Datidati nga naman agad siyang sinasagot ni Eduardo. Datapuwa't
ngayon? Oh! parang ulap ang pagasang siya'y makatanggap ng sulat mula
kay Eduardo. Bakit sa apat niyang liham ay wala siyang natatamong
kahit isang sagot? Kahabaghabag na Leoning!
Si Leoning ay napapaluha na lamang halos sa bawa't sandali. Ang
kanyang puso'y lihim na tumatangis. Si Eduardo nga nama'y kay daling
lumimot!
At, ngayon ay boo na sa kalooban ni Leoning na sadyang siya ay
nilimot ni Eduardo. Aling puso nga namang tulad ni Leoning ang hindi
tumangis? Aling kaluluwa ang hindi dalawin ng lungkot kung gayong
maulila sa kanyang kasuyuan?
Aling bagay pa kaya ang kalungkotlungkot gunitain sa isang damdamin
paris ng maulila sa pagiibigan? May masakit pa kaya sa isang pusong
may malinis na pagibig paris ng limutin ng kasintahan? May puso kayang
makapagtitiis na hindi lumuha dahil sa paglimot ng isang sinanglaan ng
wagas na pagibig? Aling puso ng babai na may malinis na pagibig ang
hindi maghimutok sa paglimot ng isang irog?
Eduardo, diyata't ang sumpa mo'y napatulad na lamang sa asong matapos
tangayin ng hangi'y napauwi sa wala? Napatulad na lamang kaya sa
paglubog ng araw sa pagdadapit hapon na hindi na muling sisikat? Ay!
alalahanin mo ang aking palad! Sa aba ko! Diyata't papagtitiisin mo ng
hirap ang isang pusong umiibig ng tapat? Oo, hindi kumukupas sa puso
ko ang banal kong pangako: iniibig kita, iniibig kita! Nguni't, oh
palad!
Naghihimutok ang kanyang damdamin sapagka't buo na ang kanyang
pananalig na siya ay nilimot ng kanyang irog, ng kanyang minamahal ng
higit sa buhay: si Eduardo.
Sadyang si Leoning ay isang dalagang uliran sa pagibig. Minsan lamang
kung sumumpa sapagka't siya ay may dangal at may puri. Ngayon ay
nadadama niya ang hirap ng isang umiibig na nalalayo sa piling ng
kanyang kasintahan.
Sa tabi ng bintana ay madalas mapatigil ang kanyang pagbuburda na
malayo ang titig at waring may malalim na iniisip.
* * * * *
Noo'y isang masayang umaga.
Walang anoano'y isang autong "Buick" ang huminto sa tapat ng kanilang
bahay. Ang autong ito ay galing sa Maynila. Sino ang lalaking sakay?
Ang kasintahan kaya ni Leoning? Si Eduardo kaya? Kaya't matamang
pinagmasdan ni Leoning ang sakay samantalang umiibis sa sasakyan.
Nguni't ang hinalang yaon ni Leoning ay nabigo. Yao'y isang lalaking
matanda na: ang kapatid ng ali ni Leoning, si mang Alejandro.
--Tuloy po kayo--ang pagdaka ay nawika ni Leoning--Bah! si mang
Andoy--at tuloy tinawag ni Leoning si aling Rita, na, noo'y na sa
silid ng tahanan at nagaayosayos ng ilang mga damit na tahiin.
--Aba, si Andoy--ang boong galak na nawika ni aling Rita--ano kumusta
ang dalawang bata na ipinadala ko sa iyo? Kumusta sila roon?
--Mabuti naman sa awa ng Diyos--ang sagot ng kausap--pinapagaaral ko
sila sa "Tondo Primary School" na siyang pinakamalapit na eskuelahan
sa bahay.
--Di mabuti kung gayon.
--Rita, kaya ako naparito ngayon, ay, upang sabihin ko sa iyo kung
maaari ay ikaw na sana ang aking maging taong bahay sapagka't lubhang
napakahirap sa akin ang walang kasama dahil sa ako'y nagyayaot-dito sa
mga kalapit na lalawigan. Napakahirap ang _magnegocio!_ At, upang ikaw
na tuloy ang mamahala sa dalawang bata.
--At pasa sa Maynila ako? Di kung gayon ay ipagsasama ko na pati ang
batang ito--sabay turo kay Leoning--pagka't wala iyang kasama rito.
--Mangyari pa.
--Nguni't anong magagawa niyan doon Alejandro, ay sa narito ang
kanyang pinagkakakitaan: ang manahi at magburda ng damit.
--Ah, at marunong ba siya?
--Oh! tingnan mo ang kanyang mga gawa--at ipinakita noon ang
niyayaring burda ni Leoning.
--Sa Maynila ay malaking higit sa rito ang makikita ng batang iyan.
Oo, ipagsama na natin, ¿bakit hindi mo agad ibinalita sa akin, di
sana'y nakasahod na iyan ng malakilaki? Oo, ako ang bahala, ipapasok
ko agad siya sa pagawaan riyan sa Maynila.
--Kung gayon ang lahat ay maaari.
Anong galak ang tinamo ni Leonora! Oh Maynila! Gayon na lamang ang
pagkatuwa niya dahilan sa sasapiting walang pagsala ang pook ng aliw
... ang Maynila! Sasapiting walang pagsala ang laging
napapangarap--ang kinalalagyan ng kanyang irog: ni Eduardo.
Anong ligaya nga naman ng gayon sa puso ni Leoning! Nananariwang tulad
ng sampagitang humahalimuyak ang naging malulungkutin niyang kalooban
pagka't makikita niyang walang pagsala si Eduardo.
Ang lahat ay wala ng pagkaurong. Ang mga daladalahan nina Leoning at
aling Rita ay handa ng lahat. Ang lahat ay ayos na.
Kay palad na pusong magkakaisang bayan at di na paris ng dating ang
kanilang pagkakalayo ay napapagitanan ng malalawak na kaparangan,
matatarik na bundok at mahahabang tanawin!
IV
Sa tapat ng isa sa mga restaurant sa daang Juan Luna, sa pook ng
Tundo, ay nagsilunsad mula sa isang auto ang tatlong binata at doo'y
nagsitungga ng serbesa. Sila ay sina Jose, Pako at Eduardo.
Sa harap ng isang mesa ay maligaya silang nagsisipagusap:
--Pako, bakit mo nakilala ang dalagang yaon?
--Kilala ko siya, nguni't hindi ko lamang kabatian. Hindi ko pati
nalalaman kung ano ang kanyang pangalan.
--Kailan mo pa siya nakita?
--Hindi na marahil ngayon kukulangin sa isang buwan.
--Eduardo--ang sabad naman ni Jose--tila may ibig sabihin ang mga
pagkikita ninyong yaon. Hindi ba?
--Iyan ang dalagang sinabi ko sa iyo kaninang tayo ay magkausap sa
tabi ng dagat.
--Ah! iyan ba?--at kinamayan ang kausap ng boong galak--Sadyang may
suerte ka kaibigan.
--Ah, Eduardo--ang sambot naman ni Pako--sadyang ang ganda lamang ng
dalagang yaon ay sukat na. Buhat pa ng unang makita ko siya dito sa
Maynila ay lubos na akong humanga sa kanyang pagkamabining kumilos.
Talagang may suerte ka nga naman kaibigan.
--Nguni't ako'y walang malay na siya ay naririto.
--Kung nalaman ko ba lamang agad--ang--tugon ni Pako--naibalita ko
agad sa iyo.
--Sana nga; sayang na sayang.
--Bakit naman siya naparito sa Maynila?
--Iyan nga ang di ko maalaman.
--Pako, hindi mo ba alam kung saan nakatira?
--Ang matandang may-ari ng kanyang kinatitirahan ay kilala sa tawag na
Don Alejandro. Siya ay isang mayamang sa Tundo.
--At, sa akala mo kaya ay talagang mariwasa?
--Sa palagay ko, sukat na ang sa kanyang kilos ay makilala. Ang autong
kihalululanan ng binibining ating nakita ay pagaari niya bukod pa sa
ang matandang yaon ay madalas kong makitang kasama ng mga matataas na
taong nabibilang sa mga lalong kilalang lipunan na kadalasan ay mga
kilalang abogado at kinatawang bayan.
--Nguni't sa akala mo naman kaya ay di tayo kaabaan na makayapak sa
kanilang tahanan?
--Nasa iyo iyan kaibigan.
--Kabatian ko ang binibini, isa pa ay tunay ko siyang kababayan.
Marahil ay hindi naman tayo mahihiya.
--Kung gayon ay may pagasa tayong makapanhik; nguni't aywan ko lamang
... hindi ko pa rin lubhang natataho ang kaugalian ng matanda.
--Kung gayon ay anong mabuting paraan upang sila ay ating makatagpo
ngayon?
--Tumungo tayo sa amin--ang anyaya ni Pako sa dalawa.
At makatapos makapagbayad ay nagtindigan na sila at nagsisakay na
pamuli sa auto.
Sumapit sila sa tahanan nina Pako, sa may Liwasang Moriones, Tundo.
At, palad! gayon na lamang ang pagkagalak ni Eduardo pagka't ang
tahanang yaon ay katapat ng tahanang kinatitirahan ng kanyang irog: ni
Leoning.
--Pako, at tapat pala nitong inyo ang kanila?
--Oo, malasin mo ang ganda ng pagkakaayos ng tahanang iyan.
--Oo, nga kay ganda!
At bagama't hindi pa napapanhik ni Eduardo ang kinatitirahang yaon ni
Leoning ay gayon na lamang ang kanyang paghanga sa pagkakaayos.
Palibhasa'y ang mga bintana ay nakabukas na lahat kaya't ang ganda ng
pagkakaayos ng ilang bahagi ng loob ay di naging kaila sa paningin ng
ating binata.
At, dumating na ang ikawalo ng gabi. Di pa nagsisidating ang
hinihintay nina Eduardo: ang paguwi nila Leoning. Inip na inip na si
Eduardo. Sa mga gayong oras ay dapat nang magsiuwi sila sana,
sapagka't matagal nang tapos ang tugtugan sa Luneta. Lahat ng mga
taong nabuhat doon ay paraparang nasa kanila ng pamamahay.
Nguni't walang ano ano'y sa darating ang isang auto. Anong galak ni
Eduardo! Halos mapalundag sa tuwa pagka't sila ay magkakatagpo.
--Halina at salubugin natin sina Leoning.
At, sila ay sabaysabay na nagsipanaog dahilan sa pagasang sa pagibis
ng sakay ay aanyayahan sila ni Leoning, na pumanhik muna, sa kanilang
tahanan. Hindi maaaring sila ay mapahiya sapagka't si Eduardo ay
kilala ni Leoning at bukod pa sa rito'y kilala rin siya ni aling Rita.
Datapwa't kay laking kasamaang palad! Nabigo ang kanilang pagasa.
Bakit? Ang autong tumigil ay walang sakay kundi ang Tsuper. Saan
naroon sina Leoning, ang ali at ang matandang lalaki na kasama nito
kanina sa pagliliwaliw sa Luneta, na pinagkatagpuan nila ni Leoning,
na daglian?
Kay samang pagkakataon!
Isang pagkabigo na naman ang naging palad ng ating binata.
V
Gayon pala ang mangyayari kung sila man ay pagkita ni Eduardo:
Magkatanaw-tama na lamang ang kanilang mga titig. Nagkasalubong sila,
datapwa't parang walang ano man. Magkakausap ba sila ay kapwa matuling
ang autong kinasasakyan?
Ganyan ang nangyari kanikanina lamang na sila ay magkita sa masayang
liwaliwan sa Luneta.
Ah, kaya madalas ay nanginginip din siya! Iilan pa nga naman ang
kanyang nagiging mga kakilala. Ang kanyang kabuhayan ay di nakatatamo
ng dating ligaya paris ng nasa sariling bayan. Wala na nga namang
napakatamis sa damdamin paris ng nasa sarili.
Bagama't noong una ay halos mapalundag siya sa katuwaan sa pagsapit ng
Maynila, ay nang nalalaon na ay dinalaw rin ang kanyang puso ng
pagkalungkot. Para sa kanya ay wala ring halaga ang maririkit na
tanawin na kanyang nakikita sa Maynila, paris ng makita niya ang
kanyang kasintahan. Ang mga panooring makabago sa kanyang pangmalas ay
para bang madali niyang pinagsasawaan. Ang mailaw na siudad ng Maynila
ay di niya maituring na kaligayahan ng puso.
Pumapasok ngayon siya sa paaralan ng mga may kasanayan sa pagbuborda.
Twing umaga ay inihahatid siya ng auto ni mang Alejandro sa kanyang
pinapasukan na nakatayo sa daang Heneral Solano, sa San Miguel.
Datapuwa't ang ganito niyang kabuhayan ay di rin makapagbigay lubos
kaaliwan sa kanyang buhay. Ang lagi niyang pinipitapita at
idinadalangin ay ang makita ang mukha ng kanyang irog: ang mukha ni
Eduardo. Datapwa't saan niya makikita si Eduardo? Ang kanyang mga
kasama sa pasukan ay pawang mga babae lamang.
Kaya't kung umagang patungo siya sa kanyang pinapasukan ay halos, ang
maraming taong nagsisipaglakad sa banketa ng mga iba't ibang lansangan
ng siudad ay isa-isa niyang pinagsusuri. Datapwa't marami ng araw ang
nakaraan ay pawang pagkabigo lamang lahat ang kanyang nagiging palad.
Hindi niya makita si Eduardo. Saan nga naman niya hahanapin? Sa
Escolta, habang siya ay dumaraan sa mataong yaon ay di rin niya
masilayan sa karamihan ng nagdadaanan. Kahit nga naman si Eduardo ay
magdaan sa kanyang tabi lamang datapwa't pag sadyang hindi sila
nagtanaw-tama ay hindi sila magkikita. Kay dami daming tao, kay
tutuling lakad pa naman.
Kahabaghabag na Leoning na sabik makita ang kanyang minamahal!
Pawang pagkabigo nga lamang ang nangyari sa kanya. Saang lipunan niya
makikita ang kanyang iniirog? Oh, Maynila iyan pala ang Maynila, iyan
pala ang iyong kahiwagaan! Kay gusot na siudad! At, si Leoning sa
kanyang pagiisa ay minsan ay nasasabi na lamang sa sariling:
--Oh, ito ba ang Maynila? Kay gusotgusot pala!
Ang lahat nga lamang para sa kanya ay pagkabigo. Ang pagasa niya noong
una, na, kanyang makikita agad ang iniibig ay parang isang pangarap
lamang. Oo, pangarap lamang pala! Kay dami daming tao ng Maynila!
Saan mo nga naman matitiyak makita agad ang isang Eduardo? Saan niya
hahanapin? Pangit para sa kalooban ni Leoning ang siya ay magsadya sa
tahanan ng isang binata. Nais niyang sukat na lamang ang sila ay
magkita sa isang pagkakataon.
Pangit nga naman kung kanyang sasadyai'y tahanan pa ni Eduardo. Nais
niyang makita ang kalagayan ng binata datapwa't hindi niya gagawin ang
magsadya sa kanyang tahanan. At, sa paanong paraan niya maaring
patunguhan ang bahay ng ating binata? Sinong magtuturo sa kanya? Oh!
ang lahat ay di maaari. Hindi niya maaaring patunguhan pagka't ang mga
iba't ibang bahagi nitong Maynila ay hindi niya nababatid. Ipagtanong?
Nguni't kanino? Hindi ba isang kahiyahiyang siya ay tutungo sa gayo't
gayong pook na ang sasadyain ay lalaki pa naman?
Hindi nga, naman mangyayari ang gayon!
* * * * *
Hanggang sa pagdating na ni Eduardo ng sariling tahanan na hindi
malimutan ang kanyang tinamong pagkabigo, na, kanyang inaasahang sa
gabing yaon ay magkakatagpong walang sala sila ni Leoning.
Kay pait na kapalaran naman para sa kanya ng gayon!
Gayon na lamang ang kagalakan ng loob noong una pagka't nagkaroon siya
ng magandang palad na maalaman ang kinatitirahan ni Leoning at lubos
na sa sarili ang pagasang sila ay magkikita. Anong buti nga namang
pagkakataon ang kanyang sinamantala datapwa't hindi rin nagtagumpay!
At, ang kanyang hangad na pakikipagkita kay Leoning ay nawalang
saysay. Nabigo siya ... Saan nga naman napunta sina Leoning, si aling
Rita at ang matandang lalaking kasama nila: si mang Alejandro? Bakit
nang dumarating na ang auto ay hindi sila sakay? Saan kaya sila
nangaroon ngayon?
Saan nga naman naroon? Saan kaya natin hahanapin? Saang bahagi ng
siudad sila nagsipunta? Saan natin hahanapin sa magusot na siudad ng
Maynila?
Baka sakaling inaanyayahan ng mga kaibigan ni mang Alejandro? Baka
kaya napapadalo sa isang kasayahan? Aywan natin. Malapit nga marahil
na magkatotoo ang ganito. Si mang Alejandro ay maraming kaibigan sa
siudad. Madalas ang siya ay anyayahan ng kanyang mga kaibigan. Sa mga
liwaliwan, sa mga sayawan ay di nawawala ang matandang ito. Nguni't
saan bahagi ng malawak na siudad naroon ngayon sila?
Sa isang maaliwalas na tahanan na natitirik sa daang San Marcelino ay
kasalukuyang naghahari noon ang isang masiglang sayawan. Ang tahanang
yaon ay lubhang napakaganda ang pagkakaayos na nasa loob pa mandin ng
isang halamanang maraming mga bulaklakan ang mga palibot. Ang tahanang
yaon ay mapagkikilala na isang mariwasa ang may-ari.
Kasalukuyan noong idinaraos ang sayawang parangal sa dalawang mapalad
na pinagisang dibdib: ang anak na babae ni Don Gonzalo at ang lalaki
na si Eligio Arce na isang taga Iloilo.
Ang bawa't panauhin, sa dalawang papasok sa panibagong baytang ng
buhay, ay nagsisipaghandog ng maliligayang bati. Si mang Alejandro ay
naroon. At kung naroon si mang Alejandro ay walang salang naroon din
si Leoning at si aling Rita. Di nga mangyayaring mawala.
Noo'y naghahari ang gayon na lamang kasiglahan ng sayawan. Sa bawa't
mukha ng mga panauhin ay walang ano mang kalungkutang mababakas. Lahat
ay ngumingiti.
Datapuwa't para kay Leoning, bagama't ang kanyang damdamin ay nasa
kandungan ng gayong kaligayahan, ngunit sa kanya ay walang ano man
iyon. Kung sakali mang ang kaakitakit na mukha niya ay paminsanminsang
sinusungawan ng mga ngiti ay ang mga ngiting yaon ay hindi kaligayahan
ng kanyang puso. Ngumingiti siya, nguni't sa kabilang dako ay walang
namamahay sa kanyang kalooban maliban sa kalungkutan at pangungulila
sa kanyang iniirog. Ngumingiti siya datapwa't ang kanyang puso ay
lihim na tumatangis at nalulungkot.