"OH, bakit ang saya yata ng mukha mo ngayon, Shawn?" taas kilay na tanong ni Bray sa kaibigan, kasalukuyan silang nasa coffee shop ni Seo.
"Nagsabi na kasi sa 'kin si Bella na hihinto na raw siya sa trabaho at aasikasuhin na niya ang pagbuo namin ng pamilya," nakangiting wika niya saka ininom ang kapeng hawak niya.
"Good for both of you, buti naman at naisipan na 'yan ni Bella," saad naman ni Seo.
"Oo pero tatapusin daw muna niya yung mga pending cases na hawak niya kaya probably 3 to 4 months ba bago siya makapag-resign pero wala naman problema sa 'kin dahil medyo busy rin ako sa darating na tatlong buwan. May personal project na rin kasi akong hawak," kuwento naman ni Shawn sa mga kaibigan.
"Oh, nice. Siguro naman ngayon titino ka na?" ani Bray sa kaniya.
"Oo naman, for the record, 'tol, one week na akong walang ginagawang kalokohan. Mula noong nag-usap kami ni Bella sa kaniya ko na talaga itinuon ang atensiyon ko. Saka naisip ko rin naman paano nga kung malaman niya hindi ba, ayoko namang masaktan ko pa siya bago ko itigil ang lahat," seryoso namang wika niya. Kahit napakarami niyang kalakohan sa likuran ni Bella ay alam niya at sigurado siya sa sarili kung gaano niya ito kamahal at hindi niya kaya na mawala ang asawa.
"Mabuti naman kung ganoon, 'kala namin hihintayin mo pang malaman ng asawa mo bago mo iayos 'yang sarili mo. Tandaan mo, Shawn, hindi ka na rin bata dapat responsable ka na pagdating sa mga bagay-bagay," sermon naman sa kaniya ni Seo.
Dahil nga maaga siyang naulila sa mga magulang ay itong dalawang kaibigan niya ang laging takbuhan niya kapag may problema siya. Ang mga ito rin ang tumulong sa kaniya para makapagtapos siya ng pag-aaral kaya talagang malaki ang utang na loob niya sa mga kaibigan.
"Oo na nga," nakukulitang wika niya. "Seryoso na talaga ako sa pagbabago ko ngayon, hindi para sa sarili ko kundi para sa asawa ko."
"Anyway, balita ko hawak mo ang kontrata ni Mrs. Adejar?" tanong naman ni Bray na ang tinutukoy nito ay ang may-ari ng school nila noong high school.
"Paano mo nalaman?" natatakang tanong niya.
"Ano ka ba? Kalat sa group chat natin noong high school ah, si Roy kasi ang nag-refer sa kaniya sa 'yo," tugon naman nito.
"Ah, oo nga, kay Mrs. Adejar nga yung hawak kong project. Yung hotel na itatayo sa Pasay," wika naman niya.
"Talaga? Ang lakas talaga noon, pagbutihan mo riyan, kasi balita ko kapag nagustuhan niya, yung resort naman nila sa Olongapo ang ipapa-kontrata niya sa 'yo," dagdag pa nito.
"Oo kaya nga personal ko nang hinawakan yung project na 'yon saka nakakahiya rin kasi kung papahawak ko pa sa iba," sagot naman niya.
"Big time ka na talaga, Shawn," kantiyaw naman sa kaniya ni Seo.
"Hayaan niyo paglipas ng busy months ko makakapag-out of town din tayo. Treat ko na lahat!" mayabang na usal niya sa dalawa. Napansin naman niyang tingin ng tingin si Bray sa suot nitong relo. "Bakit ba hindi ka mapakali, Bray?" tanong niya rito.
"Ah, may tutor kasi ako mamaya inaalala ko baka mahuli ako, eh malaking bayad 'to," tugon naman nito.
"Sinabi ko naman kasi sa inyo magtayo na tayo ng negosyo natin para naman hindi na ganiyan na napakarami mo pang sideline para lang tustusan ang pangangailangan mo."
"Dude, hindi ka na nga magkaundagaga riyan sa dami ng project na hawak mo naghahanap ka pa ng ibang sakit ng ulo," ani Seo.
"Saka big time rin itong hawak ko na 'to, mabuti nga at nagkaroon ako ng pagkakataon na makuha 'to," wika pa nito.
Iniinom niya ang kapeng hawak nang tumunog ang cellphone niya. "Wait. I have to take this call," paalam ni Shawn sa dalawang kaibigan at tumayo na muna siya.
Nasundan na lamang siya ng tingin nang dalawa. Nang makabalik ay tumingin siya sa relong suot niya. "Nagkaproblema roon sa isang site namin sa Alabang at kailangan kong puntahan ngayon," naiiling na wika rin niya. "Kaya mauna na ako sa inyo," paalam naman niya.
"Eh di, sabay na tayong umalis," ani Brayden.
"Sige sige. Makikisakay ka na rin ba sa 'kin?" tanong naman niya rito.
"Hindi na, imi-meet ko na lang sa harap ng University itong itu-tutor ko. Doon daw kami magkita, eh."
"Oh, sige. Paano, Seo, mauna na kami sa 'yo," wika niya sabay tapik sa balikat ng kaibigan.
"Sige lang. Itong coffee shop lang naman ang errands ko sa buhay," tugon naman nito. Maging si Brayden ay tumayo na rin.
"Sa susunod na lang ulit, brad," paalam naman ni Brayden kay Seo, at tumango lang ang huli.
"Mag-iingat kayo," wika nito na hindi man lang lumilingon sa mga kaibigang paalis.
Paglabas nila ng coffee shop ni Seo ay tinungo niya ang sasakyan niya.
"Sure ka ba na hindi ka na sasabay?" tanong niyang muli rito.
"Oo nga, isang sakay na lang naman ang University rito kaya," tugon naman ni Brayden saka naglakad papalayo sa kaniya.
Sumakay na siya ng kaniyang sasakyan at tinawagan ang numero ng opisina niya, di naman nagtagal at may sumagot din sa tawag niyang iyon.
"Hello?" anang nasa kabilang linya
"Hello, Sariah," bungad niya rito.
"Yes, sir?"
"Mag-ayos ka na, samahan mo ako sa isang site natin sa Alabang," utos naman niya rito. "Dadaanan kita riyan sa opisina, in 5 minutes dapat nasa baba ka na ng building." Pagtapos ay pinatay na niya ang tawag na iyon,
Habang ang nasa kabilang linya naman na si Sariah ay nagmamadali dahil sa sinabi ni Shawn na iyon.
"Bakit ang aga mo yata magligpit, Sariah?" nagtatakang tanong ni Hero sa kaniya.
"Ah, si sir kasi tumawag, pupuntahan daw namin yung site sa Alabang," tugon naman niya habang nagmamadali na ilagay sa bag niya ang mga gamit. At niligpit din ang puwesto niyang iyon na makalat dahil sa dami niyang dapat na aralin hinggil sa construction field.
"Ay, hindi mo na naman pala ako mapagbibigyan na lumabas ngayon," nakasimangot na tugon nito kaya nailing naman ang dalaga, simula kasi nang mapasok siya sa S. Santillan ay kinukulit na siya nito.
Ngunit hindi ito ang pakay niya sa pagpasok niya sa kompanyang iyon. May misyon siya kaya siya naroon at yun ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin.
"Sinabi ko naman kasi sa 'yo, hindi ko maibibigay sa 'yo iyang gusto mo. Pasensiya na, Hero," saad naman ng dalaga. Napabuntong hininga naman si Hero at bagsak balikat na lumakad palayo sa kaniya.
Nang maalala si Shawn ay napatingin siya sa suot niyang relo at saka nagmamadaling lumabas ng opisina na iyon at bumaba ng building. Pagbaba naman niya ay naroon na si Shawn at naghihintay sa kaniya.
"Hindi ba sinabi ko sa 'yo, mabilis lang ako, bakit ang tagal mo?" naiinis na wika ni Shawn kay Sariah nang makasakay na ito ng sasakyan, napayuko naman ang dalaga.
"Pasensiya na, sir. Biglaan po kasi yung tawag niyo, hindi ko inaasahan kaya niligpit ko pa po yung mga gamit ko," tugon naman ng dalaga rito.
"Baka gabihin tayo okay lang ba sa 'yo? Ihahatid na lang kita sa inuuwian mo kung masyado tayong gagabihin," tanong ni Shawn rito.
"Okay lang po," tugon naman ng dalaga kaya napatango si Shawn at tahimik na lamang na nagmaneho.
Nasa kalagitnaan na sila ng biyahe ng maalala niyang tawagan ang asawa. Isinuot niya ang head set at ini-dial ang numero nito.
"Hello, hon?" bungad ni Shawn. "Baka hindi kita masundo, nagkaproblema kasi yung isang site ko sa Alabang kailangan kong puntahan ngayon."
"No problem, hon, mag-grab na lang ako pauwi. Huwag mo na akong alalahanin. Gagabihin ka ba?" tanong naman ni Bella mula sa kabilang linya.
"Hindi ko pa alam, hon, di ko pa kasi nakikita yung lagay ng site kaya hindi ko pa masabi pero kung gagabihin ako, huwag mo na akong hintayin, kumain ka na at matulog, okay?" malambing na wika ni Shawn sa asawa.
"Okay, hon, mag-iingat ka rin at kung may pagkakataon ka i-update mo ako, okay?" malambing na wika rin ng asawa. Kaya ganoon niya ito kamahal ay dahil sobra ang pagiging maunawain nito lalo na sa kaniya.
"Sige, I love you!" nakangiting paalam niya sa asawa.
"I love you too, honey!" tugon naman nito kaya pinatay na niya ang tawag na iyon at muli niyang itinuon ang atensiyon sa pagmamaneho.
"Sir, siguro masarap kayong maging asawa," nagulat si Shawn sa tanong na iyon ni Sariah.
"Paano mo naman nasabi?"
"Wala po. Napansin ko lang sa paraan ng pakikipag-usap ninyo sa asawa ninyo. Masuwerte siya dahil kayo ang naging asawa niya," tugon naman nito at malapad na ngumiti kay Shawn.
"Mali ka. Ako ang suwerte sa asawa ko," pagtatama niya sa sinabi nito. "Saka bakit ba pag-aasawa ang nasa isip mo, bata ka pa Sariah. Kami ng asawa ko nang magpakasal kami ay nasa bente-sais na rin kami."
"Bakit naman, sir? 26 years old na rin naman po ako."
"Pero may nobyo ka na ba?" tanong naman niya at napailing naman ito. "Tingnan mo? Ang pag-aasawa kahit nasa ganiyang edad ka na, pinaghahandaan pa rin 'yon. Noong nagpakasal kami ng asawa ko, limang taon na ang relasyon namin at talagang desidido na kami. Ikaw sa edad na benta-sais wala ka pa namang nobyo, hindi naman maaaring sa susunod na taon ay magpakasal ka na dahil masyado namang mabilis kung sakaling magkaka-nobyo ka ngayon, hindi ba?"
"Oo nga po, at wala pa rin naman po akong ibang nagugustuhan, sir."
"Mabuti naman kung ganoon," wika naman niya pagtapos ay lumiko siya sa isang ginagawang maliit na gusali roon. "Nandito na tayo."
Ipinarada niya ng maayos ang sasakyan niya at mabilis na bumaba, sumunod naman sa kaniya si Sariah. Lumapit siya sa safety manager at kumuha ng safety gears para sa kanilang dalawa ni Sariah.
"Oh, isuot mo 'to," utos niya rito sabay abot ng helmet, kinuha naman iyon ni Sariah. Pagtapos nilang isuot iyon ay naglakad siya papunta sa site engineer niya. "Ano bang naging problema?" tanong niya ng makalapit dito, iniabot naman sa kaniya nito ang plano.
"Engineer, mali kasi ang inilagay nilang divider sa gawing ito. Iba ito sa nakalagay sa plano at siguradong mapapansin agad 'yan ni Mr. Allen," wika naman ni Arnold.
"Bakit ba nagkamali?" nagtatakang tanong niya.
"Hindi ko rin alam pero ibinilin ko 'yan sa kanila bago ako lumipat sa kabilang site kahapon, ngayon pagbalik ko dito ngayong araw, iyan, ganiyan na nga ang nangyari. Wala tayong magagawa kundi ang tibagin ulit ang bahaging ito," saad ni Arnold habang sinisipat ang maling pader na naitayo sa gitna ng building na iyon.
Maliit na commercial building iyon na may tatlong palapag at mali ang naging paglalagay ng divider nang dalawang silid noon.
"Kung ano talaga ang nasa plano iyon talaga ang dapat na masunod, sige na, ipatibag mo na iyan at ipaayos mo doon sa orihinal na nasa plano," utos naman niya.
Dahil naroon na rin naman siya ay naisipan na iyang ikutin ang proyekto na iyon. Sinipat niya ang plano at tinitingnang maiigi ang bawat sulok at pasilyo roon. Umakyat sila ng pangalawang palapag.
"Arghh! Aray!" sigaw ni Sariah kaya napalingon siya rito kasalukuyan na itong nakadapa sa marumi at mabatong sahig.
"Ano bang ginagawa mo?" nagtatakang tanong niya rito saka lumapit. Inalalayan niya itong tumayo.
"Hindi ko kasi nakita yung malaking bato, sir kaya natalisod ako," tugon naman nito. Napansin naman niya ang duguang tuhod nito.
"Hay naku! Bakit ba kasi sinama pa nga kita, eh," naiiling na wika ni Shawn at mabilis na pinangko ang dalaga.
Nagulat naman si Sariah at hindi ito nakagalaw dahil sa biglaang pagbuhat ni Shawn dito. Amoy na amoy din nito ang bangong nanggagaling sa katawan ni Shawn.
"Engineer, nasaan ang first aid kit?" tanong ni Shawn kay Arnold nang makababa sa unang palapag ng ginagawang gusali na iyon.
"Anong nangyari?" nag-aalala ring tanong ni Arnold habang nakatingin sa buhat niyang si Sariah.
"Nadapa kasi siya, medyo malalim yata dahil tumama sa bakal," tugon naman niya. "Nasaan ang first aid?" tanong niyang muli.
"Nandoon sa barracks, sa may likod ng pintuan," sagot naman nito. Tumango naman siya at tinungo ang barracks habang maingat pa rin na buhat ang dalaga. Ibinaba niya ito sa monoblock na naroon. "Sa susunod kasi magbabaon ka ng jeans at rubber shoes para hindi ganiyang nagagalusan ka," sermon niya rito habang hinahanap ang first aid kit.
Nang makita niya iyon ay kinuha niya at lumuhod sa harapan nito. Siya mismo ang naglapad ng first aid sa sugat nito.
"Ako na po, sir," naiilang na wika naman ni Sariah. Masama lang niya itong tiningnan kaya naman nanahimik itong muli.
Nang matapos niyang i-bandage ang sugat nito ay tumayo na siya.
"Tapos na pero huwag ka munang tumayo baka dumugong pa ulit," utos niya rito habang nakatayo pa rin sa harapan nito. Bahagya namang dinukwang ni Sariah ang kaniyang tuhod dahilan para sumilip ang cleavage nito at hindi iyon inaasahan ni Shawn kaya bigla siyang napaiwas ng tingin.
"Lalabas na lang muna ako, at diyan ka na lang muna," paalam niya nang hindi tumitingin sa dalaga.
Alam niya sa sarili na kahit pa nga tinigilan na niya ang paghahanap ng iba ay mahina pa rin sa tukso ang kaniyang laman.