Pagbalik ni Rosa sa Siquijor, hindi niya napigilan ikwento sa matalik niyang kaibigan na si Lina ang pagpunta niya sa Cebu. Akala niya safe ito, dahil kaibigan niya si Lina simula bata.
Pero sa probinsya, ang sikreto ay parang apoy na mabilis kumalat.
Pagkalipas lang ng dalawang araw, alam na ng buong baryo na si Rosa ay dumalaw sa isang preso sa Cebu. Si Lina pala ay nasabi sa isa pang kaibigan, at nasabi sa nanay, at kumalat na parang chismis sa palengke.
"Si Rosa daw may nobyo na preso!"
"Yung matalino daw na anak ni Aling Nena, nagloloko na, preso na pinapatulan!"
Umiiyak na umuwi si Rosa galing eskwelahan nang marinig ang mga bulong-bulongan. Pagdating sa bahay, naghihintay na ang kanyang nanay, galit at umiiyak.
"Totoo ba Rosa? Pumunta ka sa Cebu para sa isang preso? Anong iniisip mo? Sisirain mo buhay mo! Sisirain mo pangalan ng pamilya natin!"
"Wala po akong ginagawang masama, Nay! Mabait po si Gil! Hindi po siya masamang tao!"
"Mabait? Nasa kulungan siya! Anong mabait dun? Simula ngayon, hindi ka na susulat dun! Susunugin ko lahat ng sulat niya!"
Sa takot na sunugin ng nanay ang mga liham, itinago ni Rosa ang lahat ng sulat at ang papel na rosas sa ilalim ng sahig na kawayan.
Dalawang linggo siyang hindi nakasulat kay Gil. At si Gil, sa loob ng kulungan, araw-araw na naghihintay, nag-aalala. Bakit wala nang sulat si Rosa? Galit na ba ito? Nakalimutan na ba siya?
Sa loob ng selda, unti-unting nawala ang ngiti ni Gil na nabuo dahil kay Rosa. Bumalik ang lungkot.
Hanggang isang gabi, hindi na nakatiis si Rosa. Tumakas siya sa bahay ng alas dose ng gabi, pumunta sa post office na sarado na, at inihulog sa mailbox ang isang liham na basa ng luha.
"Gil, patawad kung matagal ako hindi nakasulat. Nalaman ng mga tao. Galit si Nanay. Pero hindi kita iiwan. Kahit anong sabihin nila, ikaw pa rin ang Gil na kilala ko. Hintayin mo lang ako, magiging 18 na ako sa susunod na buwan, hindi na nila ako mapipigilan. Mahal kita, Gil. Oo, mahal na kita.
Rosa"
At nang mabasa ni Gil ang liham na iyon, sa wakas, muling nabuhay ang pag-asa sa loob ng kulungan.