9. Banahaw APAT NGA SILANG umakyat sa Banahaw: si Daniel, si Glen, si Michael, si Erik. Kahit hindi nga sila lamang ang umakyat noon sa bundok. Hindi ko maisip, naisip ni Daniel, na maaaring may iba pa kaming maaaring makasama. Ilang araw lang at lilipad na papuntang Canada sina Glen. Si Daniel, paluwas ng Maynila. Sina Michael at Erik, maiiwan sa San Pablo. Noong bata kami, maiisip ni Daniel, kami pa lang ni Erik ang magkakilala noon, madalas na naming marinig kung gaano ka-mistikal ang Bundok na iyon na mula sa baryo’y tanaw na tanaw namin ang hugis at tikas sa malayo. Kapag may ipinaguguhit sa mga klase namin sa Art noong Kinder kami at kami pa nga lang ni Erik ang magkaklase sa isang pribadong iskul sa baryo noong hindi pa uso ang nursery schools, basta’t pinagdrowing kami ng kal

