Chapter 2

3480 Words
“E-EZEKIEL Moreno?” nanlalaki ang mga matang bulalas ni Patrice. Ang nasa harap niya ay walang iba kundi ang nag-iisang anak ni Señor Artemio. Noon lang niya ito nakita. Ang alam niya, bata pa lang ito nang umalis sa Cotabato kasama ang mommy nito at sa Maynila na tumira. Pagka-graduate nito ng high school ay sa ibang bansa na raw ito nag-aral. Nakaramdam siya ng takot. Matapobre at malupit si Señor Artemio kaya malamang na ganoon din ang ugali ng anak nito. Bahagyang napaurong siya. Umasim ang mukha nito sa naging reaksiyon niya. “Sinasabi ko na nga ba at iyan ang magiging reaksiyon mo kapag nalaman mo na anak ako ni Artemio Moreno. Oftentimes, I hate my father. Lady, I’m not what you think I am,” anito bago muling inilahad sa kanya ang kamay nito. Ngumiti ito. “Come on, huwag mo naman akong ipahiya.” Napatingin siya sa kamay nito. Malaki ang kamay nito at makinis kompara sa kamay niya na magaspang at may kalyo dala ng mga gawaing-bahay. “N-nice to meet you, Señorito Ezekiel. Ako po si Assette Patrice del Rio…” aniya. Nako-conscious siya dahil titig na titig ito sa kanya na pakiramdam niya ay hinihigop nito ang buong pagkatao niya sa pamamagitan ng tingin. “Ayaw mo bang makipagkamay sa akin? Wala naman akong sakit,” pabirong sabi nito nang sa halip na abutin ang nakalahad na kamay nito ay hinawakan lang niya ang kamay niyang aabot sana sa kamay nito. Napatingin siya rito. “Hindi po sa gano’n, Señorito. Ano kasi… ahm…” Sa pagkamangha niya, humakbang ito palapit sa kanya at kinuha ang kamay niya. He shook their hands. Nanulay ang init ng kamay ni Ezekiel sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan patungo sa kanyang puso na tila nagwawala na sa loob ng dibdib niya. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay may isang invisible na tali na nagbigkis sa kanila ng lalaki. Tila nagkaroon sila ng hindi maipaliwanag na koneksiyon na para bang matagal na silang magkakilala na noon lang muling nagkita pagkalipas ng mahabang panahon. Pumitlag ang puso niya nang banayad na pisilin nito ang kamay niya na hawak-hawak pa rin nito at mukhang wala itong balak bitiwan iyon. “Eh, Señorito, a-ang kamay ko po.” “Bibitiwan ko lang ang kamay mo kapag ipinangako mo na hindi ka na mamomopo sa akin at hindi mo na ako tatawaging ‘Señorito.’ I’m only twenty years old.” “Señori—ah, a-ano, E-Eze—” “Ezekiel. Pero mas gusto ko na tawagin mo akong ‘Zeke,’” nakangiting sabi nito bago muling pinisil ang kamay niya. Pakiramdam ni Patrice, mayroong tila mumunting boltahe ng kuryente na nanulay sa mga ugat niya dahil doon. “Z-Zeke…” “Good!” Ngumiti ito. “Inisip ko nang magiging masarap pakinggan ang pangalan ko kapag binigkas mo, pero mas masarap pala ngayong aktuwal ko nang narinig na binigkas mo. It was like an angel uttered my name. A very lovely one,” anito na titig na titig pa rin sa kanya. Nag-init ang mga pisngi niya sa sinabi nito. “Kabibigay lang sa akin ni Tito Andrew ng lupaing ito. Naglalakad-lakad ako rito dahil gusto kong malaman kung ano ang gagawin ko rito nang marinig kong may kumakanta. Parang may sariling isip ang mga paa ko na tinalunton ang daan patungo sa punong kinaaakyatan mo. I thought I saw an angel singing Miley Cyrus’ song.” Nag-init uli ang mga pisngi niya sa papuri nito. Sa maikling panahon ay may natuklasan agad siya sa binatang Moreno. He has a sweet tongue and he knew how to use his charm. “I know It’s rude for a guy to ask this, but how old are you?” “S-sixteen.” Umawang ang bibig nito, halatang hindi makapaniwala. Hindi pa nakontento, hinagod pa siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. “Magse-seventeen na ako next month,” dagdag niya. Binitiwan nito ang kamay niya at iiling-iling na hinagod nito ang batok. “Magiging cradle-snatcher pa yata ako,” mahinang wika nito na tila sa sarili lang sinasabi pero malinaw na narinig niya. Gusto niyang itanong dito kung ano ang ibig sabihin nito pero hindi niya matagpuan ang kanyang tinig. Pinasadahan uli siya nito ng tingin. “You have the face of an angel and a body of a goddess.” “P-pasensiya na uli sa pagpasok ko sa lupain n’yo. A-aalis na ako,” wika niya bago mabilis na tumalikod. Hindi na niya kayang tagalan ang titig nito. Baka matunaw na siya. May kakaibang epekto sa kanya ang titig nito na hindi niya kayang ilarawan. “Patrice, sandali lang!” Tumigil siya pero hindi siya humarap dito. “Bumalik ka rito bukas. Ganito ring oras. Hihintayin kita…” Kumunot ang noo niya sa sinabi nito pero hindi na siya nagkomento. Tuloy-tuloy na siyang umalis.   ANG GUWAPO niya at ang bango bango! kinikilig na sabi ni  Patrice sa isip. Nakauwi na siya sa bahay nila na kalahating oras na lakarin mula sa lupain ng mga Moreno. Mabuti na lang at wala pa ang nanay niya. Walang mag-uusisa kung bakit tulala siya at ngumingiting mag-isa. Hindi niya sukat-akalain na makakadaupang-palad niya si Ezekiel Moreno. Base sa pakikitungo nito sa kanya, masasabi niyang hindi ito katulad ng ama nito.    “Bumalik ka rito bukas. Ganitong oras. Hihintayin kita…” Napapikit siya pagkaalala sa huling sinabi nito bago siya umalis. Gusto kaya siya ng guwapong anak ng señor? Aaminin niyang nagkagusto agad siya rito. May napukaw si Ezekiel sa puso niya at pakiramdam niya ay napakadali nitong napasok iyon sa sasandaling oras na nagkaharap sila. Gayunman, hindi siya magiging scholar sa bayan kung hindi niya alam ang kaibahan ng pantasya at realidad.                      Ezekiel was just a fantasy. He has his castle in the sky. Langit ito, lupa siya. Hindi sila kailanman magpapang-abot. Isa sa pinakamalaking hadlang ay ang mismong ama nito. Duda siya kung papabor ito sa kanya para sa anak nito. Dapat niyang isiksik iyon sa isip niya at itigil na ngayon pa lang ang kanyang kahibangan. Hindi siya puwedeng magkagusto sa binatang Moreno. Masasaktan lang siya. Bumuntong-hininga siya. Masyado nang malayo ang naabot ng isip mo, Patrice. Pero tama ang naisip mo. Hindi ka puwedeng magkagusto kay Zeke. Hindi kayo bagay.   SUMIKDO ang dibdib ni Patrice nang marinig ang palapit na mga yabag ng kabayo.  Nagwawalis siya ng mga tuyong dahon sa bakuran nila na naglaglagan dahil sa lakas ng ihip ng hangin nang nagdaang gabi. Nag-angat siya ng ulo. Napahigpit ang hawak ng kamay niya sa walis-tingting. Ang sakay ng kabayo ay walang iba kundi si Ezekiel at patungo ito sa direksiyon niya. Hindi niya napigilan ang sarili na pagmasdan ito habang matikas na nagpapatakbo ng kabayo. Tuwid na tuwid ang likod nito at talagang napakakisig. Mayamaya ay tumigil ito sa harap niya. Nagpalinga-linga siya para tingnan kung may ibang taong nakakita na naroon ang binata kahit ilang metro ang layo ng pinakamalapit nilang kapitbahay. Ang nanay niya ay nangunguha ng gulay. Bumaba ito sa kabayo at walang anumang pumasok sa bakuran nila na tanging mga kawayan at halamang santan ang nagsisilbing bakod. “Good morning,” bati nito sa pormal na tono. Halos hindi bumuka ang bibig nito at bahagyang magkasalubong ang mga kilay. Kinabahan siya. Kahit maganda ang ginawa nitong pakikitungo sa kanya noong isang araw, hindi niya nakakalimutang anak ito ng señor. Balita ang kakaibang temper ng mga Moreno.  “M-magandang umaga rin po, Señori—” “Tawagin mo pa ako ng ganyan at ngayon din mismo ay parurusahan kita,” putol nito sa sinasabi niya. “May atraso ka sa akin, Patrice. Pinaghintay mo ako kahapon. Bakit hindi ka pumunta roon?”  tanong nito. Kunot na kunot ang noo nito na tila naghihintay ng maayos na dahilan mula sa kanya. Pero hinintay ba talaga siya nito roon? “W-wala akong sinabi na pupunta ako,”  nauutal na sabi niya rito. “Wala ka ring sinabi na hindi ka pupunta!” mariing sabi nito bago humugot ng malalim na hininga na tila pinapakalma ang sarili. “I’m sorry. Na- disappoint lang ako na hindi ka pumunta.” Wala siyang maapuhap na isagot dito. Nakatitig lang siya rito. “Patrice, I’m trying to be as patient as I can so please don’t test it. Gusto kong makipagkaibigan sa iyo. Narito ako ngayong summer para magbakasyon. Pagkatapos ay babalik na uli ako sa ibang bansa para sa masteral ko. Akala ko nga, pagsisisihan ko ang pag-uwi rito, pero nang makita kita… I think I’m going to enjoy my vacation here,” titig na titig sa kanya na sabi nito. “Huwag kang mag-alala. Gusto ko lang makipagkaibigan.” Nahihiyang nagyuko siya ng ulo. “Paano mo nalaman kung saan ako nakatira?” “Hinulaan ko lang na malapit sa bundok ang bahay mo. Ipinasya kong hanapin ka. Balak ko sanang magtanong-tanong pero hindi na pala kailangan dahil madali ka lang palang hanapin,” anito. “Baka makarating kay Señor na narito ka…” nag-aalalang sabi niya. “Wala siya, nasa Manila. Malapit na ang national election, `di ba? Well, ka-meeting ng papa ko ang mga bulok na kandidato para masiguro ng mga iyon ang pagkapanalo rito. He won’t be here for… oh, well, I don’t really care,” anito sa tinig na puno ng disgusto. Base sa sinabi nito ay nahinuha niya na hindi magkasundo ang mga ito. At mukhang hindi rin magkaugali. Napangiti siya. Umangat ang isang kilay nito. “O bakit bigla kang ngumiti?” Umiling siya. “Wala. Umiinom ka ba ng instant coffee?” tanong niya rito. Lumiwanag ang mukha nito. “Why, of course! Ano’ng tingin mo sa akin, sasakit ang tiyan kapag nakainom ng instant coffee?” nakangiting sabi nito. Lalong lumakas ang karisma nito sa pagngiting iyon. “Kung ganoon, halika, pasok ka sa loob para magkape.” Hindi naman siguro masama kung makikipagkaibigan siya rito. Mukhang hindi naman ito katulad ng señor. “Nandiyan ba ang mga magulang mo? Gusto ko silang makilala.” “Ulila na ako sa ama. Kami na lang ni Nanay ang magkasama. Nasa taniman siya, nangunguha ng mga gulay,” wika niya habang pumapasok sa bahay. Nakasunod ito sa kanya. “Istrikto ba siya? Nanghahabol ng itak, something like that?” Natawa siya. “Si Nanay ang pinakamabait na taong kilala ko.”   IYON na ang naging simula ng pagkakaibigan ni Patrice at ni Ezekiel. Hiniling niya rito na kung maaari ay iwasan nilang makita ng ibang tao na magkasama sila para hindi makarating sa señor. Nagkikita na lang sila sa property nito kung saan sila unang nagkakilala. Zeke is a very intelligent person. Iyon ang nadiskubre niya nang makilala pa niya ito nang husto. Halos lahat din ay napag-usapan na nila pero napansin niya kapag dumadako na ang usapan sa ama nito ay bigla itong nag-iiba ng paksa. Madali itong mainis pero mabait naman ito at totoong tao. Ramdam niya na gusto talaga siya nitong maging kaibigan sa kabila ng agwat ng pamumuhay nila.   MAINGAT na humakbang si Patrice at nagtago sa likod ng malaking puno ng acacia nang makarating siya sa tagpuan nila ni Ezekiel. Mula sa likod ng punong-santol, palihim na pinagmasdan niya ang kaguwapuhan nito. Nakahiga ito sa picnic mat habang nakaunan ang ulo sa mga palad. Nakapikit ito at banayad ang pagtaas-baba ng dibdib. Mukhang nakatulog na ito sa paghihintay sa kanya. Nagkakilala na ang nanay niya at si Ezekiel. Maayos itong tinanggap ng nanay niya bagaman nahalata niya ang pag-aalala at takot sa mga mata ng huli. Kinausap si Patrice nang masinsinan ng nanay niya isang beses at pinayuhan na huwag niyang hahayaang mahulog ang loob niya sa binatang Moreno. Subalit mukhang huli na ang paalala nito dahil habang dumadaan ang mga araw ay lalong lumalaki ang espasyong inookupa ng binata sa puso niya. Mahal na niya ito. Maaaring magdidisisiyete anyos pa lang siya pero alam niyang higit pa sa puppy love ang nararamdaman niya para dito. At dahil alam niyang hanggang summer lang mananatili si Ezekiel sa Cotabato, hindi niya pinalalampas ang bawat pagkakataon na makasama ito. “It’s rude to stare, don’t you know that?” anang binata, sabay dilat. Bumangon na ito at tumayo. Lumabas na siya sa pinagkukublihang puno. “Paano mo nalaman na narito na ako? Kulang na nga lang lumutang ako, huwag lang akong makalikha ng ingay.” Ngumiti ito. “Matalas lang talaga ang pakiramdam ko. Come here, may ipakikita ako sa `yo.” Lumapit siya rito. Tinungo nila ang punong-santol. Ipinakita nito sa kanya ang mga nakaukit sa katawan ng puno. Kumabog ang dibdib niya sa nabasang nakaukit doon. Zeke ♥ Patrice. “Ang tagal mo `kong pinaghintay kaya kung ano-ano na ang nagawa ko rito,” wika nito. “`Lika na, `nood na tayo ng movie,” anito. Kinuha nito ang kamay niya at hinila siya pabalik sa picnic mat. Napatingin siya sa magkasalikop na mga kamay nila. He was holding her hand possessively. Masarap sa pakiramdam iyon. Parang gusto tuloy niyang magprotesta nang bitiwan nito ang kamay niya nang makaupo na sila sa picnic mat. Binuksan nito ang laptop na dala nito. Panonoorin nila ang romantic drama movie ng isa sa paborito niyang Hollywood actor. Spoiled siya rito kaya kahit hindi ito mahilig sa mga ganoong klase ng movie ay nakikipanood ito sa kanya. “Yeobo, pakiabot ng CD,” anito sa kanya. Napangiti si Patrice sa itinawag nito sa kanya. Noong unang tawagin siya nito ng ganoon ay tinanong niya ito kung ano ang ibig sabihin niyon. Sinabi nitong may napanood itong isang Korean movie at tinawag ng bidang lalaki na “yeobo” ang bidang babae. Nang tingnan daw nito ang ibig sabihin ng salitang iyon, nalaman niya na “honey” ang equivalent niyon na endearment sa English. Nais sana niyang itanong noon kung bakit tinawag siya nito ng ganoon pero nakahiyaan niya. Iniabot niya rito ang CD. Mabilis na isinalang nito iyon. Nakangiting itinutok niya ang mga mata sa monitor ng laptop nang magsimula ang pelikula. Nang mapalingon siya kay Ezekiel, nahuli niya na nakatitig ito sa kanya pero nagpatay-malisya na lang siya habang lihim na kinikilig. Mayamaya ay tutok na siya sa panonood. Pagdating sa drama part ng pelikula, nadala siya sa pinapanood kaya wala sa loob na napahawak siya sa kamay ni Ezekiel habang pinipigilang mapaiyak. Pinaghugpong naman nito ang mga daliri nila at pinisil ang kamay niya habang ang mga mata niya ay tutok na tutok pa rin sa monitor ng laptop. Nang mamatay ang bidang lalaki, tuluyan na siyang napaiyak kaya sumubsob siya sa dibdib ng binata habang umiiyak dahil lungkot na lungkot siya sa nangyari. Pinagtawanan siya nito. “Ang iyakin mo talaga. Movie lang `yan, Patrice. Parang totoong nangyari kung makaatungal ka diyan,” pang-aasar nito. “Heh! Sa naiiyak ang tao, eh,” nakasimangot na sabi niya habang pinapahiran ang luha. Inasar pa siya nito nang inasar kaya sa inis niya ay hindi niya ito kinibo. “Uy, ngingiti na `yan,” pang-aamo nito sa kanya. Hindi pa rin niya ito kinibo. Mayamaya ay napaigtad siya nang sundot-sundutin nito ang batok niya. Napaigtad siya. Malakas ang kiliti niya roon. Nang makabawi ay gumanti siya rito. Alam niyang malakas ang kiliti nito sa tiyan at sa tagiliran kaya iyon ang pinuntirya niya. Sa isang pagkiliti niya rito ay napahiga ito sa mat, nahila siya nito at napaibabaw siya rito. Kumabog ang dibdib niya nang magtama ang kanilang mga mata. Umangat ang isang kamay ni Ezekiel at masuyong humaplos sa pisngi niya habang ang isang kamay nito ay humawak sa baywang niya. Gusto niyang umalis sa ibabaw nito pero tila naparalisa ang katawan niya. Hindi pa rin niya nagawang kumilos kahit nang sumapo ang isang kamay nito sa batok niya at kabigin siya nito palapit upang magtagpo ang mga labi nila. Dinampi-dampian nito ng halik ang mga labi niya na tila parehong nananantiya at nanunukso. Napapikit siya sa pagdagsa ng bolta-boltaheng kuryente sa bawat nerve endings ng kanyang katawan. Iyon ang unang halik niya at totoo nga pala ang sinasabi ng iba na matamis ang unang halik. At nang kusang bumuka ang bibig niya at laliman nito ang ginagawang paghalik sa kanya, napagtanto niya na hindi lang pala matamis ang unang halik, nakalalasing at nakakawala rin ng katinuan. Hindi niya alam kung paano tutugon nang tama pero tinuruan siya ng ekspertong mga labi nito. Happiness and contentment. Iyon ang mga salitang naglalarawan sa nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Umungol ito kasabay ng lalo pang paglalim ng halik nito. Mayamaya ay ito na ang kusang tumigil sa paghalik sa kanya. Pero hindi siya nito tuluyang pinakawalan. Sa halip ay hinawakan nito ang baywang niya at sa isang mabilis na kilos ay pinagpalit nito ang posisyon nila. Tinitigan siya nito. Nangingislap ang mga mata nito habang malapad ang pagkakangiti. “You’re officially my girlfriend now, Patrice. Pagkatapos mo akong hagkan at samantalahin ang aking kahinaan, hindi ako makapapayag na hindi pa maging tayo. You’re officialy my yeobo,” pilyong sabi nito. “Ang kapal mo! Ikaw ang nanghalik!” angil niya rito na ikinahalakhak nito. Napipikon na itinulak niya ito at bumangon.  Nang tumayo siya, noon lang niya napansin na nanlalambot ang mga tuhod niya. Tumalikod siya at humalukipkip. Somehow ay nahihiya siya na hinayaan lang niya na halikan siya nito at tumugon pa siya, pero deep inside ay hindi niya iyon pinagsisisihan. Her first kiss was Ezekiel, the man she loves, her first love. Natatawa pa rin na bumangon ito at pumunta sa harap niya. Masuyong ikinulong nito ang mukha niya sa mga palad nito. “Binibiro lang kita. Ako nga ang nanghalik at hindi ko iyon pinagsisisihan. Given a chance, I’ll do it again… and again. You know why? Because I love you.” Napasinghap siya kasabay ng panlalaki ng mga mata. “M-mahal mo ako?” Ngumiti si Ezekiel. “Yes, mahal kita. I love you. Sinalo kita mula sa pagkahulog sa puno ng santol, but in the process, ang puso ko ang nahulog sa iyo. I’ve fallen for you that very moment. Kaya ginawa ko ang lahat para makalapit sa iyo. Why, iniisip mo ba talaga na hanggang pakikipagkaibigan lang ang pakay ko sa iyo?” Umiling ito. “No. I intended to make you mine.” Sasabog na yata ang dibdib niya sa sobrang kaligayahan sa mga sinasabi nito. “B-bakit ako?” tanong niya nang makabawi. “Aw, come on, yeobo. Bakit hindi? Don’t tell me na iniisip mo ang agwat ng estado natin sa buhay? All is fair in love and war, remember? Wala akong pakialam kahit ikaw pa ang pinakamahirap na babaeng kilala ko. What matters is from now on, you’re mine, I’m yours, and there’s us. Ayokong maging issue ang pera at social status sa pagitan nating dalawa, okay?” Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay bumuka ang langit at bumaba ang mga anghel para awitan sila ni Ezekiel. “Kung makapagsalita ka, parang siguradong-sigurado ka nang m-mahal kita, ah. Bakit, pumayag na ba ako sa gusto mong mangyari?” nakangusong sabi ni Patrice habang pinipigilan ang isang ngiti. Hindi naman siguro masamang magpakipot nang kaunti. Masayang-masaya siya. Ano ba ang nagawa niyang mabuti para mahalin siya ng isang Ezekiel Moreno? “Bakit? Hindi ka ba papayag, hmm?” anito. Pinindot nito ang tungki ng ilong niya. “Kapag hindi ka pumayag, hindi ka na makakauwi ngayon dahil itatanan na kita. Who cares kung magse-seventeen ka pa lang? Hindi naman halata…” anito bago siya binigyan ng isang nang-aakit na tingin. “Zeke!” Humalakhak ito. “Biro lang. We’re still too young, there’s so much in store for both of us. Sa ngayon, kontento na ako kung ano ang mayroon tayo. Now, payag ka na ba na maging girlfriend ko?” Tinitigan ni Patrice ang binata. She loved him at gustong-gusto niyang maging girlfriend nito. Subalit naroon pa rin ang munting pag-aalinlangan sa kanyang puso. “H-hanggang summer ka lang dito, `di ba?” Ngumiti ito nang masuyo. Tumatak iyon hindi lang sa kanyang isip kundi maging sa kanyang puso. Hinuli nito ang mga mata niya. “Puwede kong baguhin ang mga pasya ko. I will stay.” “P-pero…” “Don’t make it hard for both of us. Just answer me, will you be my girlfriend?” Kahit may kaunti pa rin siyang pag-aalinlangan ay sinunod niya ang isinisigaw ng kanyang puso. Tumango siya. Bago pa siya makahuma ay nakamtan na niya ang ikalawang halik niya.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD