1. Delka Linar
NASA GRADE 2 si Daniel nang una siyang makabuo ng kuwento. Iyung kuwento na sa palagay niya noon,
kapani-paniwala. Hindi na niya maalala kung kailan talaga niya unang-unang sinabi at kung sinosino ang unang nakarinig. Basta’t nasa grade two siya nang kumalat sa kanilang magkakaklase na
may kaibigan siyang duwende. Nakatira rin sa lumang bahay ng Lola Bining niya.
Noong una, ayaw maniwala ng mga kaklase niya, lalo na iyung matatangkad at matataba na madalas mang-agaw ng baon ng maliliit at payat. Kabilang si Daniel noon sa maliliit at payat. “Wala
namang duwende,” igigiit ng mga ito sa kaniya.
Pero hindi sila pinakikinggan ni Daniel. Marunong makiramdam si Daniel. Ang totoo, mas matalas ang pakiramdam ni Daniel noong bata pa siya. Nababasa niya sa mga mata ng mga nagsasabing walang
duwende na gusto rin naman talagang mapatunayan ng mga ito na may duwende nga.
Kaya tuloy lang siya sa paglalarawan sa damit ng kaibigan niyang duwende. Makintab na makintab na puti. Ang alam lang kasi niya noon, basta may duwendeng puti at duwendeng itim. Dahil napapanood
niya sa Ora Encantada na ’yung duwendeng puti ang mabait, kaya ’yun dapat ang kaibigan niya. Patusok ang pagkaputi-puti ring sombrero na mahabang-mahaba, mas mataas pa kaysa sa duwende
mismo. At walang sapin sa paa ang duwende! ito ang binago niya sa mga larawan ng duwende na napapanood niya. Unti-unti, natuklasan niya noon na hindi puwedeng ulitin lang niya ang lahat ng detalye
na alam na rin ng mga kaklase niya. Nanonood din kasi siyempre ng TV ang mga ito. Kailangang magdagdag siya ng iba, para maging mas kapanipaniwala. At iyung paang walang sapin, puting-puti talaga.
At kapag tumutuntong sa lupa o sa damo, nagiging puti rin ang niyayapakan nito. Bumabalik lang sa dating kulay oras na iangat na ng duwende ang paa para ihakbang.
“Ano ngang pangalan?” tanong ni Michael, ’yung kaklase n’ya na laging napapagalitan ni Miss Luciano dahil madalas na hindi purong puti ang t-shirt na pang-ilalim sa
school uniform. Kabilang si Michael sa pangkat ng matatangkad, pero hindi ito mataba. Kaya naiinis si Daniel dito noong una. Nasisira kasi kay Michael ang pagpapangkat niya sa mga kaklase sa isip
niya.
“Wala,” isasagot na lang ni Daniel, habang ang totoo’y nag-iisip siya ng magandang pangalan. Iyung kakaiba dapat. Iyung hindi pa naririnig ng mga kaklase niya. Pero wala talaga
siyang maisip.
“E, bakit wala? Paano s’ya tinatawag ng mga kasamahan n’yang d’wende?” nakangisi nang tanong nung pinakamalaki, pinakamatangkad at matabang-mataba sa klase nila
kaya laging sergeant at arms kahit ito ang madalas na pagmulan ng away. Naisip ni Daniel, mukhang-mukha talagang kontrabida. Ilang taon pa’t patataubin si Max Alvarado.
“Meron,” humina nang bahagya ang boses ni Daniel na para bang may lihim na ibubunyag. “Pero hindi ko puwedeng sabihin.” Lalong sumiksik palapit sa kaniya ang ulo ng mga
kaklase. “Hindi na siya magpapakita ulit kapag sinabi ko iyon,” bulong pa ni Daniel.
Dahil sa sikretong iyon, lalo siyang araw-araw na dinumog ng mga kaklase. Natuklasan niya na hindi rin dapat sinasabi lahat, pakaunti-kaunti lang, para may binabalikan ang mga nakikinig. Hindi
pa niya kilala noon si Scheherazade, pero nabasa na niya sa komiks ang kuwento ni Aladdin. Sa komiks n’ya rin siguro natutuhan ang bisa ng pambibitin sa pagkukuwento. Laging itutuloy, para
subaybayan.
Kahit hindi siya ang pinakamatalino sa klase, o ang pinaka-”kyut” ayon sa pamantayan ni Miss Luciano, naging bida rin siya noon. Pinakikinggan siya kahit ng matatangkad at matataba.
May naiinis din, siyempre. Kaya naging halos bodyguard niya si Michael noon. Tagapagtanggol. Mas naiinis pa ito kapag may hindi makumbinsi sa mga kuwento niya. Noon sila nagsimulang magkalapit.
Dahil sa kaniya kaya naging malapit din si Michael kay Erik, na kababata naman niya at kasamang lumaki sa Atisan. Pagdating ng grade 4, iisa na ang section nilang tatlo.
HINDI NA RIN maalala ni Daniel kung paanong basta na lang nawala ang interes ng mga kaklase niya tungkol sa kaibigan niyang duwende. Kapag
recess, nakikita niyang mas masaya nang naghahabulan ang mga ito. Sikyo. Langit-lupa. Saksak-puso. Minsan, nakikisali siya, at sa tuwing libang na libang siya sa pagtakbo para hindi mataya madalas
nga’y nakayapak pa sila kaya madalas silang mapagalitan ni Miss Luciano dahil nanlilimahid silang bumabalik sa classroom nalilimot din niya ang tungkol sa kaibigan niyang duwende. Pero
paminsan-minsan lang iyon. Mas madalas na mag-isa lang siya, nakaupo sa pinakataas ng bleacher sa soccer field nila, nakatingin sa mga naghahabulan niyang kaklase, habang bumubuo ng kuwento sa
isip. Hindi gaya ng babae sa sinaunang kuwento ng mga Arabo, hindi nakataya ang buhay niya rito, kaya siguro hindi rin siya tatagal ng sanlibo’t isang gabi sa pag-iisip ng mga bagong
kuwento.
Isang araw, basta na lang niya naisip na sabihin na sa mga kaklase niya ang pangalan ng kaibigan niya. Wala na siyang maisip na ibang paraan para maengganyo muli ang mga ito na makinig sa
kaniya.
“Delka Linar,” sabi niya sa ilang lumapit matapos niyang ibalita ang pagtatapat. Nabigla pa siya, dahil hindi niya inasahan na pagkatapos ng lahat, bibitiwan niya iyon nang walang
kasere-seremonya. Lunch break noon, at marami sa mga kaklase niya ang umuuwi para sa bahay mananghalian. Kaunti lang ang nakarinig. Kumalat na lang iyon sa klase nang magsipasok na sila sa
hapon.
Pagkadismaya ang nakita niya sa mukha ng mga kaklase. Para bang mayroon silang inasahang pangalan at hindi iyon ang sinabi niya. Ang totoo, pinagbali-baligtad lang niya ang mga letra sa buo
niyang pangalan. Karl Daniel. Ang tagal niyang pinag-isipan iyon nang sinundang gabi. Kahit nang bago siya matulog, isinulat pa niya iyon sa notebook niya sa GMRC para masiguradong hindi niya
malilimutan kinabukasan.
Nang mag-uwian sila kinahapunan, halos wala nang bumabanggit kay Delka Linar. Kani-kaniya na muling umpukan ang mga kaklase niya para ipagpatuloy ng mga ito ang pagteteks. O pag-uusap tungkol sa
ipapalabas pa lang na episode ng Bioman at Shaider pagdating ng Sabado.
Noon unang nakadama ng lungkot si Daniel na may kinalaman sa pagkukuwento. Pakiramdam niya, totoong may kaibigan siya na hindi na magpapakita sa kaniya.
Siyempre, walang kaide-ideya noon si Daniel na totoong may Delka Linar, at darating ang araw na magpapakita ito sa kaniya.