WALANG ganang mag-agahan si Cattleya habang iniisip ang kahihiyang dinanas nang nakaraang gabi. Mukha siyang tanga na naghihintay kay Liam sa restaurant sa baba ng hotel pero hindi ito sumulpot. She thought he would be ameniable at least. Na pakikinggan nito ang proposal niya. Sa kasamaang palad ay hindi niya nakita kahit ang anino nito.
Marami na siyang nakaharap na mahihirap na transaction bilang assistant ng pinsan niyang si Pierro na isang matagumpay na businessman. Maaarteng kliyente, mga investors na maraming demands. Lahat iyon ay nalagpasan niya.
Pero di niya maintindihan kung bakit grabe ang iritasyong nararamdaman niya sa pang-i-indian ni Liam na parang na-indian siya sa date. Hindi sa nakikipag-date siya. Di lang siguro niya matanggap na nagawa siya nitong balewalain. After all, she was taken seriously in the business world. Ang pangalan niya ay kadikit ng pangalan ng pinsan niya na iginagalang at nirerespeto.
Nag-ring ang cellphone niya at kinagat niya ang labi nang makitang tumatawag ang pinsan niya. Sa huli ay napilitan din siyang sagutin iyon sa masiglang boses. "Hello! Good morning, Kuya."
"How’s your meeting? Pumayag na ba si Liam na maging parte ng El Mundo? You see, nagpapalakas na ang ibang team. They have many new players from all over the globe. I must assemble my dream team fast. Kailan daw siya dadating ng Manila?"
She curled her lips. "Hindi pa siya pumipirma sa kontrata pero very promising ang takbo ng usapan namin." Di man iyon totoo sa ngayon pero plano niyang bumawi.
"I need results soon. I don't want promises."
Ngumiwi siya. Ayaw niya ng ganitong tono mula dito. Lalo siyang ninenerbiyos. "Of course. Ang totoo papunta na po ako sa bahay niya ngayon."
"Good. Alam mo naman na malaki ang tiwala ko sa iyo. Oras na makuha mo si Liam at manalo tayo sa league, makukuha mo rin ang lupa na pag-aari ng magulang mo."
Gumaan ang loob niya. Matagal na niyang gustong makuha ang lupa ng magulang niya na naibenta nang mamatay ang mga ito para na rin bayaran ang mga utang ng mga magulang niya. Pangarap niyang bawiin iyon. "Hindi kita bibiguin, Kuya."
"I know you won't."
Nagkaroon siya ng kakaibang sigla nang maisip kung anong magiging kapalit kapag natupad niya ang gusto ng pinsan niya. Bagamat istrikto ang pinsan niya ay generous ito na boss. Kahit naman walang reward ay handa siyang gawin ang lahat para dito. Sa dami ng nagawa nito para sa kanya, ang magagawa na lang niya ay huwag itong biguin. At hindi siya papayag na si Liam Aramis lang ang bibigo sa kanya.
Inilabas niya ang light yellow dress niya na may flower accent. Iyon ang secret weapon niya. Kapag hindi makuha sa pormal na usapan, minsan ay kailangang gamitan ng feminine charms para makuha ang atensiyon ng isang matigas na lalaki at palambutin ito. Tinernuhan niya iyon ng brown knee-length boots.
Dumaan muna siya sa bilihan ng cake saka sumakay ng taxi. Ibinigay niya ang address ni Liam sa driver. Ibinigay iyon ng coach nito. Naawa kasi sa kanya nang makitang nangangatog siya sa stadium matapos siyang iwan ni Liam. Baka sakali daw ay mas ameniable kausap si Liam kapag umaga. Sa araw na iyon ay free day ni Liam. Walang training ang mga ito.
Makalipas ang dalawampung minuto ay humimpil ang taxi sa harap ng isang Sorrento style na bahay. Sa kabila ng malamig na panahon ay nagbibigay ng kakaibang init ang naramdaman niya nang marinig ang halakhakan sa loob ng mga bata at isang boses ng lalaki. Mukhang nagkakasayahan sa loob.
Pinindot niya ang doorbell. Di nagtagal ay isang babae na nasa mid-fifties ang lumabas. May pagtataka sa mukha nito nang mapagmasdan siya. “G-Good morning. I am looking for Liam Aramis,” nakangiti niyang wika.
Pasimple siyang hinagod ng tingin ng babae. “Are you his girlfriend?” marahan nitong tanong. Animo’y may pag-asam sa mga mata nito.
Umiling agad siya. “No. I am Cattleya Bautista from Manila. I work for El Mundo FC and we are interested in signing Liam.”
Nagningning agad ang mata nito. “Galing ka sa Pilipinas at gusto ninyong dalhin ang Liam ko sa team ninyo?” excited na sabi nito. Hinalikan siya nito sa magkabilang pisngi. “Ako ang nanay ni Liam. Ako si Eleonor. Pumasok ka. Pasok. Ang diyaskeng batang iyon hindi man lang sinabi na may darating siyang bisita.”
“H-Hindi ko naman po kasi sinabi na pupunta ako ngayon. Gusto ko po siyang… sorpresahin,” wika niya at naramdaman agad ang init ng pagtanggap ni Eleonor.
“Natutuwa ako na malaman ang tungkol dito. Magandang sorpresa ito para sa akin.” Mabilis ang hakbang nito habang papasok ng bahay. “Liam! Liam, may bisita ka!”
Pagbukas ng pinto ay nakahiga sa carpeted na sahig si Liam habang kinikiliti ng dalawang bata na sa palagay niya ay edad pitong taon at limang taon. He looked younger now that he was smiling.
“Who?” Biglang nawala ang ngiti nito nang makita siya at kumunot ang noo. “Miss Bautista? Anong ginagawa mo dito?”
“Uhmm… Nag-aalala kasi ako dahil hindi ka nakapunta sa usapan natin kahapon. Nagdala pala ako ng fruit cake para sa… inyo,” aniya at inabot ang cake kay Eleonor.
“That is sweet of you, hija.”
“Cake! Cake!” tuwang sabi ng mga bata at iniwan si Liam para lapitan si Eleonor.
Inangat ni Eleonor ang kamay na may hawak ng cake. “Kids behave! Maligo na kayo bago kayo kumain ng cake,” utos ni Eleonor sa mga ito.
Isang babae ang sumulpot mula sa taas at sinundo ang mga bata. Ipinakilala ito ni Eleonor bilang hipag ni Liam na si Agnesa. Kinuha ni Agnesa ang cake at idinala sa kusina kasama ang mga bata na di makapaghintay na kainin iyon.
“Akala ko talaga kanina girlfriend ka ni Liam. But this is a better surprise. Isasama mo pala si Liam sa Pilipinas. Magandang sorpresa ito para sa akin.” At masayang tumingin kay Liam na puno ng pagmamahal.
“Ma, mabuti pa po ihanda na ninyo ang gamit ng mga bata para maihatid ko na po kayo sa train station. Mag-uusap lang po kami ni Miss Bautista,” wika ni Liam sa seryosong boses at saka siya hinawakan sa braso para dalhin sa front porch. Pinaupo siya nito sa bench at saka humalukipkip. “Hanggang dito ba naman sinusundan mo ako?” angil nito. “At sa mismong bahay ko pa.”
“Hindi ka kasi nagpunta sa hotel kagabi. Nag-aalala ako…”
“The message is loud and clear then. Ayokong pumirma ng kontrata,” mariin nitong wika at bahagyang inilapit ang mukha sa kanya. “Ayokong sumama sa iyo sa Pilipinas.”
“P-Perhaps you can consider,” aniya niya at binasa ang labi niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan siya lalo na nang maramdaman niya ang init ng katawan nito. Liam was a bit intimidating. At hindi siya ang tipo ng babae na basta-basta nai-intimidate at kinakabahan. Pero bakit ganito ang nararamdaman niya kay Liam?
Nagsalubong ang kilay nito at inilapit ang mukha sa kanya. “Ayoko.”
“Pero baka naman…”
Lalong tumiim ang anyo nito. “Tagalog na nga, di mo pa rin maintindihan?”
Namanhid na ang dila niya nang ilapit nito ang mukha sa kanya at tuluyan nang nablangko ang utak niya. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanya. Nasaan na ang talas ng isipan niya? Sa ganitong sitwasyon ay nakakaisip agad siya ng witty remarks. Magaling siyang mangumbinsi ng mga tao dahil sa talas ng isipan niya. Nang mga oras na iyon ay lumipad na sa bintana ang anumang natitira sa utak niya.
Tumutok ang mata nito sa labi niya. Nahigit niya ang hininga. Parang may kakaibang kuryente na dumadaloy mula sa mata nito patungo sa labi niya. Humaplos ang mata nito sa labi niya. She felt hot all over. Hindi naman siya nito hinahawakan pero pakiramdam niya ay hinaplos siya nito. Pakiramdam niya ay gusto siya nitong halikan.
May ibang lalaki na sinosopla agad niya oras na maramdaman niya ang intensiyon. Walang nakakalapit sa kanya ng ganito. She was never romantically involved. Not with a client. Not with a colleague. Not with anybody. At hindi niya sisimulan kay Liam Aramis – hindi sa arogante, antipatiko at… kung makatitig ay nakakatunaw na lalaking ito.
Pero bakit hindi niya ito magawang itulak palayo? Bakit parang gusto niyang lumapit pa ito sa kanya hanggang dumampi ang labi nito sa kanya. Gusto niyang maramdaman ang halik nito. As if it was something she had been waiting for a long, long time.