Kasalukuyang nag-aayos ng gamit si Nikki nang pumasok si Cedric. “Nagugutom ka na ba?” tanong nito nang maupo malapit sa dalaga.
“Okay lang ako,” walang emosyong sagot ng dalaga.
“Iaayos ko lang ‘yung pinamili natin sa ref . Ano’ng gusto mong ulamin?” tanong ni Cedric.
“Kahit ano okay lang ako. Sunod na lang ako pagkatapos ko rito,” matamlay niyang sagot.
Napabuga na lang ng hangin si Cedric. Nawala kasi ang kaninang excitement sa kilos at pananalita ni Nikki.
Hindi mapakali si Cedric habang nasa kusina. Nababagabag kasi siya sa biglang pananahimik ng dalaga. “Pahamak ka talaga, Louie! Ayos na sana nakialam ka pa!” bulong niya sabay taga ng itak sa sangkalan. Lumingon siya sa kwarto pagkatapos ay muli siyang nagpapatuloy sa ginagawa. Nakaraos ang unang gabi nila roon nang tahimik at wala silang imikang dalawa.
“Kumakain ka ba nito?” sigaw ni Cedric mula sa ibaba atsaka niya itinaas ang isang pirasong pusit. Napadungaw si Nikki na noo’y nagkakape sa veranda. Nanlaki ang mga mata ng dalaga sabay napangiti. Dali-dali nitong ibinaba ang tasa ng kape at sinalubong siya sa hagdanan. Pero sa pagmamadali, natalisod si Nikki at dumire-diretso ito pasubsob sa binata. Napatihaya sa buhanginan si Cedric at napadagan naman sa kanya ang dalaga. Parang slow-motion na nagdikit ang mga labi nila bagay na kapwa nagpabilis ng t***k ng mga puso nila. Kapwa nanlaki ang mga mata ng dalawa nang madama ang lambot ng mga labi ng isa’t isa. Ilang segundo rin sila sa ganoong sitwasyon bago itinulak papalayo ni Cedric si Nikki na para bang pasong-paso ito.
Hindi nagustuhan ni Nikki ang naging reaction ni Cedric pero hindi siya nagpahalata na nainsulto siya sa ginawa nitong pagtulak sa kanya. “Sorry,” sambit ni Nikki nang makatayo. Sa sobrang hiya ay dalidali siyang umakyat at hindi na niya nilingon pa si Cedric.
Bumangon si Cedric mula sa pagkakahiga atsaka ito naupo sa buhanginan. Napabuga na lang ito ng hangin sabay tingin sa itaas. Nabigla siya sa nangyari kaya naitulak niya papalayo si Nikki imbes na alalayan niya itong tumayo. “Sabit ka na naman,” aniya sabay kusot ng buhok. Muli siyang napabuga ng hangin bago siya tumayo. Itinabi niya muna ang dala niyang cooler bago siya sumunod kay Nikki sa itaas. Naabutan niya pa ito habang nililinisan nito ang sugat sa daliri nito sa kanang paa.
“Okay ka lang ba?” aniya nang maupo siya sa lapag. Inabot niya ang nasugatang paa ni Nikki atsaka niya iyon hinipan. Bahagyang umangat ang kuko sa kanang hinlalaki ni Nikki kaya alam niyang hindi biro ang tinitiis nitong sakit.
Nagulat si Nikki sa ginawang iyon ni Cedric. Taliwas kasi iyon sa naging reaction nito kanina na parang nandidiring itinulak siya papalayo. Tinangkang bawiin ni Nikki ang paa niya pero nilakihan lang siya ng mga mata ni Cedric na parang nagbabanta. Bahagyang napangiti si Nikki. Napawi na ang kaninang sama ng loob niya. Nakatingin lang siya kay Cedric habang hinihipan nito ang sugat niya sa paa. Matapos ang ilang segundo, sumulyap ito sa kanya. “Masakit pa?” malamlam ang mga matang tanong nito.
Alanganing napangiti si Nikki sabay umiling. Para siyang naakit sa malambing nitong tinig. Lalo pa nang maingat na pagpagin ni Cedric ang mga buhanging dumikit sa mga paa niya. “Bakit kasi ang clumsy mo?” nakangiting sabi nito nang tumingin sa kanya.
Tinulisan niya lang ito ng nguso pero hindi siya sumagot. Nangingiting tumayo si Cedric. Pumasok ito sa kwarto at nang makabalik ay may dala na itong panyo. Nagulat na lang siya nang maupo ito at talian ang sugat sa paa niya. “Masakit ‘yan kapag nasabit sa kumot,” anito nang muling tumingin sa kanya.
Bahagyang napangiti ang dalaga habang nakatitig sa binata. Ilang segundo rin sila sa ganung posisyon nang bulabugin sila nang pag-iyak ni Migui. Kapwa sila napalingon sa silid. Napatayo si Nikki pero naabot ni Cedric ang isang kamay niya. “Ako na,” anito. Gumuhit ang kilabot sa buo niyang katawan nang maramdaman niya ang init ng palad ni Cedric. Pero hindi niya magawang alisin ang pagkakahawak nito sa kamay niya.
“Just stay here,” anito nang bumitiw sa kanya.
Napahawak sa dibdib si Nikki nang tumalikod si Cedric. Ramdam niya ang bilis ng t***k ng puso niya. Recently, nadadalas na ang ganung pakiramdam niya sa tuwing lalapit nang malapit sa kanya si Cedric at sa tuwing magkikiskis ang mga balat nila. “My God! Nagkakagusto na nga yata ako sa kanya.”
Hindi maiwasang mapangiti ni Cedric habang pinagmamasdan si Nikki na sarap na sarap sa pagkain ng inihaw na pusit.
"Hindi ka ba kakain?" tanong nito nang mapatingin sa kanya. Nawili kasi siya sa panonood sa dalaga.
Napangiti si Cedric. Binatak niya ang plato papalapit sa kanya atsaka siya umabot ng inihaw na pusit. Tahimik na pinagsaluhan nilang dalawa ang masarap nilang tanghalian. Dahil nawiwili sa pagkain, hindi napapansin ni Nikki ang paminsan-minsang pagsulyap ni Cedric sa kanya at lihim na pagngiti.
"This place reminds me of my childhood friend," ani Nikki habang hawak ang bote ng beer. Nakaupo sila noon sa buhanginan at nakatanaw sa dagat. Sa tabi nila ay may bonfire na nagsisilbi nilang liwanag. Kapwa kasi sila hindi makatulog noon kaya nag-ayang uminom si Cedric.
Biglang napasulyap si Cedric sa dalaga. "Childhood friend or childhood sweetheart?" kunwa'y tanong niya.
Bahagyang napangiti si Nikki. "I don't know how to call it. Basta ang alam ko lang malapit kami sa isa't isa," aniya habang nakatanaw sa dagat.
"Nasaan na siya?"
Gumuhit ang tipid na ngiti sa mukha ni Nikki. "Siya 'yung ikinuwento ko sa'yo na pakakasalan ko sana, si Klyle-kyle. Matagal-tagal na rin akong walang balita sa kanya."
Napataas ang mga kilay ni Cedric. “Ah, ‘yung baduy mong friend?” Binigyan diin niya pa ang salitang baduy para maalala ng dalaga kung paano siya nito nilibak.
Natawa ang dalaga. “Baduy naman talagang pumorma si Kyle noon. Ang colorful pa ng medyas niya,” nangingiting sabi nito.
“I think mama niya ang may problema ro’n. At his age, siguradong isusuot niya lang kung ano ang inihandang damit para sa kanya, hindi ba?” ani Cedric sabay sulyap sa dalaga.
Alam niyang parte na ‘yon ng kabataan nila pero hindi kasi siya mapakali hangga’t hindi niya naja-justify ang kabaduyan niya noon. Nakakagigil kasi ang ngiti ng dalaga.
Napasulyap sa kanya si Nikki sabay napangiti. “May point ka ro’n, ah? Malamang si Tita nga ang may problema. Kawawa naman si Ced—“ biglang natigilan ang dalaga. “Wait… Cedric din nga pala ang name ni Kyle. Bakit ngayon ko lang naalala ‘yon?” nangingiting sabi nito.
"Hindi ka ba nagsisisi nang tinakbuhan mo siya?” tanong ni Cedric.
"I don't know. May part sa akin na parang nanghihinayang, pero hindi naman kasi ako sigurado na siya pa rin 'yung Kyle na kilala ko noon. Sa haba nang panahon na hindi kami nagkita, nasisiguro kong may nagbago na sa pagitan naming dalawa. Maaring tama ka, maaring hindi na siya baduy manamit ngayon.”
"What if walang nagbago sa kanya?" malamlam ang mga matang tanong ni Cedric.
Biglang natawa si Nikki. “’ You mean, baduy pa rin siya?”
Napailing si Cedric. “What if walang nagbago sa feelings niya?”
Malamlam ang mga matang ngumiti ang dalaga. “I don’t think so. Lahat naman ng tao nagbabago through the years.”
Tinungga ni Cedric ang hawak niyang bote ng beer bago ito nagsalita. "Ang labo mo naman kasi. Hindi mo man lang kinausap 'yung tao. I'm sure hindi ka naman niya pipilitin kung ayaw mo talagang magpakasal sa kanya."
"Ayoko lang din siyang masaktan.”
Bahagyang natawa si Cedric. "Ayaw mo siyang masaktan? Eh, ano’ng tawag mo sa ginawa mo? Sa tingin mo ba hindi siya nasaktan nun?"
Nagsalubong ang mga kilay ni Nikki. "Hay! Bakit mo ba ako kinokonsensiya?" anito sabay tungga ng beer.
Seryosong tumitig si Cedric sa dalaga. "Kung sa akin kasi nangyari 'yon, siguradong masasaktan ako.”
Biglang napalunok si Nikki. Parang tumatagos kasi sa kaloob-looban niya ang tingin ni Cedric. Napalagok ng beer si Nikki. “Hindi ikaw ang sinaktan ko kaya ‘wag kang mag-emote riyan,” natatawang sabi ng dalaga.
Naiiling na tumungga ng beer si Cedric. Hindi niya gusto ang naging katwiran ni Nikki kaya hindi na siya kumibo.
Ilang minuto ring nabalot ng katahimikan ang paligid bago muling bumaling sa kanya si Nikki. "Bakit puro na lang tungkol sa akin ang pinag-uusapan natin? Magkwento ka naman ng tungkol sa'yo,” nangingiting sabi ng dalaga.
Biglang natigilan si Cedric. Bumaling siya sa dalaga atsaka niya bahagyang inilapit ang mukha niya rito. “Bakit parang naging interesado ka na yata sa buhay ko? Ano? Napo-fall ka na ba?” hindi ngumingiting sabi niya.
Napaawang ang mga labi ni Nikki na noo’y buong tapang na sinalubong ang tingin niya.