"MAY problema ba, Miss?"
She heard his baritone voice... a familiar voice?
"Ah... n-na-flat ang gulong ko..." nagawa naman niyang sabihin kahit na tila nangangatal ang kanyang tinig, habang pilit din niyang inaaninag ang mukha ng matangkad na lalaking ngayon ay humahakbang pa palapit sa kanya.
Pero dahil madilim sa gawi ng dalaga at nakatalikod ito sa liwanag ng bukas na headlight ng jeep, bahagya lang niyang mabanaag ang hugis ng mukha nito.
"Pare, sabog pala itong gulong sa likuran, o!" wika ng pandak na lalaking sinisipat-sipat ang gulong ng sasakyan ng dalaga.
"Gaoon ba?" Bahagya itong lumingon sa kasama kaya tinamaan ng liwanag ng headlight ang mukha nito.
At sapat ang sansaglit na iyon para mabanaag naman ni Annalize ang hugis ng mukha nito sa side view...
Hah! Lihim siyang napasinghap.
"Miss, meron ka bang reserbang gulong?" muli itong humarap sa kanya.
"H-ha? Ah... m-meron!" pero kaybilis na ng t***k ng kanyang puso...
Up-close and personal, at ngayon ay hindi siya nahihilo, hindi siya naaksidente at hindi nauntog, kaya mas malinaw na malinaw sa kanyang diwa ang nababanaag na kabuuang anyo ng lalaki...
Kuya AJ! Oh God! He really looks like him! Medyo mahaba lang ang kanyang buhok na nakatali sa likod.
"Pahiram ng susi!"
Pero tila lumipad na ang diwa ni Annalize sa mga sandaling iyon... ilang sandali lang siyang nakatingala sa lalaki, pilit pa ring inaaninag ang mukha nito...
"Hey, may problema ka ba, Miss?"
"H-ha?" kaya napapitlag na lang siya nang ipitik nito sa tapat ng kanyang mukha ang daliri. "A-ano iyon?"
"Ang sabi ko, may problema ka ba? Gusto mo bang tulungan ka naming magpalit ng gulong, o tititigan mo na lang ako hanggang mamaya? Bakit ba? Inaaninag mo ba kung mukha kaming masamang tao na hindi puwedeng pagkatiwalaan? Iniisip mo ba na baka carnap-in lang namin ang kotse mo? O, kaya naman ay baka kung ano ang gawin namin sa iyo?"
"Pare, baka naman kasi natulala sa gandang lalaki mo?" nakangising palapit na sa kanila ang kasama nito.
"Hoy!" bigla tuloy napa-react si Annalize. "Anong natulala sa gandang lalaki ng kasama mo? How dare you?" biglang nag-init ang ulo ng dalaga. "Anong akala mo sa akin, sugapa sa guwapo? At sino ang may sabing guwapo ang kasama mo, ha? Isang paligo lang ang lamang niya sa iyo at magkamukha na kayo, ah! Tingnan mo nga, parehong may grasa ang mga kamay ninyo!"
Napatulala na lang ang dalawang lalaki dahil sa pagtataray niya.
Oh my God! Ano bang nasabi ko? Habang tila gustong kagatin ni Annalize ang dila dahil sa pagkabigla din sa nasabi.
Pero alam ng dalaga na huli na, nasabi na niya...
"Wow! Okay, ah! Kami na nga ang nag-aalok ng tulong, kami pa ang nalait! Lalo na ako!" nakapamaywang na wika ng matangkad na lalaki nang makabawi sa pagkabigla habang nakatunghay sa kanya, bahagya ring mataas ang himig nito na halatang nagpipigil ng galit.
"I-iyan kasing kasama mo, ang dumi ng utak!" kaya pilit na lang niyang pinanindigan ang pagtataray kahit tila dumadagundong sa kaba ang kanyang dibdib dahil baka kung ano ang maisipang gawin sa kanya ng dalawa.
"Ganoon? Okay, dahil madumi ang utak nitong kasama ko, at dahil baka madumihan ka namin dahil hamak lang akong driver na laging may grasa sa kamay kakukumpuni sa jeep kong sirain at itong kasama ko ay hamak na barker na amoy araw, paalam na sa iyo, ha? Mahirap na, baka mapuno ng grasa ang malaporselana mong kutis!" pagkawika niyon ay tumalikod na ito at humakbang pabalik sa jeep.
"H-ha?" napaawang na lang ang kanyang bibig at napasunod ang tingin dito.
"Pare, sandali! Totoo bang—"
"Sumakay ka na, hinihintay ako ng inang ko! Masyado na tayong ginabi dahil nasira ang jeep. Lalo lang tayong maaabala kung tutulungan pa natin ang isang walang kuwentang matapobre na babae! Minsan na nga tayong naglinis ng dugo dahil sa kanya, hindi ba?" diretso na itong naupo sa driver's seat at ini-start ang makina.
"Ha?" tila nalilitong napasakay na rin sa jeep ang lalaki.
Habang tulala pa ring napatitig na lang si Annalize sa paalis na jeep na paarangkada nang lumayo, bahagya lang niyang naulinigan ang huling sinabi nito kaya hindi na nabigyan ng pansin...
Ang sigurado lang niya sa mga sandaling iyon ay nag-iisa na uli siya sa bahaging iyon ng madilim na kalsada...
Oh my God! Me and my big mouth! Bakit ko ba nasabi iyon? Kasi naman... iyong kasama niya, medyo presko! Pero dapat bang mas matuwa ako na umalis na sila dahil baka nga kung anong gawin nila sa akin? Hay! Ano bang gagawin ko? Paano ako aalis dito? Baka nakaligtas nga ako sa dalawang iyon, mapahamak naman ako sa ibang mapaparaan dito.
Litong nagpalakad-lakad siya sa tabi ng kotse, mayamaya ay pumasok siya sa sasakyan at nag-lock. Nagtatawag na rin siya sa mga kakilala at kaibigan na malapit sa gawi niya, pati ang kanyang papa ay tinawagan.
Pero... teka nga pala, bakit nga ba... kamukha niya si Kuya AJ?
Pagkuwa'y muli siyang nahulog sa malalim na pag-iisip.
O, baka naman namamalikmata lang ako dahil... oh, well, magkasingkatawan at magkasingbulto sila ni Kuya. Magkasinghugis din ang mukha. Tingin ko ay magkasingtangkad at... magkaboses ba sila? Oh, ano bang nangyayari sa akin? Sa tuwing may nangyayaring aberya sa akin, tingin ko ba sa mga lalaking nasa paligid ko ay kamukha ni Kuya?
Noon biglang tumunog ang kanyang cellphone.
"Ay! Naman! Nakakagulat naman! Si Papa, tumatawag! Hello, Pa!"
"Hija, where are you? Malapit na ako sa sinabi mong lugar!"
"I'm here, Pa, malapit sa Balete Drive!"
"Okay, nariyan na ako! Just keep your door lock, okay?"
"Oho!" kahit paano ay nakahinga na siya nang maluwag sa isiping malapit na ang kanyang sundo...
Mayamaya pa nga ay dumating na si Andro...
__________________________________________
HABANG sa di-kalayuan, doon sa bahaging medyo madilim at hindi mapapansin ang pagkakaparada ng isang jeep...
"O, Pare, may sumundo na!"
"Okay, alis na tayo!" wika ni RJ nang i-start ang makina ng jeep.
"Talagang binantayan mo, ha?" natatawang wika ni Kulas na umayos na rin ng upo.
"Siyempre! Kawawa naman kung may sumalbahe sa kanya! Kahit na mataray at matapobre pala ang babaeng iyon, hindi naman kakayanin ng konsensiya ko na makabasa ng masamang balita sa diyaryo na may ginahasa at pinatay sa lugar na iyon dahil na-flat-an ng gulong!"
"Sabagay! Pero ang ganda pa rin niya kahit mataray, ano?"
"Oo naman!"
"At totoo ba iyong sinabi mo na siya iyong babaeng dinala natin sa ospital noong isang buwan?"
"Oo nga, ang kulit! Nakilala ko iyong kotse niyang puti, tapos, noong palapit ako sa kanya ay napagmasdan kong mukha niya nang matanglawan ng ilaw kaya sigurado akong siya iyon!"
"Ah, okay! Pero ang ganda talaga ano?"
"Oo naman! Pero bakit ba inuulit-ulit mo iyan?" angil niya sa kaibigan.
"Wala lang, tingin ko lang talaga ay bagay kayo."
"Heh! Huwag ka nang magsasalita ng kung anu-ano! Walang kuwentang pag-usapan iyan!"
"Ito naman, para kinikilig lang ako sa isiping mukhang bagay kayo ng babaeng iyon!"
"Heh!" pinaharurot na ni RJ ang jeep palayo roon...
________________________________
"HAH! Kailangan kong makaalis dito! Kailangang makalayo kami ng anak ko!" pakuwa'y payuku-yuko siyang lumabas ng nursery, yakap nang mahigpit ang sanggol na nakabalot sa pranelang kulay-dilaw na nakabalot pa sa kumot na nakatali naman sa katawan niya.
Doon! Tama, sa likurang labasan ako dadaan! Kapag nakalabas ako sa pinto ay maari akong umakyat sa pader na may puno sa tabi. Makalabas lang ako sa compound ng ospital na ito ay malaya na akong makalayo!
"Baby, huwag kang mag-alala, ha? Makakalayo din tayo, hindi nila tayo masusundan, ha? Huwag kang iiyak, ha?"
Nagpatuloy siya sa paghakbang, hanggang malaya niyang narating ang exit door na nasa likod na bahagi ng ospital.
Nang makalabas ay tinalunton niya ang makitid na daang-tao na nayuyungyungan ng malalabay na dahon ng mga puno hanggang makarating sa gilid ng lampas-taong pader.
Naglambitin ang isang kamay niya sa isang sanga para maakyat sa isa pang sanga habang yakap pa rin ang sanggol ng isa pang kamay...
"Ops!" Sa wakas ay nakasampa siya sa sanga kahit nakadarama pa ng panghihina, at sapat na iyong tuntungan para makasampa naman sa ibabaw ng pader.
At mula roon ay tumalon siya sa kabila at nagtatakbo...
Sorry baby, ha? Kailangan kitang itakas! Kapag nalaman ni Roberto na isinilang ko rin ang batang ipinalalaglag niya sa akin, lalo siyang magagalit! Baka kung ano pa ang gawin niya sa iyo!
Nagpatuloy siya sa paglayo...
Kailangan kong magpahinga! Doon muna ako sa ilalim ng isang puno!
Agad nga niyang tinungo ang ilalim ng puno...
"Baby, okay ka lang ba? Konting tiis lang, ha? Teka, baka puno na ang diaper mo, ah!"
Binuklat niya ang pranelang nakabalot sa sanggol para i-check ito...
"Ha? Ano ito? Bakit may burda ang kanyang damit at... hindi! Hindi! Maling baby ang naitakas ko! Hindi! Anong gagawin ko? Ang anak ko, naiwan sa ospital! At ang batang ito, siguradong hinahanap na rin! Diyos ko, anong gagawin ko?"
Natataranta at nalilitong napatayo ang babae, titig na titig sa sanggol na nakalapag sa ilalim ng puno.
Ang anak ko, kailangan kong balikan! At ang batang ito... paano ko ibabalik? Baka lalo akong mahuli kapag nalaman nilang ako ang kumuha!
Marahan siyang humakbang paatras...
Iiwan ko muna siya rito! Sisiguruhin ko lang na makukuha ko ang anak ko! Ibabalik ko na lang siya kapag nasa akin na si baby! Kahit iwan ko siya sa gate ng ospital! Oo nga, ganoon ang gagawin ko!
Dali-dali niyang ikinubli sa likod ng puno ang sanggol, saka humakbang palayo roon, pabalik sa pinanggalingang ospital...
_________________
"HAH!" pasinghap na napadilat ang babae. "Ang anak ko! Nasaan ang anak ko? Babalikan ko siya, kailangang maitakas ko siya! At ang sanggol, kailangan kong ibalik! Ibabalik ko pa siya!"
"Aling Sofia, tama na ho! Wala na rito ang anak ninyo! Kumalma na kayo!"
"H-ha?" napalingon ang babae sa nagsalita, isang nurse ang kanyang nalingunan. "Miss, kailangan ako ng a-anak ko, naiwan ko siya sa ospital! At ang sanggol na nadampot ko, k-kailangan kong ibalik at—"
"Sshh! Kalma na ho, ha? Matagal nang nangyari kung anuman iyong sinasabi ninyo! Wala ng sanggol dito! Dalawampu't pitong taon na kayo rito sa mental institute na ito! Nakailang palit na rin ang mga nurse at doktor dito, pero kayo, narito pa rin! Kung totoo man na may anak kayo, may sanggol na kailangang ibalik, tiyak na malalaki na sila. Hindi na ninyo makikilala kung saan o anuman ang nangyari sa kanila!"
"H-ha?" litong napatitig sa mga mata ng nurse ang babae... pagkuwa'y unti-unting nawalan ng kulay ang mukha, maging ang kislap ng mga mata ay unti-unting nablangko. "A-ang anak ko... ang sanggol... nasaan na sila..." pagkuwa'y napatitig na lang ito sa kawalan habang bubulung-bulong... "Ang anak ko... ang sanggol, kailangan kong ayusin... kailangan..."
Naiiling na lang na humakbang na palabas ng silid ng babae ang nurse na si Meldy.
Hay, ang tindi talaga ng tama sa utak ng matandang iyon! Sabagay, siguro ay matinding sumbat ng konsensiya ang kanyang pinagdaraanan sa kung anumang naging karanasan niya, sa loob-loob na lang ng may edad ng nurse...
________________
"O, CUBAO! Cubao!"
Hay, ano ba naman? Ang traffic talaga rito sa EDSA! Ang ingay pa!
Naiiling na lang si Annalize habang nakaupo sa driver's seat ng kanyang kotse na naiipit sa traffic.
Sabagay, kung nai-stress ako sa traffic at ingay, lalo na siguro ang mga nakasakay sa pampasaherong jeep at bus. Pati na mga driver at kundoktor! Kung tutuusin, maswerte na rin talaga ako dahil naka-kotse ako na may aircon pa! Pero sila, hay, ang init kaya sa labas!
Tiniis na lang niya ang pagkainip sa tila usad-pagong na andar ng mga sasakyan sa kalsada...
Iyong lalaking iyon, may pagkabarumbado ang dating, medyo brusko, siguro ay mas madaling uminit ang ulo ng lalaking iyon. Lalo na kapag ganitong traffic...
Bahagya siyang natigilan, napaisip...
Hay, bakit ba bigla ko na namang naalala ang lalaking iyon? Ilang araw na mula nang gabing na-flat ang gulong ko, pero palagi na lang ay bigla ko siyang naaalala. Ano bang nangyayari sa akin? Kung bakit naman kasi kamukhang-kamukha siya ni Kuya AJ?
Naiiling na ibinaling na lang niya sa labas ng sasakyan ang tingin...
Hah!
Para lang mapapitlag nang may mahagip ng tingin...
Sa kanto ng EDSA at Aurora, isang jeep ang nakasabayan ng kanyang sasakyan... at dahil araw at maliwanag ang paligid, kitang-kita niya ang driver na nakaupo sa unahan...
Kuya AJ! Ah, no, it's him! Ang brusko at barumbadong lalaki na iyon na nakita ko ng gabing iyon! At... oh, God! He really looks like Kuya AJ! Para silang... para silang kambal!
Malakas na tunog ng motoristang nakasunod sa kanya ang nagpabalik sa lumipad na diwa ni Annalize, naka-go na pala ang traffic sign...
"Oh, s**t!" napapitlag pa siya at agad na tinapakan ang silinyador...
Pero dahil kaagapay niya ang jeep na sinasakyan ng lalaki, napapasulyap pa rin siya dito...
Kuya AJ, you have to see him! Maliban sa mahabang buhok, wala kayong pinagkaiba! Ikaw na ikaw ang nakikita ko ngayon!
By instinct, dinampot ni Annalize ang katabing IPhone at aligagang kumuha ng stolen shot sa driver ng jeep...
Pero hindi pa rin siya kuntento, natagpuan na lang niya ang sarili na umaagapay na sa katabing jeep kahit na medyo lumuwag na ang daloy ng sasakyan nang makalampas na sa Cubao...
Biyaheng Santolan-Pasig ang kanyang jeep, kaya siguro wala pa siyang pasahero. Pero bakit ba ako sumasabay sa kanya?
Pero nagpatuloy pa rin ang dalaga sa ginagawang pag-agapay at pagsunod sa jeep...
_____________
"O, ANO, Pare, okay na ba ang takbo ng makina?"
"Medyo! Kaya nga dito ko ni-road test sa EDSA, para masubok ang lakas ng preno kapag nata-traffic. Mukhang hindi na rin nag-o-overheat at humihigpit ang clutch-disk."
"Oo nga! Puwede na kaya tayong bumiyahe mamayang gabi?"
"Siguro!" wika ni RJ habang pasulyap-sulyap sa side-mirror. "Pare, iyong kotseng puti sa likod natin, silipin mo diyan sa side-mirror sa gawi mo."
"Ha? Sige! Bakit ba?"
"Basta!"
"O, sinilip ko na! Bakit? Ang ganda ng kotse, ano? Mamahalin!"
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin!"
"Eh, ano ba?"
"Mukhang kanina pa tayo sinusundan at sinasabayan."
"Ano? At bakit naman tayo susundan?"
"Ewan ko, pero para kasing kilala ko ang kotseng iyan! Tinted lang ang salamin kaya hindi ko maaninag ang sakay..."
"Ha?"
"Sandali, ha? Sisiguruhin ko lang!"
Nang matapat nga sa isang kanto ay biglang kumabig paliko si RJ...
"O, bakit—"
"Sshh! Titingnan ko kung susunod!"
At kagaya ng inaasahan, lumiko nga rin pakanan ang kotseng puti...
Bahagyang maluwag sa makitid na kalsadang iyon kaya walang dumaraang sasakyan...
Biglang tinapakan ni RJ ang preno.
"Hoy, ano ba?" muntik nang masubsob si Kulas.
"Sandali, diyan ka lang, ha?" pero agad nang nakababa ang binata at humakbang palapit sa kotseng puti na nakabuntot pa rin sa kanila bagama't nakahinto na rin...