"Taling, mabuti pa ay gawin mo na lang ang mga assignments mo."
Walang pakialam si Natalie kahit abala si Juan sa ginagawa nito at panay pa rin ang pangungulit niya sa binatilyo. Simula nang dumating ang lalaki sa kanilang bahay, pitong taon na ang nakaraan, ito ang naging kalaro niya. Inirapan niya ang binatilyo dahil ilang beses na niya itong pinagsabihan na hindi ‘Taling’ ang kanyang pangalan. "It's Natalie!" Giit niya sa maarte na tono.
"Ang haba kasi ng pangalan mo, at saka nasanay na ako,” sagot ni Juan pero ang totoo ay sinadya talaga niyang tawagin itong ‘Taling’ kaysa tunay nitong pangalan na 'Natalie'. Mabait ang anak ng kanilang amo ni Nanay Tina pero may pagkasutil din ito. Sa loob ng pitong taon na paninirahan niya sa mansyon ng mga Covarrubias, lubos siyang nagpapasalamat sa kabaitan ng kanilang among lalaki. Tanging ang ina lang ni Natalie ang may kagaspangan ang ugali ngunit ganunpaman ay pilit niya itong iniintindi.
"Hmmmp, basta hindi ko gusto ang tawag mo sa akin. Ang baduy!" Lumapit siya kay Juan at tinulungan ito sa pagdidilig ng kanilang mga halaman.
"Ako na lang baka mapapagalitan na naman ako ng Mommy mo, eh." Sa harap lang ni Basti Covarrubias mabait ang asawa nito na si Maria. Kapag wala si Mr. Covarrubias, lumalabas ang pangil ng babae at kadalasan ay siya ang napapansin nito. Hindi niya alam kung bakit mainit ang dugo nito sa kanya. Nagtatrabaho naman siya ng maayos. Pinagbawalan na rin siya ni Maria na makipag-usap kay Natalie. Pero paano niya iiwasan ang babae kung ito ang laging lumalapit sa kanya?
"Mabait naman ang Mommy ko, Juan. Sabi pa nga niya sa amin ni Daddy, baka sa susunod na pasukan, p’wede ka nang mag-aral ulit."
"Talaga? Kailan niya sinabi iyon? Naku, napakagandang balita 'yan, Taling." Wala sa loob na niyakap niya ang bata dahil sa sobrang kasiyahan. Isang taon na lang sana at makapagtapos na siya ng highschool, pero bigla na lang siyang pinahinto ni Mrs. Covarrubias. Ang sabi nito, useless lang ang kanyang pag-aaral dahil magiging hardinero lang naman siya habangbuhay. Ang masaklap, nakinig sa asawa si Mr. Covarrubias at hindi umalma.
"Noong isang araw lang, Juan."
Nanlumo si Juan sa kanyang narinig dahil batid niyang isang kasinungalingan na naman ang pinalabas ni Mrs. Covarrubias. Napaka-imposible ang sinabi ni Natalie dahil noong isang araw lang ay lihim siya nitong kinastigo sa silid nito.
Tuso si Maria Covarrubias. Hintayin muna nitong pumasok sa opisina ang asawa bago siya papuntahin sa master's bedroom. Pagpasok pa lang niya sa silid ay agad na dumapo sa kanyang braso ang isang sinturon. Pinadapa siya sa kama at hindi pa ito nakuntento, ibinaba nito ang kanyang suot na pantalon at pulang brief sabay hampas ng sinturon sa kanyang pang-upo.
Sa kanyang edad na disi-sais, hindi lang ang katawan niya ang sinaktan nito, kundi, pati na rin ang kanyang buong pagkatao. Tiniis niya lang ang kahihiyan dahil hindi niya naman maiwan si Nanay Tina. Kung hindi dahil kay Nanay Tina, malamang matagal na siyang patay. Hinding-hindi niya makakalimutan ang pagtalikod ng Nanay Carlota niya noong gabing iyon.
"Juan, may problema ba?"
"Wala naman Taling, naalala ko lang ang aking ina. Umalis ka na, baka hinahanap ka na ng Mommy mo,” sabi niya at itinaboy ang batang babae. Gusto niyang makapag-isa. Tuwing naalala ang ina, bigla na lang siyang nalulungkot. Iniisip rin kaya siya ng kanyang ina? Hinanap ba siya? Nasaan na kaya ito?
"Natalie nga,” nagreklamo siya.
"Sanay na nga ako sa 'Taling, mahirap bang intindihin iyon? Kung ayaw mong tawagin kitang Taling, mabuti pa ay umalis ka na at bumalik sa loob!" Kunwari ay pinagalitan niya ang babae ngunit hindi naman talaga siya galit. Sadyang makulit lang paminsan-minsan si Natalie.
"I hate you, Juan!"
Nagsisisi siya kung bakit niya tinaasan ng boses si Natalie. Gusto niya sanang habulin ang tumatakbong babae pero kailangan pa niyang tapusin ang kanyang trabaho. Napailing na lamang siya habang sinundan ng tingin ang heredera ni Sebastian Covarrubias. Kanina, muntik ng lumundag ang kanyang puso nang biglang sumulpot si Natalie na sobrang cute sa suot nitong purple na damit at nakatirintas na damit.
"Huwag mo na lang intindihin si Natalie, iho."
"Mr. Covarrubias!" Yumuko si Juan bilang pagbati sa kanyang amo nang lumapit ito sa kanya.
"Hmmm, Juan, hindi mo pa rin ba ako tatawaging ama?"
Inignora lang ni Juan ang tanong ni Mr. Covarrubias dahil hindi siya naniniwala na magkadugo sila. Imposible! At isa pa, hindi sila magkamukha. Napakalayo ang agwat ng kanilang hitsura. Hindi niya ito maintindihan kung bakit inisip ng kanyang amo na magkadugo sila.
"Oh, there you are Darling. Kanina pa kita hinanap, dito lang pala kita matatagpuan." Bago niyakap ang asawa, tiningnan niya muna ng masama si Juan at sana'y makuha ito sa tingin. Hindi pa ba ito nagtanda? O baka naman, gusto nitong masaktan ulit!
Hindi nakaligtas sa kanyang matalas na mata ang tingin na ibinigay ng kanyang asawa kay Juan. "Ano ang sadya mo, Maria? Nag-uusap pa kami ni Juan." Nitong huli lang niya nalaman kung hanggang saan ang kayang gawin ni Maria upang masigurado na ligtas ang mamanahin nito at ni Natalie.
"Wala naman, mahal ko. Nami-miss lang talaga kita," sabi ni Maria.
"Talaga? Ang sweet mo naman. Bueno Juan, maiiwan na kita. Basta gawin mo ng maayos ang trabaho mo para hindi na kita mapapagalitan." Yes, he lied, but that was the only way to stop Maria from hurting his son. Hangga't hindi pa niya nasisigurado ang kaligtasan ng kanyang mag-ina, kailangan niyang mag-ingat sa pakikitungo kay Maria at Juan mismo.
"Opo," tumango na lang si Juan sa sinabi ni Mr. Covarrubias. Sa tingin niya, ginagawa lang siyang pampalipas oras ng mag-asawa. Ganun ba talaga ang mga mayayaman? Laruan lang ang tingin sa mga katulad niyang mahihirap. Pagtalikod ng mag-asawa, muling ibinalik ni Juan ang kanyang atensyon sa ginawa.
Sa tuwing nag-iisa siya, lagi niyang naaalala ang kanyang ina. Nagtatanong ang kanyang puso kung buhay pa kaya ito? Tahimik siyang nanalangin na sana, kung nasaan man ang kanyang Mama ay nasa maayos itong kalagayan at masaya. Hindi niya ito mapapatawad kung naging miserable lang din ang buhay nito pagkatapos siyang iwanan sa kamay ni Carlota.
Sinubukan niyang kalimutan ang ina pero hindi niya ito magawa. Laging bumabalik sa kanyang alala na kahit mahirap sila noon, naging masaya naman silang dalawa kahit papaano. Tuwing linggo, maaga pa lang ay gising na sila dahil ala-sais ang unang mesa. Pagkatapos nilang maligo, iinom lang ng kape o milo, saka aalis ng bahay patungong simbahan. Pagkatapos ng misa, tutuloy sila sa suki nilang karinderya na masarap ang tinolang isda at inihaw na baboy. Kahit hindi kalakihan ang kita nito sa paglalabada, sinigurado ng kanyang ina na may oras at pera silang pang-bonding kapag linggo.
Noong sinabi ni Carlota na iniwan siya ng kanyang ina at sumama ito sa ibang lalaki, hindi kaagad siya naniwala at nagsinungaling lang ang salbahi nilang kapitbahay. Bawat pag-iyak niya tuwing nami-miss ang ina, palo ang inabot niya kay Carlota. Unti-unti, nagawa niyang huwag isipin palagi ang kanyang ina at sumunod na lang sa kagustuhan ng taong kumupkop sa kanya.
Pagkatapos niya sa lahat ng gawain, tumuloy si Juan sa kainan ng mga katulong. Nang dumating siya, naroon na ang lahat at siya na lang ang hinintay upang makapagsimula na silang kumain. Si Nanay Tina ang umastang lider sa lahat ng mga trabahante at pangunahin nitong bilin na dapat sabay-sabay silang kakain para masaya.
“Hay salamat, narito na si Juan at sa wakas ay makakain na tayo." Naunang tumayo si Eko upang maghugas ng kamay at sumunod na rin ang iba pa.
"Pasensya ka na, Kuya. Kinausap pa kasi ako ni Mr. Covarrubias," sabi niya kay Eko na itinuring niyang nakakatandang kapatid.
"Na naman? Napansin kong panay ang paglapit ng amo natin sa iyo, Juan. Mag-ingat ka. Kilala mo naman ang asawa niya, napaka-selosa. Kahit lalaki ay pinagseselosan," paalala ni Eko kay Juan.
"Mamaya na kayo magkwentuhan," pinutol ni Tina ang pag-uusap ng dalawang binatilyo upang makakain na silang lahat. Alam niyang pagod ang ilan at gusto nang magpahinga. Matagal na siya sa pamamahay ng mga Covarrubias. Bago siya nagiging mayordoma, naging yaya siya ni Basti noon. Mabait at mabuting tao ang kanyang alaga kaya nanghinayang siya nang bigla itong nagpakasal kay Maria. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin naintindihan kung bakit bigla nitong itinakwil si Sabrina at nagpakasal kay Maria.
"Nay Tina, may kilala po kayong Abby?" Biglang naalala ni Juan ang pangalangang binanggit sa kanya ni Mr. Covarrubias kanina.
Hindi kaagad nakasagot si Tina sa itinanong ni Juan sa kanya dahil isa lang ang Abby na kilala niya. Abby ang palayaw ni Basti kay Sabrina dahil mas madali daw itong bigkasin. "Bakit? Kanino mo narinig ang pangalan na 'yan?"
Napansin ni Juan ang kakaibang reaksyon ni Nanay Tina sa pangalan na kanyang binanggit. Sino kaya si Abby? At bakit tuwing binabanggit ni Mr. Covarrubias ang pangalan nito ay para itong nalulungkot. "Hindi ko matandaan, basta narinig ko lang siya."
"Ah, baka artista sa Annaliza, Juan."
"Oo nga naman," giit din ni Eko.
Nakahinga ng maluwag si Tina sa sinabi ni Eko kay Juan. Tanging siya lamang ay may alam tungkol sa tunay na relasyon ni Basti at Abby. "Juan, puntahan mo ako sa aking silid bago ka matulog."
"Opo, Nay Tina." Pagkatapos nilang kumain ay nakaugalian na manonood ng teleserye bago matulog pero dahil pinapunta siya ni Nanay Tina sa silid nito, nagpaalam siya sa mga kasamahan na hindi na muna siya manonood.Pagdating niya sa tapat ng silid ni Nanay Tina, kumatok siya ng tatlong beses bago nito binuksan ang pintuan.
"Halika Juan." Nang makapasok ang binata, isinara ni Tina ang pintuan at binuksan ang maliit na radyo. "Sabihin mo sa akin kung saan mo narinig ang pangalang Abby."
"Kay Mr. Covarrubias po, Nay Tina."
Kung ganun ay tama ang kanyang hinala kanina. Akala niya ay tuluyan nang kinalimutan ni Basti si Sabrina dahil hindi na niya muling narinig pa na binanggit nito ang pangalan ng unang asawa. "Talaga bang binanggit niya ang pangalang Abby o baka pinaglaruan ka lang ng iyong pandinig,” sabi niya kay Juan upang makasigurado.
"Totoo po talaga ang sinabi ko Nay," giit ni Juan.
"Halika, may ipapakita ako sayo." Alam niyang mapagkakatiwalaan niya si Juan. Kaya nitong itago ang isang lihim na pwedeng sumira sa buhay ng isang inosenteng bata. Kinuha niya ang isang bibliya at binuksan. "Tingnan mo," sabi niya nang malantad sa kanilang harapan ang larawan ng isang babae.
"Ma-ma," mahina niyang sabi nang makilala ang babaeng nasa larawan.