Kinusot ko ang mga mata nang marinig ang ilang katok sa pinto ng kuwarto ko. Disoriented na tumingin ako sa orasan. Alas dos pa lang ng madaling araw! Sabado na ng umaga at katutulog lang namin kaninang alas dose kaya dalawang oras pa lang ang tulog ko! Katulad ng plano namin ay dito na kami dumiretso pagkagaling sa eskwelahan. Ready na rin naman ang iba at may mga dala nang gamit. Sina Alfon at Chris lang ang kinailangang umuwi para kumuha ng mga gamit nila. Matagumpay naman ang group study namin. Nagsimula kami ng alas siyete ng gabi at alas dose na nga kami natulog. Ayaw pa nga sana naming matulog kaso ay pinagalitan na kami ni Tita Malou kaya wala na kaming nagawa. Plano namin na ituloy na lang mamaya ang pag-aaral kaya nagdesisyon sina Alfon na bukas na lang ng tanghali sila uuwi.

