THIRD PERSON POV
Sa loob ng isang munting kabahayan ay nakayakap ang batang si George sa baywang ng kanyang amang si Alfredo. Nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata.
Pilit niyang pinapahinto ito sa ginagawang sunud-sunod na pagpapatama ng kanang paa nito sa katawan ng isang lalaking nakalupagi na sa sahig.
George: Dad! Tama na po! Nasasaktan na po siya!
Marahas siyang nilingon ng kanyang ama at sa mga mata nito ay ang isang emosyong hindi mapangalanan ng kanyang murang edad.
Alfredo: Bitiwan mo ako, George, kung ayaw mong pati ikaw ay saktan ko! Bakit ka bumaba ng van? Hindi ba ang sabi ko ay doon ka lang? Bumalik ka roon!
Nakaramdam ng takot si George nang makitang namumula ang mukha ng kanyang ama at marinig ang mataas na tono ng boses nito.
Bahagyang lumuwang ang pagkakakapit ng kanyang mga bisig sa baywang nito.
Napapiksi siya nang muling bumaling sa lalaking nasa sahig ang atensyon ng kanyang ama at patamaan ng paa nito ang katawan ng lalaki.
Nanlalabo na ang paningin ni George dahil sa mga luhang nagbabadyang umalpas mula sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang lalaking namimilipit na sa sakit.
Alfredo: Kulang pa itong kabayaran sa mga ginawa mo sa aking hayop ka! Papatayin kita! Papatayin ko kayo ng pamilya mo!
Tumuon ang kanyang atensyon sa mukha ng kanyang ama at sa kabila ng nanlalabong paningin ay nakita niya ang nanlalaki nitong mga mata habang nakatitig sa nakalupaging lalaki sa sahig.
Lalaki: T-tama na po, Don Alfredo. N-nagmamakaawa po ako. H-huwag ang pamilya ko.
Pakiramdam ni George ay unti-unting naninikip ang kanyang dibdib habang naririnig ang pagsusumamong iyon ng lalaki sa kanyang ama.
Patuloy pa ring tumatama sa katawan nito ang pwersang nagmumula sa paa ng kanyang ama.
Nang yumuko siya at makitang halos hindi na gumagalaw ang matandang lalaki ay tuluyan nang bumulwak ang mga luha mula sa mga mata ni George. Awang-awa siya sa nakikitang paghihirap ng matandang lalaki.
George: Dad, tama na po! Tama na!
Muling humigpit ang pagkakayakap niya sa baywang ng kanyang ama ngunit parang walang naririnig ito at patuloy lamang sa pananakit sa lalaking nasa harapan nito.
Alfredo: Cardo, ibalik mo sa loob ng van si George! Dalian mo!
Sa utos na iyon ng kanyang ama sa tauhan nito ay naramdaman ni George ang pagpalibot ng isang kamay sa kanyang kanang braso.
Malakas na hinatak ng kamay ni Cardo ang kanyang bisig palayo sa katawan ng kanyang ama. Napabitiw siya mula sa pagkakayakap sa baywang ng kanyang ama.
George: Huwag, Kuya Cardo! Bitiwan niyo po ako!
Sinubukang magpumiglas ni George ngunit naramdaman na lamang niya na hawak na rin ng isang kamay ni Cardo ang kanyang kaliwang bisig.
Cardo: Pasensya na, Sir George. Hindi ko po gustong gawin ito sa inyo.
Habang hinahatak siya ng tauhan ng kanyang ama palabas ng maliit na bahay na iyon ay hindi pa rin tumigil sa pagpupumiglas ang lumuluhang si George.
Naririnig pa rin niya ang pagmamakaawa ng matandang lalaki at ang galit na tinig ng boses ng kanyang ama.
Bahagyang tumigil ang kanyang pagpupumiglas nang wala sa loob na umikot ang kanyang paningin sa loob ng barung-barong na bahay.
Nakita ni George na umiiyak sa isang sulok ang isang ginang habang nakayakap sa isang batang babae na sa tingin niya ay anak nito.
Napansin niyang nakatingin sa kanya ang batang babae. Sa mga lumuluhang mata nito ay para itong nanghihingi ng tulong.
May kung anong humaplos sa kanyang puso nang makita ang nagmamakaawang mukha ng batang babae. Umiiyak ito kasabay ng pagmamakaawa sa mga inosenteng mata nito.
Parang gustong niyang yakapin ang batang babae at sabihin ditong magiging maayos ang lahat.
Ngunit sa batang isipan ni George ay alam niyang wala siyang kakayahan para patigilin ang kanyang ama sa ginagawa nito.
Hanggang sa tuluyan na siyang nahatak ni Cardo palabas ng maliit na bahay na iyon ay patuloy pa rin ang pagpupumilit ni George na makatakas mula sa mahigpit na pagkakahawak sa kanya ng tauhan ng ama.
Pagkapasok niya sa loob ng kanilang van ay hindi pa rin tumitigil ang kanyang pagluha.
Nakaramdam siya ng labis na panginginig dahil sa takot sa kung ano ang maaaring gawin ng kanyang ama sa matandang lalaki at pamilya nito.
Nang tuluyan na siyang bitiwan ni Cardo ay wala sa loob na yumakap sa sarili niyang katawan ang dalawa niyang bisig. Yumuko siya at tahimik na nanalangin.
Umaasa siyang walang masamang mangyari sa mga taong nasa loob ng bahay na iyon sa mga kamay ng kanyang ama.
Ilang minuto pa ang lumipas at habang nakayuko siyang umuusal ng panalangin ay isang malakas na nakagigimbal na tunog ang kanyang narinig mula sa loob ng maliit na bahay.
Isang tunog na halos magpawala ng kanyang ulirat.
Sa puntong iyon ay sunud-sunod na ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata patungo sa kanyang magkabilang pisngi.
Nasasaktan ang batang puso ni George.
----------