Mag-ingat ka, Amara

1188 Words
Sobrang lakas ng hingal at kabog ng dibdib ko. Unti-unting bumagal ang pagtakbo namin hanggang sa nagsimula kaming maglakad. Hindi ko alam kung ilang oras na kaming tumatakbo, pero sigurado akong malayo na kami. Hindi ko na matanaw ang amusement park dahil sa distansya, at dahil sobrang dilim na rin ng paligid gawa ng nagtataasang mga puno na hindi kayang pasukin ng liwanag ng buwan. Simula kanina, wala ni isa sa amin ang nagsasalita. Hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang hitsura ng nakahandusay at duguang katawan ni Lila. Walang buhay, habang nanlalaki at takot na takot ang mga mata niya. Pati ang mukha ni Isolde, hindi nawawala sa isip ko—naghalo ang pagkabigla at pagkasuklam sa mga mata niya. Sa gitna ng katahimikan ng paligid, tanging lagaslas ng mga dahon at huni ng mga insekto ang naririnig ko. Maya-maya pa, bumasag ng katahimikan si Celeste. "Anong iniisip mo?" Siya pa rin ang may kontrol sa katawan naming dalawa. Hindi ako nagrereklamo, dahil malamang, kung ako ang may kontrol, hindi ko kakayaning makalayo sa amusement park. Hindi ako kasing lakas ni Celeste. "Nakita niya tayo," bulong ko habang patuloy kaming naglalakad papasok sa makapal na kagubatan sa paligid ng amusement park. "Dire-diretso lang," sabi ni Celeste, kalmado ang boses at hindi man lang pinansin ang sinabi ko. "Ok..." Hindi kami tumigil hanggang sa halos masunog na ang baga ko at parang bibigay na ang mga binti ko sa pagod. Maya-maya pa, naramdaman kong lumuwag ang pakiramdam ko. Sinubukan kong igalaw ang mga kamay ko, at sa wakas, sumunod ang mga ito. Ibinigay na ulit ni Celeste ang kontrol sa akin. Napaupo ako at sumandal sa isang puno, pilit na hinahabol ang hininga ko. Ang bag na dala ko ay parang mas bumibigat sa bawat segundo. Sa loob nito, naroon ang kutsilyong ginamit ni Celeste, habang suot ko pa rin ang duguang damit. "You have to continue. Paano kung masundan nila tayo?" Mahinang utos ni Celeste, halata ang pagod at hapo sa boses niya. "H-hate na ako ni Isolde," mahina kong nasabi habang nakayuko at nakatitig sa lupa. Hindi agad sumagot si Celeste. Alam kong hindi rin siya masaya sa mga nang-yari. "'Wag mo siyang isipin," sagot niya sa wakas. "Wala tayong oras para diyan. Mag-focus ka." Alam kong tama siya. Kahit anong gustuhin kong bumalik para magpaliwanag kay Isolde, wala nang kwenta. Walang salita ang puwedeng gawing tama ang ginawa namin—ang ginawa ni Celeste. Tumayo ulit ako, pinilit ang sarili na maglakad hanggang sa makarating kami sa isang maliit na lawa na nakatago sa lilim ng kagubatan. "Stop here." "Why?" "Kailangan nating magbihis. Wash up and change your clothes." Hinubad ko ang duguang damit ko at yumuko sa malamig na tubig mula sa lawa para mag-simulang linisin ang sarili ko. Pilit kong iniiwasang tumingin sa damit na hinubad ko, pero para bang nakatitig ito sa akin—sinisigawan ako, pinapaalala kung ano ang nagawa namin ni Celeste kanina. "Clean up quick," utos ni Celeste. Hindi ko siya pinansin pero bigla akong napaiyak. Pilit kong inaalis ang bawat bakas ng dugo sa katawan ko. "Hindi mo na 'yan mababawi," paalala ni Celeste. "Tigilan mo na." Patuloy lang ako sa pag-iyak. Wala na ang bakas ng natuyong dugo sa balat ko, pero parang nararamdaman ko pa rin ito. Amoy na amoy ko pa rin. Pero tama siya, hindi ko na mababawi. Wala na akong magagawa. Kumuha ako ng malinis na damit mula sa bag—isang hoodie at jeans—at nagbihis. "Leave all the evidence behind, Amara. Ihulog mo sa lawa," utos ni Celeste. Sa sinabi niya, parang lalo pang bumigat ang bag na hawak ko. Parang sumisigaw ang mga laman nito—ang ebidensiya ng kasalanan namin na kahit kailan ay hindi na namin maitatama. "Amara," mariing sabi ni Celeste. "Ihulog mo." Nanginginig ang mga kamay ko at isa-isang itinapon ang mga gamit sa tubig. Sa pag-hagis ko ng duguang mga damit ay lumutang ang puti kong blouse saglit, bago dahan-dahang nilamon ng tubig. Ang dugo, kumalat na parang pulang tinta. Huli kong itinapon ang kutsilyo na ibinalot ni Celeste sa isang t-shirt. Nang ihagis ko ito, agad na lumubog sa putikan at nawala. Kung sana, gano'n lang din kadaling burahin ang mga nangyari. "Good. Now, let's go," bulong ni Celeste. Tumango ako, tahimik na naglakad ulit habang papalalim kami sa kagubatan. Ang mga tunog ng yapak sa tuyong dahon at ang mahinang ihip ng hangin lang ang naririnig ko. Wala ni isa sa amin ang nagsalita tungkol sa nangyari. Hindi nag-sorry si Celeste. Gusto ko siyang sigawan, tanungin kung bakit niya ginawa iyon, pero may bahagi ng sarili ko na nakakaintindi. Ginawa niya lang ang sa tingin niya ay tama. Maya-maya pa, unti-unting numipis ang mga puno hanggang sa marating namin ang isang makitid na kalsada. Walang katao-tao, tahimik. Sinimulan ko ang pagtahak sa kalsada. Maya-maya pa ay may narinig akong huminang tunog ng makina. Napahinto ako sa gilid ng kalsada habang unti-unting lumalapit ang isang lumang pickup truck. "Act normal," utos ni Celeste. Tumigil ang truck, ang gulong nito huminto sa gravel na kalsada. Bumaba ang bintana, at lumitaw ang isang lalaking may makapal na balbas at malalim na mga mata. "Saan ang punta mo, ineng? Gusto mo bang sumakay?" tanong niya, magaspang pero parang mabait ang boses niya. Nagdalawang-isip ako, pero pagod na pagod na ako at parang hindi ko na kayang maglakad pa. "Opo," sagot ko, pilit na ngumiti. Tumango siya at itinuro ang passenger seat. "Sakay na." Sumakay ako sa truck, mahigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko, na wala nang laman kundi t-shirt, cellphone, at wallet. Sinulyapan ako ng lalaki habang umaandar ang truck pabalik sa kalsada. "Saan ka papunta?" tanong niya. "Kahit saan," mahina kong sagot. Tumawa siya nang mahina. "Sabi mo eh." Tahimik kaming dalawa habang tumatakbo ang truck sa kalsada. Walang ilaw ang daan, maliban sa headlights ng truck. Ganon pa man, hindi na ako nag-taka dahil talagang liblib ang lugar na ito. "Saan po ba papunta ang kalsadang 'to?" "Sa Santa Cruz, pero 2-3 oras pa ang byahe bago makarating doon. Mga nag-dedeliver ng bigas sa bayan lang ang dumadaan dito, wala nang iba." Makahulugan nitong sabi. Napatingin ako sa rearview mirror at napansin kong matagal siyang nakatingin sa akin bago muling ibinalik ang tingin sa daan.May kakaibang lamig akong naramdaman sa sikmura ko. "Parang bata ka pa para maglakad mag-isa sa ganitong oras," sabi niya. "Hindi ako mag-isa," sagot ko agad. "May... kapatid ako." Tumaas ang kilay niya pero hindi na niya ito tinanong pa. Tahimik lang si Celeste, pero ramdam kong alerto siya. Bumagal ang truck at imbes na dumiretso ay lumiko ito sa isang hindi sementadong daan, mas makapal ang mga puno sa paligid. "Shortcut lang 'to," sabi niya, nakangiti. Mas lalong humigpit ang hawak ko sa bag. "Mag-ingat ka, Amara," bulong ni Celeste, kalmado pero puno ng babala. "Anong sabi mo?" tanong ng lalaki. "Wala akong sinabi." Tumango siya at bigla niyang inihinto ang truck sa tabi ng kalsada. "Maniningil na muna ako ng pamasahe," sabi niya, may mala-demonyong ngisi, bago bigla niyang hinawakan ang hita ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD