Hehehehe

1000 Words
PANGAKONG BUHAY (ONE SHOT STORY) written by Jelica M. "Halika, Rod, maupo ka sa tabi ko." Pinagmasdan ko ang lalaking tumawag sa akin. Sa tantiya ko ay matagal na siyang naninirahan sa lugar na ito. Lugar na mas maganda pa sa pinipinta ng mga pintor. Lugar na kung kukuhanan ng litrato ay tiyak na pag-uusapan ng publiko. Ang ganda nito. Isa itong paraiso. Habang papalapit ako sa matandang lalaki ay hindi ko maiwasang damhin ang paligid. Malamig ang simoy ng hangin na humahampas sa aking balat. Sumasayaw ang mga puno at nagsisipagtingkaran ang kulay ng mga bulaklak. Ang mga ibon ay naglalabas ng huning masarap sa pandinig. Heto ang lugar na pinapangarap ng lahat. Ang pangarap kong lugar—ang paraiso. "Ang kapal naman ng librong hawak mo," sabi ko nang makalapit ako sa kaniya. "Heto ba? Oo, makapal talaga ito. Isa itong kuwento." "Kuwento?" Tumango ito. "Gusto mo ba ikuwento ko sa `yo `to?" "Hindi ako mahilig sa kuwento ng tao." "Kung gano'n, buhay mo na lang ang ikuwento mo." "Nako, hindi magandang ako ang maging paksa ng usapan natin, wala rin naman akong maikik'wento sa buhay ko." "Ang buhay na walang kuwento ay buhay na walang kwenta, Rod." Nagkaroon ng kurot sa dibdib ko dahil sa binanggit niya. Wala nga ba akong kwento o talagang ayaw ko lang pag-usapan ito? "Siguro nga'y wala akong kwenta." "Hindi iyan tot—" "Manahimik ka! Iyon ang totoo! Naging walang kwenta ako!" Tiningnan siya ng matanda pagkatapos ay ngumiti, tumawa...humalakhak. "Pinaglalaruan mo ba ako, 'tanda?" "Maupo ka ulit, Rod, kailangan mong makinig sa k'wento ko." May pag-aalangan man ay lumapit pa rin ako at naupo sa tabi niya. Siguro nga'y wala namang mawawala sa akin kung makikinig ako sa mga sasabihin niya. "Ang bida sa librong ito ay isang lalaki. Siya ay tinatawag na lalaking patola." "Bakit patola?" "Patola ang tawag sa mga taong madaling mapaniwala ng iba." "Sa madaling sabi ay isang taong naloloko?" "Oo. Sila ang mga taong mahihina at sunud-sunuran." Tumango na lang ako sa tinuran niya. Hindi ko alam bakit niya sinasabi ito sa akin pero malakas ang kutob ko na may mabigat siyang dahilan. Gaya na lang ng dahilan kung bakit dalawa lang kami sa paraisong ito. Binuklat ni Tanda ang libro at nagsimula nang magk'wento. "Anak, tingnan mo ang larawang ito," sambit ni Gng. Espina sa kaniyang binatang anak. Ang larawan ay isang tanawin. Isa itong paraiso na may magagandang bulaklak, luntiang mga dahon at bundok na may perpektong hugis. "Kapag gumawa ka nang mabuti, diyan ka titira. Iyan ay pangako." Iyan ang natatandaan niyang sabi ng ginang bago ito pumanaw. Kaya ang buong buhay ng binata ay inalay niya sa paggawa nang mabuti. Naging masipag at magalang siya. Hindi man maalwan sa buhay ay ginawa niya ang lahat huwag lang makapanakit ng iba. Kinagiliwan siya nang nakararami at isa na rito si Ruffa, isang magandang dalaga sa kanilang lugar. Nagkamabutihan at hindi rin naglaon ay naging magkasintahan ang dalawa. "Pangakong magiging tapat ako sa `yo." Sumpa ni Ruffa sa harap ng Diyos, anim na taon ang nakalilipas. "Sumumpa ka—nangako ka pa! Pero bakit, Ruffa?! Saan ba ako nagkulang?! Bakit?! Bakit?!" "Patawarin mo ako, mahal. Patawarin mo `ko!" "Lumayas kayo! Lumayas kayo sa pamamahay ko!" Hindi niya magawang pumatay ng tao kahit pa gustung-gusto niyang saksakin ang asawa niyang walang saplot kasama ang lalaking ipinalit nito sa kaniya, naniniwala siya sa bilin ng ina niya na gumawa lang siya nang mabuti ay mapapasakaniya ang bagay na gusto niya at iyon ang tanawin na ipinakita sa kaniya ng kaniyang ina. Dahil hindi kinaya ng binata ang hiya na natamo niya sa kanilang lugar ay nangibang bansa siya. Pinangakuhan kasi ito ng magandang buhay sa Amerika ng kaniyang kaibigan. Ngunit— "You are under arrest!" sigaw ng isang pulis sa kaniya. Traydor. Traydor ang kaniyang kaibigan. Hindi niya alam na kailangan nilang pumatay ng tao at siya— siya ang napagbintangan. "Hindi ito ang pangako mo sa akin, Henry!" "Nagkahulihan lang ng tao, pare. Susuportahan naman kita rito. May pamilya ako, pare. Ikaw, wala. Akuin mo muna. Pangako ko sa `yo, makakawala ka rin dito." Naniwala ang lalaki kay Henry. Naisip niya ang pamilya nito. Totoo naman si Henry sa kaniyang sinabi. Pinapadalhan siya ng pagkain at mga bagay na maaaring dalhin sa preso. Ngunit nagsawa ito. Hinintuan ang pagsuporta at iyon ang labis na nakapagpalungkot sa binata. Tulad ng asawa niya'y hindi ito naging tapat sa kaniyang pangako. Isa siyang Pinoy kaya siyang naging sunod-sunuran. Minamasahe ang mga ibang preso. "Don't be scared later, man. We're goin' to escape this fu**in' cage," bulong sa kaniya ng kasamahan niya. Isang putok. Hudyat na kailangan na nilang tumakas. Takbo. Takbo. Takbo. Hanggang sa.... "Kapag gumawa ka nang mabuti, diyan ka titira. Iyan ay pangako." "Sinungaling ka, ina. Sabi mo kapag gumawa ako nang mabuti, makakamit ko iyan. Puro kayo pangako...." Umalingawngaw ang putok ng baril at damang-dama na niya ang pamamanhid ng katawan. Bago siya igupos ng dilim ay may luhang tumulo sa kaniyang mga mata. Luha ng isang lalaking nagtiwala sa pangakong paraiso. "Sa palagay mo ba, Rod, nagtagumpay ang lalaki na mapuntahan ang paraisong sinasabi sa kaniya ng kaniyang ina?" "Oo. Nandito ako, e." Ngumiti ako nang mapakla. "Tama ka, tanda. Sinungaling sila—pero bago ko ipikit ang mata ko nang mga sandaling iyon. Nagtiwala pa rin ako, hindi man sa mga taong nangako sa akin kundi sa Kaniya." "Kaya ka narito ngayon, Rod. Dahil dininig ka Niya." "Oo nga, e. Alam ko na sa gitna ng mga naghahari-harian sa buhay ko at sa mundong ito, alam kong may lugar na nakalaan sa akin—at heto ang lugar na iyon—itong paraiso." Ngumiti sa kaniya ang matanda. "Maligayang pagpunta rito sa langit, Rod. Mayamaya'y isa ka ng bagong tao, ito'y isang paraiso—ito ang tunay na pangako. Hindi ka na luluha, hindi ka na masasaktan. Maging masaya ka sa panibago mong buhay." Iyon lang at naglaho na ang matanda. *WAKAS*
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD