Chapter 4- Richie Ric

2632 Words
“Alright, sana ay may natutunan kayo sa klase natin at sana naman ay ayusin n’yo na ngayong taong ito lalo at huling taon n’yo na sa kolehiyo.” Inilibot ni Mr. Agapito ang mga mata. “Iyong mga suki ng failing grades, baka naman gusto n’yong kumapit kahit sa tres man lang.” Nang sundan ko ang tinitingnan n’ya ay nakita kong nakatingin s’ya sa barkada nina Conrad. Nakita ko pang kumindat sa akin ang dati kong boyfriend nang magtama ang mga paningin namin. Katulad ng nakasanayan ay inirapan ko na lang s’ya. Isa na nga s’ya sa pinariringgan ni Mr. Agapito ay nakukuha pa n’yang humarot. Hindi rin naman ako isang ulirang estudyante at hindi ako sagana sa uno pero wala rin naman akong nakukuhang sobra sa tres. Hindi ako focus sa pag-aaral pero hindi rin ako nagpapabaya. “Sige, sa susunod na meeting natin ay malalaman ko kung may naintindihan nga kayo sa naging lesson natin ngayong araw,” dagdag ni Mr. Agapito at nagpaalam na bago umalis. Hindi nga lang tuluyang lumabas ang professor namin dahil kinausap pa n’ya ang ilan sa mga matatalinong kaklase namin na nasa unahan. Tinanggal ko na lang sa kanila ang mga mata ko at hinarap ang nangalabit na si Sab. "Tuloy tayo?" Agad na tumango ako kay Sab. “Oo naman. Walang makapipigil sa lakad natin ngayon.” Sabay pa kaming tumayo ng dalawa kong kaibigan. Excited na kinuha namin ang mga bag namin at kahit na kalalabas pa lang ni Mr. Agapito sa classroom ay kaagad na kaming sumunod. Hindi na rin namin pinansin pa ang tinginan ng mga taga-Noble Clan. Bahala sila sa mga buhay nila diyan. Nakahawak pa ako sa balakang ko dahil sa kaunting sakit na nakuha ko dahil sa walanghiyang paglalaro namin ng dodge ball kahapon. May maliit na pasa' pa nga ako bukod pa sa medyo masakit pa rin ang puwitan ko dahil sa naging pagbagsak ko kahapon. "Gabby, baby..." Sumama agad ang timpla ko nang marinig ang pamilyar na boses ni Conrad. "Are you alright? Kaya mo bang maglakad nang mag-isa? Gusto mo bang dalhin kita sa clinic para matingnan ang injury mo?" exaggerated na dagdag n'ya. Naghiyawan naman ang mga siraulong lalaking kabarkada ng mokong habang napaismid sina Letti at Sab. I and Conrad already talked with each other yesterday.  Hindi ko nga lang gusto ang naging tawag n'ya sa akin. Tapos na sa amin ang lahat kahit na humihirit pa s’ya ng isa pang pagkakataon na imposibleng ibigay ko. Nadatnan ko s'ya sa bahay kahapon. He apologized at pinatawad ko na s'ya. Galit pa rin naman ako sa ginawa n'ya. Sino ba namang matutuwa kung niloko ka, hindi ba? Tapos nahuli mo pa nang aktuwal. But... Wala na rin naman akong magagawa, nangyari na. Sarili ko lang ang parurusahan ko kung magtatanim ako ng galit sa kanya. Kaya ko namang palampasin ang ginawa n'ya, hindi ko na nga lang maibabalik pa ang tiwalang meron ako sa kanya. Sinira na n’ya iyon at hindi na iyon mabubuo pa. Ganoon kaimportante ang tiwala ng isang tao. Sobrang hirap makuha pero ganoon kadaling mawasak. We had our closure. Naging smooth naman ang pag-uusap namin kahapon. Sinubukan n'yang ibalik ang relasyon namin but I said no. At nang makita n'yang hindi na talaga puwede ang gusto n'ya, hiniling na lang n'ya sa akin na kahit 'yong friendship na lang namin ang maibalik. Pumayag naman ako. Magkaibigan na kami mula noong mga bata pa kami at kahit hindi maganda ang pinatunguhan ng relasyon namin ay hindi na mawawala ang bond at pinagsamahan naming dalawa. At ang mokong, late enrollee na naman. Mukhang iyon din ang dahilan kung bakit isa s’ya sa mga pinaringgan ni Mr. Agapito kanina. Pasalamat na nga lang si Conrad dahil mayaman at maimpluwensya ang pamilya n’ya kung hindi ay baka matagal na s’yang sinipa mula sa eskwelahang ito. "Okay lang ako, Con," I said. "Naglaro kami kahapon at napasama ang bagsak ko kaya medyo masakit ang balakang ko but I can manage." "But Gabby..." Tinapik ko na lang ang balikat n'ya. "You should study, Conrad. Late ka na nag-enroll, maghabol ka naman kahit ngayong last year natin," sabi ko pa kahit hindi rin naman ako nag-aaral nang maayos. Pakiramdam ko ay inulit ko lang ang bilin kanina ni Mr. Agapito. "Kung ikaw ang hahabulin ko, willing pa ako," hirit pa ng tatawa-tawang siraulo. Naghiyawan na naman ang mga nakarinig at chineer pa s'ya. Wala talagang makakaintindi sa isang siraulo kundi ang kapwa n’ya siraulo. Hinayaan ko na lang silang umatungal. "Miss Castro..." Mas sumama ang timpla ko nang marinig ang pamilyar na malamig na boses na iyon. Parang gusto ko na lang tuloy magtago sa kailaliman ng lupa. Nagkunwari akong hindi narinig si Richie Ric at hinila sina Letti at Sab. "Miss Gabriella Castro!" Tumaas ang boses n'ya kaya wala akong nagawa kundi lingunin ang pinagsamang modern version nina Jose Rizal at Gregorio Del Pilar. "May problema ba tayo?" inosenteng tanong ko. Siyempre pa ay kunwaring wala akong alam. "Mukhang nakalimutan mo na ang punishment mo," he answered. "Anong punishment?" apela ni Conrad at humarang sa pagitan namin. "Willing akong gumawa ng punishment ni Gabby, Ric." Ric Aldrin tilted his head. Ni hindi n'ya sinulyapan si Conrad. "Alam mo ang Luca's, hindi ba? Be there in five minutes." Iyon lang at walang babalang umalis na s'ya. Tinabig pa n'ya si Conrad nang dumaan s'ya sa tapat ng lalaki. "Oh..." One of the boys shouted. "Gabriella zero, Ric uno!" sigaw pa ng isang lalaki at pinalakpakan pa nila ang tumalikod na si Ric. "Paano ba 'yan, Gab?" Sab approached me. "Hindi ka makakasama mag-videoke, hindi mo naman mahihindian si Ric, mukhang badtrip, e." Umismid ako. "Hala! Hayaan n'yo ang lalaking 'yon! Tara na, tara na!" Kinaladkad ko na ang dalawang babae patungo sa hallway. Agad na sumunod sa amin ang mga kabarkada naming mga lalaki sa pangunguna ng magkaibigang sina Conrad at Chris. Maingay ang grupo namin pero nanatiling tahimik ang dalawa kong kaibigan. "Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko rito," simula ni Letti nang makalabas na kami sa main gate ng eskwelahan. "Naku Gab, pumunta ka na kay Richie Ric at baka lumala pa ang punishment mo," saad naman ni Sab. “Alam mo naman ang toyo ng isang iyon. Sa lakas ay puwede ka ng magtayo ng karinderya na puro adobo ang nasa menu.” I sighed. Confident naman akong hindi sundin ang trip ni Ricardo pero hindi ako sigurado kung paano ko s’ya haharapin bukas at sa mga susunod na araw kapag dinedma ko s’ya ngayon. Ang hirap naman kasi, kaklase ko pa ang sinaunang iyon! "Kailangan mo ba talagang um-attend doon, Gabby?" singit ni Conrad. Nagkibit-balikat lang ako pero agad akong tinampal ni Letti. "Hoy, babae ka! Alam kong lukaret ka pero alam nating lahat kung gaano kakaiba ang topak ng lalaking 'yon!" Mabilis na hinawakan ni Sab ang balikat ko at iniharap sa direksyong kasalungat ng dapat ay destinasyon namin. "Go, Gabriella. Tapusin mo muna ang kung anumang punishment na ihahain sa 'yo ni Ric pagkatapos ay sumunod ka na lang sa amin." “Baka ipa-measure n’ya sa akin ang kabuan ng area ng Luca’s,” sabi ko at lumabi. Natatawang hinampas ako ni Sab. “Loka, hindi naman ganoon iyon. Baka nga mabilis lang dahil badtrip iyon sa ‘yo, hindi ba?” Mas sumimangot ako sa narinig. Hindi ko talaga alam kung kaibigan ko nga ba ang isang ito. "Crush mo rin naman 'yon kaya sulitin mo na. Malay mo s'ya na pala si Mr. Right!" Letti cheered. "Huwag nga kayong ganyan!" Conrad hissed. Nagtalo-talo pa sila sa kung ano talagang dapat kong gawin. Pati nga ang iba naming kaibigan ay nakiboto na rin sa gagawin kong desisyon. "Hay naku!" Nai-stress na hiyaw ko. Labag sa loob na humarap ako sa mga kaibigan ko. “I need to go.” "Sige na. Ite-text o tatawagan ka na lang namin. Mabilis lang naman yata 'yon," pang-aalo pa sa akin nina Letti. Tinulak pa ako ng dalawa kong kaibigan. Gusto ko pa sana silang makasama pero alam kong kailangan ko ring puntahan si Ricardo. Malungkot na kumaway ako sa mga kaibigan ko at pumihit sa direksyon ng Luca's. Wala akong pagpipilian kundi sumunod sa trip ni Richie Ric. At kahit na nang maglakad na ako ay nakasimangot pa rin ako. Ni hindi ko magawang ngitian ang mga estudyanteng bumabati sa akin. Dire-diretso lang ako papunta sa sinabing lugar ni Ricardo. Hindi ganoon kalayo ang Luca's mula rito sa eskwelahan pero dahil sa pagdadalawang-isip ko ay nahuli pa rin ako nang may sampung minuto. Dumiretso agad ako sa front desk at nagtanong sa taong nandoon. Itinuro naman agad ako sa isa sa private room na nasa ikalawang palapag ng restaurant. Limang kaklase ko at si Ric ang nakita kong nasa loob. Nag-isang linya na naman ang makakapal n'yang kilay nang makita ako. "Hi. I know I'm late. Napakatagal ko kasing mag-decide kung a-attend ba talaga ako rito. Napakatigas talaga ng ulo ko, hays," mabilis na sabi ko. Mabuti na iyong unahan ko na s'ya kaysa sa sermunan pa n'ya ako. Naupo ako sa bakanteng upuan katabi ang isa naming kaklaseng nerd na hindi ko matandaan ang pangalan. Ric sighed. Inabutan n'ya ako ng isang papel. Nang tingnan ko iyon ay isa iyong test paper. "Advance ang idi-discuss ko para makatulong sa inyo sa darating na exam," Ric explained. "Exam agad?" wala sa loob na tanong ko. Ric chose to ignore me. Muli s'yang nagpatuloy sa mga sinasabi n'ya at nag-discuss ng kung ano-ano na talagang hindi magawang tanggapin ng aking mga tainga. Hindi ko alam kung gaano na s'ya katagal na nagsasalita. Naramdaman ko na lang na halos nakaidlip na ako. Ganito pala talaga kaganda ang boses n’ya, parang musikang pampatulog. Medyo nagising lang ako nang may bumagsak na kung ano sa lamesa. Pupungas-pungas na kinusot ko ang mga mata ko. Nagsasalita pa rin si Ric na hindi ko alam kung bakit hinayaan akong mawala sa sarili at maglakbay sa iba’t-ibang dimensyon. Pasimpleng tiningnan ko ang relo ko. Napamura ako sa isip ko nang makitang halos anim na oras na ang lumipas!  Ibig sabihin ay nakatulog nga ako! Pero teka… Ganoon ako katagal na nakatulog? Akala ko naman  ay kunwaring idlip lang 'yon! "Alright!" Ric said. Nilinis n'ya ang lamesa at tiningnan ang mga kasama ko. "Tapos na ba ang lahat?" Takang-takang napatingin ako sa mga kaklase namin nang isa-isa silang magpasa ng kung ano. Nang tingnan ko ang ipinasa nila ay nakita kong iyon ang ipinamigay kanina na test sheet. "Okay, maaari na kayong umalis. Ibibigay ko na lang ang score n'yo tomorrow," Ric announced. Napatingin ako sa papel ko. Blangko iyon. Ni kahit pangalan ko ay wala. Bakas lang ng laway ko ang nandoon na bumasa sa gitnang parte ng papel na lukot na lukot pa. Isa-isang nagtayuan at nagpasalamat sa lalaki ang mga kaklase namin bago lumabas ng silid. Alanganing tumayo ako at lumapit kay Ric dala ang basa ng laway at lukot na test paper ko. "Ahm... Ric?" "Makakaalis ang lahat except you. Sit down." Ni hindi n’ya ako tiningnan nang sabihin n’ya iyon. Nanatiling nasa mga hawak na test paper ang atensyon n’ya. Hindi ko alam kung bakit parang bigla akong bumait. Agad na naupo ako sa upuang katabi ng sa kanya. Bubulong-bulong na kinuha n'ya mula sa akin ang papel ko. Napailing na lang s'ya nang makita ang itsura niyon. "Pasensya na," paghingi ko ng pasensya. "Nakatulog ako." Huminga nang malalim ang lalaki. "Ipaliliwanag ko sa 'yo ang kabuuan ng nangyaring discussion para kahit paano ay magkaroon ng silbi ang pagpunta mo rito." Agad na umiling ako. "Naku, hindi na. Okay lang, maaabala ka pa. Nakatulog naman ako, okay na 'yon." Nag-isang linya na naman ang mga kilay n'ya. "Sabi ko nga. Sige, magsimula ka na." Napalabi na lang ako. Hindi na talaga ako makakahabol kina Letti. Pasado alas-otso na ng gabi at mukhang matatagalan pa yata kami rito. Hindi ko naman alam kung bakit para s’yang buntis na ako ang paboritong paglihihan. Pinilit kong makinig kay Ric nang magsimula s'yang magsalita. Tinakipan ko pa ang kaliwang tainga ko para hindi lumabas doon ang mga naririnig ko at pinilit kong hindi antukin. Nakatagal ako nang may mahigit kalahating oras na nakikinig lang sa kanya habang nagte-take ng notes. He really has a deep voice at iyon ang ginawa kong inspirasyon para pakinggan ang mga sinasabi n'ya. "So, marketing is not all about how to sell a certain product in a market. Hindi lang ito study ng kung ano-anong bebenta sa market at kung paano makakabenta. It's not about marketing alone. Dahil sa atin, magkakaroon tayo ng sapat na kaalaman kung bakit bumagsak ang isang produkto. Kung bakit hindi ito nabenta. Ang mga kakulangan nito at kung ano-ano pa..." Higit kalahating oras lang yata talaga ang limit ng focus ko dahil unti-unti na akong natutulala sa kanya at nawawala na sa akin ang mga sinasabi n'ya. Parang musika na sa pandinig ko ang boses n'ya at gusto ko na lang ulit matulog. "Nakikinig ka pa ba, Miss Castro?" "Huh?" "You're dozing off." "Hindi ko kasi alam kung paano nagkakasya lahat ng alam mo sa ulo mo, e. Ang liit lang ng ulo mo tapos ang daming laman," sabi ko pa na tila amaze na amaze. Inuuto ko lang naman talaga s’ya para hindi na n’ya ako sermunan. Muli ko na namang nakita ang pagtaas ng gilid ng labi n'ya. Naiiling na niligpit na lang n'ya ang mga gamit n'yang nasa lamesa. "Mas mabuti kung tatapusin na natin ito. Siguro naman ay sapat na ang mga sinabi ko para kahit paano ay makahabol ka sa naging discussion kanina," Ric stated. Tumango na lang ako at nagligpit na rin ng gamit. Siyempre ay wala naman akong naintindihan kahit isa sa mga sinabi nya pero hindi ko iyon aaminin, baka abutin kami rito ng hatinggabi kapag nagkataon. Sabay pa kaming lumabas ng silid at bumaba sa front desk. Magalang pang nagpasalamat si Ricardo sa mga staff bago kami lumabas ng restaurant. Malapit lang sa kalsada ang Luca’s at katapat lang iyon ng loading area ng mga taxi kaya hindi ko na kailangang maglakad pa papunta sa bus stop. Magta-taxi na lang ako para makauwi agad. Antok na rin ako at gabi na. Baka mag-alala pa si Tita sa akin. Pumuwesto ako sa loading area at itinaas ang kamay para parahin ang paparating na taxi. Hindi nga lang iyon tumigil kahit na walang laman. Wala akong nagawa kundi ang maghintay habang nasa kabila ko naman si Ric na mukhang magta-taxi na rin lang pauwi. Himalang wala s’yang dalang sasakyan ngayon. After a few minutes of waiting, isang taxi ang dumaan. Pinara iyon ni Ric at agad iyong tumigil sa tapat n'ya. Pumasok agad sa loob ng taxi ang lalaki. Nanatili naman akong nakatayo at naghihintay na alukin n'ya na sumabay sa kanya. "Gabriella..." For the first time ay tinawag n'ya ako sa pangalan ko. Naku Lord, ito na 'yon! Sabi na nga ba at hindi rin n'ya makakayang i-resist ang charm ko! Mabilis na lumapit ako sa taxi at akmang sasakay na nang iabot n'ya sa akin ang kulay puting jacket. "Hindi kita pinasasakay," sabi pa n'ya at iniabot sa akin ang jacket. "Isuot mo ito at baka kabagan ka, sisihin mo pa ako" dagdag n'ya at naiiling na pinasadahan ang itsura ko. Maging ako ay sinuyod ang suot na damit. I'm wearing a crop top and a skirt. Wala namang kakaiba sa mga iyon. May sapat na tela at maganda ang mga disenyo. Hindi na ako nakasagot dahil kaagad din n’yang isinara ang pinto ng taxi at mabilis na iyong umalis. Wala akong nagawa kundi tumayo roon at isuot ang letseng jacket n'ya habang naghihintay ng panibagong taxi.   ❤  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD