na pala!" Aniyang halata rin ang tuwa nang makita ako.
"Naku tamang tama! Maraming huli si pareng Andoy, isda na lang ang hihingin kong arkila sa bangka!" Tuwang balita niya.
"Si tatay talaga," natatawa kong tugon. Kapag nandito ako ay ganito ang ginagawa ni tatay, para daw makakain naman ako ng sariwang isda. Sa Maynila raw kasi ay hindi na sariwa ang mga isda. Nagi-guilty ako kapag sinasabi niya iyon, dahil wala naman talaga ako sa Maynila tulad ng akala nila. Sa isla nga ay kami pa mismo ang nanghuhuli ng mga kinakain naming lamang dagat.
Habang bakasyon pa ang mga kapatid ko sa eskwela ay lagi kaming lumalabas at namamasyal. Tuwang tuwa ang mga kapatid ko dahil bihirang mangyari ang ganito. Dinala ko sila sa pinakamalapit na mall sa syudad dito sa amin. Namili ng lahat ng mga kakailanganin nila sa pasukan.
Napakabilis na lumipas ng araw, pasukan na at naging abala na ang mga kapatid ko sa eskwela. Naiiwan ako sa bahay kasama si nanay. Abala rin si tatay sa pandaragat niya.
Medyo naiinip na ako. Mabuti na lamang at tinawagan ako ni Violet para ayaing samahan siya sa Baguio na agad ko namang pina-unlakan. Hindi na ako nag-usisa kung bakit bigla-bigla ang pag-aaya niya. Gusto ko rin namang makarating doon.
"Kailan?" Excited na tanong ko nang tawagan niya ako.
"Ngayon na, check your email, nag-book ako ng ticket mo mamayang hapon. Hihintayin na lang kita sa airport," aniya.
"Bilis naman," natatawang sagot ko.
"Syempre!" aniyang tumawa rin.
Nagpaalam ako kay nanay at mabilis na inihanda ang mga gamit ko. Kaunti lang ang dala kong gamit dahil sabi ni Violet ay mura daw ang mga bilihin doon.
"Mag-iingat ka," sabi ni nanay bago ako tuluyang maka-alis.
Nag-arkila na lamang ako ng motorsiklong mag-hahatid sa akin sa domestic airport. Trenta minutos lamang ang layo nito mula sa amin kaya mabilis akong nakarating.
"Vera!" Tawag ni Violet nang makalabas ako sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport. Kanina pa pala siya rito.
"Ano, ready ka na?" Salubong niya.
"Palagi naman," sagot kong ngumisi rin.
"Let's go!"
Sabay naming tinungo ang nakahilerang mga taxi at sumakay, nagpahatid kami sa pinakamalapit na terminal ng bus papuntang Baguio.