"Oh, Matildariana! May tawag ka na naman!"
Mabilis na tumayo si Matilda sa pagkakaupo kasabay ang pagbitaw ng mga hawak na baraha sa lamesa bago hinablot sa kamay ng kaniyang Tito ang telepono. Bakas ang pagkainis sa mukha niya dahil mukhang matatalo na naman siya ngayong araw sa tong-its na nilalaro nila ng kaniyang mga pinsan.
"Oh?" aniya at saka muling naglaro.
"Nandyan po ba si Matilda?"
Umangat ang kaniyang kilay sa narinig. Ang aga aga ay may naghahanap na naman sa kaniya. Alas-8 pa lang at 'di pa naman siya nakakapagkape.
"Oh, alas!" sigaw ni Porcia at pinaypayan ang sarili gamit ng mga hawak na baraha, nakangisi at nangaasar na. Lalo tuloy siyang nainis kaya nabulyawan niya ang nasa kabilang linya.
"Oo, ako yon. Bakit ba! Naglalaro yung tao, e!"
"M-ma'am, nandito na po kasi ang parcel niyo. Nasa labas na po ako ngayon ng bahay niyo po." Napamura na lamang sa isip si Matilda saka iniwan ang baraha't nagmartsa pababa ng hagdan. Ngayon niya lang din naalala ang bedsheet na in-order niya online.
"Oy, Matilda 'wag kang tatakas! Buma–"
"May kukunin lang!" bulyaw niya at itinaas ang panggitnang daliri sa pinsan niyang sumigaw. Nagtawanan naman ang mga ito, sanay na sanay na sa ugaling mayro'n siya. Akala mo'y parating may dalaw.
Paglabas ay nakita niya rin agad ang motor ng delivery boy pati na rin ang kahon na nakalapag sa semento malapit dito. Lumapit si Matilda ro'n at napakamot pa sa gilid ng labi.
"Ma'am!" agad siyang napalingon sa delivery boy na tumatakbo papalapit galing sa tindahan na nasa tapat. Napakunot agad ang kaniyang noo bago tumikhim.
"Pasensya na ma'am, bumili lang po ng maiinom." anito sa kaniya at saka yumuko't binuhat ang kahon. "Galing pa po kasi ako ng Marinduque, e." Pagharap nitong muli sa kaniya ay nakangiti na ang binata "Sa'n ko po ba ilalagay 'to, ma'am?"
Parang pagod na pagod ito at sa tingin niya'y bata pa. Nagisip pa tuloy saglit si Matilda kung babarahin niya ba o susungitan, nakakaawa naman kasi ang itsura.
"Iwan mo na lang diyan, ipapabuhat ko na lang." aniya at dumukot ng pera sa wallet. Sinadya niyang kumuha ng limang libo para iabot sa binata. Kahit naman inistorbo siya nito sa paglalaro ay 'di niya maiwasang tulungan. Hindi niya pa rin mapigilan ang sarili.
Agad niya itong ipinasok sa bulsa ng polo ng binata at inagaw sa kaniya ang kahon. Nataranta naman agad ito sa ginawa niya.
"Hala, ma'am! Ako na p–"
"Iko! Bumaba ka nga rito!" pagputol na sigaw ni Matilda ng pangalan ng isa niyang pinsan, mabigat kasi talaga ang bedsheet. Kahit siya ay napapayuko na sa bigat no'n. Pagsulyap niya sa delivery boy ay binibilang na nito ang mga pera, ang mukha ay may halo ng gulat.
Bumaba nga si Iko, tulad ng inaasahan ay nakangisi na agad ito at 'di na halos makita pa ang mga mata. Nang mapasulyap siya sa buhat ni Matilda ay saka lang nagbago ang ekspresyon ng mukha niya.
"Pakidala nga 'to sa taas." ani Matilda at inabot sa pinsan niyang nakanguso na ang dalang kahon.
"Ma'am, sobra po yung nabigay niy–"
"Alam ko, tanggapin mo na lang." ani Matilda bago tumango at mabilis na pumasok sa gate, 'di na niya pinatapos pa ang ano mang gustong sabihin nung binata.
Pagpasok ulit ay agad niya ring binuksan ang kahon at tinignan ang in-order. Habang kinikilatis ang tela ay napakunot ang noo niya ng marinig ang maiingay na sigawan ng mga pinsan niya mula sa taas.
"O, ayan! Hahaha! Talo na kayo!" rinig niyang muling sigaw ni Felicia kaya naman binalik niya ulit ang bedsheet sa kahon at muling pumunta sa sala.
"Maduga ka, e!" sigaw naman ni Gabo na siya ring pinsan niya. Umupo siya ulit sa pwesto niya kanina at pagod na tinapunan ng tingin ang mga pinsan.
"Magpa-seminar ka muna kasi! Hahaha!"
"Andaya naman kasi, e!"
"Anong madaya? Ang sabihin mo 'di ka lang marunong! Hahaha!"
"O, akin na mga bayad niyo! Oy, Porcia! Akin na yung ice cream mo sa fridge a!"
"Hoy, hoy, hoy. Ba't ba ang iingay niyong mga bata kayo."
Ganito ang set-up nila palagi. Walang araw na hindi sila nagsisigawan. Hindi nagsisimula ang araw nilang lahat ng walang sumasakit na tenga't lalamunan. Nasa iisang bahay lang silang lahat dahil magkakapatid naman ang mga magulang nila, lahat ay byudo't byuda pa.
"Eto kasing si Felicia, tita! Hindi sumusunod sa game rules!" ani Iko, 23 anyos at engineering student. May lahing Koreano at tarantado, bata pa lang ay iniwan na sila ng tatay niya.
"Isa sa mga rules ang bawal sumigaw." nakangisi namang saad ni Porcia, 26 at isa ng ganap na modelo. Iniwan din sila ng tatay niyang afam no'ng sumabak ito dati sa giyera, simula no'n ay 'di na sila muling binalikan pa. Hindi nila alam kung patay na ba o ano.
"Hahaha! Galingan niyo na lang next time!" dipensa rin ni Felicia at saka tumakbo dala dala ang tuwalya papunta sa banyo, espanyol ang ama at iniwan din sila nung malaman ng asawa nito ang kung anong meron sa kanila.
Magkasing edad lang sila ng pinsan niyang si Gabo, 28 anyos. 'Yun nga lang ay nagaaral pa rin magpahanggang ngayon si Felicia para tuluyang maging isang doktor, si Gabo naman ay matagal ng nagseserbisyo sa publiko, mataas na ang ranggo sa pagiging isang sundalo. Mas mukha siyang pinoy sa kanilang lahat dahil mas nakuha nito ang biyas ng ama kaysa sa nanay nitong british na namatay nung ipinanganak siya.
"Bakit ba kasi may pauso pa kayong rules." bulong naman ni Matilda at kumagat sa tinapay. Siya naman ay nakapagtapos bilang isang professional designer, siya rin ang nagiisang single sa kanilang lahat. Bata pa rin naman daw ang edad na 26.
Nagsisigawan pa rin sina Iko at Felicia ng bigla na namang tumunog ang telepono. Dahil mas malapit ay inabot 'yun ng Mama ni Porcia at saka sinagot.
Natahimik tuloy sila ng makitang nawala na lang bigla ang ngiti sa labi ni Aling Pacita habang hawak ang telepono.
"Si Matilda? Oo, nandito siya. Sino ka ba?" mataray na tanong nito at sumulyap sa pamangkin na gaya niya'y magkasalubong na rin ang mga kilay.
Tumayo si Matilda at lumapit sa tita niya para kunin ang telepono sa kamay nito. Nang maitapat niya na ito sa kaniyang tainga ay saka lang din siya nagsalita. "Bakit, sino 'to?"
Buong akala niya ay yung delivery boy lang ang tumawag para magpasalamat pero nagkakamali siya. Boses na ng babae ang narinig niya sa sumunod na tatlong segundo.
"Hello?! Ito ba ang kabit ng asawa ko na kabit ng asawa niya na kabit ng buong bayan?!"